CHAPTER 2 - HER PAST

4429 Words
MALALIM akong napabuntong hininga. “Mama..." bulong ko habang tinitingnan ang natirang litrato sa akin ng mama ko. Nandito ako ngayon sa bench sa harap ng school at nagmumuni-muni. Namatay sa sakit na stage 4 cancer ang mama ko nang hindi nalalaman ng magaling kong ama. Hindi ko alam kung ano ang buong kwento dahil bata pa ako noon. Ang alam ko lang ay nagkaroon ng babae si Papa at nagkaanak. Katulad ko ay 17 years old na rin iyon at lalaki. Una pa lang ay pinaiikot-ikot na siya ni Papa. May kumpanya kami dati sa Amerika. Hindi ko nga lang alam kung nag-e-exist pa ba ito sa mga panahon ngayon. Habang nasa ibang bansa ang papa ko ay nandito naman kami sa Pilipinas ng mama ko. Bago pa kasi kami magkaroon ng kumpanya noon sa ibang bansa ay may bahay na kami rito sa Pilipinas. Nagkaroon lang ng magandang opportunity si Papa sa Amerika noong bago pa sila ikasal ni Mama dahilan para roon maipatayo ang kumpanya. Ngunit paminsan-minsan ay nagbabakasyon din kami roon ni Mama nang isilang niya ako. Dinapuan ng malubhang karamdaman ang mama ko noong 8 years old ako. Hindi niya iyon ipinalam kay papa dahil marami nga raw itong iniintindi sa Amerika. Ayaw niyang madagdagan pa ang iniisip ni papa kaya mag-isa siyang nagpapagamot at nilalabanan ang sakit niya bagay na ikinagalit ko nang husto kay mama noon. May karapatan pa rin naman ang tatay kong malaman ang kalagayan niya pero kahit ako ay pinapagalitan ni Mama sa tuwing nagtatangka akong magsumbong kay papa hanggang sa lumala ang sakit niya. Umuuwi naman dalawa o tatlong beses si Papa sa isang taon. 10 years old ako nang magbakasyon sa amin si Papa nang halos dalawang buwan at bumalik din sa Amerika. Hindi kalaunan ay nalaman naming buntis si Mama at iyon nga ang bunsong kapatid ko, si Charles. Tuwang-tuwa noon sina Mama at Papa pero ako ay galit na galit kay mama. Hindi naman sa ayokong magkaroon pa ng anak maliban sa akin, ang inaalala ko lang ay hindi maganda ang kalagayan ni Mama ng mga panahong iyon at nagresulta sa pagtataka ni Papa. Nangayayat kasi noon si Mama bago pa man siya nabuntis pero si Mama ay patuloy na nagsinungaling kay papa. Nang nasa ika-anim na buwang pagbubuntis na ni Mama ay nalaman naman naming may babae pala si Papa sa Amerika. Nambababae raw ito bago pa man ako isilang bagay na sobrang ikinagalit ko ng husto sa papa ko lalong-lalo ng mama ko. Pinagsisihan ni Mama na nagpabuntis pa siya kay papa kahit na alam niyang buhay niya ang magiging kapalit, mapasaya niya lang ang papa ko. Nang malaman ito ni Papa ay kaagad siyang umuwi upang magmakaawa sa mama ko at pakinggan siya. Ngunit hindi nakinig si Mama dahil minsan nang nagloko si Papa bagay na tumatak sa kaniya. Imagine, 17 years na pala siyang niloloko ni Papa sa Amerika pero wala siyang kaalam-alam. Kaya pala ayaw ni Papa na palagi kaming pagbabakasyon sa Amerika dahil may pinakatatago-tago pala siyang lihim. Muling bumalik sa Amerika ang papa ko dahil may mahalaga itong pagpupulong na dapat ay nandoon siya bilang CEO ng kumpanya. Unti-unti namang pinatawad ni Mama si Papa dahil ayaw niyang tuluyang masira ang aming pamilya. Nagkaayos sila ni Papa at ang alam ni Mama ay matagal na itong nakipaghiwalay sa babae niya ngunit hindi nagtagal ay tuluyan nang nabisto si Papa. May anak pala siya sa dati niyang babae at hanggang ngayon ay nagsasama pa rin sila sa Amerika. Doon tuluyang nabaliw ang mama ko sa kakaisip at nagtangkang magpakamatay dahil sa labis na depresyon. Mabuti ay naabutan ko siya bago siya tuluyang magbigti sa kwarto nila ni Papa kung hindi ay napaaga akong nawalan ng ina at ng kapatid. Ngunit ang tadhana ay sadyang mapaglaro. Dahil sa sakit ni Mama ay naging komplikado ang lahat. Pinamili siya ng doktor kung ang buhay niya ba o ang buhay ng anak niya. Masakit na katotohanan pero mas pinili ni Mama ang buhay ng kapatid ko. Bago operahan si Mama ay kinausap niya pa ako at hanggang ngayon ay tandang-tanda ko pa, kahit kailanman ay hindi ko magagawang kalimutan. 7 years ago. "Anak, Bianca? Makinig ka sa Mama, ha? Alagaan mo ang magiging kapatid mo at huwag na huwag mong hahayaang magkakasakit,” umaagos ang mga luhang pakiusap niya habang nakahiga. “Mama, ano ba? Ayoko, please! Huwag ninyo akong iwan!” garalgal ang boses kong tugon at takot na takot sa mga susunod pang mangyayari. “Napaka-suwerte ko sa iyo, anak.” Hinaplos niya ang mukha ko at hinalikan ang mga kamay ko. Mas lalo ko pang naramdaman ang pagmamahal niya sa akin bilang isang anak na naging dahilan para mas bumuhos pa ang mga luha ko. Tila may kung ano’ng kumukurot sa puso ko. Hindi ko magawang maipaliwanag ang nararamdaman ko. Basta ang alam ko ay takot na takot akong mawala ang mama ko. “Mama naman, e!” nagpapapadyak na reklamo ko habang hawak ko ang dalawang kamay niya. Ang puso’t isip ko ay patuloy na nagpa-panic. Hindi ko alam ang gagawin ko. Hindi ko kayang mawala sa akin ang mama ko. “Mag-iingat kayo ng kapatid mo. Gagabayan ko kayo mula sa kabilang mundo. Lumaki kayong malusog at malakas. Huwag ninyong hahayaang may mananakit na ibang tao sa inyo, pahalagahan ninyo ang isa’t isa. Huwag na huwag kayong mag-aaway at kumain kayo palagi sa tamang oras,” nakangiti ngunit lumuluhang sabi niya. Ang sakit. Napaka-sakit marinig ang mga salitang ito sa sarili mong magulang na simula una hanggang dulo ikaw pa rin ang iniisip. Kahit ang sariling buhay ay handang ibigay mabuhay lang ang anak. “Mama naman, e! Huwag naman po kayong ganiyan!” taranta ang isip kong reklamo na para bang may kung ano’ng sumasaksak sa dibdib ko. Nahihirapan akong huminga. Mas lalo ko pang hinigpitan ang pagkakahawak ko sa kamay niya. “Palagi mong iisipin na mahal na mahal ka ng mama at ng papa, ha?” pagpapaalalang sabi niyang lubos kong ikinainis. “Mahal? Mama, ano’ng mahal ang sinasabi ninyo? Hindi marunong magmahal ang papa ko! Kasi kung talagang mahal niya ako at mahal ka niya, dapat nandito siya ngayon at pinapalakas ang loob ninyo! Walang puso ang lalaking minahal ninyo, ‘Ma!” salubong ang kilay kong sigaw habang patuloy ang pag-agos ng aking mga luhang tila ay walang katapusan. Niloko ka, sinaktan ka, pinaglaruan, at hinayaan ka lang tapos mahal mo pa rin? Ano bang puso mayroon ang mama ko? “Anak, huwag mong hayaang mapuno ng galit ang puso mo. Pinatawad ko noon pa ang papa mo dahil mahal na mahal ko siya,” biglang patak ng mga luha niyang tugon, “Kaya oras na rin siguro para patawarin mo siya,” pagpapatuloy niyang sabi na mas lalong nagpakirot sa puso ko. “Mama naman, e! Ayoko po!" matigas ang ulong sagot ko habang umiiling nang sobra. Hindi ko kayang patawarin ang tatay ko. Kasalanan niya ang lahat ng ito! Wala siyang kwentang ama! Labis ang kasuklamang nararamdaman ko sa kaniya. “Anak, makinig ka sa akin. Walang mangyayari sa galit. Pakinggan mo ang huling utos ko.” Hinawakan at inayos niya pa ng kaunti ang buhok ko habang ang mga luha niya ay patuloy lamang na bumubuhos. “Ipangako mong iingatan mo at po-protektahan mo ang kapatid mo,” patuloy ang pagtangis na bilin niya. Tumango ako at nagpunas ng mga luha. Kailangan kong maging matapang pero paano ako magiging matapang kung iiwan naman ako ng taong pinaghuhugutan ko ng lakas? “Mahal na mahal kita, anak ko.” Niyakap niya ako ng sobrang higpit na halos hindi ako makahinga. Mas lalong bumuhos ang mga luha ko. Ang sikip sa pakiramdam. Para akong sinasaksak. “Mama, pakiusap po! Nagmamakaawa ako, lumaban kayo! Huwag niyo kaming iwan ni Charles! Mama, please!” punong-puno ng pagmamakaawang sigaw ko. H-Hindi ko talaga kaya. “Patawarin mo ako pero obligasyon ng isang ina ang ibigay ang buong buhay niya para sa kaniyang anak. Mahal na mahal ko kayo, palagi niyo iyong tatandaan.” At mas naramdaman ko pa ang mas mahigpit na yakap at pagmamahal niya. Panginoon, ano po ba’ng kasalanang ginawa ko sa inyo dahilan para masira ang pamilya ko? Ang mama ko lang ang meron ako, kukuhanin niyo pa po? “Excuse me po. Malapit na pong magsimula ang operasyon,” nakayukong sabi ng nurse sa likod ko, “Naghihintay na po si Dok sa operating room,” dagdag pa niya. Mas lalong kumalabog ang dibdib ko sa takot kasabay pa ang pagkirot ng puso kong animo’y sinasaksak ng matulis na patalim. Lalong nag-panic ang puso’t isip ko. “Hindi! Hindi! Ayoko! Mama, dito ka lang sa tabi ko. Huwag ka pong aalis! Mama, ayoko! Dito ka lang!” Niyakap ko siya ng sobrang higpit na parang ayaw ko nang bumitaw pa. “Anak, mami-miss ka ng mama,” humahagulgol na sabi niya kasabay ang napaka-higpit na pagkakayakap niya. “Mama, hindi! Ayoko! Ayoko!” matigas na sabi ko, “Mama, hindi ko kaya! Hindi ko po kaya!” dagdag ko pa habang umiiling at humahagulgol sa pag-iyak. “Paumanhin ngunit kailangan nang simulan ang operasyon ng mama ninyo,” sabi ng nurse sa tabi ko at hinawakan ako sa braso pero pinagkakabog ko siya at pinagsisipa. “Sinabi ng ayoko, e! Hindi!” galit na bulyaw ko at muling niyakap ang mama ko. “Mama!” muli ay patuloy sa paghagulhol ko at kahit ang medical team na nakapalibot sa amin ay panay na rin sa pag-iyak. “Anak? Anak, pakinggan mo si Mama, ha?” Pinunasan niya ang mga luha ko. “Kailangan itong gawin ni Mama para mabuhay si baby at makasama mo siya. Ayaw mo bang makita si baby?” dagdag na tanong niya ng hinang-hina ang katawan niya. “Gusto ko, 'ma! Pero mas gusto ko kung sabay ko kayong aalagaang dalawa! Mas gusto ko iyon, mama! Baka may iba pa pong paraan na pwedeng gawin ang mga doktor?” Hinarap ko ang nurse sa likod ko at lumuhod sa harap niya. “Nurse ka po, ‘di ba? Magiging doktor ka rin, ‘di ba?” sunod-sunod na tanong ko at hindi nagpatinag sa pagtangka niyang pagtayo sa akin, “Nagmamakaawa po ako sa inyo, bata pa po ako. Wala nang pakialam sa amin ang papa ko. Si Mama lang po ang mayroon ako. Nagsusumamo po ako! Iligtas po ninyo ang mama ko at ang kapatid ko. Parang awa niyo, Doktor! Nagmamakaawa po ako.” Magkadikit ang dalawa kong palad na pagmamakaawa sa kaniya habang ang mga luha ko ay walang tigil sa pag-agos at panay sa paghikbi. Bigla na lang napatanggal ng mask ang lalaking nurse sa harapan ko at hinawakan ang dalawang kamay ko habang naluluha at nagsalita, “Pangakong gagawin namin ang lahat upang maging matagumpay ang operasyon. Hindi ko man maipapangako sa iyong mananatiling buhay ang mama mo pero gagawin namin ang lahat upang ibalik sila sa iyo ng buhay. Magdasal ka, bata. Ipagdasal mo ang mama mo at ang kapatid mo.” Pagkatapos ay niyakap niya ako at binuhat. “Isipin mong walang imposible at gagaling din ang mama mo.” Tinapik-tapik pa niya ang likod ko habang nagsasalita. “Bilisan ninyo at kanina pa naghihintay si Dok.” Senyas niya sa mga nurse at agad na itinakbo si Mama sa operating room na ikina-panic ko. “Anak, mahal na mahal kita!” narinig kong sigaw ni Mama habang umiiyak kaya bigla akong nagwala. “Mama!” wala sa sariling sigaw ko at muli kong pinagkakabog ang lalaking nagbubuhat sa akin upang makababa, “Ano ba?! Bitiwan mo ako! Mama ko!” dagdag ko pa at biglang napakalas sa pagkakabuhat niya. Nang makababa ako ay mabilis akong tumakbo upang habulin ang mama ko. Pero huli na ang lahat dahil naipasok na nila sa O.R ang mama ko. “Mama! Mama!” Malakas na katok ko sa pinto habang patuloy sa paghagulhol. “Hija, tigil na. Gagaling din ang mama mo,” biglang sabi ng isang babaeng tumabi sa akin. Nurse rin siguro siya. “T-Talaga po?” Nagpunas ako ng mga luha ko at unti-unting tumahan. "Oo. Gagawin ng team ang lahat upang maging matagumpay ang operasyon,” nakangiting sambit niya pagkatapos ay muli akong napatingin sa pinto ng O.R. Magtitiwala po ako sa inyong lahat ng buo. Nawa’y maging matagumpay ang operasyon at bumalik na buhay sa akin ang mama ko. “Gusto mo muna bang matulog habang naghihintay para makapagpahinga ang isip mo?” tanong niya. Tumango lang ako ng labag sa loob ko at dinala niya ako sa isang tahimik na kwarto at hinele upang agad na makatulog. “Kumalma ka at magdasal. Ipagdasal mo ang lakas ng loob at pangangatawan ng mama mo. Maniwala ka, walang imposible sa Diyos,” kalmadong wika niya at sinang-ayunan ko naman pagkatapos ay taimtim na nagdasal. “Papa Jesus? Ingatan niyo po ang mama ko. Bata pa po ako, e. Hindi ko po kayang alagaan ang kapatid ko kung mawawala po ang mama ko. 10 years old pa lang po ako, Papa Jesus. Tulungan niyo po ako at gabayan niyo po ang mga nurse at doktor na gumagamot sa mama ko. Iligtas niyo po ang mama ko at ang kapatid ko. Nagmamakaawa po ako sa inyo, Papa Jesus,” panay iyak na dalangin ko hanggang sa dinalaw ako ng antok at tuluyang nakatulog. Pagkagising ko ay wala na ang nurse sa tabi ko kaya’t dali-dali akong bumangon at lumabas ng kwarto nang hindi nagawa pang magsuot ng tsinelas dahil sa sobrang pag-aalala. “Mama? Nasaan ang mama ko?” sigaw ko paglabas ko sa kwarto at awtomatikong bumuhos ang mga luha ko. “Ate? Ate? Nasaan po ang mama ko? Magaling na po ba ang mama ko?” umiiyak na tanong ko sa babaeng nakasalubong ko habang hinihitak-hitak ko ang ilalim ng uniporme niya. “H-hindi ko alam. Hoy! Kanino ba itong anak?” tanong niya sa kasama niya. Hindi yata siya ang kumausap sa akin kanina kaya agad akong nagtatakbo at nagtanong-tanong sa iba pang nurse rito. “Ate? Ate? Alam niyo po ba kung nasaan ang mama ko?” garalgal ang boses kong tanong habang napaluhod pa sa harap ng nurse. “Hala! Bata, sino ba ang mama mo?” kunot noong tanong niya. Hindi niya rin alam kaya tumayo ako upang magtanong sa iba nang bigla kong makita ang lalaking nurse kanina. Bigla akong napangiti. Parang bigla akong nakaramdam ng pag-asa. Agad akong tumakbo at niyakap siya. “Kuya! Kuya! Kumusta po ang mama ko? Magaling na po ba siya? E, ang kapatid ko po?” sunod-sunod na tanong ko pero para siyang pinagsakluban ng langit at lupa at lumuhod sa harapan ko. “Bata, huwag kang mabibigla, ha? Naging successful naman ang operasyon at ligtas ang kapatid mo,” paninimula niya. “Talaga po?” tuwang-tuwang tanong ko at tinanguan niya naman, “Yehey!” Napayakap ako sa kaniya dahil sa labis na tuwa. “E, ang mama ko po? Kumusta po ang mama ko? Pwede ko po bang makita ang mama ko? Promise, mag-be-behave po ako,” excited na tanong ko habang pumapalakpak at abot ang taingang mga ngiti. Pero nagulat ako nang bigla siyang napayuko at napatanggal ng mask at mabilis akong niyakap na tila ay umiiyak. Bigla akong napatulala. "B-Bakit po, K-Kuya? B-Bakit po kayo umiiyak? B-Buhay pa ang mama ko, hindi ba? N-Nangako po kayong gagawin ninyong lahat ang makakaya ninyo,” utal-utal kong tanong habang nanginginig ang buong katawan at kalamnan ko dahil sa sobrang kaba at pagkatakot. “Saludo kaming lahat sa tapang at lakas ng loob ng mama mo dahil nailuwal niya ng malusog at malakas ang kapatid mo sa kabila ng karamdaman niya p-pero h-hindi kinaya ng mama mong lumaban sa gitna n-ng operasyon,” pahinang sagot niyang naging dahilan nang nagpakawala ng lahat ng natitira kong lakas at saya. Parang biglang huminto ang mundo ko at para bang napako ako sa kinatatayuan ko. Labis din ang kalabog ng dibdib ko at para bang ito lang ang naririnig at nararamdaman ko kasabay ang patuloy na pag-agos ng mga luha ko. “A-Ano po? A-Ano ang i-ibig sabihin nito?” tulala at nanghihinang tanong ko na kaagad ikinailing ng ulo niyang nagresulta sa pagsigaw ko ng sobrang lakas. “Mama!” Nagwala akong animo’y wala sa sariling katinuan na siya namang ikinahigpit ng pagkakayakap sa akin ng nurse. “Bitiwan mo ako! Sinungaling ka! Ang sabi mo, gagawin ninyo ang lahat! Magdasal lang ako at mabubuhay ang mama ko! Ibabalik ninyo siya sa akin ng buhay! Mga sinungaling kayo!” nag-aapoy sa galit na sigaw ko pagkatapos ay tinulak ko siya ng sobrang lakas at tumakbo nang tumakbo palayo upang hanapin kung saan mang kwarto naroroon ang mama ko. Narinig ko pa siyang sumigaw pero nagsisisigaw lang ako habang umiiyak at mas tumulin pa sa pagtakbo. Inisa-isa ko ang bawat kwarto habang patuloy ang pagtangis hanggang sa bigla akong napahinto sa isang kuwarto kung saan may katawang nakatalukbong ng puting kumot. Lakas loob kong unti-unting tinanggal ang kumot sa mukha ng pasyente at nang makumpirma ko kung sino ito ay para bang may kung ano’ng mabigat na bagay ang dumagan sa mga balikat ko at mas lalong nagpahina sa mga tuhod ko. “M-Mama?” utal-utal na sabi ko, “Mama!” sigaw ko sabay yakap ko sa kaniya at humagulhol. “Mama, bakit? Bakit mo naman po ako iniwan? Bakit naman? Ano po ba’ng ginawa ko? Mama ko!” malakas na sigaw ko habang umiiyak nang biglang nagdatingan ang mga nurse at inilayo nila ako sa Mama ko saka nila tinakpan ang mukha nito. “Ano ba?! Mama!” Nagwala at nagpapadyak ako habang mahigpit ang hawak nila sa mga braso ko. “Mama!” muling sigaw ko. “Bata, tumahan ka. Hindi pa pwede!” Pagbabawal sa akin ng isang nurse pero hindi ko siya pinakinggan at patuloy na nagwala hanggang sa napilitan silang turukan ako ng pampatulog. END OF FLASHBACK. Napapunas ako ng mga luha dahil sa sakit ng nakaraan. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap ang nakaraan. Pero proud na proud ako sa mama ko dahil hindi siya sumuko hanggang sa maipanganak niya ang kapatid ko. Sinunod niya ang lahat ng utos at mga payo ng mga doktor sa kaniya noon upang manatiling ligtas ang kapatid ko sa sinapupunan niya dahil lubhang napaka-komplikado ng sitwasyon nila. Sinaktan, niloko, at pinaikot-ikot na siya ni Papa pero mahal na mahal niya pa rin ito. Madalas si Papa ang sinisisi ko. Hindi man lang siya nag-effort na alamin ang tunay na kalagayan ni Mama noong nagbakasyon siya sa amin. Sana inalam niya muna ang lahat bago niya binuntis ang mama ko pero kung hindi rin dahil doon ay wala akong makulit na kapatid ngayon. Napabuntong hininga ako. Bakit kasi ang unfair ng mundo? Tinulungan ako ng mga kapatid ng mama ko para mabigyan ng marangal at maayos na burol at libing si Mama. Sila muna rin ang nag-alaga sa amin ni Charles nang halos tatlong taon kaya nagsara rin ang bakery namin at umalis si Nanay Selda dahil wala naman ng magpapasahod sa kaniya at susuporta sa gastusin sa shop. Makalipas ang halos tatlong taong pamamalagi namin sa kanila ay umalis din kami ni Charles sa poder nila dahil minamaltrato nila kami lalo ang kapatid ko sa tuwing umiiyak ito. Hindi ko kinaya kaya mas minabuti kong tumakas na lang kami roon kaysa naman mapatay nila ang kapatid ko sa pamamalo nila. Hindi ko rin naman nabalitaang hinahanap nila kami. Simula noon nahirapan na akong magtiwala sa mga taong nasa paligid ko. Sarili mo ngang kapamilya, sinasaktan ka. Paano pa kaya ang ibang tao? Kaya bumalik na lang kami sa dati naming bahay. Kasabwat ko ang tito ko noon sa paghatid sa amin ng kapatid ko sa bahay namin. Binilhan niya muna kami ng bigas at grocery. Binigyan niya rin kami ng pera dahil naaawa nga raw siya sa amin dahil sa pagmamaltrato ng mga tita ko sa amin. Linggo linggo niya rin naman kaming binibisita. 10 years old pa lang ako noong namatay ang mama ko habang 13 years old naman ako noong nagsimula akong magtrabaho para makaraos kami ni Charles sa maghapon. Namasukan ako bilang isang tindera noon sa maliit na grocery at huminto sa pag-aaral ko. Hindi naging ganoon kadali para sa akin iyon dahil tatlong taon pa lang ang kapatid ko habang ako ay trese anyos pa lang. Dinadala ko lang siya noon sa trabaho ko. Hanggang sa maraming tao ang naawa sa sitwasyon namin ng kapatid ko at inabutan naman ng konting tulong tulad ng bigas, konting grocery o ‘di kaya'y konting pera. Sobrang saya ko noon dahil kahit paano ay nakakaluwag sa akin iyon kaya bilang pambawi sa kanila ay mas lalo kong ginagalingan ang pakikisama. Hanggang sa isang araw ay bigla kaming sinundo ng DSWD dahil menor de edad nga raw ako lalo na ang kapatid kong tatlong taong gulang pa lamang. Mukhang nakarating sa kanila ang balita tungkol sa amin ng kapatid ko. Ginusto ko mang tumanggi ngunit ipinaliwanag nila sa akin na bawal ito at hindi makabubuti para sa amin ng kapatid ko. Malungkot kaming sumama ni Charles. Ngunit makalipas lamang ang tatlong taong paninirahan namin doon ay laking tuwa ko dahil hinanap kami ni Nanay Selda at kinuha kami. Si Nanay Selda ang katulong namin sa bakery namin noon at tumatayong ikalawang ina namin. Sa tuwing masama ang loob ko kay mama ay sa kaniya lamang ako tumatakbo at umiiyak. Pagkatapos ay pakakainin niya ako ng cake at tuturuan mag-bake kahit na bata pa ako at mukhang naglalaro lang. May hatid na magandang balita sa amin noon si Nanay Selda. Hinanap daw niya kami ng kapatid ko nang malaman niya ang sinapit namin at dahil din sa may mabuting loob na mag-i-sponsor sa amin upang muling mabuksan ang bakery namin noon at hanggang ngayon ay hindi ko alam kung sino siya. Sobrang saya ng puso ko. Kung dati ay namamasukan lang ako sa mga grocery stores at maghapong pagod, ngayon ay pa-moni-monitor na lang ako ng mga bakery namin. Kaya lubos na pasasalamat talaga para sa taong may mabuting loob na iyon at kahit hanggang ngayon ay pinapadalan kami ng tulong. Kaya mas lalo pa naming pinaganda ang shop at ngayon ay may tatlong branch at lahat ay dalawang palapag na. May mga tao rin kaming hinahawakan kaya ang puso ko ay sobrang saya dahil napakagaan ng daloy ng pera sa amin. Napapaisip nga ako kung sino ba ang mukha sa likod ng taong tumutulong sa amin. Ang sabi lang ni Nanay Selda ay mabuti siyang tao at nakikita raw niya sa amin ang pinagdaanan niya noon. Puro iyon lang ang isinasagot niya sa amin. Pero kahit minsan ay hindi ko inisip na si Papa ang may gawa nito dahil matagal na siyang nakalimot at masayang namumuhay kasama ang pamilya niyang sumira sa pamilya namin. Hindi ko nga alam kung buhay pa siya, e. 7 years na ang nakararaan pero kahit anino niya ay hindi namin nasilayan kaya bakit ko pa iisiping siya ang tumutulong sa amin? Kasi kung siya man iyon, pwede niya naman kaming kausapin at tulungan. Hindi nga yata kami naiisip ng tatay namin, e. Pero siya, aaminin ko. Walang araw na hindi ko siya naisip simula noon, hanggang ngayon. Oo, nami-miss ko ang papa ko pero hanggang ngayon ay hindi matanggal ang galit sa puso ko. Nang dahil din sa napaka-gandang biyayang dumarating sa amin ay nagpatuloy ako sa pag-aaral at ngayon ay grade 11 na ako. Pinagsasabay ko ang pag-aaral at pagta-trabaho. Isang taon lang naman ako nahinto noon. 4 years old pa lang ako ay in-enroll na ako ni Mama noon sa eskwela kaya naman hindi pa rin naman ako gaanong nahuhuli, iyon nga lang ay dapat grade 12 na ako ngayon pero ayos lang. At least, nagpatuloy ako ng pag-aaral. At ito pa ang isa sa pinaka-magandang nangyari sa akin ngayong taon. Muli akong nakaapak sa private school. Dahil noon pa ay sa private school na talaga ako in-e-enroll ng mama ko. Napunta lang ako noon sa public dahil nga wala nang sumusuporta sa akin. Isa ako sa napili ng Montefalco’s University na bigyan ng napakataas na scholarship noong nag-inquire ako sa kanila dahil isa sila sa nagiikot-ikot noon sa school namin. Ipinakilala nila ang kanilang university at ang mga kursong mayroon sila lalo ang monthly allowance at scholarship na sinasabi nila dahil nga mag-ge-grade 11 na kami sa susunod na pasukan. Sa tingin ko ay pasok ako sa hinahanap nilang qualifications na makatanggap ng malaking scholarship at monthly allowance dahil matataas din ang aking mga marka at naging valedictorian noong grade 10 kaya agad akong nag-apply at mabilis din namang natanggap. Hindi ko alam kung paano ako nahanap ng magandang kapalaran pero masasabi kong sobrang swerte ko. Siguro nga ay ginagabayan ako ng aking ina mula sa itaas. Sa tuwing iniisip ko ang nangyari sa akin mula noong mamatay si Mama hanggang ngayon ay kinikilig talaga ako. Kinikilig ako sa pagmamahal ng mama ko dahil ramdam na ramdam ko ang paggabay niya. Nabuksan ang bakery namin at bumalik si Nanay Selda, may nag-sponsor sa amin at ngayon ay may tatlo kaming branch sa iba’t ibang lugar at ang bahay namin ay mas napaa-ayos ko rin. Mas maganda kumpara noon at muli pa akong nakapag-aral sa private school na may mataas na scholarship. Noong una hindi ko alam kung paano magsisimula pero ngayon ayaw ko nang matapos pa ang lahat. Sa susunod na taon ay ang kapatid ko naman ang ipapasok ko sa private school. Konting ipon pa, pag-aaralin ko ang kapatid ko sa pampribadong paaralan. 7 years old na siya ngayon at grade 2 na. Maliit na batang sobrang kulit. Sobra sobra ang pag-aalaga ko sa kapatid kong iyon dahil ang buhay niya ang naging kapalit ng buhay ng mama ko kaya kahit may mang-api lang sa kaniya sa eskwelahan ay sinusugod ko. Walang pwedeng manakit sa kapatid ko. Mahal na mahal ko iyon. “Ano ba 'yan? Ayoko nang mag-drama. Gutom lang siguro ito,” mahinang bulong ko habang ang mga ngiti ay bakas sa aking mga labi at tumayo pagkatapos ay naglakad na papuntang cafeteria. Sa tuwing naiisip ko si Mama ay napapangiti ako. Kinikilig ako sa paggabay at pagmamahal ng nanay ko kaya kailangan ko pang mas magsumikap at magpursigi. Gusto kong mas maging proud pa sa akin ang mama ko mula sa kabilang mundo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD