KUNG SA KARANIWANG pagkakataon ay ibang lugar ang pupuntahan ni Claudio. He would play golf—kung saan hindi naman siya nag-e-enjoy sa mismong laro. Iyon ang mabisang paraan upang makakilala ng kliyente o dili naman kaya ay potensyal na business partner. At kapag talagang nababagot siyang maglaro ng golf ay tumatambay na lang siya sa mga country club. Marami din naman doon na kagaya niya ay hindi golf o iba pang laro ang talagang puntirya kundi ang mapalawak ang network sa negosyo.
He missed his true friends. Sa paglipas ng mga panahon ay nanatiling ang mga nakasama niya sa LCA ang kanyang tunay na kaibigan. Subalit pare-pareho na silang abala ngayon sa iba’t iba nilang buhay. Para magkita silang lahat ay espesyal na araw o dili naman kaya ay birthday ng sinuman sa kanila.
Kung tutuusin ay nakabuti nang naging asawa ni Joaquin si Trina. Mahilig mag-organize ng party si Trina kaya nitong mga huling buwan ay dumadalas na rin silang magkita-kita. Madaling umisip ng okasyon si Trina upang magkasama-sama sila.
At naisip ni Claudio, mga ilang taon pa mula ngayon ay magiging magulo na ang pagkikita-kita nilang magkakaibigan. Kung noon ay bachelor’s party palagi ang drama nila, baka maging family reunion na sa mga susunod pa.
Hindi lang si Joaquin ang nag-asawa na. Si Nate man ay kakakasal lang at mayroon pa itong instant baby girl. He was very much in love with Hannah at wala isa man sa kanila ang kumuwestiyon kung bakit si Hannah na may anak na ang inibig nito. They were all happy for Nate.
At si Pedro man ay “nasilo” na ng isang babae sa katauhan ni Sari. Good for him. Sa kanilang anim, si Pedro na ang tila kandidato sa pagiging matandang binata. Pero hindi pala.
Napangiti siya. Tatlo na sa kanila ang nahuhulog sa bangin. Biruan na nila noon na parang pagtalon sa bangin ang pagpapamilya. Malaking responsibilidad. Alam nila dahil sila mismo noon ay naging biktima. Lahat sila, sa ilang panahon ng buhay nila ay sa ampunan namalagi dahil sa iba’t ibang kuwento ng kanilang buhay.
Sa sarili niya ay hindi naman sarado ang kanyang pintuan sa ganoong bagay. Gusto din niyang magkaroon ng sarili niyang pamilya. Gusto niyang bumuo ng isang masaya at matatag na pamilya. Pero alam din niyang hindi basta sinusuong iyon.
Pero ibang kaso na ngayon dahil sa huling habilin ni Tito Carling.
Nasa Hermosa siya ngayon, ang lupang kanugnog nga batis. Ang service jeep ni Marjorie ang hiniram niya upang puntahan ang lugar na iyon. Kung hindi dahil sa testamento, hindi niya maiisip ang lugar na iyon. Pero ngayong binalikan niya, tila hindi na kasing-simple lang ng pagtingin niya noon ang tingin niya ngayon sa paligid.
Sa aminin man niya o hindi, naapektuhan siya ng sentimyento ni Tito Carling. Na-appreciate niya ang payak na paligid. Wala namang espesyal sa lupang iyon. Hindi iyon tila resort sa ganda. Natural ang lahat doon. Kahit ang kubong itinayo doon ay hindi ubod ng ganda. Tila damara lamang iyon na mayroong kayawang bangko sa paligid.
Sinulyapan niya ang matandang puno ng sampalok. Malalabay ang sanga niyon na nagbibigay ng malaking lilim sa paligid. Napangiti siya nang mapatingin sa bahaging inukitan ni Tito Carling ng pangalan nito at ng asawa. Natatandaan pa niya noon na hindi nakakalimutang ipagmagaling ni Tito Carling ang ukit na iyon sa ilang beses na pagpasyal nila doon. Corny siguro sa kasalukuyang henerasyon pero hindi matatawaran nag kaligayahang mababasa sa mukha ni Tito Carling sa tuwing ipagmamalaki ang ukit na iyon.
At naisip ni Claudio, kung sa kanya ay paulit-ulit na ikinukuwento ni Carling iyon, mas lalo na siguro sa mismong anak nito. At hindi lang iyon, mas marami tiyak na magagandang ala-ala si Celine doon.
At kung ang isasaalang-alang lang ay ang mga sentimental na dahilan, malamang na magpakasal sa kanya si Celine. Nag-isip siya kung paano aalukin si Celine ng kasal.
“Great, Dio. That’s marriage with a capital M,” sabi niya sa sarili matapos na bumuntong-hininga.
“AUNTIE, okay na ba itong gayak ko?” tanong ni Celine sa tiyahin.
Bumagsak ang panga ni Carolina nang makita siya. “Que Barbaridad!” Napaantanda pa ito at kinuskos ang ilong.
Ngumiti siya nang matamis. “Hindi mo na kailangang magsalita pa, Auntie. Sa reaksyon mo pa lang ay alam ko nang perfect itong ayos ko.” Nalukot ang kanyang ilong. “Aalis na ako, Auntie. Kailangang gawin ko na ang dapat gawin dahil baka ako mismo ay hindi makatagal sa itsura kong ito.”
“Bakit kailangang ganyan ang gawin mo sa sarili mo?”
“Strategy ko ito, Auntie. Bye.”
“Harinawang maging epektibo,” pahabol na sabi nito sa kanya. “Good luck, hija.”
Pagsakay ni Celine sa kotse ay ibinukas niya ang lahat ng bintana. Muli ay nagkuskos siya ng Vicks sa ilong niya. Kung hindi niya gagawin iyon ay malamang na hindi siya makahinga.
Amoy-anghit ang buong katawan niya dahil nagpahid siya ng katas ng sabila. Naisip niyang gamitin iyon kesa naman sa totoong hindi siya maligo ng ilang araw para bumaho siya.
Kungsabagay ay hindi naman iyon ang pagkakataong magtitiis siya sa mabahong amoy ng katas ng sabila. Dati na niya iyong ikinukuskos sa anit upang mapangalagaan ang kapal ng kanyang buhok. Iyon nga lang, hindi pa rin siya maging immune sa amoy niyon.
Labinlimang minuto pagkaraan ay papasok na siya sa malawak na bakuran ng mga Buencamino.
“Nandiyan ba si Claudio?” tanong niya sa katulong na sumaludar sa kanya. Inignora niya ang manghangpagtitig nito sa kanya. Alam niya dahil iyon sa nakakahilong amoy niya.
“Nasa itaas ho, tulog pa.”
“Alas dies ng umaga, tulog pa?” pabiglang react niya. “Saan ang kuwarto niya?”
“Aakyatin ninyo po?”
“Kailangan kaming magkausap. Ngayon na.”
“Huling pinto sa left side, hija. Iyon ang kuwarto ni Claudio.”
Napanganga siya. Pababa sa hagdan si Marjorie. Nakalimutan niyang naroroon din nga pala ang ina-inahan ng herodes na ampon. Nakatuon kasi ang isip niya sa harapin si Claudio.
“G-good morning, Tita,” bahagyang nailang na sabi niya. “P-pasensya na kayo—”
“It’s all right, Celine. Simang, ibigay mo kay Celine ang susi sa kuwarto ni Dio.”
Atubiling tinanggap niya ang susing iniabot ng katulong. Nang lumapit sa kanya si Marjorie, awtomatiko siyang humakbang paatras. Conscious na conscious siya sa amoy niya.
Napatda din naman sa paglapit sana ang may-edad nang babae. “Forgive me for being frank, hija, pero naligo ka na ba?”
“No, Tita,” nakangiwing sagot niya. “Pasensya na ho. Depressed na depressed ako, ilang araw na. I forget my hygiene when I’m depressed.”
“Oh, my God.”
At bago pa siya tanungin nito uli at halos patakbo na siyang umakyat sa hagdan. Maliban sa amoy niya ay malinis naman ang lahat sa kanya. Siya mismo ay hindi makakatagal ng marumi ang katawan.
“Last door on my left,” sabi ni Celine sa sarili habang tinutugpa ang pasilyo.
Isinuksok niya ang susi nang marating ang dulong pinto. Wala siyang balak kumatok man lang. Nang bumigay ang lock, itinulak niya agad iyon.
Napasinghap siya nang malakas. Nakadapa sa kama si Claudio. Walang anumang saplot sa katawan. Napako siya sa kinatatayuan. Kung mayroon mang bahagi ng katawan niya ang kumikilos ay ang kanyang mga mata. Naglakbay iyon sa kabuuan ni Claudio.
He was well-built. Six feet of well-toned muscles. Makinis ang balat na hindi masyadong mabalahibo. It had been nine years. Kung mayroon mang nabago sa katawan ni Claudio, iyon ay lalo itong naging matipuno.
Kailangan niya ring aminin na lalong naging guwapo si Claudio sa pagdaan ng mga taon. He wasn’t the matinee idol type kundi ang kabaligtaran niyon. Si Claudio ang tipo na kapag nakita mo ay hindi ka magdududa sa p*********i.
He was six feet of pure male hormones.
“Good morning, Celine.”