Binuksan ko ang aking laptop at nagsimulang mag type ng isang liham.
Mahal kong Ellie,
Kamusta ka na? Ang akala ko ay tuluyan na tayong pinaglayo ng tadhana. Noong muli kitang makita sa reunion akala ko ay madudugtungan na natin ang naudlot nating pagtitinginan, ngunit muli kang lumisan ng walang paalam. Ngayon ay naiintindihan ko na kung bakit. At sa maniwala ka man o hindi ay hangad kong masaya ka na sakanya.
Noon pa man ay tama ka, duwag ako Ellie. Hindi ko nagawang panindigan at ipaglaban ang pag-ibig ko sa'yo. Bagama't ayokong manghinayang dahil naging masaya din naman ako sa'king naging desisyon. Lalong-lalo na sa anak kong si Mary Grace. Ngunit may laging gumagambalang mga tanong sa isipan ko...
Paano kung naging matapang ako?
Paano kung sumama ako sayo noon?
Paano kung mas natakot akong mawala ka, kaysa matakot sa sasabihin ng iba?
Paano kung sinuway ko si Ina at Ama?
Paano kung sinabi ko agad sayong mahal na mahal kita?
Marahil mas masaya kaya tayo ngayon o marahil masaya ka na talaga ngayon. At siguro ay pinatagpo lamang ang ating mga landas para ihatid ang mga tunay na nakalaan sa isat-isa. Siguro nga ay dito na magwawakas ang akala ko'y walang hanggang pag-ibig natin, kaya marapat lamang na dito ko narin iwanan ang lahat ng pagmamahal ko sa'yo.
Mahal kitang labis,
Madel
Nanginginig kong itinapat sa send button ang cursor, pero sa huli ang pinindot ko ay draft. Nang gabing iyon ay kinadenahan ko na ang puso kong si Ellie lamang ang sinisigaw.
Isang umaga.
"Ma! Hindi ka maniniwala!" masayang-masaya na wika ni Mary Grace paglabas mula sa kanyang silid. Nahinto ako sa paghigop ng aking kape at nagtatanong na tiningnan siya.
"Si Prince, dito daw siya magpa-pasko bago bumalik ng Amerika." pagbabalita niya ng may ngiting abot tenga.
Siningkitan ko siya ng mata at ngumiti lamang "Mmm..." Nanlaki ang mata ni Mary Grace "Naku! Hindi Ma! Magho-hotel siya, hindi siya matutulog dito 'no!"
Natawa ako "Wala naman akong sinabi?" Umupo siya sa harap ko at nakihigop sa aking kape "Baka lang kasi-ano." sabay kamot sa kanyang batok.
"Nasa tamang edad ka na, alam mo na ang tama at hindi tama. At may tiwala ako sa'yo na laging tama ang gagawin mo. Hindi para sa'kin kundi para sa'yong kapakanan." wika ko sakanya.
Bumuga siya sa hangin "Paano kung hindi niya ako magustuhan sa personal?" aniya na halos pabulong. Itinaas ko ang mukha niya at inayos ang bangs niya. "Hindi naman talaga niya gusto." Nagsalubong ang dalawang kilay ni Mary Grace na ngumisi "Ma naman eh."
"Dahil mahal ka niya. Higit pa sa gusto ka niya." pagtapos ko.
Habang nasasabik at nagagalak si Mary Grace sa nalalapit na pagdating ni Prince ay hindi padin mawala ang hapdi sa puso ko. Araw-araw nalang akong nasa resto para aliwin ang aking sarili.
Sa Airport.
Sumapit na ang araw ng pagdating ni Prince. Ayos na ayos ang aking dalaga na talaga namang nililingon ng mga kalalakihang nakakakita sakanya. Mayamaya ay biglang itinago ni Mary Grace ang mukha niya sa hawak na dilaw na papel na may pangalan ni Prince sabay bulong ng "Nand'yan na siya Ma!"
Napailing na lamang ako. Isang makisig na binata ang naglalakad ng papalapit sa'min at kumakaway. Pulang-pula naman ang dalawang pisngi ni Mary Grace sa likod ng papel.
"Mano po." wika ni Prince na kinuha ang aking kamay patungo sa kanyang noo.
"Aba marunong na." sabi ko at nagpalitan ng ngiti ang dalawa. Nahihiya man si Mary Grace ay sinalubong niya ng yakap ang nobyo at ginawaran siya nito ng isang halik sa labi. Kitang-kita ko sa mga mata nila ang labis na kagalakang makitang muli ang isat-isa. Paano'y mga bata pa lamang sila noong manirahan sina Prince sa Amerika.
"There's another thing I need to tell you and I think Tita Madel will be glad." ani Prince na naglipat ng tingin sa akin.
"Makikita mo na din ulit yung bestfriend mo Ma." nakangiting wika ni Mary Grace. Tiningnan ni Prince ang kanyang relo "They'll be here in a minute."
May kung anong bumaba sa tiyan ko kaya minabuti ko na munang magpaalam sakanila para mag banyo.
Sa ladies restroom. Naghilamos ako ng mukha at napatitig sa repleksyon ko sa salamin. Ang balat kong marami ng wrinkles at ang biloy kong naging guhit na malalim na. Sinuklay ko ng hair brush ang maiksi kong buhok, nagpulbos ng mukha at nagpahid ng konting lipstick sa labi.
Bakit ba ako naco-conscious sa itsura ko? Gayong kahit na anong ayos ko ay hindi na madadaya pa ng kahit na anong pampaganda ang edad kong singkwenta y dos años. Napailing na lamang ako sa aking sarili at lumabas na ng banyo.
Paglabas ko ay natanaw ko sina Mary Grace na may kausap na dalawang Ginang na nakatalikod sa gawi ko.
"Ayan na po pala si Mama!" mayasang pag nguso sa'kin ni Mary Grace. Nilingon naman agad ako ng isang Ginang na may kulay abo na buhok.
At lumabo ang paligid... siya lang ang nakita ng mga mata ko. Sumilay ang ngiti sa aming mga labi habang papalapit kami sa isat-isa. Ang ganda niya padin at napaka-sopistikada sa puting blazer at slacks na suot nito. Tila may karera ng mga kabayo sa dibdib ko nang hawakan niya ang dalawang braso ko. Yayakapin ko na dapat siya ng bigla siyang bumeso at agad na dumistansya.
"Oh my God! How long has it been? Seven years!" ani Ellie.
"Oo nga eh, long time no see. Kamusta ba?" pagbati ko sa kanya na hindi maitago ang saya na muli siyang nakita. Pero bago pa man niya masagot ang tanong ko ay may brasong umangkla sa braso niya. Puno ng kolorete ang mukha nito at nakasuot pa ng maigsing palda, dahilan ng kitang-kitang mga ugat nito sa binti. Tila nagmu-murang kamatis tuloy ang gurang na amerikanang kasama ni Ellie.
"So you are Madel right?" wika nito sa akin na nagtanggal pa ng shades para suriin ako sa tingin.
"Yes, she's the one... that I'm talking about. My childhood friend, Madel." pakilala sa akin ni Ellie.
Hindi ko alam kung bakit medyo nasaktan ako sa salitang 'Friend' eh 'yon naman ang totoo. Pero mas masakit pa pala ang sunod na maririnig ko.
"And this is my wife, Hannah." pakilala ni Ellie sa babaeng nakapulupot sakanya. Pilit akong ngumiti sakanila at inilahad ang palad ko "I-Its nice meeting you." wika ko, inabot naman ni Hannah ang kamay ko at sinabing "Me too! Ellie was right! You both look amazing!" tukoy niya sa aming mag-ina.
Matapos ang maikling kamustahan ay niyaya namin silang maghapunan sa isang fine dining restaurant. Masarap sana ang pagkain nila doon kung hindi lang sana nakakawalang gana si Hannah na tinalo pa yata ang ka-sweetan nina Mary Grace at Prince. Hindi ko alam kung uso lang ba talaga mag public display of affection sa Amerika o makiya lang talaga ang babaeng 'to. Hindi ko lubos maisip na magugustuhan siya ni Ellie.
"What do you think Ma?"
Napatingin sa akin ang lahat sa tanong na iyon ni Mary Grace na pumutol ng iniisip ko.
"Ha?" ang nasabi ko. Natawa si Mary Grace "Ma nasaan ka po ba? Inimbitahan ko sina Tita Ellie na sa atin na din mag spend ng Christmas, since sa atin din naman po magpapasko si Prince."
"Ah-eh, oo naman. Walang problema." sabi ko.
"Are you sure? Hindi ba kami makaka-abala?" paninigurado ni Ellie.
"Kahit kailan hindi ka magiging abala sa'kin." ani ko. Ngumiti siya ng matamis sa akin at pagkatapos ay narinig kong bumulong si Hannah sakanya para itanong kung ano ang sinabi ko.
"She said we can spend the Christmas with them." sagot ni Ellie kay Hannah.
"Oh that's great! I'm so excited!" bulalas nito.
Matapos ang hapunan ay inihatid na namin sina Ellie sa kanilang hotel na tutuluyan. Napansin ko naman ang pagsulyap sa'kin ni Mary Grace habang nasa byahe kami pauwi.
"Anong tingin mo sakanya Ma?" biglang tanong nito.
Agad na bumalik sa isipan ko si Ellie na palihim kong pinagmamasdan kanina habang kumakain kami. Napabuga ako ng hangin "Napakaganda niya padin." tila kusang bumuka ang bibig ko.
"Po?" nagtatakang wika ni Mary Grace?
"Ha? A-ano ba 'yong tanong mo?" nauutal na maang-maangan ko para makalimutan niya ang nasabi ko.
"Ma naman eh, parang kanina ka pa pong lutang? Okay ka lang ba? Magsasabi ka kapag may nararamdaman kang hindi maganda."
"Okay lang ako 'nak. Napagod lang ako sa byahe." pagdadahilan ko.
Tumunog ang flip phone ni Mary Grace at nakita kong gumuhit ang ngiti sa mukha niya ng mabasa ang mensahe. Marahil si Prince iyon. Napangiti nalang din ako na tumingin sa bintana.
Mabilis na lumipas ang mga araw at sumapit na nga ang bisperas ng Pasko. Dumating sina Ellie na may dalang wine at dessert. Nasa kusina ako na inaayos ang mga ihahaing pagkain nang gulatin ako ni Ellie na tinulungan ako sa pag aayos.
"Ako na dito. Mag relax ka nalang doon sa sala." wika ko sakanya.
"Its okay. Ikaw naman, parang iba." ani Ellie.
"Hindi ko alam na seryoso ka pala talaga sa sinabi mo noon."
"Ang alin?" tanong niya habang hinihiwa ang matamis na biko, ako naman ay naghahalo ng white sauce sa pasta para sa Carbonara.
"Sa pagiging T-bird mo." linaw ko, natawa naman siya. Yung tawa niya na kumikiliti sa puso ko.
"Lesbian." pagtatama niya.
"Ganun din 'yon." sabi ko.
Nagtawanan kaming muli pagkatapos ay tinikman ko ang carbonara sauce na aking ginawa "Mmn..." naiusal ko sa sarap.
"Hey." ani Ellie na tumuturo sa gilid ng labi niya habang tatawa-tawa.
"Ha?" hindi ko siya maintindihan. Umiling siya at sinakop ang natitirang espasyo na naghihiwalay sa aming dalawa, at ang malambot niyang daliri ay dumampi sa gilid ng labi ko. Na-estatwa ako sa aking kinatatayuan, natulala sa kanyang mga mata na nakatitig din sa akin. Parang may karera nanaman sa puso ko. Mas bumilis pa ang kabog nito ng bumaba na sa labi ko ang mga tingin ni Ellie.