Chapter 7

2153 Words
Maingat kong inilagay sa hanger ang school uniform vest ng lalaking hindi ko naman kilala na siyang nabangga ko kanina. Natapos ko na itong labhan kahit pa labag na labag iyon sa kalooban ko dahil alam ko naman sa sarili ko na hindi ako ang may gawa ng dumi na iyon. At hindi ko din naman maintindihan sa sarili ko kung bakit kahit na labag sa kalooban ko ay ginawa ko pa rin naman. “Tita!” “Oh, hi Hija! Kumusta ka?” “Mabuti naman po, Tita!” “Kumusta ang unang araw mo sa klase?” Narinig kong palitan ng usapan ni Nanay at ng kausap niya na sigurado akong si Vernice. Mula sa likuran ng bahay ay mabilis akong nagtungo sa sala at nakita ko nga doon si Vernice na masayang nakikipagkwentuhan kay Nanay. Sabay silang dalawa na bumalin ng tingin sa akin. “Narito ang maganda mong bisita, Anak,” nakangiting sabi ni Nanay sa akin saka mabilis na tumayo na Vernice at naglakad papalapit sa akin. “Napadaan ka?” tanong ko kay Vernice. “Hindi ako napadaan. Sinadya kong magpunta dito dahil dito ako matutulog,” nakangiting tugon sa akin ni Vernice. “Huh? Pero bakit?” gulat na tanong ko sa kanya. “Hindi naman weekend ngayon. May pasok tayo bukas—” “Ano naman kung may pasok? Wala naman masama kung mag-overnight pa rin ako dito, ‘di ba po, Tita?” saad niya sabay balin kay Nanay. “Oo naman, hayaan mo si Vernice dito matulog sa atin kung gusto niya,” nakangiting tugon ni Nanay. “Oh, ‘di ba? Okay lang kay Tita!” excited na sabi ni Vernice saka ito mabilis na pumasok sa loob ng kwarto ko. May mga pagkakataon talaga na dito natutulog sa bahay si Vernice lalo na kung weekend o walang pasok sa school. Pero ang madalas na nagiging dahilan ng pag-oovernight niya sa amin ay sa tuwing nagkakaroon ng away ang parents niya sa kanila. Mayaman ang pamilya ni Vernice at parehong abala sa mga negosyo ang kanyang mga magulang. Pero sa kabila no’n ay madalas ang pagtatalo at pag-aaway ng parents niya. Nagkatinginan kaming dalawa ni Nanay saka maliit na ngumiti at tumango ito sa akin. Na para bang sinasabi ng mga mata niya na i-comfort ko si Vernice at hayaan ito na matulog dito sa amin ngayong gabi. Sobrang lapit din kasi ng loob ni Vernice kay Nanay na kung minsan pa nga ay parang mas anak pa ni Nanay si Vernice kung ituring kaysa sa akin. Sumunod ako kay Vernice sa kwarto at nakita ko itong prenteng nakahiga na sa maliit na kama ko. Dala niya ang bag niya sa school at isang paper bag kung saan naroroon ang school uniform niya. Kinuha ko iyon at maingat na inilagay sa hanger upang hindi magusot habang tahimik lang naman akong pinanonood ni Vernice. “Nag-dinner ka na ba?” pagkuwan ay tanong ko sa kanya. “Hindi pa,” simpleng tugon niya sa akin. “May gusto kang kainin?” tanong kong muli na mabilis naman niyang ikinailing. “Wala akong gana. Hindi ako nagugutom,” tugon niya sa akin, mahihimigan ng lungkot ang kanyang tinig. Lumpit ako sa kanya at naupo sa kama sa tabi niya. “May gusto kang ikuwento? Makikinig ako,” saad ko sa kanya na maliit naman niyang ikinangiti. “Sana iisa na lang tayo ng nanay. Sana kapatid na lang kita,” saad niya sabay yakap sa braso ko at ipinilig niya ang kanyang ulo sa balikat ko. “Vernice…” nag-aalalang usal ko sa pangalan niya. Kitang-kita ko sa mga mata niya kung gaano siya kalungkot ngayon. Nararamdaman ko din na may mabigat siyang dinadala. “Siguro mas masaya ‘yong kahit isa lang ang nagpapalaki sa iyo na magulang, mahal na mahal ka naman. Kaysa sa dalawa nga sila, buo nga kami, pero ni minsan ay hindi ko naman maramdaman ang pagmamahal nila para sa akin.” “Nadatnan mo bang nag-aaway ulit sina Tita at Tito?” marahan na tanong ko sa kanya na marahan niyang tinanguan. “Ganoon naman palagi eh,” saad niya pa kasunod ng pagbuntong hininga niya. “Sana pala hindi muna ako kaagad umuwi kanina sa bahay. Sana pala nag-stay pa ako sa labas kasama nina Levi,” dagdag niya pa na bahagyang ikinalabi ko. Naalala ko kasi ang mga lalaking kasama niya kanina at isa na doon si Calix ko! Mabilis na nag-angat ng tingin sa akin si Vernice saka ako nito pinagkatitigan. “Bakit ka nga pala biglang umalis kanina?” tanong niya. “H-Huh?” Binitiwan niya ang braso kong yakap-yakap niya kanina saka siya maayos na tumingin sa akin. “Alam mo, ang weird mo kanina. Noon lang kita nakita ng ganoon.” Hirap akong napalunok dahil sa sinabi niya. “A-Ano ka ba? Alam mo naman na hindi ako mahilig magkape saka hindi ako mahilig sumama sa mga lakad n’yo ng mga kaibigan mo, ‘di ba?” “Oo alam ko. Kaya nga palagi kitang niyayaya sa tuwing umaalis ako kasama ng iba kong kaibigan. Alam kong ako lang ang kaibigan mo, pero Myrtle, nasa senior high na tayo. Siguro oras na din para maging open ka sa ibang tao. Try mong makipagkaibigan din sa iba,” mahabang pahayag niya sa akin. “Open naman akong makipagkaibigan sa iba, sila lang naman ang may ayaw sa akin,” tugon ko kay Vernice. “Eh bakit kanina?” tanong niya na siyang nagpatigil sa akin. “H-Huh?” Pinanliitan ako ng mga mata ni Vernice na para bang may mabuti itong iniisip. “Magtapat ka nga sa akin.” “A-Ano iyon?” kabado kong tanong sa kanya. “May gusto ka ba kay Levi?” tanong niya pabalik sa akin. Akala ko mahuhuli niya ako na kay Calix ako may gusto. “Kay Levi? Syempre wala, ‘no,” mabilis kong tugon sa kanya. “Eh kay Jack?” tanong niya ulit sa akin. “Wala—” “Kay Owen?” mabilis niyang putol. “Vernice, bakit mo ba naiisip na may gusto ako sa kanila?” “Eh kasi noong lunch natin bigla mo na lang din ako iniwanan nang lapitan tayo nina Levi. Tapos kanina din noong uwian na—teka…” Pinanliitan ulit ako ng mga mata ni Vernice at saka ako hirap na sunod-sunod na napalunok. Kumabog ang dibdib ko dahil sa nag-iisang pangalan na hindi niya pa nababanggit. Hindi pa man din ako magaling maglihim sa kanya. Mabilis niyang nalalaman ang mga bagay tungkol sa akin dahil hindi ko kayang magsinungaling kapag may tinanong na siya sa akin. Kaya naman… “Matulog na tayo, maaga pa ang pasok bukas!” yaya ko sa kanya saka ako mabilis na humiga at tumalikod sa kanya. Pero mabilis niya naman akong hinila paharap sa kanya. “Walang matutulog hangga’t walang umaamin ngayong gabi,” aniya. “Huh?” Gumuhit ang isang nakakalokong ngisi sa kanyang mga labi saka siya muling nagsalita, “Si Calix, tama ba?” tanong niya sa akin. Tila ba siguradong-sigurado siya sa ibinibintang niya sa akin. Nanuyo ang lalamunan ko at kabado akong napatitig lamang sa best friend ko. Best friend ko siya oo pero never akong nag-share sa kanya ng mga ganitong bagay dahil… ito lang naman ang unang beses na nagkagusto ako. Si Calix… siya ang una at nag-iisang lalaki na nagustuhan ko sa buong buhay ko. Hindi ko nagawang sumagot kay Vernice at sa halip ay muli ko lamang itong tinalikuran. At dahil sa ginawa kong iyon ay tila nagbunyi siya dahil parang kahit hindi ko sagutin ang tanong niya ay nakumpirma na niya ang sagot sa kanyang katanungan. “OMG, Myrtle! Dalaga ka na! May nagugustuhan ka na!” malakas na tili niya na siyang nagpabangon sa akin. Natataranta kong tinakpan ang bibig niya dahil sa kaba at takot ko na baka marinig iyon ni Nanay. “Huwag kang maingay, Vernice!” kabadong saway ko sa kanya. “Seriously? Hindi ako makapaniwala, Myrtle! I’m so happy!” mahinang tili na niya matapos ko siyang sawayin. “Vernice, pwede ba matulog na tayo? May pasok pa tayo bukas eh—” “So, tell me, Myrtle. Kailan mo pa naramdaman na gusto mo siya? Matagal mo na ba siyang kilala? Paano mo siya nagustuhan?” sunod-sunod na tanong niya sa akin at ang kaninang malulungkot niyang mga mata ay napalitan na ngayon ng pagkatuwa at pagka-excite. “Vernice—” Hinawakan ni Vernice ang dalawang kamay ko saka siya mataman na tumingin sa akin. “Best friend mo ako, ‘di ba? Lahat ng bagay na nangyayari sa akin ay ikinukwento ko sa iyo,” saad niya. Totoo iyon. Lahat ng bagay tungkol sa kanya ay ikinukwento niya sa akin. Kilala ko ang mga nagustuhan at naging nobyo niya. Ikinukwento niya sa akin lahat na para bang human diary niya ako. Ganoon kalaki ang pagtitiwala niya sa akin. “So, this time, wala naman sigurong masama kung ako naman ang kukwentuhan mo,” nakangiting sabi niya sa akin. Nakagat ko ang ibabang labi ko at napahigit ako ng malalim na paghinga. Sa huli ay wala na nga akong ibang nagawa pa kung ‘di ang sabihin sa kanya ang lahat. Kung paano, kailan at bakit ko nagustuhan si Calix. Nagkuwentuhan kaming dalawa ni Vernice hanggang sa mas paglalim ng gabi. Kinabukasan… Pareho kaming hirap na bumangon ni Vernice para sa pagpasok sa eskwela. Napuyat kaming dalawa at mabuti na lang ay ginising kami ni Nanay. Kung ‘di ay pareho kaming na-late sa pagpasok. “May naisip ako, Myrtle! Ipapakilala kita ng ayos at ng pormal kay Calix.” Agad akong napalingon kay Vernice nang magsalita ito. Kasulukuyan kaming sabay na naglalakad papasok ng gate ng school. “Vernice, hinaan mo lang ang boses mo. Baka may makarinig sa iyo,” kabadong saway ko dito na siyang tinawanan lamang niya. “Huwag kang mag-alala, Myrtle, ako ang bahala sa iyo kay Calix. Hindi kami ganoong ka-close dahil si Levi lang naman ang kilala ko talaga sa grupo nila. Pero huwag kang mag-alala at gagawa ako ng paraan para sa inyo, para mapansin ka niya!” masayang wika niya na para siyang excited sa mga naiisip niya. “Vernice, wala kang kailangan na gawin. Hindi ko naman hinahangan na mapansin o mapalapit ako sa kanya—” Natigilan ako sa pagsasalita nang mabilis niya akong inakbayan. “Basta ako ang bahala sa iyo!” masayang wika niya saka kami sabay na huminto sa paglalakad. Humiwalay din siya sa akin saka muling nagsalita, “Mamaya na lang ulit. Bye!” paalam niya sa akin saka siya nagsimulang maglakad patungo sa kabilang building kung saan naroroon ang classroom nila. Napahigit ako ng malalim na paghinga nang pagmasdan ko siyang unti-unting lumiliit sa paningin ko. Mukhang nagkamali talaga ako ng desisyon na sabihin sa kanya ang tungkol kay Calix. Hindi naman kasi ako naghahangad na mapansin ako ni Calix o mapalapit ako dito dahil una sa lahat ay wala akong confidence para sa sarili ko. Inayos ko ang suot na salamin saka nagpatuloy sa paglalakad patungo sa classroom ko. Pero nagitla ako nang may isang lalaki ang humarang sa daraanan ko sa pathway ng school. Marahan akong nag-angat ng tingin at namilog ang mga mata ko nang makita ang gwapong lalaki na siyang nakangisi sa akin ngayon. Siya ‘yong gwapong lalaki na may ari ng school uniform vest. “I-Ikaw…” Narinig ko ang mahihinang bulungan at ingay sa paligid ko nang dahil sa ginawa niyang pagharang sa akin. Naririto na naman ang mga matang nakamasid sa amin na siyang nagbibigay ng hindi komportableng pakiramdam sa akin. “Where’s my vest?” ngising tanong niya. Napasinghap ako nang maalalang naiwanan ko iyon na naka-hanger sa bahay namin. Patay! Nawala iyon sa isip ko dahil kay Vernice at sa pagkukwentuhan namin tungkol kay Calix. “H-Huh? Uhm… a-ano… k-kasi…” nauutal ako at hindi ko malaman ang sasabihin sa kanya hanggang sa hirap akong napalunok dahil nanuyo na ang lalamunan ko. Lumabi siya saka muling nagsalita, “Hindi mo dala?” tanong niya. “A-Ano kasi… naiwan ko sa bahay namin—” “It’s okay. Dalhin mo na lang bukas,” putol niya sa akin habang may mapaglarong ngiti sa kanyang mga labi. Tiningnan niya ang suot na relo sa palapulsuhan saka muling bumalin ng tingin sa akin. “Mga ganitong oras ulit, sa gymnasium mo dalhin. Hihintayin kita doon,” saad niya habang suot pa rin nito ang mapaglarong mga ngisi sa mga labi. “A-Ano?” hindi ko naman makapaniwalang tanong sa kanya. Tumalikod siya sa akin saka nagpatuloy sa paglalakad papalayo sa akin, habang naiwanan naman akong tulala at labis ang pagtataka dahil sa lalaking iyon. Bakit ba kung umasta at makipag-usap siya sa akin ay para bang utusan niya lamang ako?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD