Napasinghap ako nang pinaharap ako nito sa kaniya at akmang kakawala na ako mula sa mahigpit na pagkakahawak niya nang matigilan.
"Ikaw?" bulong ko bago napabuga ng malalim na hininga. Akala ko kung sino na.
Hindi siya sumagot sa halip ay hinatak niya ako palabas sa masikip na iskinita. Tumigil lamang kami nang makarating sa sasakyan niya. May pinindot siya dahilan upang tumunog at umilaw ito. Agad akong sumakay nang buksan niya ang pinto ng kotse.
Tahimik lamang kami sa kotse. Tanging paghinga lang namin ang maririnig sa loob. Nakasandal ang ulo ko sa bintana habang tahimik na nakatanaw sa labas ng bintana nang may nadaanan kaming bukas na fast food chain. Napaayos ako ng upo. Napagtanto ko na hindi pa pala ako kumain simula kaninang tanghali. Napalunok ako at napahawak sa tiyan. Ramdam ko rin ang pagkulo ng tiyan ko dahil sa kagutuman. Hindi ko alam kung naririnig din ba ni Bryson ang tunog ng tiyan ko. Sa sobrang tahimik ay imposibleng hindi niya marinig o baka naman naririnig niya pero ipinagsawalang-bahala niya na lang at hindi na nagtanong pa. Napapikit ako nang mariin nang tumunog ulit ang tiyan ko. Malakas iyon at paniguradong maririnig niya talaga. Nakita ko ang paghigpit ng hawak niya sa manibela.
Tumikhim ako para alisin ang bara sa lalamunan ko. Ramdam ko rin ang pag-iinit ng pisngi ko sa hiya. Itinuon ko na lang ang paningin sa harap at nanalangin sa isip na sana makarating na kami kaagad sa apartment.
Napatingin ako sa kaniya nang tinigil niya ang sasakyan sa isang sikat na fastfood chain sa Pilipinas. Akmang magtatanong na sana ako nang ibaba niya ang bintana ng kotse at umorder sa drive thru.
"What do you want?" baling na tanong niya sa akin. Napaawang ang labi ko bago napalunok.
"Uhm Huwag na. Sa apartment na lang ako kakain," tugon ko bago nag-iwas ng tingin.
Hindi na siya nagsalita pa. Iniabot ko ang cellphone nang tumunog iyo. Tiningnan ko ang caller at agad na sinagot ang tawag nang makitang si Mama ang tumatawag.
"Hello, Genesis?" bungad sa akin ni Mama mula sa kabilang linya.
"Ma? Kumusta, bakit ho kayo napatawag?"
Narinig ko ang pagbuga niya ng malalim na hininga. "Genesis, ang kuya Jerome mo nasa hospital. Na hit and run. Hindi matukoy kung sino ang may gawa dahil pinaiimbestigahan pa ang nangyari. Hindi ko na alam ang gagawin ko. May anak si Jerome, paano na ang asawa at anak niya?" namomoblemang usal ni mama. Rinig ko ang pagod at stress sa boses niya. Mariin akong napapikit at napahigpit ang kapit ko sa cellphone na hawak.
"Anong pong nangyari kay Kuya Jerome? Ayos lang po ba siya?"
"'Yon na nga eh.. Napabalian siya ng buto sa paa. Hindi siya makalakad at kailangang operahan. Nagising na siya kanina pero hindi siya umiimik." Narinig ko ang pagsinghot ni mama sa kabilang linya animo'y pinipigilang kumawala ang hikbi sa kanyang bibig. Nag-init ang sulok ng mata ko. Alam ko kung gaano kami kamahal ni mama, simula pagkabata siya na ang tumataguyod at sumusuporta sa amin. Simula nang iwan kami ni Papa, siya na ang tumayong nanay at tatay namin. Sa amin niya binuhos ang pagmamahal at pangungulila niya para kay Papa.
Kaya ganoon na lang kasakit pa sa akin ang malamang naghihirap at nagdurusa si mama habang nasa malayo ako. Ni hindi ko man lang mapagaan ang loob niya at mayakap siya.
"Gaano'n po ba? Huwag po kayong mag-alala, papadalhan ko po kayo ng pera pampaopera kay Kuya. Huwag na rin po kayong mag-abalang padalhan ako ng pera, itabi n'yo nalang po 'yan para sa operasyon ni Kuya. Huwag na po kayong umiyak, okay? Magiging ayos din ang lahat. Mahal na mahal ko kayo.." mahinang usal ko. Bumaling sa akin si Bryson at bakas ang pagtataka sa kaniyang mukha na hindi ko na lamang pinansin. Mukhang nagtataka siya sa pinag-uusapan namin ngunit wala sa kaniya ang atensyon ko.
"Anak, kaya ko pa naman-"
"Kung kaya mo po, mas kakayanin ko. Maghahanap po ako ng iba pang pagkakakitaan. Online selling or working. 'Yong pwede po sa estudyante na tulad ko. Pagkakasyahin ko na lang po yung oras ko para sa pag-aaral at pagtatrabaho. Tutulungan ko po kayo, Ma."
Sandali pa siyang natahimik at hindi kalaunan ay pumayag din. Nag-usap pa kami saglit bago nagpaalam na dahil bibili pa raw siya ng pagkain para kay kuya. Mabigat na napabuntong-hininga ako nang ibaba ang tawag. Nilingon ko si Bryson na abala sa pagtipa sa kanyang cellphone. Mukhang naramdaman niya na may nakatingin sa kaniya dahil umangat ang tingin niya sa akin. Tinaasan niya ako nang kilay na animo'y nagtatanong kung bakit ako nakatingin.
"What?" Malamig ang boses na tanong niya na siyang agad kong inilingan.
"Wala. Matagal pa ba 'yong pagkain? Gusto ko na sanang umuwi.." mahinang tugon ko.
Hanggang ngayon namomroblema pa rin ako kung saan kukuha ng pera. Iisipin ko pa lang na madadagdagan ang trabaho ko ay parang napapagod na ako. Sa school paper works at demo pa lang, stress na ako. Baka hindi na ako makatulog sa sobrang dami ng gagawin. Pero okay lang naman sa akin, alam ko naman ang responsibilidad ko sa pamilya at gusto ko rin namang makatulong. Handa akong gawin ang lahat para sa kanila. Kaya nga ako lumuwas dito para mag-aral at makapagtapos nang sa gayon ay mabigyan ko sila ng maayos at magandang buhay.
"Yeah. Just wait a seconds," tugon niya at may itinipa pa sa cellphone bago ito binitawan. Pinaandar niya na ang kotse papunta sa drive thru para kunin ang pagkain. Tulala lamang akong nakatingin habang inaabkt niya ang mga pagkain na inorder. Napakurap ako nang humarap siya sa akin at ibinigay ang isang supot ng pagkain.
"Here. Eat." Abot niya sa pagkain. Umawang ang bibig ko bago kumurap-kurap. Seryoso lamang niyang pinagmamasdan ang mukha ko. Hindi ko alam kung anong nasa isip niya ngayon. Hindi ko mabasa ang reaksyon ng kaniyang mga mata dahil sa pagiging blangko nito. Baka nga nilalait na ako nito sa isip niya o baka naman naweweirdohan na ito sa akin.
Tumikhim ako. "Salamat." Wala na akong magawa kundi tanggapin ang pagkain na ibinigay niya.
Tahimik lamang kami sa biyahe. Kumakain ako ng french fries at sundae habang nakamasid sa maiilaw na mga kalsada at building na nadadaanan namin. Lumingon ako kay Bryson. Kahit naka side view ang mukha niya ay malalaman mo na agad na guwapo siya. Mula sa gilid ay kita ko kung gaano katangos ang ilong niya, kung gaano kalalim ang mata niya, makapal din ang kilay niya at kahit madilim ay hindi mapagkakailang mapula ang labi niya. Nagulat ako nang tumaas ang sulok ng labi niya. Napakurap ako at muli iyong bumalik sa normal. Baka namamalikmata lang ako kanina. Umiling-iling ako. Kulang 'ata ako sa tulog.
"Why are you looking at me?" Muntik ko ng mabitawan ang hawak kong pagkain nang bigla siyang magsalita.
"Pwede ko bang buksan 'tong bintana?" paalam ko. Natahimik muna siya saglit bago tumango. Agad naman akong napangiti. "Salamat," masayang turan ko bago ibinaba ang bintana sa gilid.
Agad na sumalubong sa akin ang malamig at malakas na simoy ng hangin. Tinatangay nito ang buhok ko na siyang nakababa lang. Suminghap ako at napangiti nang maramdaman ang hangin na humahaplos sa akin mukha. Hindi ko alam na ganito pala kasaya at kasarap mag-road trip sa gabi. Itinatak ko sa isip na ang kapag nagkatrabaho na ako ay ang una kong bibilhin para sa sarili ay kotse nang sa gayon ay maranasan ko ulit ito at makapamasyal kung saan ko gustong pumunta.
Hindi ko namalayan na tumigil na pala ang sasakyan dahil sa pag-eenjoy ko sa hangin. Nakangiting bumaling ako kay Bryson at nagpasalamat. Akmang bababa na ako nang magsalita siya.
"Wait." Pigil niya dahilan upang mapalingon ulit ako sa kaniya.
"Bakit?" Kuryosong tanong ko.
Nakita kong humigpit ang hawak niya sa manibela bago ako walang emosyon na binalingan ng tingin.
"I heard what you and your mother talked about. I want to offer you something."
Mabilis na napabaling ako sa kaniya sa naging pahayag niya. Narinig niya ang pag-uusap namin ni mama kanina? Akala ko babalewalain na lang niya iyon? At anong offer ang tinutukoy niya?
"Anong offer?" tanong ko. Ramdam ko ang pamamasa ng palad ko sa nerbyos dahil sa matalim na pagtitig niya. Ilang minutong katahimikan ang namayani sa pagitan namin. Mukhang malalim ang iniisip niya at parang pinag-iisipan niya pa nang mabuti ang offer na iaalok sa akin. Ilang saglit pa ay nagsalita na rin siya.
"You will clean my house, do the laundry, washing dishes, cooking food, ironing clothes, and grocery shopping. In exchange, I will give you the amount of money you deserve."
Napakurap-kurap ako at tiningnan kung seryoso ba siya. Sa paraan ng pagsasabi at pagtingin niya, mukha naman siyang seryoso sa sinabi. Hindi ko nga lang alam kung totoo na ibibigay niya ang sweldo na kakailanganin ko lalo na't estudyante pa lang siya. Alam kong mayaman ang pamilya niya pero iba pa rin iyon dahil pera iyon ng magulang niya, baka sabihin ay ginamit ko ang pagiging close namin para makapasok sa trabaho. Kahit hindi naman kami gaano nag-uusap at hindi rin kami close sa isa't isa.
"Ang ibig mong sabihin-"
"Yeah. You'll be my maid. You will only serve for me, only me. You are not an ordinary maid who will serve everyone because you'll exclusively be my maid. Exclusive means only mine. I will be your only master, understood?" seryosong pahayag niya. Napalunok ako bago nag-iwas ng tingin dahil sa lalim ng tingin niya na animo'y hinuhukay ang buong pagkatao ko.
Hindi ko alam pero bumilis ang t***k ng puso ko. Kinakabahan ako sa magiging desisyon ko. Parang may kung anong mangyayari. Kinakabahan ako...