“Ate,” tawag ni Marco sa kapatid na tulala at tila napakalayo ng iniisip habang kumakain ng tanghalian.
“ATE!” sigaw ni Marco ng hindi pa rin siya pansinin ng kapatid sa ikalawang pagkakataon.
“Ano?! 'Wa-wag mo nga akong sigawan! 'Di ako bingi!” galit at pabulyaw na sagot ni Marie na halatang nagulat sa pagsigaw ng kapatid.
“Hindi ka nga bingi, tulala ka naman. Para kang sinasapian ng kung ano,” sabi ni Marco sabay kagat sa hawak ng fried chicken. “Ano bang iniisip mo? Trabaho pa rin? Sabado na 'no? Ipahinga mo naman ‘yang isip mo.”
“Wala. May iniisip lang ako,” sagot ni Marie na nagpatuloy lang sa pagkain. “Huwag ka ngang magulo d’yan!”
“Wala raw siyang iniisip, tapos may iniisip lang daw siya? Ano? Sabog ka ba, ate? Paano mong nagagawang mag-isip ng wala?” tatawa-tawang sabi ni Marco na na-wiwirduhan sa ikinikilos ng kapatid.
“Kumain ka na nga lang d’yan! Ang dami mong tanong! Hayaan mo muna ako!” inis na sabi ni Marie sa kapatid.
“Naku, masama na ‘yan, ate,” balik ni Marco habang tumatawa ng malakas. “Pa-check up ka na!” pahabol ng binata na tumayo na para ilayo ang sarili sa nababanas ng kapatid.
Limang araw na ang lumipas mula ng pumunta si Eric sa bahay nila. At hindi maalis sa isipan ni Marie ang naging pag-uusap nila at ang sunod na mga nangyari matapos ang gabing iyon. Kinabukasan kasi ng gabing iyon ay may dumating na isang sobre sa bahay nila na naglalaman ng malaking halaga ng pera. Kalakip ang isang sulat na nagsasabing putulin na niya ang lahat ng kaugnayan niya kay Eric. Napakamot na lang ng ulo si Marie dahil wala naman talaga silang ganoong klase o kakaibang ugnayan ni Eric. Magkaibigan lang sila, at sa tingin niya ay walang masama doon. Walang nakasulat kung saan nanggaling ang sobre pero naisip niya na maaaring galing iyon sa nanay ng binata.
Ilang araw pinag-isipan ni Marie ang gagawin. At naisip niya na siguro mas maganda nga kung puputulin na lang din niya ang kaugnayan kay Eric. Pumasok sa isipan niya ang malaking agwat sa estado ng buhay nilang dalawa na tila langit at lupa. Naisip niya na sapat na siguro ang nakapagpasalamatan sila at nakapagpatawaran. Isa pa, sa laki ng halagang ipinadala ng ina ni Eric ay hindi niya alam kung ano pang kayang gawin nito kung hindi niya gagawin ang nasa sulat. Lalo pa at narinig n'ya mula mismo kay Eric lahat ng ginawa ng ina nito. Kaya naisip niya na huwag nang sagutin ang mga tawag ng binata o replyan ang mga mensahe nito.
“Ate, about sa pera na natanggap mo. Anong ginawa mo? Malaking halaga ‘yon, ah?” sunod-sunod na tanong ni Marco.
“Itinabi ko. Hindi ko binawasan,” mabilis na sagot ni Marie.
“Suhol 'yan 'no?” biglang sabi ni Marco na bahagyang ikinagulat ni Marie. “Galing sa nanay ni Eric. Suhol para iwasan mo na siya,” sabi ni Marco na parang sigurado sa hula. Hindi sumagot si Marie. Pinagpatuloy lang niya ang pagkain at parang hindi narinig ang sinabi ng kapatid.
“Sa mga drama kasi sa TV ganyan. Naku! 'Di ko akalaing pati sa totoong buhay may ganyan,” dugtong ni Marco na sinundan ng pagpilantik ng dila.
“Paano mo ba nasabi? Na galing 'yon sa mama ni Eric?” mataray na tanong ni Marie.
“Kasi, kung hindi, ginastos mo na sana 'yan sa ospital. At nung binasa mo 'yong sulat na kasama, aba ay biglang nagusot ‘yong mukha mo. 'Di ba dapat pag nakatanggap ng ganyang kalaking pera, dapat masaya?” sagot ni Marco. “Gusto mo si Eric, 'no?” biglang tanong ng binatang kapatid.
Napatigil si Marie sa pagkain at napatingin ng matalim sa kapatid habang nakataas ang kaliwang kilay. “Anong pinagsasasabi mo?” inis tanong ni Marie.
“Kita naman kasi sa'yo, ate. Nung nag-usap kayo nag-blush ka ng sobra. Kapag tumatawag siya 'di mo sinasagot, pero 'yong mukha mo ang lungkot. Minsan nakita kita noong nag-message siya. Magrereply ka na pero binura mo na lang tapos nalungkot ka na naman. Dapat hindi mo na lang binigay 'yong number mo sa kanya kung ganyan lang din naman,” sagot ni Marco.
Muling tinignan ng matalim ni Marie ang kapatid. “Kita sa akin, o nakinig ka ng husto sa usapan namin noong nakaraan? Ikaw na tsismoso ka.”
“Ah, sorry na ‘te. Isa pa nag-aalala lang ako sa’yo. Grabe ka kasi makatulala nitong mga nakaraan,” tatawa-tawang sagot muli ni Marco.
Inirapan at ipinagpatuloy lang ni Marie ang pagkain at hindi na sumagot sa sinabi ng kapatid. Hindi niya naisip na obvious pala sa mga kilos niya ang nararamdaman niya. Ang totoo, sa ngayon ay hindi niya alam ang nararamdaman niya para kay Eric. Isa pa, hindi pa gano'n katagal mula ng mag break sila ng ex niya. Alam niyang maaaring nararamdaman niya ang damdamin para sa binata dahil wala siyang boyfriend sa ngayon. At aminin man niya o hindi, hindi pa talaga siya tuluyan nakaka-move on sa nakaraang relasyon niya. At natatakot siya. Natatakot na siyang magmahal uli. Na masaktang muli. At makasakit din ng iba.
“Tapos na 'kong kumain ate. Bahala ka kung tutulala ka na lang d'yan. Pero kung ayaw mong maputol 'yong communication n'yo ni Eric. Isauli mo na lang 'yang pera. 'Di natin kailangan 'yan,” sabi ni Marco sabay dumeretso sa hagdan matapos iligpit ang pinagkainan.
“At...,” pahabol ni Marco na inilawit lang ang ulo sa may hagdanan. “Don't think about Gerone anymore. Tarantado 'yon!”
Walang ekspresyong mukha ang isinagot ni Marie sa kapatid. Ngunit nang tuluyan na itong makaakyat at bigla siyang napangiti.
Dahil Sabado ay walang magawa si Marie sa kanila kundi ang manuod ng TV. Abala naman si Marco sa paglalaro ng online games at si Mark naman ay nasa school para sa varsity training. At ang visiting hours sa ospital ay mamaya pang alas-kwatro. At kagaya ng iba, kapag walang ginagawa, ay mas naiisip ni Marie ang mga problema at mga bagay-bagay sa buhay niya. Kahit maganda ang pelikulang pinapanuod ay lumilipad naman ang isipan niya. Iniisip niya kung tama bang iwasan na lang niya si Eric, kung tama bang ibalik ang perang natanggap, kung mali ba na hindi siya maka-move on sa nakaraang relasyon niya. Iniisip niya ang lahat ng iyon nang biglang nag-ring ang cellphone niya.
“Yes, hello?” sagot ni Marie sa isang pamilyar na numero.
“Ms. Montez, we need you here in the hospital right now,” may pagmamadaling sagot ng nasa kabilang linya. “Matthew is having a seizure again. Please come to the hospital right away.”
“Ah...,” tila napako sa kinauupuan si Marie sa narinig. “O-okay lang po ba si Matthew? A-ano pong lagay n'ya? nanginginig na tanong ni Marie na tila nawala ang lahat ng lakas.
“Please come to the hospital now. We need you as his guardian,” yun lang ang sagot ng nasa linya.
Agad na tumayo si Marie at mabilis na tumakbo sa kwarto ni Marco para katukin ito at nang sumagot ito ay mabilis niyang ipinaliwanag ang sitwasyon at mabilis na pinagbihis ang kapatid. Nagmadali silang pumunta sa ospital. Alalang-alala sila sa kapatid na naroon.
Hindi umabot ng tatlumpong minuto at nakarating sila ng ospital. Agad na tumakbo si Marie papunta sa kwarto ng kapatid sa ikalawang palapag ng ospital. Pero nang makarating doon ay isang bakangteng kwarto lamang ang nadatnan niya. Nangingilid na ang mga luha ni Marie sa pag-aalala, pabalik na siya sa information desk nang dumating ang isang taga-linis ng kwarto.
“E-excuse me po...,” nangingig ang boses ni Marie ng kausapin ang dumating. Kasunod naman na dumating si Marco na nahuli dahil nagbayad pa ng taxi.
“Yu-yung, pasyente po dito? Na-nasaan po?” tanong uli ni Marie na papatulo na ang mga luha at halos hindi makahinga.
“Ah, ma'am... kayo po ba 'yong kamag-anak ng pasyente? Dinala siya sa ICU kanina lang.”
Hindi na napigilan ni Marie ang mga luha nang marinig ang masamang balita at parang naubos lahat ng lakas ng mga tuhod niya. Napaupo siya sa sahig at tuluyan ng umiyak. Inalalayan naman siya ni Marco na itayo at iniupo siya nito sa isang upuan sa gilid ng kwarto. Sinabi sa kanila ng naglilinis na hinihintay sila at pinapapunta ng doktor sa ICU section ng ospital. Kaya naman agad na pumunta ang magkapatid sa ika-anim na palapag ng ospital. Kung saan naroon ang ICU department ng ospital.
“Ms. Montez,” agad na tawag ng doktor ni Matthew nang makita sila Marie.
“Doc, si Matthew po. Ano na pong nangyari sa kanya? Nasaan po siya?”
“He is under observation as of now,” mabilis na sagot ng doktor.
“Gusto ko po siyang makausap. Please?” pakiusap ni Marie sa doktor. Hinawakan ng doktor ang mga kamay ni Marie at dinala sa tapat ng isang glass window kung saan maaring makita ang pasyente. At sa kabila ng salaming iyon ay nakaratay si Matthew. Walang malay at maririnig ang maraming mga aparato na nakakabit sa bata.
“Wala pa siyang malay sa ngayon. He is not yet in coma but we have to observe more,” mabait na sabi ng doctor.
“Doc, magigising po ba ang kapatid ko?” umiiyak na tanong ni Marie na lalong nanghina nang makita ang kalagayan ng kapatid.
“Kailangan niyang ma-operahan sa lalong mabilis na panahon. This might save him. But it's not guaranteed. Also, it requires a lot of money. Gusto kong tumulong subalit maliit na diskwento lang ang maaari kong maibigay sa iyo sa ngayon,” tapat na sagot ng doctor.
Parang guguho na ang mundo ni Marie at parang mawawalan na siya ng malay dahil sa narinig. Pakiramdam niya ay pinaglalaruan siya ng husto ng tadhana ngayon at hindi niya na alam kung ano ang gagawin. Umupo siya sa isang bench sa tapat ng glass window ng kwarto ni Matthew. Halos hindi niya maatim na tignan ang kalagayan ng bata. Hindi niya kayang makitang nahihirapan ang bunsong kapatid.
“Magkano po ba ang kailangan?” tanong ni Marie habang nakayuko ang ulo.
“Around three hundred to four hundred thousand, Ms. Montez. As of now. Naibawas na rin diyan ang discount na maibibigay ko,” sagot ng doktor.
“Sige po. Please do everything to save my brother,” pakiusap ni Marie sa doktor habang hindi pa rin iniaangat ang ulo. Hindi man nangako ang doktor ay sinugardo niyang gagawin niya ang lahat para sa pasyente. Pagkatapos nilang mag-usap tungkol sa operasyon ay umalis ang doktor para asikasuhin agad lahat ng kailangan.
“Ate, saan ka kukuha ng gano'ng kalaking pera?” tanong ni Marco.
“Sa bahay 'yong pera na galing sa mommy ni Eric. Gagamitin ko ‘yon,” sagot ni Marie.