"You're kidding," mahina nitong sambit.
"Mukha ba akong nagbibiro?"
"Kanina lang nakikipag-break ka..."
"Kasi ayaw mong makinig sa 'kin. Kung gusto mong magtagal tayo, dapat sumunod ka sa gusto ko. Kahit gaano ka kayaman, ako ang masusunod sa relasyon natin. Naiintindihan mo?"
"You love me? Since when?" Tila hindi nito mapaniwalaan na mahal nga niya si Athena. Paano ba niya ipapaliwanag na halos sumabog na nga ang dibdib niya sa sobrang saya kaninang paggising niya? At kanina naman halos suntukin niya na si Richard sa sobrang selos.
"Mahalaga pa ba kung kailan kita sinimulang mahalin?" Lumakad siya palapit sa dalaga saka dinama ang ibabang labi nito. "Ikaw? Mahal mo rin ba 'ko?"
"I do. I love you, Kent," madamdamin nitong sagot. Bumaba ang mga labi niya para bigyan ito nang mapusok na halik. Gustong kumawala ng pagtitimpi niya dahil hindi naman tumututol ang dalaga. Pero kailangan nilang maghanda ng pagkain kung hindi ay wala silang tatanghalian.
Mahal siya ni Athena. Gaano siya kaswerte na siya ang napili nitong mahalin? Hindi ba talaga siya nananaginip?
"Do you promise not to get jealous with Richard or any other man?" tanong ni Athena na tila nanghihingi ng assurance na hindi na siya ulit magagalit. "I only want you. You have to trust me."
"Pero hindi dapat matulog ang lalaking 'yun dito sa bahay niyo," pagdidiin niya. "Hindi natin siya lubusang kilala."
"E di ikaw na lang ang matulog dito para nalilibang si Lolo na laging may kausap," nakangiti nitong suhestyon. Napatda tuloy siya sa kinatatayuan. Alam ba ni Athena ang sinasabi nito? Lalaki siya. Ngayon pa nga lang hindi niya na alam kung paanong pagtitimpi ang gagawin niya. Paano pa kaya kung ilang hakbang na lang ang layo niya dito sa gabi?
"Hindi magandang tingnan na dito rin ako matutulog. Kaya nga hindi ko gustong makitulog si Richard dito, naiintindihan mo ba? I could stay until late at night, but not overnight, sweetheart. Baka tumawid ako sa kwarto mo dis oras ng gabi." Pinamulahan ng mukha si Athena saka kinagat ang ibabang labi sa pigil na ngiti. Lalo tuloy siyang nanggigigil.
"Okay, I understand. Puwede na 'yun. At least may kausap si Lolo hanggang antukin siya." Bumalik ito sa paghahanap ng maluluto sa refrigerator kaya't nakialam na rin siya.
"Ano bang lulutuin mo? Ako na kaya?"
"Puwedeng tinolang manok para may sabaw. Mahilig si Lolo sa sabaw."
"Ako na, umupo ka na lang doon."
"I can cook, Kent."
"I know. Pero kapag ako ang boyfriend mo, hindi ko hahayaan na mapagod ka. Manood ka na lang ng palabas sa TV."
"How sweet..." tudyo nito pero pinilit ulit kuhanin sa kanya ang papaya na hihiwain. "Pero gusto kong nagluluto sa taong mahal ko."
"Hindi ba't sinabi ko na sa 'yo na ayaw ko nang matigas ang ulo?" Binuhat niya ito at pinaupo sa sofa. "Kapag sinabing ako ang magluluto, ako ang magluluto."
Nasa mood naman talaga siyang magluto ngayon. Gusto niyang ipakita kay Athena na karapat-dapat siyang mahalin, na masarap siyang mag-alaga. Totoo ring hindi niya gustong mapagod ito. Masyado itong maganda para magtrabaho sa kusina. Ano na lang ang sasabihin ni Marcus sa kanya kapag nalaman nitong pinapagod niya ang panganay nitong prinsesa?
Pagkatapos niyang magluto ay sinundo niya si Mang Tonyo sa bukid. Mabuti na lang hindi na nito isinama si Richard na abala pa rin sa natitirang hindi pa naaani. Hindi niya gustong magkaroon na naman ito ng pagkakataon para mapalapit kay Athena.
Pagkatapos ng tanghalian ay nagpaalam muna siya na uuwi para kumustahin naman ang Itay niya. Magaling na si Mang Tonyo, ang Itay niya ay parati pa ring nakahiga. Kailangan niya na ring dalhin ito sa doktor para mapagamot katulad ng pagpapagamot ni Marcus kay Mang Tonyo noong isang araw sa bayan.
"Busy yata kayo palagi ni Athena ngayon? Hindi ko na nakakasama ang kaibigan ko ah." Hindi niya tiyak kung naghihinala na ba si Kaira na may relasyon sila ni Athena. Baka wala pa naman. Madaldal ang kapatid niyang ito, baka ipagkalat kaagad sa baryo nila kapag nalaman ang totoo. Hindi pa siya handang humarap kay Marcus Silvana at Stacey Albano kung sakali.
"Tinapos na kasi namin ang anihan. Mabuti nga magaling na si Mang Tonyo, kasama na namin sa bukid kanina."
"Hmm... Okay na kayo ni Athena? Hindi na mainit ang ulo mo sa kanya?" magkasunod pa nitong tanong.
"Mabait naamn pala ang kaibigan mong 'yun. Okay naman na kami. Mainit lang ang ulo ko nitong mga nakaraang araw kaya baka sa kanya ko naibubunton."
"Hmm... Nagpunta ako kanina sa bahay nila. Nasa kusina kayong pareho---"
"Nando'n ka kanina?" Biglang bumilis ang t***k ng dibdib niya. Hindi niya napansin kung may ibang taong nasa labas ng bahay. Kung si Kaira 'yun, siguradong hindi lang sa labas ng bahay ito nagpunta. Saang parte ng pag-uusap nila ni Athena ang nasaksihan nito? O baka noong hinalikan niya?
"Parang nag-aaway kayo kaya hindi na 'ko tumuloy." Hindi niya alam kung nagsasabi ba ito ng totoo. Sandali lang naman silang nagtalo ni Athena, sumuko din siya kaagad.
"Gusto kasi ni Mang Tonyo na patulugin si Richard doon, tumututol ako kasi hindi naman nila lubos na kilala si Richard."
"Over protective ah..." tudyo pa nito.
"Ano pa ang narinig mo?"
"Wala na. Natutuwa lang ako na maayos na kayo ni Athena ngayon."
Hindi niya alam kung ano ang sasabihin sa kapatid. Pigil ang ngiti nitong may halong panunudyo, sigurado siyang may narinig ito. Hindi pa siya handang ipagsigawan kahit sa pamilya niya na girlfriend niya na si Athena. Masyadong mabilis ang mga pangyayari.
"Ligawan mo kaya? Ang tagal nang may crush sa 'yo nun."
"Tumigil ka nga. Kumusta ang Itay? Kumain na ba kayo?" pag-iiba niya sa usapan. Nagpapanggap na rin lang si Kaira na wala pang alam, magpapanggap din siyang tila walang nangyari.
"Kumain na kami. Ubos na nga pala 'yung gamot niya, kailangan na ulit bumili sa bayan."
"Dadalhin ko na lang siya sa doktor bukas. Kukuhanin ko kay Mang Tonyo 'yung pangalan ng doktor na nagpagaling sa kanya."
"Sige kuya. Puntahan mo si Itay, hinahanap ka kanina. Pwede ba akong magpunta ulit sa bahay nila Athena ngayon?
Marahan siyang tumango. Sana lang huwag muna ding umamin si Athena sa kapatid niya. Nasabihan niya naman ito na ilihim muna ang relasyon nila pansamantala.
Matapos magpahinga sa bahay ay bumalik siya sa bukid kinahapunan. Tamang-tama, nasa kubo din si Richard na nagpapahinga mula sa pag-iikot sa bukid. Binigyan niya ito ng babala na huwag basta-basta tanggapin ang anumang paanyaya ni Mang Tonyo lalo na ang pagtulog sa mansyon. Hindi lahat ng trabahador ay pinapayagan ni Marcus Silvana na bumisita sa bahay ng mga ito.
"Nahihiya lang akong tumanggi kay Mang Tonyo at Ma'am Athena. Lalo na kung pagtatanim ang hilig ni Athena at gusto talagang matutunan ang pamamahala ng farm. Huwag kayong mag-alala, hindi naman ako papayag na makitulog doon."
"Mababait ang mga Silvana, pero huwag nating abusuhin," dagdag niyang wika. "At mayaman at makapangyarihan din sila sa bayang ito. Kapag may ginawa kang masama sa kanila, magtago ka na sa sulok ng Pilipinas dahil hindi sila titigil hangga't hindi ka napaparusahan."
"Hindi naman ako ganoong tao, Kent. Pero susundin ko ang payo mo kung 'yan ang sa tingin mo na makakapagpanatag ng kalooban mo. Nasabi sa akin ni Athena na sa 'yo daw nagbilin si Sir Marcus para sa tingnan tingna sila."
Bago magdilim ay dumaan siya sa bahay nila Athena. Tulad ng ipinangako niya dito, mamamalagi siya sa mansyon hanggang gabi nang may makakwentuhan naman si Mang Tonyo.
Nasa salas lang ang matanda na nanonood ng TV. Nasa silid tiyak si Athena. Nagpaalam siya kay Mang Tonyo na aakyat sandali para kuhanin ang pangalan ng klinika kung saan ito ginamot. Nasa hagdan pa lang siya ay naulinigan niya nang may kausap ang kasintahan sa loob ng silid.
Boses ng kapatid niya ang isa. Ibig sabihin ay hindi pa rin ito umuuwi simula nang puntahan nito si Athena kanina.
"Kaya mo 'yan, ang ganda mo kaya. Hindi ka naman bibigyan ng imbitasyon kung hindi ka nila napili," wika ni Kaira.
"But I don't feel like going anymore. Baka lang magalit si Tiffany kapag hindi ako tumuloy."
"Magagalit talaga sa 'yo 'yun. At pati ako magagalit kapag hindi ka tumuloy sa Paris."
Nagdadalawang-isip na si Athena na umalis papuntang Paris? Dahil ba sa kanya? Na-excite tuloy siyang makausap ang kasintahan. Kapag nakumbinsi niya ito baka lalong hindi na tumuloy.
Bumaba na muna siya dahil naroon si Kaira. Baka usisain pa siya nito kung bakit niya pupuntahan si Athena. Ang hirap pa namang hindi lumagkit ang tingin niya sa kasintahan kung ganitong sabik na sabik siyang makasama ito.
Babalik na lang siya mamaya, kahit siguro kapag tulog na ulit si Mang Tonyo.