CHAPTER VII

1450 Words
“Hoy! Ano ba Marie?! Umalis na tayo dito. Tignan mo naman napakaraming mga tao dito. Tapos tignan mo 'yong mga suot nila sa suot natin.” sabi ni Joan sa kaibigan habang hinihila ito palabas ng lobby. “Hindi. Kailangan kong makausap si Eric,” sagot ni Marie na palingo-lingon sa paligid at umaasang makita ang binata. “Kailangan kong malaman kung talagang hindi siya ang lalaking kasama ko sa isla. Dahil kung hindi, hindi ako matatahimik,” seryosong dugtong ng dalaga. Hindi na sumagot pa Joan nang makita ang ekspresyon ng kaibigan. Nakita niya sa mukha ng nito na litung-lito pa ito at hindi sigurado kung anong nangyayari. Napapansin din niya sa mga ikinikilos ng kaibigan na nahihirapan ito. Na para bang mayroong laging bumabagabag dito. Maya-maya pa ay nagsimulang lumabas ang mga tao mula sa isang elevator. Lahat sila ay naka-itim na amerikana. Ang mga media at press naman ay parang mga langgam na bigla na lang nagdagsaan sa loob ng lobby. Agad naman humarang sa kanila ang ilan sa mga naka-itim na amerikana para protektahan ang taong nasa gitna nila. Isang matipuno, makisig at may hitsurang binata. Si Eric, na papalabas ng building at papasakay sa sasakyan niya. Nakita ni Marie ang binata kahit sa gitna ng nagdadagsaang mga tao at agad niyang tinawag ang pangalan ng binata. Pero dahil sa ingay at dami ng mga reporters ay hindi siya narinig nito. Kaya sumingit siya sa gitna ng nagisisiksikang mga reporters. Pero nagkatulakan na sa gitgitan. Pati siya ay nahawi na din ng mga body guards ni Eric. Pero hindi pa rin tumigil si Marie, patuloy siya sa pagtawag sa binata at pagsunod dito. Hindi niya nais palagpasin ang pagkakataong ito na maka-usap ang binata at mapatunayan sa sarili niya na hindi lang siya basta nahihibang.  Talagang gusto niyang makausap ang batang CEO. “Eric! Eric!” sigaw niya habang patuloy sa pagsingit. At sa pagkakataong ito ay napalingon sa kanya ang binata. “Ako 'to! Si Marie!” sigaw niya uli sabay kaway sa binata. Sandaling napatitig si Eric sa kanya pero walang ekspresyon ang mukha nito. Ni hindi ito ngumiti o ano man. “Eric! Hindi mo ba 'ko natatandaan? Si Marie 'to!” sigaw uli ni Marie. Pero hindi na siya pinansin ni binata. Iniwas nito ang tingin sa kanya. sumakay ng sasakyan at isinara ang pinto. Napatigil na din si Marie sa paghabol. Nadismaya siya ng hindi niya nalalaman. Naitulak siya ng isa sa mga reporters at natumba. Parang bigla siyang nanghina at nahilo. Mabuti na lang at agad na dumting ang kaibigan niya. Hinila siya ni Joan palabas mula sa gitna ng mga nagkakagulo pa ring reporters at pinaupo sa isang bench sa tapat ng building. “Bakit hindi niya ako pinansin? Bakit. Parang hindi niya ‘ko kilala?” napayuko si Marie at hindi niya mapigilang tumulo ang luha dahil sa magkahalong inis, lungkot at pagkadismaya. At sa pag-aalala na nahihibang na lang talaga siya at gawa-gawa lang talaga niya ang lahat ng nangyari sa isla. “It's okay,” marahang sabi ni Joan sabay hawak sa likod ng kaibigan. “Nandito ako para kausapin mo. Makikinig ako sa kahit anong sasabihin mo,” patuloy ng dalaga habang hinihimas ang likod ng kaibigan at pinapatahan sa pag-iyak. “Nababaliw na ba talaga ako?” tanong ni Marie habang nagpupunas ng luha. “Matagal na tayong baliw,” pabirong sagot ni Joan. “Kumalma ka muna. Okay?Ang mabuti pa magpahinga muna tayo, tapos ikwento mo sa 'kin ng buo 'yong mga natatandaan mo nung nandoon ka sa isla,” dugtong ng kaibigan. “Huwag na,” mahinang sagot ni Marie. Maging siya ay nag-aalangan ng paniwalaan ang mga naaalala niya. “Sus! Tara may alam akong resto bar, treat ko! Tara na!” yaya ng kaibigan sabay hila kay Marie. Alam ni Joan ang nararamdaman ng kaibigan at gusto niyang pagaanin ang loob nito kagaya ng ginagawa nito sa kanya tuwing inaatake siya ng depresyon noon. Kailangan siya ng kaibigan niya  ngayon, at gagawin niya ang lahat para matulungan ito. Lumipas ang ilang oras mula ng lumubog ang araw nang maisipang umuwi nila Marie at Joan. Kahit papaano ay nag-iba na ang ekspresyon ng mukha ni Marie. Iba din talaga ang nagagawa ng magandang musika at masarap ng pagkain. Naikwento ni Marie ang lahat sa kaibigan. Lahat ng nangyari at detalye noong nasa isla siya kasama si Eric. Ang problema na lang ay kung paanong mapapatunayan ni Marie na tama ang mga naaalala niya. “So anong balak mo?” tanong ni Joan sa kaibigan habang naglalakad sila pauwi. “I'll start working again. Kailangan ko ng pera for Matthew. Makakalimutan ko din siguro 'to. Ang mahalaga buhay ako, at nandito pa ako,” nakangiting sagot ni Marie. “Bilib talaga ako sa bilis ng pag move-on mo,” nakangiting sabi ni Joan. “Sinabi din ni Eric sa akin 'yan,” may lungkot na sagot ni Marie. Napatigil si Marie. Natawa at napahawak sa noo.  Tinapik naman ng kaibigan ang likod niya at patuloy silang naglakad. Hindi rin talaga gan'on kadali kalimutan ang mga nangyari at hindi ganoon kadaling isipin na hindi talaga totoo ang mga naaalala niya. Tuloy pa rin ang kwentuhan nila tungkol sa nangyari sa isla. Naniniwala si Joan na nagsasabi ng totoo ang kaibigan at hindi ito nasisiraan ng bait. Dahil sa sobrang detalyado ng kwento ay hindi maaaring panaginip lang ang lahat. Ang tanong na lang ay bakit iba ang record ng mga rescuers at bakit hindi siya pinansin man lang ni Eric. Naghiwalay ng daan ang dalawa, dalawang kanto mula sa bahay nila Marie. Nakarating na kasi sila kina Joan at nagpumilit si Marie na 'wag na siyang ihatid pa sa kanila. Matapos magpaalam sa isa't isa ay kanya-kanya na silang naglakad pauwi. At matapos ang ilang minuto ay nakarating na si Marie sa tapat ng bahay nila. Bubuksan na niya ang gate nang biglang may narinig siyang busina. Napatingin siya sa sasakyan. Bigla nitong binuksan ang mga ilaw sa harap na sumilaw sa mga mata ng dalaga. May bumabang lalaki mula sa sasakyan at dahan-dahang naglakad papalapit sa kanya. “So, dito ka pala nakatira?” isang pamilyar na boses ang narinig ni Marie. Naglalakad ang lalaki papalapit sa kanya pero hindi niya masyado maaninag ang mukha nito dahil sa sobrang liwanag ng ilaw ng kotse. Hanggang sa tumapat ang lalaki sa ilalim ng isang street light sa tapat ng bahay nila Marie. “Eric?” tanong ni Marie. “Yes. I am sorry sa nangyari kanina. I didn't mean to ignore you. Ang dami kasing tao,” sabi ni Eric. “Then, bakit hindi ka man lang ngumiti? Hind ka man lang kumaway? Bakit hindi mo sinabi sa akin na mayaman ka? Bakit iba 'yong nasa record ng mga rescuers? Bakit kailangan mo kong pagmukhaing nababaliw?” sunod-sunod na tanong ni Marie kay Eric habang nagpipigil ng luha. Lumapit si Eric sa dalaga at agad itong niyakap. Sa pagkakataong 'yon ay hindi na napigilan pa ni Marie ang mga luha niya. “Nakakainis ka! Nakakainis ka! Simula noong una tayong nagkakilala nakakainis ka!” sabi ni Marie habang nakayakap pa rin si Eric sa kanya. “I’m sorry. I didn't want you to feel that way. I can answer all of your questions. Pero gusto kong malaman mo na masaya ako na gumaling ka. At nagkita tayo uli,” sabi ni Eric. Sa pagkakataong ito ay parang nabunutan si Marie ng tinik sa lalamunan. Dahil sa wakas ay napatunayan na niyang hindi talaga siya nahihibang at totoo lahat ng naaalala niya. “Bakit mo ko niyayakap?” biglang tanong ni Marie na biglang namula ang mukha nang mahimasmasang yakap pala siya ng binata. “Ah! Sorry,” biglang bitaw ni Eric sa dalaga na bigla ding naging tila kamatis sa pula ang mukha. “Masaya lang ako na okay ka,” nauutal pang dugtong ng binata na ibinaling ang tingin sa malayo. “So, 'di mo ba ko papapasukin sa inyo? I'll answer everything you want to know. Lahat ng nangyari after no'ng magkasakit ka,” pahabol ni Eric. “Maliit lang 'yung bahay namin. 'Di bagay ang kagaya mo sa loob,” sagot ni Marie habang nagpupunas ng luha. “So what? Sa isla nga, sa dahon lang tayo natutulog, eh,” nakangiting sagot ni Eric. Napangiti rin si Marie ng mapatingin sa mga mata ng binata. Kitang-kita niya sa mga mata nito na masaya ito. Iba noong una niya itong makilala. Masaya rin naman siya. Kahit hindi niya maintindihan kung bakit masaya siyang makitang masaya ang binata. “Sige. Tara. Pasok ka,” yaya ni Marie kay Eric.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD