ADELINA'S POV:
Sabado na naman, araw ng pagpunta ko kay Papa. Pagkagaling sa Unibersidad ay natanaw ko na ang kotse na magsusundo sa akin patungo sa hacienda ni Papa.
Matapos magpaalam kila Nanay ay agad rin naman akong sumakay sa kotse.
"Si Papa?" Agad kong tanong, nang makasakay ako.
"Hinihintay ka niya sa garden," wika niya.
Mabilis kaming dumating sa hacienda, at si Don Alejandro na nakapangalumbaba sa hardin ang aking nadatnan, kaya't agad akong tumakbo at mahigpit siyang niyakap.
"Malungkot ka ba, Pa?" tanong ko habang hinahalikan ang kanyang pisngi. Napangiti siya at hinaplos ang aking braso, kaya't napangiti na rin ako.
"Alam mo, anak, kahit anong lungkot ko, nawawala kapag nandiyan ka," sagot niya na may ngiti sa kanyang mga mata.
"Kailangan mo ba ng katabi sa pagtulog mo mamaya para mawala ang lungkot mo?" tanong ko nang malakas habang nakayakap pa rin sa kanya.
Napangiti si Papa at hinaplos ang aking ulo. "Baka nga kailangan ko," sagot niya na may halong biro at lambing. "Tatabi ka ba?"
Habang nasa ganoon kaming tagpo, bigla kong napansin si Sir Magnus na nakatayo sa entrada ng hardin, hindi kalayuan sa amin. Matalim ang kanyang tingin habang nakatitig sa akin.
"O-oh!" Natataranta kong sabi, sabay bitaw sa aking ama.
"You have a visitor pala, Pa. I'll.just go to my room," bulong ko kay Papa, saka patakbong tumalikod na patungo sa loob ng bahay.
Matapos niya akong dedmahin ng ilang araw, anong akala niya iwe-welcome ko siya sa bahay namin? Bahala siya sa buhay niya.
Teka? Bakit kailangan kong umiwas? Ano ko ba siya?
Nang makita si Nancy ay agad ko siyang nilapitan.
"Hi, maari mo bang kuhanin sa taas ang mga gamit ko sa pagpinta, pakilagay na lang sa may pool area. Thank you!" Mabilis kong sabi.
"Sige po, senyorita!" tugon ni Nancy na may ngiti sa kanyang mga labi.
Habang umaakyat si Nancy upang kunin ang mga gamit ko, nagpasya akong magtungo muna sa kusina. Balak kong uminom muna ng kape at maghanda ng aking memeryendahin. Pagdating ko sa kusina, naamoy ko agad ang mabangong aroma ng bagong timplang kape.
Nang makapasok sa kusina ay natagpuan ko sila manang na naghahanda ng meryenda para siguro kay Papa at Sir Magnus.
Teka, ano kayang ginagawa niya dito?
"O, Adelina na riyan ka na pala. Anong gusto mong meryenda, Iha? Igagawa kita," magiliw na tanong ni Manang Belya sa akin.
"Kape lang po, tsaka pahingi na lang po niyan," sabay nguso ko sa ginagawa niyang clubhouse sandwich. "Pakidagdagan na lang po ng mayo, gusto ko 'yung umaapaw!" Natatakam kong sabi.
"Pati ba maraming cheese, Iha?" Natatawa niyang sabi.
"Alam na alam niyo talaga ang gusto ko, maraming salamat!" Lumapit ako sa kanya at niyakap siya mula sa kanyang likod.
"Naku, ikaw na bata ka! Napakalambing mo talaga!" Natutuwa niyang sabi.
Lumaki na rin kasi ako na kasama siya, kaya parang nanay na rin ang turing ko sa kanya.
"Sige na, igagawa na rin kita ng kape," offer niya, pero mabilis kong natanggihan.
"Ako na lamang po, pakidala na lang po ang meryenda ko sa poolside," sagot ko nang may ngiti.
Nagsalin ako sa aking tasa ng mainit, at agad tinimplahan iyon ng kape at cream. Ang aroma ng kape ay agad nagbigay sa akin ng kaunting sigla. Nang matapos ay binitbit ko na iyon patungo sa labas.
Pagdating ko sa poolside, inilapag ko ang aking mga dala sa isang maliit na mesa malapit sa pool. Umupo ako sa isang upuan at sinimulang tikman ang aking kape. Sakto naman na naroon na rin ang aking kagamitan sa pagpinta at nakaayos na.
Mula sa aking kinauupuan ay tanaw ko ang napakagandang tanawin. Ang paligid ng pool ay napapalibutan ng luntiang halaman at mga palmera na sumasayaw sa hangin. Ang malinaw na asul na tubig ng pool ay kumikislap sa ilalim ng sikat ng araw, at sa kabila nito, ang mga alon ng dagat ay marahang humahampas sa dalampasigan. Ang kulay asul ay kaakit-akit na nakahalo sa kalangitan, na may mga puting ulap na nakakalat.
Nagsimula akong iguhit ang aking nakikita nang mapadaan sila Papa at Sir Magnus na masama pa rin ang tingin sa akin.
Ano nga kayang problema niya? Hindi na rin kasi nakakatuwa.
Pinilit kong balewalain ang tensyon at ipinagpatuloy ang aking pagguhit. Ngunit hindi ko maiwasang mapansin ang bawat galaw ni Sir Magnus, na panay ang linga sa akin.
Habang nag-iisip, narinig ko ang mga yabag ni Nancy na papalapit. "Senyorita, narito na po ang inyong meryenda," sabi niya habang inilalapag ang tray sa tabi ko.
"Salamat, Nancy," sagot ko, pilit na ngumingiti. Kinuha ko ang tasa ng kape at humigop ng kaunti, baka sakaling kumalma ang puso ko. Medyo lumalakas na naman ang t***k ng aking puso habang tumititig siya sa akin.
Nagpasya akong magpatuloy sa pagguhit, upang muling mawaksi siya sa aking isipan. Ngunit hindi ko maiwasang mapansin ang bawat galaw ni Sir Magnus. Lumapit siya kay Papa at nag-usap sila ng seryoso. Hindi ko marinig ang kanilang pinag-uusapan, ngunit halata sa kanilang mga mukha na may mabigat na paksa silang tinatalakay.
Chismosa na kung chismosa, ang hirap lang kasi tanggalin siya sa isipan ko. Napatitig ako sa kape ko, ito ata ang dahilan kaya lalo akong lumalala, kakaisip sa kanya. Nang muli akong napatitig sa kanila na palapit sa akin.
"Iha, maiwan ko muna sa iyo itong bisita ko, may importante lamang ako kukuhanin sa taas," sambit ni Papa na ikinatango ko.
"Magmeryenda ka muna, Sir Magnus!" Alok ko ngunit naupo lamang ito sa aking gilid at iniwas ang tingin, saka tumitig sa paligid.
"Ito na ba ang iyong gawain?" Matalim niyang tanong na ikinapagtaka ko.
Ah, baka 'yung pagpinta ko dito sa poolside ang sinasabi niya.
"Opo, Sir!" Mabilis kong sagot.
"Talaga ba?" tanong niya, ang kanyang boses ay puno ng pagdududa. "O baka naman may iba kang dahilan kung bakit ka nandito?"
Napalunok ako, hindi alam kung ano ang ibig niyang sabihin. "Wala po, Sir. Gusto ko lang pong magpinta dito dahil maganda ang tanawin."
"Hmm," tugon niya, ngunit halata sa kanyang mukha na hindi siya naniniwala. "Siguraduhin mo lang na wala kang ibang ginagawa dito na hindi dapat."
Hala siya, ano naman kaya ang iniisip niyang hindi dapat? Feeling niya ba may gagawin akong hindi maganda rito?
Ang isip ko ay puno ng magulong emosyon. Halo-halong pagkalito at pagkabigo ang nararamdaman ko, pilit na iniintindi kung bakit galit at naghihinala si Sir Magnus sa akin. Masakit ang kanyang mga salita at ang mga paratang na binibitawan niya. Pakiramdam ko ay hindi makatarungan ang lahat ng ito, lalo na't alam kong wala akong ginagawang masama.
Inayos ko ang aking salamin saka tumitig sa kanya, bago sumagot.
"Opo naman, Sir Magnus. Kape?" Alok ko para naman kabahan siya sa mga iniisip niya't mga sinasabi sa akin. Grabe na kasi, e.
"Ang bata mo pa para umibig sa isang..." hindi niya naituloy nang makitang paparating si Papa. Agad siyang tumayo at sinalubong si Papa.
Naiwan akong nag-iisip nang malalim, habang tinatanaw ang paglayo nilang dalawa.
Baka iniisip niya rin na sugar daddy ko si Papa? Kaya ganyan na lang siya makasimangot, hindi niya lang ako maderetso, siguro ay nahihiya rin siya sa akin.