PABALIK-BALIK ang tingin ko kay Manang Ester. Abala itong naghuhugas ng pinggan sa sink habang nakatayo ako sa likod niyang inisa-isang ilagay sa refrigerator ang mga pinamili niya. Kahit anong presinta kong gumawa ng gawaing-bahay nang sa ganoon ay tulungan siya, hindi niya ako pinapayagan dahil trabaho raw niya iyon.
Dumungaw ako kay Rosette sa tabi ko. Kinaaliwan niya ang mga nakasabit na stuff toys sa stroller niya.
“May gusto ka bang itanong, hija?” sulpot ni manang sa tabi ko nang samahan niya ako sa ginagawa.
Ngumiti akong nakalabas ang pang-ibabang ngipin pagkasara ng refrigerator. Kinuha ko ang plastic, sinimulan kong itupi sa hugis tatsulok.
“Hindi ho ba ako magiging mausisa kapag itatanong ko ho ay tungkol kay Tita Vivian?” nag-aalangan kong sabi, mahina pa ang boses pero nakalapit pala ang tainga ni manang sa akin.
Inilayo niya ang taingang hinarap ako. “Mabuti't pinaalala mo sa akin,” sabi niya. Ipinunas niya ang basang pulsuhan sa nahablot niyang pamunas sa tabi ko. “Pinapasabi niya sa aking gusto niyang makita si Rosette at alagaan din.”
Umawang ang labi ko. “Libre naman ho siyang pumunta rito, manang. Hindi ko naman ho pinagbabawalan,” sagot kong totoo naman.
Wala akong sinabing bawal siya pumunta rito. Apo rin niya si Rosette at wala ako sa lugar para ipagkait ang karapatan niyang iyon.
“Ang kaso ayaw ka niya raw makita.” Nailapag niya ang pamunas, nakatingin nang nanghihingi ng paumanhin.
Matipid akong ngumiti at may kasamang pait, na para bang may nakasiksik na ampalaya sa bibig ko.
“Mas tumindi pa ho yata ang pagkamuhi sa akin ni Tita Vivian,” malungkot kong saad. Tumitig sa plastic na naitupi ko nang patatsulok.
Bumuntonghininga niyang inilapat ang kamay sa balikat. “Pagpasensiyahan mo na si Madame. Hindi ka pa nasanay sa kaniya. Ganoon na talaga pagtrato niya sa 'yo noong hindi pa kayo kasal ni Sir Aziel.”
Sa sinabi niyang iyon ay bumalik bigla sa isip ko ang hindi pagbabago ng ugali ni Tita Vivian sa akin. Palagi niyang ipinaparamdam sa aking hindi ko deserve maikasal kay Aziel.
“Sanay naman na ho ako, manang. Ang hindi ko lang maintindihan kung bakit habang lumilipas ang panahon, mas tumitindi naman yata iyong pagkamuhi niya sa akin,” sagot kong napabuga ng hangin.
Mas nagiging sarcastic pa siya lalo kapag kinakausap ako. Para bang lahat ng lalabas sa bibig ko, hindi maganda para sa kaniya at hindi mabuti kay Aziel.
“Para hong may kasalanan akong nagawa noon sa kaniya, kahit wala naman. Minahal ko lang naman ho ang anak niya. Mali ho ba iyon?” kunot-noong tanong ko pagkalingon kay Manang Ester, na tahimik lang itong pinapakinggan ang paglabas ko ng hinaing.
Umiling siya. “Hindi, hija. Walang mali roon.”
Bumagsak lalo ang balikat ko. Gumuho ang pag-asang binuo ko. Iyon lang naman ang isa sa pinakahiling ko. Tanggapin lang naman ako ni Tita Vivian para magkaroon ng masayang pamilya, pero mukhang hindi talaga mangyayari. Hindi na ako pagbibigyan ng tadhanang magkakamabutihan pa kaming dalawa.
“Sinunod ko naman ho dati siya. Hiniwalayan ko si Aziel, pero si Aziel pa rin ang nakipagbalikan sa akin. Hanggang sa hindi ko rin mapigilan ang nararamdaman ko kaya sumuway ako.”
Nakulangan yata si tita sa apat na buwang paghihiwalay namin ni Aziel noong magra-graduate na kami sa high school. Sinubukan ko naman talagang lumayo, pero si Aziel din ang bumalik at nakiusap. Mahal ko naman kaya hindi ko rin natiis. Mali ba kaya iyon?
Hindi ko kailanman sinabi kanila mama ang pagtrato ni Tita Vivian sa akin dahil ayaw kong magkagulo lalo. Baka nga tumutol din sila bigla sa pagpapakasal namin ni Aziel. Gumagawa na lang ako ng mga alibi para hindi nila malaman ang totoo.
“Hindi mo alam ang kuwento nila?”
Naagaw ni manang ang atensyon ko. May kuwento sila? Kumunot ang noo kong sinalo ang curiosity na bumagsak sa kawalan.
“Ang alin ho?”
“Ang papa mo at si madame ay dating mag-nobyo at nobya noong high school pa lang sila,” aniyang ikinalaglag ng panga ko. “Matalik namang kaibigan ni madame ang mama mo.”
Nanlaki ang mata ko sa mga salitang pumasok sa pandinig. “Ibig sabihin, inagaw ng mama ko si papa kay Tita Vivian?”
Ilang taon na iyon at imposibleng hindi pa rin tanggap ni tita ang pangyayaring iyon sa kanila. Kung inagaw man ni mama si papa, sigurado akong nakahingi na ng tawad si mama.
“Wala namang ganoong nangyari. Matagal na palang gusto ng papa mo ang mama mo, pero napamahal din siya kay madame.”
“Kung mahal pala ni papa si mama noong una pa lang, bakit naging sila ni Tita Vivian?”
Nahuli ko ang bahagya niyang pagkibit-balikat. “Ang kuwento kasi ni madame, may boyfriend ang mama mo noon, kaya ang papa mo, naghanap din para mawala iyong pagkirot ng pusong nararamdaman niya sa nalaman.”
Napatango-tango ako habang nagpapatuloy si manang sa pagkuwento ng buong detalye. Halos nakalimutan na naming maupo kahit sandali dahil dalang-dala kami pareho sa kuwento. Tumagal din ng dalawang taon ang relasyon nila ni Tita Vivian at papa. Naghiwalay sila noong malapit na ang graduation day nila sa high school.
Ang sabi ni papa ay baka hindi nila kayanin ang long distance relationship dahil sa State University papasok si papa, samantala, sa private university naman si Tita Vivian. Hindi alam ni tita na hindi lang pala iyon ang dahilan kundi nalaman din niya noong after ng graduation ceremony—weeks ago, na nililigawan ni papa si mama.
Wala ako sa posisyong husgaan sila dahil iyon ang kanilang desisyon noong kabataan pa nila. Mahirap talagang pigilan ang bugso ng damdamin kung sobrang mahal mo iyong tao.
“Noong ipinagbubuntis niya si Sir Aziel, ikuwento niya sa akin ang tungkol dito. Mabait naman si madame, nang dahil lang sa pag-ibig kaya nagmumukhang masama.”
Binalingan ko sandali si Rosette at nadatnan kong nakaidlip ito. “Kaya ho ba ganoon ako tratuhin ni Tita Vivian kasi hindi pa rin niya matanggap na ang napangasawa ni Aziel ay anak ng dating best friend niya at boyfriend niya?”
Umangat ang kaniyang dalawang balikat. “Siguro nga isa rin iyon sa kaniyang dahilan. Hindi ko rin naman makukumpirma, hija, dahil hindi ko alam kung ano ang tunay na dahilan ni madame.”
Tumagilid siya para pulutin ang nahulog niyang pamunas. “Huwag mo na lang sabihin kanila mama mo, kahit si Sir Aziel. Kapag nakarating kay Madame ito, baka hindi na ako makakabalik pa sa mansion.”
Tumango-tango akong nakita niya. “Makakaaso ho kayo, manang. Pasensya na kung naikuwento ninyo nang wala sa oras ang tungkol doon,” sabi kong nangangako.
Bumalik si manang sa paggawa ng gawaing bahay. Nagpresinta ulit akong tulungan siya, ngunit ayaw talaga niya akong pagbigyan sa gusto ko. Wala akong nagawa kundi itulak nang dahan-dahan ang stroller ni Rosette paaliw ng kusina at dalhin sa sala.
Sinulyapan ko ang oras. Pumatak na naman ang gabing tila mag-o-overtime ulit si Aziel. Gumihit ang pilit kong ngiti, itinago ang simangot nang lumiko ako sa kaliwa at itinulak ang pinto. Mahina kong pinapalo-palo ang sikmura kong kanina pa nagwawala. Dinig na dinig ko ang pagkalansing ng mga kutsara at tinidor. Naabutan ko rin ang likod ni manang habang nakababad ang kamay sa buhos ng tubig sa gripo ng sink.
“Manang, nandito na ba si—” Huminto akong lumabas agad para salubungin ang pagdating niya nang mapansin ko ang ilaw ng kaniyang kotse galing sa labas.
“Welcome home, Ziel,” masigla kong sabi sabay ukit ng napakalapad na ngiti, masaya sa pagdating niya.
Lumapit akong kinuha ang bag niya. “Kumain ka na ba?” tanong kong hindi binawasan ang ngiti.
Masaya akong makakahabol siya at magagawa pa namin iyong sinabi niya.
Tumango siya. “I'm done. Huwag mong sabihing hinintay mo pa ako?” Liningon niya akong inuusisa ang mukha.
Kaagad kong itinago ang lungkot na naramdaman dahil nauwi na naman sa bato ang sinabi niya. “Ah, hindi. Kumain na kami ni manang,” sagot kong nilingon pa si manang at bahagyang nagulat pa nang nasa labas na rin pala siya.
“Kumain na kayo, manang?” kumpirma ni Aziel.
“Oo, sir, pero si—”
“Si Rosette, nakatulog na.” Ngumiti ako kay manang at nilingon din si Aziel na nakangiti. Nagpapasalamat ako mula sa isip dahil nakisama ang sikmura kong hindi ako ibinuko sa pagkalam ng sikmura.
“Palagi ko na lang siyang nadadatnang nakatulog. Agahan ko nga umuwi next time,” dismayadong sabi niya. “I'll head upstairs to take a shower.”
Tumango lang akong humakbang ng isa para sumunod at ipaghanda siya ng masusuot.
“Bakit hindi mo sinabing hindi ka pa kumain, hija?”
Huminto akong nilingon si manang. “Sabi ho niya kasi noong umalis siya noong bahay kanina na sabay kaming kakain,” sagot ko. Sinigurado niyang uuwi siya nang maaga at hintayin ko siya kahit ano ang mangyari.
Hindi kumbinsido ang mukha niyang tinitigan ako. “Busog naman na ho ako. Kumain na ako nang kaunti kanina,” pagklaklaro kong tinalikuran si manang matapos kong ituro ang kuwarto sa itaas, sinesenyasang mauna na akong umakyat sa kuwarto at iwan siya.
Pagkalapag ko ng bag niya sa swivel chair, agad akong pumili ng maisusuot niyang pantulog. Mas prefer niya ang boxer short at t-shirt lang kaya iyon ang inilapag ko sa kama.
Hinayaan ko ang pagtunog ng phone niya. Umupo ko sa paanan at pagkatapos ko ring ayusin ang higaan namin. Tumigil ang pag-ring ng phone hanggang sa nakaapat na ulit ang pag-ring nang magkakasunod.
Nilingon ko ang nakatakb niyang phone. Lumunok akong itinaas ang kamay, inaabot ang phone niya subalit agad ko ring binawi ang kamay. Mali ang gagawin kong pagtingin sa phone niya dahil kahit mag-asawa na kami, alam kong privacy pa rin niya iyon.
Kahit noong kami pa ay hindi ko kailanman hiningi ang f*******: password niya at iba pang account niya. Pero. . . napabuntonghininga ako nang malalim. Akala ko titigil na sa pagtawag ng kung sino sa phone number niya, pero kada tatlong segundong nawawala ang tawag, tutunog ulit.
Kinamot ko ang likod ng palad ko. May nagtulak sa aking kung ano para hawakan ang phone niyang nakataob sa gilid ko.
Pagkahinto ng tawag at nag-notify ang missed call. Napansin ko ang text message sa notification bar niya. Lunok ako nang lunok ng laway habang ini-squeeze ko pababa para mabasa ko kahit hindi binubuksan sa inbox.
“Are you busy tomorrow? Let's meet. I'm free tomorrow.”
Tinitigan ko kung anong pangalan ng nag-text pero tanging letter E lang ang nakasulat. Dumadagundong ang puso ko sa kaba. Kinukutuban akong babae ang nag-text, pero ayaw kong manghinala bigla.
Huli na para bitiwan ko ang phone niya nang marinig ko ang malakas at malalim niyang pagtikhim. Ramdam ko ang inis nito doon pa lang sa ginawa niya.
Hinablot niya ang kaniyang phone. Pumatak pa ang butil ng tubig sa kamay ko at nakatapis lang siya ng tuwalya.
“Privacy, Ruth. Privacy,” sabi niyang may diin.
Hinablot niya ang inihanda kong damit sa kama at agarang isinuot ang t-shirt kahit hindi pa niya napupunasan nang maigi ang katawan niya.
“May tumatawag kasi kanina at hindi ko sinasad—”
“Kahit may tumatawag, huwag mong sagutin. This is not your phone.”
“I'm sorry,” hingi ko ng paumanhin pero nakatanggap lang ako ng padabog na pagsara ng pinto sa palikuran.
Sinundan ko ng paningin ang paglapit din niya paglabas ng palikuran pagkatapos isuot ang boxer short.
Naiinis siyang umupo at ipinagpag nang malakas ang unan. “Let's sleep.”
Nanatili akong nakaupo, bukas pa ang mga ilaw, hinihintay niyang patayin ko pero hindi ko ginawa. “Hindi naman kita pagdududahan,” sabi ko noong tanging hininga lang namin ang naririnig ko. “Nangako akong hindi na ako magdududa. . .” mahina kong dugtong.
Ipinangako kong hindi ko na gagawin iyong ginawa ko, kahit tama pa ako sa hinala ko. Mamaya sa pagkakataong ito ay ako ang mali. Hindi naman kasi lahat ng hinala ay tama.
“Wala akong babae kung iyon man ang iniisip mo,” may pagkamatabang sa tono ng boses niyang sabi. “Ibinigay ng kaibigan ko iyong number ko imbes na iyong sa kaniya.”
Napatango at hinarap siya. Iniiwas niya agad ang tingin sabay pikit. “Pagod ako sa trabaho. Matulog na tayo.”
Napatingala ako sa kisame. Pilit kong ipinagtutulakan ang mga negatibong isip na paunti-unting yumayakap sa ako. Gusto ko siyang paniwalaan pero ayaw ng isip ko. Sana mali ako ng kutob. Sana naman maging masaya na ako.