Isang linggo na ang nakalipas simula nang mangyari iyon. Sa isang linggo na iyon ay wala namang nagbago. Ganoon pa rin ang takbo ng buhay ko.
Gigising, kakain, papasok sa eskwela, magtatrabaho, uuwi, gagawa ng projects at matutulog. Minsan ay nakakasalubong ko si Bryson pero hindi naman kami nagpapansinan. Kahit sulyap man lang ay hindi niya magawa. Well okay na rin iyon dahil ayaw kong madamay sa magulong buhay niya. Kaya niya rin siguro ako hinatid noong gabing iyon dahil sa nasaksihan ko. Natatakot siguro siya na dumiretso ako sa presinto para magsumbong-na hindi ko naman binalak na gawin. Ayaw kong makialam lalo na't makapangyarihan at mayaman ang pamilya niya. Alam kong wala akong laban sa kanila. Isang pitik lang ng daliri nila ay makukuha na nila ang gusto nila. Baka imbes na ipakulong si Bryson ay ako ang masisi sa nangyari.
Nandito ako ngayon sa Restaurant kung saan ako nagpa-part time job. Abala ang lahat sa pag-aasikaso ng mga customer. Puspusan kasi dahil marami ang kumakain lalo na't pagabi na.
Nangangawit na rin ang kamay ko at namamanhid na ang mga paa ko kakaabot ng mga orders nila pero hindi ko naman magawang magpahinga dahil sa dami ng aasikasuhin.
"Ito na po ba lahat? May gusto pa po ba kayong idagdag, Ma'am?" magalang na tanong ko habang hawak ang notepad.
"Nothing."
"Sige po, just wait for 15 minutes para sa order ninyo. Salamat." Yumuko ako. Umalis na ako at dumiretso sa kusina kung saan abala ang lahat sa pagluluto.
Nakasalubong ko si Amie, isa rin sa mga waitress, na hindi magkauga-uga sa pagbitbit ng tray na may lamang maraming pagkain.
"Kailangan mo ng tulong?" salubong ko sa kaniya na siyang
inilingan naman niya.
"Huwag na, alam kong may ginagawa ka rin. Salamat na lang," tanggi niya kaya tumango na lamang ako at nagpatuloy sa paglalakad papunta sa kusina.
Inilapag ko na ang order sa table 7 bago nagpatuloy sa pagtatrabaho.
"Genesis, pakisuyo naman oh. Pakipunasan naman ng lamesa sa table 4. Salamat," sabi ni Loyda bago nagmamadaling tinalikuran ako at nagtungo sa kusina.
Agad ko naman sinunod ang utos niya. Habang nagliligpit ng pinagkainan ay napaangat ako nang tingin nang marinig ang singhapan ng mga tao. Direktang natuon ang paningin ko sa lalaking pumasok sa restaurant. Suot ang black shirt na pinatungan ng black leather jacket at jeans ay mas tumingkad ang kaniyang kulay kayumanggi na kulay ng balat dagdag pa ang kaniyang itsura at aura na dahilan upang pagkatinginan siya ng mga tao. Naka-all black outfit din siya na kung ikukumpara sa iba ay mukhang dadalo sa lamay pero sa kaniya ay nagmukha siyang model na may bad boy look. Kahit sino ay mapapalingon sa kaniya dahil sa kanyang taglay na kagwapuhan at pagiging misteryo.
Napadako ang tingin ko sa babaeng katabi niya na nakahawak sa braso niya. Suot ang hapit at manipis na bestida na bumagay sa kaniyang maganda at makurbang katawan. Mestiza at balingkinitan din ang katawan niya. Hanggang balikat lamang siya ng lalaki kahit na may suot na siyang high hills. Bilugang mukha, magagandang pares ng mata, maliit na ilong at mapupulang labi. Sa suot at mga gamit niya ay alam ko nang galing siya sa marangyang pamilya. Isa lang ang masasabi ko, bagay sila.
Napabuntong hininga ako bago lumingon sa katabi nito. Nagulat ako nang magtama ang paningin namin ni Bryson. Walang emosyon ang mata nito at direktang nakatitig sa akin na parang binabasa ang laman ng isip ko. Napaiwas ako ng tingin bago binalik ang atensyon sa paglilinis.
Nang matapos ay handa na sana akong umalis nang may dalawang pares ng sapatos ang namataan ko sa gilid ng aking mga mata. Kahit hindi ko makita ay alam ko na kung sino ang nagmamay-ari ng mga sapatos na iyon. Napalunok ako at ramdam ko ang pawis na namumuo sa noo ko dahil sa init ng tingin na binibigay niya sa akin.
"You're done?" malamig ang boses na tanong niya.
Tumango lamang ako at tumalikod na. Akmang hahakbang na ako para umalis nang matigil dahil sa matinis na tinig ng babae.
"Is that how you treat your customer?"
Nilingon ko ito. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa na animo'y sinusuri ang buong pagkatao ko bago tumigil ang kaniyang mata sa mukha ko.
"Tsk!" Padabog na umupo siya bago inilapag ang purse na hawak. Sumunod naman dito si Bryson na walang imik at mariin na nakatingin sa akin.
Bumaling sa akin ang babae.
"What are you waiting for?! Where's your menu? What a dumbest creature!" asik niya bago umirap.
Natauhan naman ako at agad na humingi ng paumanhin.
"S-sorry…" Ramdam ko ang tinginan ng tao mga tao dahil sa lakas ng boses niya.
Tumaas lamang ang kilay niya bago umirap sa akin. Iniabot ko ang menu sa kaniya na marahas naman niyang hinablot mula sa akin. Napayuko ako at hinintay ang sasabihin niya.
"Where's your notepad?" tanong niya. Nanlalaki naman ang mata ko bago dali-daling inilabas ang notepad sa suot ko na apron.
"Nag-waitress pa. Tatanga-tanga naman!" asik niya bago sinabi ang orders. Nanatili lamang akong nakayuko habang sinusulat ang order niya. Ramdam ko ang pag-iinit ng pisngi at mata ko dahil sa pagkapahiya. Unti-unting lumabo ang paningin ko dahil sa mga luhang nagbabadyang tumulo. Halos hindi ko na mabasa ang mga letra na sinusulat dahil sa panlalabo ng paningin ko.
"That's it," sabi ng babae matapos sabihin ang order. Tumango lamang ako habang nasa sahig ang paningin. Bago tumalikod ay sinilip ko si Bryson na madilim ang mukha na nakatingin sa artificial flower sa gitna ng lamesa. Nakita ko ang kamay niya na nakapatong sa lamesa na mariin na nakakuyom. Umiigting din ang panga niya at masama ang timpla ng mukha.
Tumalikod na ako bago dumiretso sa kusina para mapahanda ang order nila. Nang maibigay ang notes ng order nila ay nanatili lamang ako sa labas ng kusina at nakasandal sa pader. Nakayuko ako at mariin kong kinagat ang labi para pigilan ang hikbi. Patuloy na dumadaloy ang luha sa aking mga mata. Para akong nabibingi at ang tanging nadidinig ko lamang ay pang-iinsulto ng babae kanina. Paulit-ulit na tumatakbo sa isip ko ang sinabi nito. Ang tanging nais ko lamang gawin ngayon ay ang umuwi at magpahinga. Pinakalma ko ang sarili bago napagpasyahan na ihatid na ang order nila.
Naglalakad ako patungo sa pwesto nila. Nakita ko na seryosong nag-uusap sila. May sinabi ang babae na siyang nagpaangat ng gilid ng labi ni Bryson dahilan upang matigilan ako. Ngayon ko lang siya nakitang ngumiti. Mas lalo akong natigilan nang ilapit niya ang kaniyang bibig sa tainga nito at may binulong. Namula naman ang babae at humagikgik.
Nagpatuloy ako sa paglalakad bago huminto sa gilid ng lamesa nila. Tumikhim ako dahilan upang matigil sila sa paglalandian. Umayos ng upo si Bryson. Wala namang nagawa ang babae kun'di balingan ako ng tingin.
"Here's your order, Ma'am, Sir," sabi ko bago inilapag ang mga pagkain sa lamesa.
Akmang aalis na ako nang pigilan ako ng babae.
"Wait."
Humarap ako. Isinuri niya ang mga pagkaing inihain ko bago matalim na tiningnan ako.
"This is not the one I ordered. Tanga ka ba?! O bingi? Malinaw naman na sinabi kong spaghetti with tomatoes 'di ba? Not garlic!
Ano ba! Umayos ka naman," sigaw niya bago padabog na binitawan ang tinidor.
Agad kong tiningnan ang pagkain na nasa lamesa at nakita na garlic nga ang nakalagay sa spaghetti.
"P-pasensya na po, papalitan-" Hindi ko na natuloy ang sasabihin nang magsalita ulit siya.
"Ang sabihin mo, tanga ka lang talaga! At papalitan? No. You're just wasting our time!" Tumayo na siya at binalingan ng tingin ang lalaki na walang pakialam at bored na nakasandal sa upuan. "Bry, let's go," aya niya sa lalaki.
"Let's stay here. Just let her change your food. I'm tired.." paos ang boses na usal ni Bryson bago ako binalingan ng tingin. "Make it faster," utos niya. Natulos ako sa kinatatayuan bago dali-daling tumango at tumalikod na.
Dumiretso ako sa kusina at ipinaalam ang nangyari. Agad naman itong pinalitan ni Chef Clyde at humingi ng pasensya sa nangyari. Mali raw kasi ang nabasa niya sa nakasulat sa notepad ko dahil na rin siguro sa dami ng order kaya pati siya ay nalito na rin. Magpapaliwanag pa sana siya sa customer pero tumanggi na ako at sinabing ayos lang.
"Pasensya talaga. Huwag kang mag-alala, babawi ako next time," aniya bago ibinigay sa akin ang bagong lutong pasta.
Ngumiti ako bago marahang umiling. "Okay lang. Hindi mo na kailangang bumawi. Wala lang sa akin 'yon. Ano ka ba."
"Ah basta babawi ako. Sorry ulit, mukhang napagalitan ka pa dahil sa akin." Tinapik nito ang balikat ko dahilan upang mapakislot ako. Ngumiti lamang ako at nagpaalam na na ihahatid ang order. Maayos ko naman itong naihatid at wala ng anumang nakuhang reklamo sa babae na siyang ipinagpasalamat ko.
"Aalis ka na? Gusto mong ihatid na kita?" alok sa akin ni Chef Clyde nang maabutan ako sa labas ng Restaurant. Malapit nang mag-alas dose at wala ng masiyadong tao. Uwian na rin namin.
Umiling ako. "Huwag na po, malapit lang naman ang apartment ko. Magcocommute na lang ako," tanggi ko kahit na ang totoo ay maglalakad lang ako papunta sa apartment ko. Ayaw ko namang magpahatid dahil kahit magkatrabaho kami ay hindi ko pa rin siya lubos na kilala.
"Sure ka? Mukhang wala ng masyadong sasakyan ang dumadaan. Hating gabi na. Sabay ka na sa 'kin."
Ngumiti lamang ako at tumanggi ulit. Wala siyang magawa nang makitang hindi niya ako mapipilit kaya nagpaalam na siya at naunang umalis. Naglalakad ako sa tabi ng kalsada nang may huminto na sasakyan sa tabi ko dahilan upang bumilis ang t***k ng puso ko. Binilisan ko ang lakad ngunit nanatili pa rin itong nakasunod sa akin. Nang hindi makayanan ay tumakbo na ako. Mas binilisan ko ang takbo at lumiko sa eskinita upang iligaw ang kung sino mang sumusunod sa akin. Nakahinga lamang ako nang maluwag nang makitang wala na ang sumusunod sa akin.
Akmang maglalakad na ako nang may pumigil sa braso ko dahilan upang tumigil ang paghinga ko at nanlalaki ang mga mata ko.