Chapter One
NAKAHINGA nang maluwag si Tricia nang sa wakas ay marating niya ang tinitirhang Duplex house. Mula nang sabay na mamatay sa isang aksidente ang kanyang mga magulang ay mag-isa na lamang siyang naninirahan sa bahay na iyon.
Nang bumisita ang kanyang Tiyo Arman at Tiya Ligaya tatlong linggo na ang nakararaan ay hinikayat siya ng mga ito na pansamantalang magbakasyon muna sa Baguio. May libreng reservation na raw para sa kanya sa isang Beach resort roon. Birthday gift na daw umano ng mga ito ang libreng bakasyon na iyon. Nagtataka man dahil ilang buwan pa bago ang birthday niya ay pumayag na rin siya. Sobrang bait pa nga ng mga ito dahil inabutan pa siya ng dalawang libong piso.
"Tanggapin mo na ito, Tricia. Maliit na bagay lang naman ito," Natatandaan pa niyang sabi ng Tiyahin niya.
Nagpresinta na rin ang mga ito na sila na ang bahalang magbantay sa bahay niya. Komportable naman siyang ipagkatiwala sa mga ito ang bahay. Natutuwa pa nga siya dahil nagmamalasakit ang mga ito.
Nang isang linggo na siyang namamalagi roon ay talagang nag-i-enjoy siya. Lumipas pa ang dalawang linggo hanggang sa namalayan na lamang niyang nauubos na ang laman ng pitaka niya. Maging ang ibinigay ng kanyang tiyahin ay naubos na rin. Sinubukan niyang tawagan ang tiyahin niya ngunit hindi niya ma-contact ito. Nag-aalala na siya sa mga ito kaya ipinasya na niyang umuwi.
Laking gulat niya nang mabuglawan ang sala. Napakalinis niyon. Malinis dahil wala na ang mga gamit na dati ay naroon. Nasapo niya ang bibig dahil sa pagkagulat.
"Nasaan na ang mga gamit ko?!" gulat na bulalas niya. Inilibot niya ang paningin sa buong kabahayan. Wala na ang mga painting na nakasabit sa dingding. Ang kanyang yumaong ama pa man din ang nagpinta ng mga iyon.
Kailangang makausap niya ang kanyang tiyuhin at tiyahin. Nasaan na ba ang mga iyon? Tanong niya sa isip.
Nagmamadaling nagtungo siya sa kanyang silid. Katulad nang nadatnan niya sa sala ay wala na rin ang iba pang mga gamit niya roon. Tanging ang maliit na cabinet at ilang mga gamit na lamang niya ang naroon. Naagaw ng pansin niya ang sobre na nakapatong sa ibabaw ng cabinet. Dali-daling kinuha niya iyon at pinasadahan ng basa. Ayon sa sulat ay naibenta na umano ng mga ito ang bahay nang umalis siya para magbakasyon. Ibinalita rin ng kanyang tiyahin na nagdadalang tao na ito. Humihingi ng tawad ang mga ito sa liham. Halos malamukos niya ang liham matapos basahin. Pinanlalambutan siya ng mga tuhod. Isipin pa lang niyang mawawala na ang bahay na iyon sa kanya ay hindi niya kakayanin. Saan na siya ngayon pupulutin?
Napabuntong hininga siya. Kailangang makausap niya ang mga ito. Kaagad na kinuha niya ang cellphone at tinawagan ang tiyahin niya. Ngunit tulad ng dati ay out of coverage pa rin ang mga ito. Siguradong nagpalit na ang mga ito ng numero.
Naiinis na ibinalik niya ang cellphone sa bag. Kung ayaw nilang sagutin ang tawag niya ay siya na mismo ang pupunta sa tirahan ng mga ito.
Pagdating niya sa tinitirhan ng mga ito ay napag-alaman niyang wala na ang mga ito roon. Ayon sa landlady ng mga ito ay mag-iisang linggo na umano mula nang umalis ang mga ito roon. Napansin niya rin na may bago nang nangungupahan sa dating inuupahang maliit na apartment ng mga ito.
Laglag ang mga balikat na tinungo niya ang daan pabalik sa tinitirhan. Mag-iisang linya na ang kilay niya nang may mataang isang malaking truck na nakaparada sa mismong harapan ng kanyang bahay. Dali-daling tinungo niya ang pinto papasok sa loob ng bahay. Naulinagan niya pa ang mga boses ng mga kalalakihan sa loob. Nabaling ang pansin ng mga ito sa kanya.
"Ipuwesto niyo na 'yan dito," utos ng may katandaang lalaki. Lumingon ito sa kanya nang mapansin na nakatingin sa kanya ang tatlong kalalakihang kasama nito.
"Ano ang kailangan nila?" tanong nito sa kanya. Sa tingin niya ay nasa singkuwenta anyos na ito.
"Ah...itatanong ko lang po sana kung—pwede ho bang makausap ang bagong may-ari nitong bahay?" tanong niya. Kailangang makausap niya ang nakabili nitong bahay. Ipaliliwanag niya dito ang mga nangyari at makikipagkasundo siya rito para muling mabawi ang bahay.
"Sa pagkakaalam ko ay bukas pa lilipat dito ang bagong may-ari nito. Kung gusto mo siyang makausap ay bumalik kana lang bukas," seryosong pahayag nito. Magsasalita pa sana siya ngunit tinalikuran na siya nito. Ang suplado! Paano ba 'yan? Bukas pa. Napalabi siya.
Naisipan niyang pumanhik muna ngunit nang ihahakbang pa lang niya ang paa sa unang baitang ay sinita siya ng matandang lalaki na kanina ay kausap niya.
"Saan ka pupunta, hija? Hindi pinapayagan ang sino man maliban sa amin na pumasok rito," anang matanda.
"Ha? P-pero kasi—
"Mabuti pa ay lumabas kana ng maayos. Kung hindi ay mapipilitan akong ipakaladkad ka sa mga barakong ito," tukoy nito sa tatlong kalalakihang katulong nito. Nyaay!
Nang tingnan niya ang mga ito ay nahintakutan siya. Mukhang nakahandang manglapa anumang oras ang mga ito. Mabilis siyang tumalilis palabas ng bahay. Naupo siya sa bakanteng upuan sa may garden. Saan na ba siya pupulutin ngayon? Wala na nga ang kanyang mga magulang. Pati ba naman ang tirahan na iniwan ng mga ito sa kanya ay mawawala na rin. Lalo siyang nakaramdam ng kalungkutan. Nag-uumpisa nang lumabo ang kanyang mga mata dahil sa luha. Mayamaya ay masaganang dumaloy ang mga luha sa kanyang pisngi. Very hopeless talaga siya. Natigilan siya nang marinig ang tunog ng kanyang cellphone. Kaagad na kinuha niya ang kanyang cellphone sa pag-aakalang ang tiyahin niya ang tumawag. Ngunit pangalan ng kaibigan niyang si Lily ang nakarehistro sa screen.
"Tricia, nakabalik kana pala!" bungad nito. Halos matulig ang tenga niya sa boses nito.
"Huwag ka ngang sumigaw, Lily!" saway niya rito.
"Pasensiya na. So anong pasalubong mo? Maydala ka bang guwapong nilalang d'yan?" pagtatanong nito. Naipaikot niya ang mga mata. Ito na naman ang magaling niyang kaibigan na puro boys ang nasa isip.
"Wala, dahil hindi naman ako naghanap," aniya.
"Ano? Sayang naman," may himig ng panghihinayang na sabi nito. "Ang balita ko nagkalat ang mga hombre sa lugar na iyon. Wala ka man lang bang nabingwit kahit isa?"
"Iyan ka na naman. Tigilan mo na nga ang pangha-hunting ng mga endangared species. Kailangan ko ang powers mo. May problema ako ngayon," aniya hindi na naitago ang lungkot sa tinig.
Mabuti nang ipaalam na niya rito ang pinagdaraanan niya. Baka sakaling matulungan pa siya nito. Sana nga!
"Ano bang problema natin?" sumeryosong tanong nito.
"Mabuti pa d'yan ko nalang ikuwento sa iyo ang buong detalye at baka mamulubi kana sa load," aniya. Alam niya namang nuknukan ng pagiging purita ito.
"Oh, siya gumora kana ditech," sabi nito sa lengguwahe ng mga bakla. Matapos ang pag-uusap nila nito ay kaagad na siyang pumunta sa bahay ni Lily. Kakapalan na niya ang mukha. Pakiki-usapan na rin niya ito na makikituloy muna siya sa bahay ng mga ito.
MARAHAS na naibagsak ng manager niyang si Cynthia ang hawak nitong diyaryo sa mesa nito. Hindi na siya magtataka pa dahil siya na naman ang laman niyon.
"Damn it!" nanggigigil na sabi nito. "Lagi nalang ikaw ang nasa headlines. Ang akala ko ay matatapos na ang chismis pagkatapos na ma-link ka kay Sabrina, but look at this, Zac!" anito habang tinutukoy ang diyaryong hawak nito kanina. Nanatili lamang siyang tahimik habang nakaupo sa katapat na mesa nito.
"Nali-link ka naman ngayon kay, Bianca!" gigil pa ring sabi nito. Ang tinutukoy nito ay ang sikat na modelo na napapabalitang bago niyang karelasyon.
Ayon sa balitang lumalabas ay inahas niya umano ito sa dating karelasyon nitong si Ron na mula naman sa kalaban nilang network.
"Walang katotohanan ang mga iyan. Si Bianca ang mismong lumalapit sa akin, at wala kaming relasyon," pahayag niya.
"Paano mo ipaliliwanag ang kuha ng isang reporter na magkasama kayo?"
Ang nasa larawan ay kuha nila papasok sa isang hotel. Kalat na ang litrato nilang iyon. Sinamantala na rin ni Ron na siraan siya upang makuha ang simpatya ng mga fans. Pinalalabas ng mga ito na totoong inagaw niya si Bianca rito. Napabuntong hininga siya. Iisa nalang ang naiisip niyang solusyon sa problemang kinahaharap.
"Magpapalamig na muna ako," aniya. Natigilan ito sa sinabi niya.
Masyado pang mainit ang mga mata ng media sa kanya. Iyon lang ang naiisip niyang sagot sa problema.
"Pansamantala lang naman habang mainit pa ang isyu tungkol sa amin," pangungumbinsi niya.
"Mabuti pa nga siguro. Nasisiguro kong malaki ang magiging epekto nito sa mga upcoming movies mo," ani Cynthia.
Matapos ang pag-uusap nilang iyon ni Cynthia ay agad na tinawagan niya ang mga tauhan para mailipat na ang kanyang mga gamit sa bagong tutuluyan niya. Mabuti nalang at nakabili siya ng isang Duplex house na siguradong malayo sa mga mata ng media.
"Napakasama naman nila!" galit na reaksiyon ni Lily. "Hindi ako makapaniwala na magagawa nila ang ganun sayo,"
Katatapos lamang niyang ikuwento rito ang pagbebenta ng kanyang tiyuhin at tiyahin sa bahay niya.
"Ang problema ay mukhang nagtatago na sila," malungkot niyang turan. Wala siyang ideya kung saang lupalop ng mundo nagtago ang mga ito.
"Eh, kung i-report kaya natin ang ginawa nila sa pulisya?" suhestiyon ni Lily. Bakit nga ba hindi niya kaagad naisip iyon?
"Lily, samahan mo ako sa police station. Kailangang i-report kaagad natin ito sa pulisya."
Pagdating nila sa police station ay marami na ang tao roon. Iginiya siya ni Lily papasok sa loob. Dahil may mga ilan pang nauna sa kanya ay naupo muna sila nito sa bakanteng silya.
Naagaw ang atensiyon nila ng isang babaeng umiiyak. Sa tantiya niya ay nasa bente anyos pataas ang edad nito. Malaki at maumbok ang tiyan nito dahil nagdadalang tao ito.
"Parang awa na ninyo. Huwag niyong ikulong ang asawa ko," pagmamakaawa nito
"Dapat na makulong ang walang hiyang 'yan" bulyaw ng may katabaang babae. Patuloy pa rin sa pag-iyak ang nagdadalang tao. Pilit itong yumayapos sa nakaposas na lalaki.
Patuloy sa pagmamakaawa ang babae. Marahil ay asawa nito ang lalaking nakaposas ang dalawang mga kamay. Patuloy naman sa pagbubunganga ang matabang babae. Nakaramdam siya ng awa para sa nagdadalang tao.
"Pasensiya kana misis, pero wala tayong magagawa. Kailangang pagbayaran ng mister mo ang ginawa niyang kasalanan sa loob ng bilangguan," paliwanag ng naka-unipormadong pulis. Matapos ay binalingan na nito ang lalaki. Halos mangunyapit na ang babaeng buntis sa asawa nito. Inawat ito ng isa pang pulis. Nakaagaw na ito ng atensyon sa marami. Wala nang nagawa pa ang buntis na babae nang dalhin na ng dalawang pulis ang asawa nito. Nahahabag siya sa maaaring mangyari dito pati na sa dinadala nito sa sinapupunan. Biglang sumagi sa isip niya ang kanyang Tiya Ligaya. Nasabi nito sa sulat na nagdadalang tao ito. Kung ire-report niya sa pulisya ang ginawa ng mga ito ay posibleng makulong ang mga ito. Paano nalang ang bata sa sinapupunan ng tiyahin niya? Hindi makakaya ng konsensiya niya na magdusa rin ang inosenteng bata sa sinapupunan ng tiyahin niya. Bagamat hindi pa naman ito naisisilang maaaring may masamang mangyari sa tiyahin niya at sa dinadala nito sa loob ng bilangguan. Nagpasya na siyang huwag nang ituloy ang pagsasampa ng reklamo sa mga ito. Hinila na niya si Lily palabas ng police station.
"Bakit ba tayo lumabas? Ikaw na ang susunod," nagtatakang tanong nito.
"Nagbago na ang isip ko, Lily. Hindi ko dapat sila ipakulong,"
"Ano? Nasa matino kapa bang pag-iisip, Tricia? Ibinenta nila nang walang permiso ang bahay mo at sa palagay ko ay plinano na nila iyon, kaya ka nila pinagbakasyon," seryosong pahayag ni Lily. "Halika na. Bumalik na tayo doon at tutulungan kitang—
"Lily, hindi ko kayang makita na nagdurusa sila sa kulungan lalo na ang batang nasa sinapupunan ni Tiya Ligaya," paliwanag niya. "Lily, nagdadalang tao si Tiya Ligaya at hindi dapat madamay ang inosenteng sanggol sa sinapupunan niya,"
Naisip niya rin na sa ibang paraan na lamang niya pagbabayarin ang mga ito.
Napabuntong hininga ito bago nagsalita.
"Ibang klase ka talaga, Tricia. Ikaw na talaga ang diyosa ng kabaitan, anito.
Buo na ang desisyon niya. Bukas ay kakausapin niya ang nakabili ng bahay na iyon.