Chapter 4

2319 Words
Nilagay ko ang aking jacket sa balikat saka tumingala sa langit. Isang buwan na ang nakalilipas ng mangyari ang bagsabog na iyon. At ilan buwan na rin ang lumipas buhat ng mawala ang aking kapatid. Hindi na muling bumisita sa akin si Alexa. Ayos lang naman sa akin upang hindi siya mapagalitan ng kaniyang mga magulang. Mag-isa lang ako sa aking silid habang iniintindi minsan ng nurse. Bumuntong-hininga ako nang malalim habang nakatingin pa rin sa mapayapang kalangitan. Sana ganito na lang kapayapa ang buhay ko ngayon. Sana ganito ang kulay ng buhay ko. Masaya, makulay, at tahimik. Nagsimula na akong maglakad palayo sa hospital. Hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Papaano ulit ba ako magsisimula ng bagong buahay? Umiling ako saka natawa sa sarili. May bago ba? Halos araw-araw akong nagsisimula. Araw-araw kong sinasabi na magsisimula ulit ako ngunit nagawa ko nga ba iyon? Sa mga nakalipas na araw parati kong naalala ang aking Kuya. Halos halungkatin ko ang aking utak kung ano ba ang nagawa ko para maranasan ang paghihirap na ito. Yumuko ako upang tingnan ang tahi sa may braso ko. Makakalimutan ko ba ang nakaraan kung may magpapaalala no’n sa akin? Nakatatak na sa isipan ko ang mga masasamang nangyari sa akin, maging sa aking katawan. Nagtiim-bagang ako. Kinuyom ko ang aking kamao sa galit. Maghihiganti ako para sa aking Kuya. Hindi ako titigil hangga’t hindi ko sila nakikitang nakaluhod sa aking harapan habang nagmamakaawa sa kanilang buhay. Nagtungo ako sa dating bahay ni Mommy, sa squatter area. Nakasunod sa akin ang mga tingin ng lahat ng tao rito. Maraming mga bata ang naglalaro sa daan. Nakaupo ang mga babaeng may hawak na sanggol habang nagbubulungan at pasulyap-sulyap sa kinaroroonan ko. Marami ring mga kalalakihan ang nag-iinuman sa tabi ng daan. Magulo, malansa, at maingay ang lugar na ito. Napatigil sa paglalaro ang ilang mga bata nang mapasulyap sa akin. Kumikinang ang kanilang mga mata habang manghang-manghang na nakatingin sa akin. Walang emosiyon naman ang aking mukha habang nakatingin sa mga ito. Nakapamulsa ang dalawa kong kamay na naglalakad. Ngayon lang ako nakarating sa lugar na ito. Ngunit alam ko na kung ano ang itsura nito. Pinandidirian ito ni Mommy. Ang lugar na ayaw niya nang balikan ngunit nandito na naman siya dahil sa akin. “Ang astig natin, ah,” ani ng lalaking pagewang-gewang sa aking harapan. Tumigil ako sa paglalakad. Hawak niya ang isang bote ng hindi ko kilalang alak. Malaki ang tiyan niya at walang buhok. Halata na matagal na siyang lasing. TIningnan ako nito mula ulo hanggang paa. Nakasuot ako ng puting t-shirt at itim na pantalon. Nakasabit pa rin sa aking balikat ang black leather jacket ko. Ngumisi ito sa akin at nilingon ang kaniyang mga kasama. “Alam mo, brad..." aniya, medyo lumapit sa akin. Malamig lang ang aking matang nakatingin sa kaniya. Wala akong panahon para makipag-usap sa kaniya. Nilagpasan ko ito upang ipagpatuloy ang aking paglalakad. Hindi puwedeng ipasok dito ang aking sasakyan kaya nilakad ko na lang. “Aba! bastos ‘to, ah!” Kita sa gilid ng aking mata ang kamao nito na tatama sa aking mukha. Mabilis ang aking pag-ilag saka isang hakbang na umatras. Nakalagay pa rin ang isa kong kamay sa aking bulsa. Nagpageway-gewang ito at muntik pang matumba. Nagsigawan ang lahat ng mga tao. Hindi dahil sa takot kun’di dahil sa saya. “Sa itim ako!” “Oh! Laban! Laban!” “Sinong pupusta?!” Ang mga bata ay tumabi habang nanonood sa amin. Nagsitayuan naman ang mga Inang may hawak na bata. Tinuro ako ng lalaki. Pumipikit-pikit ang kaniyang mata. Pinilig nito ang kaniyang ulo saka tiningnan ako mula ulo haggang paa. “Ang yabang mo! Teritoryo namin ang niyayapakan mo!” Tinuro niya ang lupa. Ipinalibot ko ang aking mata sa paligid. Dikit-dikit ang kanilang mga bahay na gawa sa kahoy. Kitang kita ang kahirapan sa lugar na ito. Kung hindi pinagutan ni Daddy si Mommy. Siguradong dito rin ako lalaki. Muli akong tumingin sa lalaki at ngumisi na lalong nagpagalit dito. “Teritoryo?” sabi ko, mahinang natawa. “Nasaan ang titulo?” Pumula ang mukha nito. Medyo nahimasmasan ‘ata sa sinabi ko. Sino ba ang niloloko nila? Wala silang karapatang tumira rito dahil hindi naman kanila ang lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay. “Minamaliit tayo!” Turo niya sa akin saka tumingin sa mga lalaking kainuman niya. Malakas nilang tinabig ang kanilang lamesa dahilan ng pagtapon ng kanilang mga inumin at pulutan. Mayabang na naglakad ang mga ito sa aking harapan, katabi ng lalaki. Kaya ko silang labanan kahit ganito ang aking kalagayan ngunit hindi sila ang sadya ko. “Tss.” Naiiling akong naglakad upang lampasan sana sila pero hinarangan nila ang aking daraanan. “Tatakas ka,” mayabang na sabi ng lalaki. "Matapos mo akong sagutin sa teritoryo namin! Hindi ka makakaalis dito ng hindi ka namin nabubugbog!” Walang emosyon ako nakatingin sa kanila. Sinugod ako ng lalaki ngunit umilag lang ako rito. Walang balak na sayangin ang aking oras sa kanila. At saka sa sobrang bagal ng kamao niya, nakatatamad lamang. Malakas na sigawan ang maririnig sa buong paligid. Sabay-sabay na sumugod ang ibang lalaki sa akin ngunit kahit isang tama ay hindi nila magawa. Malakas na natumba ang lalaki dahil sa kawalan ng balanse nang akma niya akong susuntukin. Tumama ang mukha nito sa putik. Lumapit ang isang babae na sa tingin ako ay asawa niya. Masama ang tingin nito sa akin. “Ano’ng nangyayari rito?!” Napalingon ako nang may sumigaw. Galit ang mukha ni Mommy na nakatingin sa akin. Suot ang bestida at tsinelas habang nakapamaywang sa aming harapan. Malayo ang kaniyang itsura no’ng huli ko siyang nakita ngunit nananalaytay pa rin ang kan'yang kagandahan. “Ang h*yop na lalaking ito,” singhal ng lalaki habang nakaturo sa akin. Tumigil ang mga ito sa pagsugod. Nakatingin sa aking Ina. “Dayo na nga! Ang yabang pa!” Galit na humakbang si Mommy palapit sa akin. Sumulyap ito sa akin saka tumingin sa mga lalaki. “T*ngino niyo pala, e! Anak ko iyan! Mga h*yop kayo!” Gulat na tumingin ang mga ito sa akin saka napakamot sa kanilang batok. “Ang yabang kasi, Bernadeth, eh. Gusto niyang ipakita ko ang titulo ng lupa na ito! Aba! Ang ya—” “Bobo ka ba?! Wala naman tayong titulo! Anong kinayabang do’n!” sigaw ni Mommy. Sumulyap ng isang beses sa akin ang lalaki. “Umalis na nga kayo! Baka sa inyo ko pa ibuhos ang galit ko!” Mabilis na tumalikod ang mga ito. Napataas ako ng kilay at tumingin sa likod ng aking Ina. Takot sila sa kaniya? Napailing ako. Nawala ng tuluyan ang kanilang pagkalasing nang makita ang Ina ko kanina. Lumingon sa akin si Mommy. Nakapamaywang ang dalawang kamay saka tiningnan ako mula ulo hanggang paa. Lumingon siya sa gilid niya. Ganoon din ang aking ginawa. Nakatingin sa amin ang mga babae na nakikipagtsismisan kanina. “Anong tinitingin-tingin niyo riyan?! May artista ba?!” galit na sigaw ni Mommy dahilan ng mabilis na pagpasok ng mga ito sa kanilang bahay. Muli siyang lumingon sa akin. “Ano'ng ginagawa mo ito?” “Kukunin kita,” ani ko. Nang-iinsultong tumawa ito. Pinunasan ang noo na may pawis saka tumingin sa akin. “Kukunin? Saan mo naman ako dadalhin? Sa mansiyon?" Umiling siya. “Pagkatapos ng mga ginawa mo, Jayden. Hindi na nila ako gustong patirahin sa mansyon.” “Sa tirahan ko. Mas maayos pa iyon kaysa...” ani ko, tumingin ako sa paligid, ”rito. Titigil ako sa pag-aaral para makapagtrabaho at maibigay ang pangangailangan mo.” Lumingon ako sa kaniya. Umiling ito. “Umalis ka na.” “Mom,” nagmamakaawa ang aking boses. Hindi ganitong buhay ang gusto niya. Lahat gagawin ko para lamang maranasan niya ang maginhawang buhay. Kahit galit siya sa akin, kahit itakwil niya ako. Mahal ko pa rin ang sarili kong Ina. “Umalis ka na, Jayden. Hindi na kita kailangan.” Ramdam ang pagkirot ng aking puso. Kita ang galit sa kaniyang mga mata. “Pinalayas ako ng Daddy mo. Sa pinapangarap kong mansyon. Pinaghirapan ko iyon kaya ko nakuha ang gusto ko. Nagmakaawa ako. Kinapalan ko ang aking mukha pero… walang nangyari. Nawala lahat ng pinaghirapan ko dahil sa'yo!” Nanlumo ang aking pakiramdam. Sobrang sakit pakinggan ang mga sinabi niya ngunit totoo naman iyon. Ako ang may kasalanan kaya siya pinaalis. “Nandito na naman ako sa p*tanginang lugar na ito! Bumalik na naman ako sa mabahong lugar na ito!" “Sumama ka sa akin, Mommy. Kung ayaw mo sa lugar na ito, suma—” “Utang na loob! Gusto mong tumira ako kasama ka?! Ipaaalala mo lang sa akin kung gaano ka kawalang kuwentang anak!” Mabilis na lumamig ang aking mukha. Pinipigilang pumatak ang aking luha. Hindi pa rin pala ako sanay sa mga salitang iyon. “Dapat pala pinalaglag na kita no’n, eh! Kung alam ko lang na babagsak din ako rito sa huli. Eh, ‘di sana tuloy-tuloy ang trabaho ko no’n sa bar. P*tanginang buhay naman ito!” Tumalikod ito sa akin saka umalis ngunit napatagil ito nang magsalita ako. “Kung ayaw mo talagang sumama sa akin, Mommy. Magpapadala na lang ako ng pera. Susunduin kita kapag nakapagpagawa na ako ng malaking ba—” “‘Wag ka na ngang mangarap, Jayden. Hindi mangyayari ang lahat ng iyon. At ‘wag ka nang mag-abala na padalhan ako. Magmula ngayon wala na akong anak.” Nanigas ako sa aking kinatatayuan habang nakatingin sa papalayo niyang likod. Wala bang natitirang pagmamahal sa kaniya? Kahit isang patak lang. Ganoon niya ba ako kaayaw? Bakit sobrang dali lang sa kanilang sabihin iyon? Para silang nagtapon ng tissue pagkatapos nilang gamitin. Kahit awa lang ba, wala? Nag-init ang gilid ng aking mata saka suminghot. Kinuyom ang kamao. Nakayuko ako habang papaalis sa lugar. Tinakwil ako ng sarili kong Ina dahil sa kawalang kuwenta ko. “Aalis ka na agad?” Napatigil ako nang marinig ang maliit na boses. Lumingon ako sa batang babae. Madungis ang kaniyang itsura habang kapit-kapit ang maduming teddy bear. Kayumanggi ang kaniyang balat. Sira-sira ang kaniyang suot na bestida. Nakatali lang ang kaniyang tsinelas na nagsisilbing dahon nito. Magulo ang buhok na nakatingala sa akin. Walang emosiyon ko siyang tiningnan. Tatakbo ang ibang bata kung makikita nila ako ngunit hindi siya. Nahihiya lang itong nakatingin sa akin habang pinaglalaruan ang hawak. “Bakit?” walang tono kong sabi. “Kararating mo pa lang, eh,” saka ngumuso. Tumingin siya sa aking suot. Kita ang pagkamangha sa kaniyang mga mata. Muling tumingin sa akin. “Pangarap kong maging mayaman tulad mo.” Tumaas ang isang kilay ko.”Mayaman? Ano ang kinayaman sa suot ko?" Tinuro niya ang aking jacket na nasa balikat ko. “Lahat kasi ng may ganyan sa school mga mayayaman. Nakikita ko sila kapag nagpupulot kami ng mga basura do'n.” Malaki ang kaniyang ngiti habang nagkukuwento. “At saka narinig ko kanina na bibigyan mo ng pera si Aling Bernadeth.” “Kilala mo si Mommy?” tanong ko. Lalong namangha ang inosenteng mukha nito. “Sabi ko na ,eh! Sobrang yaman mo. Ang sabi ni Nanay mayayaman lamang daw ang nagsasabi ng Mommy,” aniya. Umiling ako sa kaniya saka umupo upang magpantay ang aming mukha. “Marami ka bang pera?” “Hindi ako mayaman,” sagot ko. Makahulugang tumingin ito sa akin. Hindi naniniwala sa 'king sinabi. Mahina akong tumawa at sandaling nawala sa isip ko ang mga sinabi sa akin ng aking Ina. “Hindi ako naniniwala, Kuya," habang umiiling. “No’ng dumating nga si Aling Bernadeth puno ng maraming alahas ang kaniyang leeg tapos sabi niya ‘hindi na ako mayaman’ pero nakikita ko naman siyang laging nagsusugal.” “Gusto mo bang magkapera?” nakangiting tanong ko. Sumimangot ito sa akin. “Sino bang ayaw sa pera, Kuya?” saka lumiwanang ang mukha. “May ipapagawa ka po ba?” Tumango ako. Nakatungkod ang aking siko sa dalawang hita habang nakaharap sa kaniya. “Puwede mo bang bantayan ang aking Ina habang wala ko?” “’Yon lang?" Nakataas ang kaniyang noo sabay hinawi ang buhok niya dahilan ng mahina kong pagtawa. Nakakaaliw siyang panoorin. “Ako na pong bahala. Madali lang sa akin iyan lalo pa at magkadikit lamang ang bahay namin.” Tumango ako sa kan'ya saka kinuha ang wallet ko sa bulsa. Kumislap ang mga mata nito nang makita ang pera sa loob. Huling sahod ko ito sa aking trabaho na aking tinitipid para sa pagpapa-aral sana sa sarili. Hinugot ko ang limang daang papel saka inabot sa kaniya. Nanlaki ang kaniyang mata na kinuha iyon saka tinitigan. “Wow! Sabi ni Nanay marami ng mabibili sa ganitong kulay.” Tumango ako saka tumayo. Nakatingin pa rin sa kaniya. “Mas malaki pa ang ibibigay ko sa iyo kapag nabantayan mo nang maayos si Mommy.” Tumango ito sa akin saka sumaludo. “Ako nang bahala, boss. Bodyguard na ako ni Aling Bernadeth." “Sa ating dalawa lamang ito. Wala dapat na makakaalam,” mahinang sabi ko. Mabilis niyang tinakpan ang kaniyang bibig gamit ang maliit niyang mga kamay saka naglinga-linga sa paligid. “Ligtas po sa akin ang sikreto mo.” Itinaas nito ang perang hawak at tumakbo palayo. Nangingiti ko siyang pinagmasdan ngunit unti-unti itong nawala habang nakatingin sa squatter area. Magtitiis ang sariling kong Ina sa lugar na ito dahil lamang ayaw niya akong makasama. Gigising siya araw-araw na wala na sa mansyon na kaniyang kinasanayan. Ang pangarap kong makapagpatayo ng sariling bahay upang humiwalay sana kay Daddy ay naglaho. Bumuntong-hininga ako. Magsisikap ako upang maabot ang mga pangarap ko at makaalis ka na sa lugar na ito. Pipilitin kong magsimula muli kahit walang sumusuporta sa akin. Hindi ako makakapayag na naglulugmok sa hirap habang nagkakasiyahan ang pumatay kay Kuya Asher.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD