“Totoo po ba ang sinasabi ninyo? Inaalok ninyo ako ng trabaho? ” tanong ko sa matandang lalaking nakatayo ngayon sa harapan ko. Kita ko ang kapangyarihan sa tindig niya, pati ang bigat ng responsibilidad na dala-dala niya.
“Oo, iho,” sagot niya, mabagal ngunit madiin ang bawat salita. “Sa tingin ko, ikaw ang nararapat para maging bodyguard ng anak ko—lalo na’t nailigtas mo na siya.”
Hindi ko maiwasang mapatingin kay Icey, na nasa gilid lamang niya at halatang hindi masaya sa naririnig.
“Pero Dad, hindi ko kailangan ng bodyguard,” mabilis na pag-apela ni Icey. Kita sa mukha niya ang determinasyon, pero mas nangingibabaw ang pagkadismaya.
Pero tila wala itong epekto sa kanyang ama.
“Anak,” mariing wika ng matanda, “nakita mo kung ano ang muntikan nang mangyari sa’yo. Pwede ba… makinig ka naman sa akin? ” Tumataas na ang tono niya habang sabay tuktok ng hawak niyang tungkod sa malamig na sahig ng ospital.
Natahimik si Icey, at kahit hindi siya sumang-ayon, kita sa kanyang mga mata ang hindi maitatagong pag-aalala at pagkalito.
Wala nang nagawa si Alexa kundi manahimik. Alam niyang hindi niya matatalo ang kanyang ama kapag ganoon na ang tono nito. Ako naman ay nakatayo pa rin, hindi makapaniwalang nadadawit ako sa alitan ng mag-ama.
Maya-maya, inilahad ng matanda ang kanyang kamay sa akin. “Salamat, iho,” aniya, “sa pagliligtas mo sa anak ko. Hindi biro ang pagbuwis mo ng sariling buhay para sa kanya. Lubos akong nagpapasalamat.”
Tinanggap ko ang kamay niya.
“Wala pong anuman, sir. Malugod ko pong tinatanggap ang alok ninyo.”
“Mabuti naman,” tugon niya habang marahang tumango. “Makakaasa ba ako sa katapatan mo? ”
“Opo naman, ginoo.”
“Mabuti. Pagpasensiyahan mo na ang anak ko ha. Masungit talaga ’yan, lalo na’t sanay ’yang nasusunod ang lahat ng gusto niya.”
Hindi ko alam kung dapat ba akong ngumiti. Kaya tumango na lang ako.
“Bahala kayo! ” inis na sabi ni Icey bago siya padabog na lumabas ng silid.
Naiwan kaming dalawa ng matanda.
“Mawalang galang na po,” maingat kong simula, “gusto ko pong magtanong tungkol sa mga nangyari. Mahalaga po iyon para malaman ko kung paano ko mas mapoprotektahan ang anak ninyo.”
Tumahimik ang buong silid. Ramdam ko ang bigat ng katahimikan na tila unti-unting umiipit sa dibdib ko. Maya-maya’y naupo siya sa upuan sa tapat ko, saka ako tinitigan nang diretsahan—parang pinag-aaralan niya ako.
Tumikhim siya bago nagsalita.
“Isa sila sa mga kalaban namin sa negosyo,” mababa ngunit malinaw niyang sabi. “Nais nila akong pabagsakin sa pamamagitan ng pagpatay sa nag-iisa kong tagapagmana. Sa ngayon, ’yan lang muna ang kailangan mong malaman. Kapag alam kong mapagkakatiwalaan ka, saka ko ibibigay ang lahat ng detalye.”
Tumango ako. Alam kong malaki ang gulong pinapasok ko, pero kailangan ko ang trabahong ito upang mas marami akong matuklasan sa pamilya nila.
---
Ilang oras matapos ang pag-uusap namin ni Don Francisco ay umalis siya, at naiwan akong mag-isa sa ospital.
Ilang araw pa akong nanatili sa ospital. Sa hindi ko inaasahan, si Icey mismo ang nagbantay sa akin. Tahimik lang siya habang inaalagaan ako—pinapalitan ang tubig, inaayos ang kumot, at sinisigurong maayos ang lahat ng gamit ko.
Isang hapon habang inaayos niya ang mga gamit ko para sa paglabas ko, hindi ko napigilang magtanong.
“Icey,” mahinahon kong sabi. “Bakit mo inilihim sa daddy mo ang ginawa mo noong araw na iyon? Bakit mo sinabi sa kanya na ako lang ang lumaban? ”
Natigilan siya. Dahan-dahan siyang lumingon at tumingin sa akin, saka huminga nang malalim. Naupo siya sa upuan at pinisil ang sariling mga palad.
“Ayoko malaman ni Daddy ang lahat tungkol sa akin,” mahina pero buo niyang tugon. “Matagal ko nang inilihim sa kanya na nag-aral ako ng martial arts at paggamit ng baril. Ayoko na mas lalo pa siyang mag-alala o higpitan ako.”
Napakunot ang noo ko. Hindi ko inasahang maririnig ko iyon mula sa isang tulad niya.
“Matagal akong nag-training sa ibang bansa… para mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng kapatid ko,” dugtong niya. “At para mahanap ang taong nasa likod ng pagkawala niya.”
“Kung gano’n… gusto mong ikaw mismo ang pumatay sa kanila? ” tanong ko.
“Oo.” Walang pagdadalawang-isip. “At alam kong tutol si Daddy. Kaya palihim akong umalis para maghanda. Ayokong makialam siya. Ako mismo ang gustong tumapos sa taong iyon.”
Nakita ko ang pagkuyom ng kamao niya, pati ang galit sa mga mata niya. Kaya pinili kong manahimik.
Matapos niyang ihanda ang gamit ko, lumabas na kami ng ospital. Siya na rin ang nag-asikaso sa lahat ng bayarin. Inihatid niya ako sa aking apartment para masigurong makakauwi ako nang maayos.
Pagbaba namin ng sasakyan, nagtanong siya.
“Sure ka bang kaya mo na? ”
“Oo naman. Lalaki ako, Icey. Hindi bata.”
Tumango siya, parang napipilitan. “Okay… aalis na ako.”
Pagpasok ko sa pinto, bigla kong narinig ang mahina pero madiin niyang pagtawag.
“Ismael.”
Huminto ako at lumingon. “Bakit? ”
“Pwede mo bang tanggihan ang alok ni Daddy sa’yo? ”
Hindi ko inaasahan iyon.
“Bakit naman? ”
“Kaya ko naman ang sarili ko. Nakita mo ’yon, hindi ba? ”
“Icey,” sabi ko, “alam kong kaya mo. Pero hindi porke kaya mo ay hindi mo na kailangan ng tulong. Isa pa, kailangan ko rin ng malaking pera para mabuhay.”
Napakunot ang noo niya. “Kung gano’n… magkano ba ang kailangan mo? Babayaran kita.”
Umiling ako. “Hindi ko matatanggap ’yan.”
“Bakit hindi? Kailangan mo ng pera, ’di ba? Babayaran kita kahit magkano! ”Halata ang desperasyon sa boses niya.
“Hindi ko kailangan ang pera mo,” sagot ko. “Lalo na kung hindi ko pinaghirapan. Ang daddy mo ang nag-hire sa akin. Sa kanya ang katapatan ko.”
Lumalim ang tingin niya.
“Ismael… hindi mo alam ang gulong papasukin mo.”
“Bodyguard ang trabaho ko, Icey. Handa ako sa lahat. Kahit ikamatay ko pa.”
Napatitig siya sa akin, tila nalilito kung magagalit ba o mag-aalala.
“Ismael… ano ba talaga ang pakay mo? ” tanong niya, may halong duda sa mukha niya.
Ngumiti ako nang bahagya. “Simple lang. Gusto ko lang magkaroon ng maayos na trabaho para mabuhay. At hindi iyon madaling maunawaan ng kagaya ninyong anak-mayaman.”
Pagkasabi ko noon, tinalikuran ko siya at pumasok sa aking apartment.
Hindi ko alam kung bakit pero pakiramdam ko—mula sa puntong iyon—mas lalo pang lalala ang gulong papasukin ko.