“AYOS ka lang ba apo?”
Napalingon si Odessa sa pinto ng kwarto ni Lucas at nakitang nakatayo roon ang kanyang lola. Pakiramdam niya ay nananalamin siya habang nakaharap sa lola. Bakas kasi sa mukha ng matanda ang pag-aalala.
“O-opo, La. Ayos lang naman po ako,” pagsisinungaling niya. Sinubukan pa niyang ngumiti para hindi magduda ang kanyang lola.
Naglakad ang matanda palapit hanggang sa umupo ito sa tabi niya. “May problema ba?”
Marahan siyang umiling. “Wala po.”
“Kung wala eh bakit lukot ‘yang mukha mo?”
“Wala po ito.”
“Nami-miss mo si Lucas?”
Namilog ang kanyang mga mata nang marinig ang sinabi ng matanda. “P-po? Hindi po.”
“Kilala kita, apo. Hindi mo na maikakaila sa akin ang nararamdaman mo. Nalulungkot ka sa pag-alis niya.”
Hindi niya alam ang sasabihin sa kanyang lola kaya nagbuntong hininga na lang siya. Ginagap naman ng kanyang lola ang kamay niya at saka pinisil iyon.
“Nakikita ko sa mga mata mo ang pag-aalala kay Lucas. Gusto mo na ba siya?”
“Paano po bang nasasabing gusto mo na ang isang tao?”
Ngumiti ang kanyang lola. “Hmm… Masaya ka kapag kasama mo siya. Kung hindi naman ay naiisip mo pa rin siya. Nag-aalala ka para sa kanya. At minsan ay pinagseselosan moa ng mga may interes sa kanya.”
Napabuntong hininga na lang siya. Lahat kasi ng mga iyon ay umakma sa nararamdaman niya para kay Lucas.
“Pero, La… pwede po bang maramdaman ang lahat ng iyon sa maiksing panahon? Kakakilala ko lang po sa kanya. Pero bakit ganito? Bakit nararamdaman ko ang lahat ng iyon kay Lucas kahit ilang araw pa lang siyang nandito sa atin?”
Ang lola niya ang pinakamalapit na tao sa kanya kaya siguro siya nababasa nito. Mas malapit pa siya rito kaysa sa kanyang ina at ama. Kaya nakapagdesisyon na siyang maging totoo rito.
Hinapit siya ng kanyang lola. “Walang mahabang panahon o maiksi sa pag-ibig apo. Nararamdaman mo na lang iyon bigla. Tila ba iniisip mo na ang hinaharap na kasama siya. At hindi tulad ng simpleng crush lang… kahit nasaktan ka niya, hindi basta nawawala ang nararamdaman mo. Mahal mo pa rin siya kahit pa may hindi kayo pagkakaintindihan.”
“Ganoon po ba kayo ni Lolo Pedring?”
Hindi lingid sa kaalaman ni Odessa na si Lolo Pedring ay ikalawang asawa na ng kanyang lola. Namatay kasi ang unang asawa nito noong pinagbubuntis pa lang ng kanyang lola ang kanyang ama. Nalunod raw ang barkong sinasakyan.
“Hindi taga San Mateo ang Lolo Pedring mo. Nagpunta lang siya rito bilang tagapamahala ng palayan ng kanyang amo. Doon naman ako nagtatrabaho sa palayan. Nanligaw agad siya matapos akong makilala. Pero kahit sinabi ko na sa kanya na may anak na ako ay hindi niyon nabago ang isip niya. At makalipas ang dalawang linggo ay sinagot ko na siya. At mula noon ay hindi na siya umalis sa bayang ito.”
“Dalawang linggo, la?!”
Tumawa ang kanyang lola. “Huy, ineng. Hindi easy girl ang lola mo. Sadyang nagmahal lang. Bukod doon ay tanggap niya kung ano ako. Isang babaeng may anak na.”
“Pero hindi naman kayo nagkamali sa pinili, La. Naging kayo ni Lola hanggang sa huli.”
“Kaya nga apo, sabi ko sa’yo, hindi basehan ang ikli o haba ng panahon para masabi mo kung mahal mo na ang tao.”
Mukhang tama naman ang kanyang lola. Pero paano pa niya magagawang iparamdam iyon kay Lucas. Umalis na ito.
“Hindi naman na po siguro importante iyon. Wala na po siya. Umalis na.”
“Pero apo…”
Napalingon siya sa kanyang lola. Bigla kasing naging seryoso ang boses nito.
“Bakit po?”
“Narinig ko lang naman kanina nang ‘di sadya. Tungkol kay Lucas… medyo nalilito ako noong sinabi mo sa kanya na katipunero siya? Na taong 2011 na ngayon? Anong ibig sabihin no’n?”
Lumakas ang t***k ng puso ni Odessa nang marinig ang tanong ng kanyang lola. “N-narinig po ninyo iyon?”
“Alam ko naman imposible. Pero hindi mawala sa isip ko ang tungkol sa bagay na iyon. Imposibleng galing sa ibang panahon si Lucas,” umiiling na sabi ng matanda. Pagkuwa’y tumitig ito sa kanya. “Pero ang pangalan kasi niya… katulad na katulad noong isa sa pinakamayamang tao noon sa San Mateo. At magkamukha rin sila, Odessa. Naaalala ko pa ang mga larawan niya noong nagpupunta pa ako sa bahay na bato.”
“Anong ginagawa po ninyo roon?”
“Doon… doon nakatira ang Lolo Aurelio mo. Anak siya ng tagapagmana ni Lucas del Castillo.”
“Tagapagmana po?”
Tumango ang kanyang lola. “Oo, tagapagmana. Maagang namatay si Lucas. Hindi ko na matandaan ang taon. Pero hindi pa yata ako pinapanganak noon.”
“N-namatay si Lucas?” garalgal ang boses na tanong niya.
“Nagbaril raw sa sarili dahil sa sobrang kalungkutan. Iyon ang sabi-sabi sa bahay na bato.”
Nanlamig ang kanyang buong katawan. Kung nagbaril sa sarili si Lucas, sino ang Lucas na nandito sa taong kasalukuyan?
O ‘di kaya… Nakabalik sa taong 1901 si Lucas at totoong nagpakamatay ito roon?
Nanghihinang napahawak si Odessa sa kama. Pakiramdam niya ay hihimatayin siya.
“Apo, ayos ka lang?” bakas ang pag-aalala sa boses ng kanyang lola.
Umiling siya habang unti-unting umiinit ang kanyang mga mata. Sa isang iglap ay tumulo ang luha roon.
“Odessa, magsalita ka. Anong nangyayari sa’yo?”
“S-si Lucas… kailangan ko siyang mahanap. Kailangan ko siyang makita.”
“Oo naman. Pwede iyon. Pero hindi mo kailangan umiyak.”
“B-baka po kasi nakauwi na siya. Baka po nakabalik na siya sa 1901!”
“Ano bang pinagsasasabi mo? Hindi kita maintindihan.”
“Si Lucas… siya po ang Lucas del Castillo na may-ari ng bahay na bato.”
“Paano namang mangyayari iyon? Patay na nga si Lucas del Castillo. Namatay siya bago pa ako naipanganak, hija.”
Matigas siyang umiling. “Siya po talaga si Lucas del Castillo, lola. Nag-time travel po siya mula sa nakaraan. Siya po ang totoong si Lucas del Castillo.”
BUONG araw na naghanap si Odessa sa buong San Mateo pero hindi pa rin niya nakita si Lucas. Kahit pa doon sa kamapanaryo kung saan laging gustong magpunta ng binata ay wala rin ito.
Nasaan ka na, Lucas?
“Odessa! Tayo na. Baka sa daan pa tayo abutan ng pasko,” aya ni Lucy sa kanya. Kakatapos lang ng Midnight Mass at nagmamadali nang makauwi ang mga tao sa kani-kanilang mga bahay para sa Noche Buena.
Habang nagmimisa kanina ay walang ibang hiniling si Odessa kung hindi ang makita si Lucas. Natatakot siya sa ideyang nakabalik na ito sa 1901 at tuluyang nagpatiwakal. Hindi niya matatanggap ang ideyang iyon. Kahit maiksing panahon lang silang magkakilala ay alam niyang hindi ganoong klaseng tao si Lucas. Isa itong katipunero. Matatag ito.
Matapos ihatid si Lucy sa bahay nito ay diretso na ring umuwi si Odessa. Mabuti na lang at mabait si Boni at hindi tumirik sa daan. Kung hindi ay sa kalsada sila magpapasko.
Pasado alas diyes na nang makauwi si Odessa. Tinulungan din niya ang kanyang lola sa paghahanda ng Noche Buena. Ang papa naman niya ay kausap ang kanyang nanay sa cellphone. Kahit na dapat siyang magsaya dahil pasko ay hindi pa rin lubusang masaya si Odessa. Something is missing in her life. At alam na alam niya kung sino iyon.
“Totoo ba talaga ang kinwento mo sa akin, apo?” tanong ng kanyang Lola Lina.
Kahit makailang beses nang inulit ni Odessa ang tungkol kay Lucas ay amazed na amazed pa rin ang kanyang lola. Ang sad part nga lang ay lagi niyang naaalala ang lalaki. Parang pinupunit ang puso niya.
“Odessa, anak. Kakausapin ka raw ng mama mo,” tawag ng kanyang ama. Mabuti na rin siguro iyong mama niya ang makausap niya. At least ay mada-divert ang isip niya sa kakaisip kay Lucas.
Ilang minuto silang nag-usap ng ina at nalaman niyang may nakausap raw itong kapwa pinoy sa US na willing itong tulungan sa citizenship process. Isng bagay na nagpasaya sa kanya. At least may isang positibong bagay pa rin ang nangyari.
Pero ‘di pa rin ako tuluyang sasaya kung ‘di kita mahahanap, Lucas.
Ilang minuto na lang ay papatak na ang alas dose ng gabi. Magpapasko na.
She tried to smile and feel the Christmas spirit pero hirap na hirap siya. Kahit pa may handa sila sa mesa at maganda ang musika na pinapatugtog sa loob ng bahay nila ay may kulang pa rin sa loob.
“Isang minuto na lang, pasko na!” masayang sabi ng kanyang ama. Mukhang gumanda ang mood nito dahil sa nakausap ang mama niya.
Napatingin naman siya sa sariling cellphone. 11:59 na nga. Itatago na sana niya ang cellphone nang may pumasok na mensahe roon. Nahigit niya ang hininga nang makitang kay Lucas galing ang mensahe.
Maligayang Pasko, Odessa.
Hindi na nagpaligoy-ligoy si Odessa. Agad niyang tinawagan ang lalaki. Mabuti na lang at sumagot ito.
“Nasaan ka?! Ba’t ka biglang umalis?” hindi niya mapigilang bulalas. Pagkasabi ay umagos ang luha sa kanyang mga mata.
“May importante lang akong inasikaso. Pero maayos na ang lahat kaya huwag ka nang umiyak.”
Pinahid niya ang luha sa mga mata. “H-hindi ako umiiyak.”
“Umiiyak ka. Nakikita ko.”
Lumakas ang pintig ng kanyang puso sa narinig. “A-anong nakikita? Nakikita mo ako?”
Agad na nagpalinga-linga si Odessa hanggang sa dumako ang mga mata niya sa may bintana ng kanilang bahay. Natanaw niya mula roon ang gate. At isang imahe ng lalaki ang nakatayo roon.
“L-Lucas? Ikaw ba talaga iyan?”
“Ako ito, Odessa. At nandito na ako para sa’yo.”