chapter 1
Ismael's POV
Tahimik ang buong dining area habang nakaupo kami ni Daddy sa magkabilang panig ng mahaba naming mesa. Nasa bandang kanan ko si Rowena, ang nakababatang kapatid ko. Kahit anong pilit kong ngumiti para gumaan sana ang usapan namin, halata sa mukha ni Daddy ang lalim ng kaniyang pagod at pagkadismaya.
Si Rowena ay dalawang taon pa lamang nang iwan kami ng aming ina. Ako nama’y pitong taong gulang noon. Bata pa lang kami ay natuto na kaming tumanggap ng sakit at kawalan, pero hindi ko kailanman inakalang magdadala iyon ng ganitong bigat hanggang sa pagtanda.
“Kuya, Daddy…” panimula ni Rowena, habang nilalaro niya ang kutsarang hawak. “Hindi ko naman kailangang magtapos sa pribadong paaralan. Isa pa, eventually mag-aasawa rin naman ako. Hindi ba normal lang ’yun? ”
Nagkatinginan kami ni Daddy. Kita ko agad ang pag-igting ng panga niya. Alam ko. Hindi magandang senyales iyon.
“Ano ba ’yang sinasabi mo? ” bulyaw ni Daddy. “Marami tayong pera! Mapag-aaral ka namin kahit saan mo gusto. Pero public school ang pinipili mo? Bakit? Wala ba talagang gustong sumalo sa negosyo ko? Wala ba sa inyong dalawa may kahit kaunting interes? ”
Napabuntong-hininga ako. Simula nang mamatay si Mommy ay mabilis mag-init ang ulo ni Daddy. Maliit na bagay lang, lumalaki na. At kadalasan, ako ang namamagitan sa pagitan niya at ni Rowena.
“Daddy, kaya ko na ang sarili ko,” sagot ni Rowena, mas kalmado pero may diin. “Nangako kayo kay Mommy na aalagaan ninyo ako, oo. Pero hindi ibig sabihin kailangan kong sundin ang lahat ng gusto ninyo. Ayoko sa school na ’yon. Hindi ako comfortable. Mas gusto ko sa public school.”
Hindi ko maiwasang hindi napabuntong hininga ng malalim. Ganito lagi si Rowena. Matigas ang ulo, pero may sariling prinsipyo.
Mahirap lang kami noon nang iwan kami ni Mommy para sa ibang lalaki, dahil naniwala siyang may mas magandang buhay sa piling ng taong iyon. Pero kalaunan, bumalik siya—wasak, umiiyak, at takot. Hindi na niya kinaya ang pananakit ng kalaguyo niyang pinili niya.
Tinanggap pa rin siya ni Daddy. Kahit maraming galit ang puso nito, hindi niya nagawang talikuran ang babaeng minahal niya nang matagal.
Ngunit isang gabi… dinukot siya. Dinala sa isang lumang gusali. Doon siya pinahirapan hanggang sa patayin. Wala kaming nagawa. Wala kaming nakitang hustisya. At simula noon, parang naging bangungot ang bawat umaga para sa aming lahat.
Minsan, sa puntod ni Mommy, nangako kaming dalawa ni Daddy na gagawin namin ang lahat para bigyan si Rowena ng magandang buhay. Pero ngayon, pakiramdam ko ako mismo ang hindi natutupad ang pangako ko dahil sa trabaho kong ubos-oras.
“Rowena,” seryoso ni Daddy, “ikaw na lang ang aasahan ko. Ang kuya mo, iba na ang landas na tinatahak. Ikaw na lang ang natitira para magpatuloy ng pagod at dugong puhunan ko sa negosyong ito.”
“Daddy…” malumanay na tugon ni Rowena. “Ayoko pong maging dahilan ng sama ng loob ninyo. Pero gusto ko ring maging masaya. Gusto ko mag-aral dahil gusto ko—hindi dahil kailangan kong pagbigyan kayo.”
Napahilot si Daddy sa mukha niya, halatang iniipon ang lahat ng pasensya niya.
Nakialam na ako. “Daddy, ako na po kakausap sa kanya mamaya. Hayaan na lang po natin muna siya.”
Tinapunan niya ako ng matalim na tingin. “Ikaw rin! Bakit ba iyan ang pinasok mong trabaho? May negosyo tayo pero mas pinili mo ang trabahong hindi ko gusto. Para saan? Para kanino? ”
Huminga ako nang malalim. “Alam ninyo ho ang dahilan. Gusto kong mabigyan ng hustisya si Mommy. Hindi ako makakapante hangga’t hindi ko nalalaman kung sino ang kumitil sa buhay niya.”
Napatayo si Daddy, hinagis niya ang table napkin sa mesa, at lumakad palabas. Habang papalayo siya ay ramdam kong bumigat pa lalo ang paligid.
Naiwan kaming dalawa ni Rowena at nagkatinginan.
“Kita mo ’yun? Kaya pwede ba, huwag ka munang pasaway? ” sabi ko, kahit pagod na ang tono ko.
“Kuya naman,” sinimangutan niya ako, “mag-aaral naman ako nang mabuti. Kahit public school, promise, ipagmamalaki n’yo rin ako. Katulad ng pagmamalaki ko sa’yo, lalo na sa mga kaibigan ko.”
Napangiti ako kahit papaano at ginulo-gulo ang buhok nito. Tumayo ako at lumapit sa kanya.
“Umuwi ka agad pagkatapos ng klase,” paalala ko habang hinahalikan ang tuktok ng ulo niya bago ako umalis.
---
Pagdating ko sa opisina, binati ako ng mga tauhan ko. Matapos noon ay nag diretso ako sa loob ng office ko at umupo sa swivel chair ko. Kinuha ko ang newspaper at nagbasa habang hinihintay ang susunod na mission—isa na namang kaso ang dapat kong solusyunan habang nakatingin ako sa newspaper na aking hawak.
Halos lahat ng uri ng krimen, napasok ko na. Pero ang kaso ni Mommy—iyon ang hindi ko matapos-tapos. Sadyang malinis ang pagtatakip ng mga nasa likod ng krimen. At malakas ang kutob ko. Malaking sindikato ang may pakana nito.
Hindi ako titigil hangga't hindi ko nalalaman kung sino ang may kagagawan nito.
Agad bumukas ang pinto at pumasok mula roon ang secretary ko.
Matagal na siyang nagtatrabaho sa akin, at masasabi kong isa siya sa pinaka-maaasahan kong tao. Hindi niya ako binibigyan ng problema. Hindi rin siya tulad ng ibang tauhan na maingay o pabigla-bigla. Tahimik siya, mahinahon, at may respeto sa distansya.
“Sir,” sabi niya, inilapag ang folder sa mesa ko. “Ito po ang updated report tungkol sa sindikatong iniimbistigahan ninyo.
Tinignan ko siya; may bakas ng pag-aalala sa mga mata niya, pero hindi siya nagsasalita hangga’t hindi ko siya tinatanong.
“Thanks,” tugon ko habang binubuksan ang folder. “Mahirap ba? ”
“Medyo, sir. Pero kaya naman. Gusto ko rin pong makatulong sa inyo, lalo na sa kaso ng mama ninyo.”
Nanahimik ako sandali. Kinuha ko ang folder at sinuri ang mga dokumento. Mga bagong impormasyon, koneksyon—maliliit na detalye na maaaring magbukas ng malaking pinto sakin upang mahanap ko ang tao na pumatay sa aking ina.
“Sir…” dinugtungan niya, “mag-iingat po sana kayo. Kapag mas lumalalim ang imbestigasyon ninyo, mas maraming matang nakatingin sa galaw niyo.”
Tumango ako. “Alam ko.”
Matagal siyang tumingin sa akin bago tumayo. “Kung kailangan ninyo ako, nandito lang ako, sir.”
Pagkaalis niya, napasandal ako sa upuan.
Kasunod ng bigat sa puso ko ang lalong paglalim ng determinasyon ko. Alam kong delikado. Alam kong hindi madali. Pero hindi ko hahayaang hindi mabigyan hustisya ang pagkamatay ni Mommy.
Hindi ako hihinto. Kahit gaano kadilim ang kailangang pasukin ko.
At sa ilalim ng malabong ilaw ng aking opisina, habang nakabukas ang folder na maaaring maging susi ng lahat—doon ko muling inulit ang panata ko:
“Mom… hahanapin ko sila. At sisiguraduhin kong mabibigyan kita ng hustisya.”