Chapter 8

2295 Words
“Myrtle!” Mula sa pagkakatulala dahil sa gwapong lalaki na iyon ay marahan akong napalingon sa likuran ko at nakita ko si Kiara na siyang mabilis na naglalakad papalapit sa akin. “Kiara…” “Oh my gosh! Totoo ba ‘yong nakita ko?” natatarantang tanong niya habang tila sinisipat nito ang dulo ng pathway kung saan nagtungo ang gwapong lalaki na iyon. “Huh?” naguguluhan na tanong ko sa kanya. “Si Ridge ba iyong kausap mo?” excited na tanong niya sa akin habang nakahawak pa ito sa magkabilang balikat ko. Kumunot ang noo ko. “R-Ridge? Sino?” tanong ko pabalik sa kanya. “My gosh, Myrtle! Iyong lalaking kausap mo kanina. ‘Yong gwapong lalaki!” tugon niya sa akin. Ridge? Kung ganoon ay Ridge pala ang pangalan ng gwapong lalaki na iyon. “Hindi ko alam. Hindi ko siya kilala,” deretsyong sagot ko kay Kiara na ikinataas ng isang kilay niya. “Seriously?” manghang tanong niya sa akin kasabay ng pagbaba ng mga kamay niya mula sa magkabilang balikat ko. “Halika na, baka ma-late tayo sa klase,” pagkuwan ay yaya ko sa kanya saka ako nagsimula sa paglalakad patungo sa classroom namin. Agad naman siyang bumuntot sa akin. “Ang akala ko ba ay dito ka nag-aral ng grade school at junior high school sa Prime High Academy?” tanong sa akin ni Kiara habang kapwa kaming naglalakad. Tumango ako sa kanya bilang pagtugon. “Oo, ganoon na nga.” “Eh bakit hindi mo kilala si Ridge?” tila hindi nito makapaniwalang tanong sa akin. “Bakit? Kailangan ba kilala ko siya?” tanong ko pabalik sa kanya hanggang sa makarating na kami sa loob ng classroom namin. Dere-deretsyo akong naglakad papasok sa loob at nagtungo sa dulong upuan sa pwesto ko. Tamad akong naupo at inilagay ang bag ko sa bakanteng upuan na nasa tabi ko. Habang hindi naman ako tinatantanan ng hindi makapaniwalang tingin ni Kiara. Naupo siya sa nasa unahanag upuan sa harapan ko ngunit sa akin nakaharap. “Ako nga na transferee lang sa school na ito ay kilala siya eh. Kahapon, unang araw ng eskwela pero siya na ‘yong naririnig kong pinag-uusapan ng mga estudyante dito,” saad ni Kiara sa akin. Wala naman kasi akong ibang pinagkainteresan na lalaki sa loob ng school na ito kung ‘di si Calix John Villanueva lamang. I mean, oo. Gwapo naman talaga ang Ridge na iyon. Unang kita ko pa nga lang sa kanya ay na-hypnotize na ako ng mga magaganda niyang kulay tsokolate na mga mata. Pero, sa ilang taon ko sa eskwelahan na ito ay ngayon ko lamang siya nakita. O masyado lang din talaga akong abala sa tahimik na pagmamasid kay Calix dahil siya ang gusto ko? “Siguro kasi… gwapo siya. Kaya pinag-uusapan siya lagi ng mga estudyante dito,” komento ko sa sinabi ni Kiara sa akin. “Hindi lang siya basta gwapo, Myrtle. Dahil ayon sa mga naririnig ko mula pa kahapon ay nag-iisang pamangkin siya ng may ari ng Prime High Academy,” saad ni Kiara sa akin na siyang nagpaawang ng bahagya sa mga labi ko. Naalala ko na. Kaya pala kahapon noong masaraduhan ako ng gate ng school dahil late ako, ay pinagbuksan siya ng guard at nag-iisang pinapasok sa loob kahit na mas late pa siya sa akin. Iyon pala ay dahil sa nag-iisang pamangkin siya ng may ari ng paaralan na ito. “Bukod doon ay tinagurian din siyang campus heartbreaker ng school dahil sa dami ng mga babaeng naghahabol at umiiyak sa kanya. Marami siyang nagiging girlfriend pero hindi nagtatagal ang lahat ng iyon. Madami din siyang ka-fling. Kumbaga ay swerte ka na kung isa ka sa mga magiging babae niya. Kaya naman halos lahat ng babae sa paaralan na ito ay nagkakandarapa mapansin lang niya,” mahabang dagdag na pagkukwento pa sa akin ni Kiara. “Ano? Campus heartbreaker? Ang nega ng title niya pero sikat na sikat pa rin siya sa mga kababaihan?” napapangiwi na tanong ko kay Kiara. “Nega?” tanong ni Kiara. “Heartbreaker kamo siya. Ibig sabihin ay madami siyang sinasaktan na babae. At ginagamit niya ang pagiging gwapo niya para manakit nang manakit ng damdamin ng mga babae. Ang iresponsable naman niyang tao,” dismayadong pahayag ko kay Kiara. Tumawa si Kiara dahil sa sinabi ko. “Alam mo, Myrtle. Ikaw pa lang ang narinig kong nagkomento ng ganyan kay Ridge,” wika niya habang natatawa. “So, ibig sabihin ay walang dating sa iyo ang charming niya?” tanong niya pa sa akin. Wala naman kasi akong ibang gusto at magugustuhan kung ‘di si Calix lamang. Ang campus crush ng paaralan. Ang lalaking almost perfect na sa lahat ng bagay at hindi ko alam kung may kapintasan pa nga ba. Walang-wala ang Ridge na iyon sa Calix ko. Hindi ko na nagawang sagutin pa ang tinanong ni Kiara sa akin dahil dumating na sa klase namin si Ms. Alice Da Pra. Ang class adviser namin at nagsimula na ito sa pagtuturo. Lumipas ang ilang mga oras hanggang sa natapos na ang dalawang magkasunod na klase namin at tumunog ang bell ng paaralan. Hudyat na oras na ng panananghalian kaya naman masaya at maingay na nagsipagtayuan at lumabas ang mga kaklase namin. Malawak ang cafeteria at food court ng paaralan dahil sa dami ng mga estudyante na kumakain doon araw-araw. Lalo pa at sabay-sabay ang lunch break ng lahat ng mga estudyante dito sa senior high. Bukod kasi ng building at area ang grade school at junior high school sa Prime High Academy. Bali sa area na ito, ay puro senior high school students lamang ang naririto. Nasa kabilang area at building ang junior high school at ganoon din ang grade school. Pagpunta ko sa food court ay agad kong nakita si Vernice na nakaupong mag-isa sa mga upuan doon. Hindi niya pa ako nakikita dahil abala siya sa pagce-cellphone niya. Nakangiti at excited ako na lumapit sa kanya pero agad din akong natigilan nang may isang grupo ng mga kababaihan ang nakangiting lumapit at naupo sa tabi niya. Siguro mga classmate niya ang mga iyon. Masayang nag-angat ng tingin si Vernice sa mga babae at nang mapadako ang tingin niya sa akin ay agad siyang tumayo. Nakita kong nagpaalam siya saglit sa mga babaeng iyon saka niya ako nilapitan. Sinundan naman siya ng tingin ng mga babae hanggang sa mapatingin ang mga ito sa akin. Inayos ko ang suot na salamin saka nakangiting sinalubong si Vernice. “Myrtle, tara! Ipapakilala kita sa mga classmates ko,” nakangiting sabi ni Vernice sa akin. Nilingon ko ang mga babaeng tinutukoy niya at nakita ko ang mga kakaibang tingin nila sa akin. Pinagmamasdan nila ako mula ulo hanggang paa saka sila tatawa ng marahan at magbubulungan. Dahil doon ay unti-unting napawi ang mga ngiti sa mga labi ko. Kahit na hindi ko iyon naririnig ay alam kong pinagkakatuwaan nila ako. Hinawakan ni Vernice ang isang kamay ko para hilahin patungo sa table nila pero mabilis ko iyong pinigilan. “Hindi na, Vernice. Sa iba na lang ako magte-table.” “Huh? Pero bakit?” “Uhm… k-kasi… syempre, mga classmates mo sila. Mas okay kung… magkakaroon ka ng time para sa kanila—” “Ayaw mo akong kasabay mag-lunch?” putol na tanong ni Vernice sa akin. “Syempre gusto ko. Pero kasi…” muli kong tiningnan ang mga classmates ni Vernice at naroroon pa rin ang mga mapanghusgang tingin nila sa akin. Lahat sila ay magaganda at maaayos ang itsura. Mapupula ang mga labi at magaganda ang ayos ng buhok. “Kasi ano?” tanong muli ni Vernice sa akin. “Kasi parang… hindi ako bagay kung sasama ako sa inyo ngayon,” tugon ko kay Vernice. “Myrtle—” “Sabay naman tayong nag-lunch kahapon, ‘di ba? Kaya sige na. Samahan mo na ang mga classmates mo. Ayos lang ako.” “No, Myrtle. Kung hindi ka komportable sa kanila, sige… lilipat na lang tayo ng ibang table,” wika ni Vernice saka ito akmang tatalikod sa akin para kunin ang gamit niya sa table na pinanggalingan niya. “Vernice, huwag na,” awat kong muli kay Vernice. Lumingon siya sa akin. “Myrtle…” Ngumiti ako ng marahan sa kanya. Napakabait at napaka-sweet ni Vernice sa akin. Pero, hindi naman pwedeng lumiit lang din ang mundo niya nang dahil sa akin. Ayaw kong limitahan ang mga taong pwede niyang makasama nang dahil lang sa akin. Magkaibigan kaming dalawa pero magkaibang-magkaiba kami. Madalas akong nauunahan na husgahan dahil sa itsura ko. Samantalang siya ay madalas na nagugustuhan dahil sa maganda niyang itsura. Marami ang may gustong makipagkaibigan sa kanya dahil napakaganda niya. Na tipong wala yatang lalaki ang hindi magkakainteres sa kanya. Bukod sa pagiging maganda ay napaka-sweet din niya. Kaya sobrang blessed ako na naging kaibigan ko siya kahit na malayong-malayo kaming dalawa sa isa’t isa. “Hindi ka ba nagsasawa sa akin? Kagabi lang ay magkatabi din tayong natulog. Sabay na nag-breakfast at sabay na pumasok ng school. Kaya sige na, puntahan mo na sila,” nakangiting pagtataboy ko kay Vernice. “Tapos ano? Hahayaan kitang kumain ng mag-isa?” tanong niya sa akin. “Eh ano naman? Hindi naman ako mapapaano kung kakain ako ng mag-isa eh. Saka, sanay na sanay naman ako ng mag-isa. Kaya sige na,” nakangiting tugon ko kay Vernice. Magsasalita pa sana ulit si Vernice nang bigla naman siyang tawagin ng mga babaeng kaklase niya. Nag-aalangan na nilingon ako ni Vernice pero nakangiti ko siyang tinanguan at sa huli ay pinili ko nang talikuran siya. Nakaramdam ako ng kakaunting kirot sa puso ko pero kahit na ganoon ay inisip kong kaibigan ko pa rin naman siya. Hindi naman porque hindi kami sabay sa lunch ngayon ay hindi na kami magkaibigan na dalawa. Ayaw ko lang talaga na lumiit ang mundo niya nang dahil lang sa akin. She is the campus princess na itinuturing ng paaralan na ito kaya sikat siya at kilala ng halos lahat. Kaya hindi ko pwedeng paliitin ang mundo niya. Dahil alam ko naman na kahit na anong mangyari ay hindi ako matatanggap sa sariling mundo niya. Naghanap ako ng ibang mapupwestuhan at kaagad na naupo sa may dulong pwesto nang makita kong iyon na lamang ang bakanteng table doon. Inilabas ko ang baon ko at binuksan iyon. Kahit na busy si Nanay sa pagtatrabaho ay hindi ito nagsawa at napagod sa pag-aasikaso sa akin. Araw-araw niya akong nilulutuan ng masasarap na pagkain at baon. “Wow! Mukhang masarap iyan ah!” Nagulat ako nang may humila bigla ng pagkain ko sa akin at sinubo iyon. Umawang ang mga labi ko nang makita ko ang dalawang lalaki na nakaupo ngayon sa harapan ko. Si Diego at si Ray na siyang mga classmate ko. Sila ‘yong dalawang lalaki na nang-trip kay Kiara kahapon. “Patikim ako!” sabi ni Ray saka niya hinila kay Diego ang baon ko at siya naman ang sumubo doon. “Hindi!” nanghihinang awat ko sa mga ito habang pinagmamasdan silang nakatawa na kinakain ang pagkain ko! Mga loko! “Sa akin iyan!” naiinis na wika ko sa dalawa nang pagpasa-pasahan nila ang pagkain ko. “Oo alam naming sa iyo, kaya nga namin kinakain eh,” mapang-asar na tugon ni Diego habang may laman pa ang bibig nito. Nakagat ko ang ibabang labi ko dahil sa inis na nararamdaman ko. Anong karapatan nilang kainin ang pagkain ko ng wala man lang pahintulot sa akin?! Paraan ba nila ito ng pagganti nila sa akin dahil sa ginawa kong pakikialam sa kanila kahapon? Pero sobra naman ito! Ang akala ba nila ay matatakot ako sa kanilang dalawa? Naiinis akong tumayo at akmang sisigawan ang dalawa nang biglang may malakas na bumatok sa kanila. “Ano na naman ang trip ninyo?! Mga pulubi ba kayo at walang pambili ng sariling pagkain?!” “Aray! Aray ko!” daing nina Diego at Ray dahil walang tigil silang binabanatan ni Kiara. “Mag-sorry kayo kay Myrtle at bilhan niyo siya ng masarap na pagkain! Bilis!” pagalit ni Kiara sa dalawang lalaki. “Aray! Ba’t naman namin siya bibilhan?” reklamo ni Diego kay Kiara. “Nagawa mo pa talagang itanong kung bakit? Loko-loko ka ba? O dati kang bobo?” ani Kiara sabay batok ulit kay Diego. Napaawang ang mga labi ko at kalaunan ay hindi ko maiwasang hindi matawa dahil sa ginagawang panggugulpi ni Kiara sa dalawa. “Oo na! Oo na! Ibibili na! Bad trip!” pagsuko ni Diego kay Kiara sa huli saka sila sabay na umalis ni Ray at nagtungo sa cafeteria. Malawak ang cafeteria at madaming nag-aassist na cook doon kaya hindi mahirap at hindi matagal na makabili ng pagkain. Naupo si Kiara sa harapan ko saka ito nagpatong ng lunch box niya sa ibabaw ng table. Nangingiting naupo na din ako habang nakatingin sa kanya. “Kung hindi ka dumating ay ako ang manggugulpi sa dalawang iyon,” mayabang na sabi ko kay Kiara na sabay naming tinawanan. “Halata nga. Kanina nakita kitang umuusok na ang ilong sa galit,” pagbibiro sa akin ni Kiara na sabay din ulit naming tinawanan. Kahapon ko pa lang naman nakilala si Kiara at nakausap pero naging magaan na din ang loob ko sa kanya dahil sa pagiging madaldal at makuwento niya. Mali ‘yong naging first impression ko sa kanya na mataray at masungit ito dahil ang totoo ay mabait siyang tao. Patunay ang pagtatanggol niya sa akin ngayon mula sa pangti-trip nina Diego at Ray. At thankful ako sa kanya dahil nang araw na iyon ay hindi ako kumain ng mag-isa dahil kasama ko siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD