Hindi ko hiniling na maipanganak sa mundong ito. Walang akong sinabi na gusto kong mabuhay. Pero… bakit parang kasalanan ko pa na nabuhay ako?
Kung ganito rin naman ang ibibigay sa akin. Hirap, kalungkutan, nag-iisa, at walang nagmamahal. Kailangan ko pa bang ipagpatuloy ito? Ni isang beses hindi ko naramdaman na maging masaya.
Nabuhay lang naman ako. Ipinanganak lang naman ako. Bakit parang nasa akin na ang lahat ng problema. Kasalanan ba ito? Sa tingin ko? Oo.
Sa tingin ko, kakambal ko ang kamalasan. Mula no’ng sinilang ako. Gumulo na ang lahat. Nasira ang pamilya ni Dad. Nagulo ang buhay ni Mommy at dahil sa kapabayaan ko. Nangyari ito. Kailan ba ako lalayuan ng kamalasan?
“Kuya Asher! Kuya Asher!” paulit-ulit kong sigaw habang nililibot ang paningin sa madilim na paligid. Tumakbo ako ngunit parang hindi ako umaalis sa aking puwesto.
“Nasaan ka na?!” Lumandas ang aking luha sa pisngi. Kahit anong sigaw ko at tawag sa kaniya. Hindi siya sumasagot. Hindi ko siya makita. “K-Kuya.”
Humikbi ako saka napaluhod.
Kailangan ko siya ngayon. Pinagalitan na naman ako ni Dad kanina. Sinigawan niya ako at sinabihan ng walang kuwenta. Siya lang ang tanging taong nasasabihan ko ng problema. Siya lang ang taong nakikinig sa akin.
“Oh, Jayden.”
Napatingala ako nang marinig ang boses ni Kuya Asher. Animo’y batis ang aking mga luha na umaagos sa pisngi. Medyo lumalabo ang aking paningin dahil dito.
Humihikbi kong pinunasan ang aking luha gamit ang braso saka siya ulit tiningala. Nakangiti ito sa akin habang ang dalawang kamay ay nasa baywang. Maamo ang kaniyang mukha at kumikislap ang mga mata.
Lumuhod ito sa aking harapan dahilan ng magpantay ang aming mukha. Tumingin sa aking pisngi saka mahinang tumawa. Hinawakan ang ibabaw ng aking ulo at ginulo iyon na ikinasimangot ko.
“Umiiyak ka na naman.”
Muli akong humikbi, lalong napaiyak. Siya lang ang nakakaintindi at naniniwala sa aking mga sinasabi.
“Sinigawan ako ni Da—"
Tumayo siya na ikinatingala ko. Ipinasok ang dalawang kamay sa bulsa habang nakatingin sa akin. Hindi inaalis ang kaniyang ngiti sa labi.
“Hindi sa lahat ng oras nasa tabi mo ako, Jayden,” aniya. “Kailangan mong matutong lumaban. Ipagtanggol mo ang iyong sarili.”
Mabilis akong umiling sa kaniya. Natatakot ako kay Dad. Sa sigaw niya pa lang ay nanginginig na ako. Ang malaki niyang kamay na minsan ay dumadapo sa aking pisngi. Nakatatakot ang mga nanlilisik niyang mata.
Tumalikod si Kuya Asher na ikinatigil ng aking hikbi. Mabilis akong tumayo nang humakbang ito paalis.
“Saan ka pupunta?” tanong ko. Lumingon siya sa akin.
“Hanggang sa muli, Jayden.” Kinumpas niya nang bahagya ang kamay sa ere saka ipinagpatuloy ang paglalakad.
“Kuya! Sasama ako! Kuya!” Mabilis akong tumakbo papunta sa kaniya ngunit hindi ko siya maabutan kahit na naglalakad lamang siya. “Kuya Asher!”
Unti-unti siyang nilamon ng dilim. Anong ibig niyang sabihin? Hindi ko na ba siya ulit makikita? Ayaw niya bang marinig ang mga hinaing ko? Nagsasawa na ba siya sa akin?
Nadapa ako sa pagtakbo. Umiiyak sa gitna ng kawalan. Nag-iisa na naman ako. Walang malalapitan. Hindi na ba ako nasanay? Pati ang kaisa-isang taong nilalapitan ko ay umalis. Ganoon ba ako kamalas?
Gusto ko lang naman na may naniniwala sa akin. Na may makikinig sa mga hinaing ko. Na may malalapitan ako. Mahirap ba iyon? Wala akong ibang hiling. Iyon lang.
“H*yop na bata na ‘yan. Kasalanan niya ang lahat! Kasalanan niya!”
Rinig kong sigaw na ikinamulat ko sa realidad. Kita ang puting kisame sa aking harapan habang may kung sinong sumisigaw sa aking gilid.
Medyo nakahinga ako nang maluwag dahil panaginip lang pala iyon. Hindi totoong iniwan ako ni Kuya Asher. Hindi totoo ang lahat.
“Bakit hindi pa iyan patayin?! Siya ang may kasalanan!” singhal nito. Rinig ko rin ang hagulgol ng kung sino.
Pinilit kong igalaw ang aking kamay upang umupo sana ngunit hindi ko ito maramdaman. Sinubukan kong magsalita ngunit mahinang ungol lamang ang lumabas sa aming bibig. Hindi ko rin ito maibuka. Ano’ng nangyari? Bakit ganito na ako?
“Kuya Jayden.”
Napatingin ako sa mukha ni Alexa nang dumungaw ito sa akin. Mapula ang kaniyang mata at basa ang pisngi.
Lumingon siya sa kaniyang gilid. “Gising na si Kuya Jayden, Dad.”
“Ano?! Hindi dapat pa nagising iyang h*yop na ‘yan!” sigaw nito.
Nagtataka ako kung bakit sinasabi iyon ni Dad sa akin. Pinilit kong inaalala ang lahat.
Napangiwi ako nang sumakit ang aking ulo kasabay ng pagsagi ng nangyari sa akin, sa Undergroud fight Club, kasama si Kuya Asher hanggang sa pagsabok ng paligid.
Nasaan si Kuya Asher?
Tinagilid ko ang aking ulo upang hanapin si Kuya Asher sa paligid ngunit si Dad, Alexa, at si Tita Malou lang ang aking nakita. Inilibot ko ang aking paningin sa buong paligid. Umaasa na nakaupo lamang siya sa isang sulok ngunit nabigo ako. Wala siya.
“Sinong hinahanap mo?!” sigaw ni Dad.
Natuon ang aking mata sa kan'ya. Galing sa pag-iyak ang kaniyang mga mata. Galit na galit ang mukhang nakatingin sa akin. Nasa gilid niya si Tita Malou na nakaupo habang pinupunasan ang pisngi. Nakatayo naman sa aking gilid si Alexa.
“N-Nasaan si K-Ku—”
“Ang lakas ng loob mong itanong pa ‘yan!” si Dad. “Puro kamalasan ang dinala mo sa akin. Lahat na lang gumulo magbuhat nang dumating ka!”
Nalilito akong nakatingin sa kanila. Hindi alam kung bakit siya sumisigaw sa akin. Alam ko na naman na wala akong kuwentang tao. Hindi na kailangan pang ulit-ulitin.
“A-Alexa."
Pinipilit kong magsalita kahit nahihirapan na ako. Gusto kong makita si Kuya Asher. Kung ayos lang ba siya? Kung may natamo ba siyang sugat? Sana naman wala.
Hindi ko kakayanin kung mas higit pa sa akin ang nakuha niya mula sa pagsabog.
Nakatingin ako sa aking stepsister. Naghihintay ng sagot. Humikbi ito saka yumuko. Pinunasan ang pisngi saka tumingin sa akin.
Malakas na kumabog ang aking puso. Sa malungkot ng kaniyang mga mata at sa dami ng kaniyang luha parang alam ko na ang sasabihin niya ngunit pinipilit sa sarili na hindi iyon nangyari.
Umiling siya saka humagulgol. Tumigil ang aking mundo. Anong—Hindi mangyayari iyon. Panaginip lang na iniwanan niya ako, ‘di ba?! Hindi totoo na nagpaalam siya sa akin kanina! Hindi niya ako iiwan!
“W-Wala na siya, Kuya Jayden,” nanginginig ang boses na sabi ni Alexa.
“Kasalanan mo! Ikaw ang may gawa kaya nawala ang kapatid mo!” sigaw ni Dad ngunit hindi ko narinig ang iba niya pang sinabi.
Animo’y nabingi ang aking tainga sa sinabi ni Alexa sa akin. Wala na siya? Wala na ang Kuya ko? Kanina ko pa lang siya nakita. Abot-kamay ko na siya kanina. Totoo ba ang nagyayari ngayon? Talaga bang wala na ang tanging taong naniniwala sa akin?
Siguro nga kasalanan ko ang lahat. Ako ang may kasalanan kaya siya nawala. Kung no’ng una pa lang pinilit ko na talaga siyang umalis sa Black Omega baka hanggang ngayon buhay pa siya. Kung sana ay nakuha ko ang ibig niyang sabihin ng gabing iyon baka napigilan ko pa siya. Hindi sana mangyayari ito kung hindi ako naging pabaya.
Galit ba sa akin ang langit? May nagawa ba akong mali para maranasan ko ang lahat ng ito? Bakit nabuhay pa ako? Ano ang rason kung bakit pa ako humihinga ngayon kung wala naman akong pakinabang sa mundong ito?
“Baka sa isang linggo ka na makakalabas ng hospital, Kuya Jayden," ani ni Alexa habang inaayos ang aking kakainin.
Siya lang ang taong nag-aasikaso sa akin dito. Araw-araw niya akong binibisita upang tingnan ang aking kalagayan.
Walang emosiyon ang aking mukha na tumingin sa aking kamay. Bahagya ko itong ginalaw-galaw. Bumabalik na ang dati kong lakas. Ang sugat kong natamo ay gumagaling na. Nakalalakad na rin ako ngunit hindi pa gano'n kalakas ang aking katawan.
Huling kita ko kay Dad ay noong una kong pagmulat. Hindi na sila bumisita rito. Hindi ko rin naman gusto dahil alam ko naman na sinisisi nila pa rin ako sa pagkawala ni Kuya Asher. Kahit ang sarili ko sinisisi ko pa rin.
Hindi ko pa nakikita ang aking Ina hanggang ngayon. Wala 'atang balak na bumisita sa naghihingalo niyang anak. Walang pakialam kahit nasa bingid na ng kamatayan ang sariling anak.
Kinuyom ko ang aking kamao. Nagtagis ang aking panga habang matalim na nakatingin sa pagkain na nasa harapan ko. Kailangan kong kumain para bumalik ang dati kong sigla.
Sa oras na makalabas ako rito. Gagantihan ko lahat ng taong may gawa sa nangyari sa aking Kuya. Hindi ko hahayaang gumanda ang buhay nila habang ang Kuya ko ay wala na. Dapat lang sa kanila na mawala. Gagantihan ko ang h*yop na Eternity. Maghintay lang kayo.
"Pagkatapos mong kumain. Inumin mo na ito."
Inabot ni Alexa ang isang maliit na lalagyan ng gamot. Tinitigan ko lang iyon. Nilapag niya ito sa gilid ng aking pagkain. Tumingala ako upang tingnan siya. Namumugto ang kaniyang mata. Halata ang pag-iyak.
Binagsak kong muli ang aking mata sa pagkain. Kahit hindi niya sabihin ay alam kong sinisisi rin niya ako sa nangyari kay Kuya Asher. Baka nga naaawa lang siya sa akin dahil sa aking kalagayan ngayon.
"I'm sorry," bulong ko.
Nawalan siya ng kapatid dahil sa akin. Naging pabigat pa ako dahil sa aking kalagayan.
Hindi siya nagsalita sa aking tabi kaya nagpatuloy ako. "Nasira na naman ang pamilya niyo dahil sa akin."
Umiling ako. Pinipigilang hindi pumatak ang aking luha.
"Nawala si Kuya Asher dahil sa akin," ani ko.
"I know." Tumingin ako kay Alexa nang magsalita ito. Tipid itong ngumiti sa akin. Bahagya akong tumango. Totoo namang kasalanan ko ang lahat. "Alam kong kasali siya sa fraternity, Kuya Jayden."
Nanlaki ang aking mata sa kaniyang sinabi. Hindi makapaniwalang nakatingin sa kaniya.
Nangingilid ang luha niya at mahinang tumawa. Pinaglalaruan ang kaniyang kamay saka yumuko.
"Tumatakas siya tuwing gabi sa mansyon. Nakikita ko lagi siyang patagong umaalis. K-Kaya sinundan ko siya t-tapos nalaman ko na nakikipaglaban siya."
Tumingin siya sa akin.
"Sinubukan ko ring pigilan siya." Umiling siya. Pumatak ang luha. "Ang sabi niya gusto niya ang ginagawa niya. Masaya siya sa pakikipaglaban n-ngunit hindi ako nakinig sa kaniya. Pinipilit ko pa ring pigilin siya. Kahit sabihin ko sa kaniya na isusumbong ko siya kina Mommy at Daddy. Hindi siya natatakot. Hanggang sa hinayaan ko na lamang siya sa gusto niya. Nawalan na ako ng pag-asa na mapigilan siya."
Mariin siyang tumingin sa akin habang umaagos ang luha.
"Alam kong hindi ka kasali sa Fraternity. Sinabi mo lang iyon para pagtakpan si Kuya Asher. Alam kong pinipilit mo rin siyang umalis sa Black Omega."
Tumango ako nang makabalik sa pagkagulat.
"Ayaw niyang umalis," sabi ko.
Mahina itong tumawa saka tumango. "Matigas talaga ang ulo ni Kuya Asher. Gusto niyang gawin ang nais niya. Kahit alam niyang magagalit si Dad sa kaniya, pinagpatuloy niya pa rin."
"I'm sorry din, Kuya Jayden," mahinang sabi niya pagkatapos ng ilang segundong katahimikan. "Hindi ko sinabi kay Daddy ang totoo kahit pinalayas ka niya dahil do'n. Natatakot lang kasi ako sa gagawin nila kay Kuya Asher kapag nalaman niyang siya ang kasali sa Fraternity. Sorry talaga. "
Muli akong tumango. "It's okay, Alexa. Nagpapasalamat ako na hindi mo sinabi iyon." Mahina akong tumawa. "Masasayang ang pagsisinungaling ko."
Ngumuso siya saka umupo sa gilid ng aking kama.
"Kumain ka na para naman bumalik na ang lakas mo."
Naiiling kong kinuha ang kutsara saka nagsimulang kumain. Kahit sa kaniyang tunay na kapatid ay hindi siya nakinig. Wala talagang makakapiling sa'yo, Kuya Asher.
Hindi lang pala ako ang sumubok na pigilan ka sa iyong gusto. Natatakot lang naman kami na baka masaktan ka at mawala sa amin.
Lihim akong natawa sa naisip.
Nangyari na ang kinakatukutan namin. Wala ka na sa aming tabi. Sana naman naging masaya ka dahil nagawa mo ang gusto mong gawin kahit nawala ka. Hindi ko pa rin tanggap na wala ka na. Siguro matatanggap ko lang iyon kapag nakaganti na ako sa kanila.
"Wala na si Tita Bernadeth sa mansyon."
Napatigil ako sa pagkain. Tumingin sa kaniya. Malungkot itong nakatingin sa akin.
"Pinalayas siya ni Daddy bago pa lang ikaw magising. Hindi ko sinabi sa iyo dahil baka lumala ang kalagayan mo ngayon."
Nagtiim-bagang ako.
"Pinatulog ko si Tita Bernadeth sa condo ni Kuya pero nalaman iyon ni Daddy." Malakas na bumuntong hininga siya. "Gusto kong tulungan si Tita Bernadeth kaya lang binantaan na ako ni Daddy na papalayasin din niya ako sa mansyon."
"Salamat sa iyong ginawa, Alexa. Malaki na ang naitulong mo sa akin."
"Sobra na ang ginawa sa inyo ni Daddy. Hindi naman ikaw ang may gawa kaya nawala si Kuya. Pinaliwanag ko kagabi na hindi ka kasali sa Fraternity ngunit"—umiling siya—"sarado na talaga ang isip ni Daddy pagdating sa'yo. Hindi siya naniniwala sa akin."
"Hindi na natin maalis iyon. Nakatatak na 'ata kay Dad na ayaw niya sa akin," sabi ko sa kaniya.
"Baka huling punta ko na rin dito, Kuya Jayden," aniya habang pinaglalaruan ang kamay. "Pinagbawalan na ako ni Mommy na pumunta rito pero hahanap ako ng paraan sa ibang araw. At kakausapin ko ulit si—"
"Hindi na." Tinikom niya ang kaniyang bibig. "Sundin mo si Tita Malou, Alexa." Ngumiti ako sa kaniya. "Kaya ko na naman ang sarili ko. Medyo nakabawi na ako."
Naiiyak siyang tumango. Nangingilid ang luha sa kaniyang mga mata. "Sinubukan kong puntahan si Tita Bernadeth sa tirahan niya kahapon para sabihin na gising ka na ngunit… ang sabi niya ayaw ka raw niyang makita."
Muli akong tumango at hindi na nagsalita. Galit din siya sa akin dahil sa nangyari. Pinalayas siya sa mansyon kaya ako ang sinisisi niya. Kahit silip man lang sa kaniyang anak hindi niya ginawa?
Sinilang niya lang naman ako para mapatira siya sa mansyong ninanais niya at ngayong wala na siya sa poder ni Dad. Wala na rin siyang kinikilalang anak.
Yumuko ako habang pinaglalaruan ang aking pagkain.
Kailan niya ba akong tiningnan bilang isang anak?