“Maghihintay ako sa iyo, Bianca. Kahit gaano pa katagal.” Halos madurog ang puso ko ng sabihin ko ang mga katagang iyon habang pinanonood siya sa ilalim ng puno katapat ng harap ng bahay ng kaibigan ko. Ngayon malinaw na sa akin ang lahat. Alam ko na ang lahat. Sobrang linaw na pero nasasaktan ako. Hindi ugali ng isang lalaki ang umiyak pero kahit na magmukha akong bakla ay ang bigat talaga sa pakiramdam. Ang kaibigan ko at ako ay iisa ng taong ginugusto. Hindi ako pinuntahan ni Bianca dahil sa kaniya. Mas pinili siyang puntahan ni Bianca kaysa sa akin kahit na kakaamin ko pa lang. Matagal ko itong pinagplanuhan. Mag-iisang taon na simula ng magustuhan ko si Bianca pero ngayon lang ako umamin sa kaniya. Ngunit wala pang isang araw ang nakakaraan pakiramdam ko ay wala na akong pag-asa.

