Mas bumilis pa ang kabog nito ng bumaba na sa labi ko ang mga tingin ni Ellie.
Unti-unting lumalapit ang mukha niya sa mukha ko nang bigla siyang bumitaw ng tingin at ngumiti ng pilit "I-I'm sorry, may dumi ka kasi sa lips." paliwanag niya. Ibinalik ko nalang din ang mata ko sa carbonara sauce "Alam mo dalhin mo na yang biko sa mesa." wika ko sakanya.
"Mabuti pa nga." pag sang-ayon din ni Ellie at tuluyan na nga siyang lumabas ng kusina. Bigla akong nanghina at napaupo. Hindi maaari Madel, bukod sa matanda ka na ay may asawa na siya. Paalala ko sa sarili ko.
Alas onse na ng magsimula kaming kumain ng Noche Buena. Napansin kong dumadalas ang pagsulyap ni Mary Grace kina Ellie at Hannah. Mabilis na naubos ang carbonara na nakahain kaya muli akong kumuha sa kusina ng sinundan ako ni Mary Grace.
"Panalo ang carbonara mo Ma." papuri niya.
"Syempre, ipapahiya ba kita sa future husband mo?" sabay kindat sakanya. Niyakap niya ako "Thanks talaga Ma, you're the best."
"Eh kamusta naman kayo ng future Mother in laws mo?" tanong ko sakanya. Napasandal siya sa mesa ng kusina na parang iniisip ang sasabihin. "Uhm, mabait naman si Tita Ellie. Pero..."
"Pero?"
"Diba kababata mo po siya?"
"Oo."
"Dati pa ba siyang ganun?" bigla niyang tanong na may pagtataka sa mukha.
"Anong ganun?" tanong kong pabalik sa kanya. Lumapit siya sa akin "Tomboy." aniyang pabulong. Natigilan ako dahil hindi ko alam ang isasagot ko nang biglang dumating sa eksena si Prince.
"Need some help ladies?"
Agad kong dinampot ang kaserola ng cabonara at inabot ito kay Prince "You're just right in time." wika ko sakanya at sabay-sabay na kaming bumalik sa dining area.
Itinaas ni Hannah ang copita ng kanyang wine "Merry Christmas everyone!" masayang bulalas nito. Napatingin ako sa orasan na nasa pader, aba't alas dose na pala.
"Merry Christmas baby." narinig kong sabi ni Prince sa anak ko. Binati din siyang pabalik ni Mary Grace. Pagkatapos ay kami naman ang binati niya ng maligyang pasko at bumeso sa lahat.
"Merry Christmas." pagbati namin sa isat-isa ni Ellie, pero bago pa siya maka-beso sa akin ay dumistansya na ako.
Pagkatapos ng Noche Buena ay hinatid ko na sina Ellie at Hannah sa guest room. Si Prince naman ay nagdesisyon na sa sala matulog.
Tahimik na ang gabi ay hindi padin ako makatulog kaya bumangon ako at pumunta ako ng kusina para kumuha ng inumin, ngunit naabutan ko doon si Ellie na may hawak na pitchel ng tubig.
"Oh, sorry. Nauuhaw kasi ako eh kaya nakialam na ako sa fridge mo." sabi niya.
"Okay lang." sabi ko na kumuha ng baso at lumapit sakanya, sinalinan niya ito. "Nakakatuwa yung mga bata 'no." aniya. Ngumiti ako "Oo nga eh, sinong mag aakala."
"Yeah, sinong mag aakala na magkikita ulit tayo." aniya sa masayang tono. Umusad siya papalapit sa kinatatayuan ko pero lumayo naman ako at inilagay na ang baso sa lababo.
"Madel, iniiwasan mo ba ako?"
Natigilan ako sa tanong niya at pilit na ngumiti "B-Bakit naman kita iiwasan?" sabi ko sakanya na pinagtatakpan ang aking kaba sa dibdib.
"I don't know. You tell me." pagtaas ng balikat niya. Ngiti lang ang isinagot ko sakanya sabay lakad palabas ng kusina.
"You've change a lot Madel." narinig kong sabi niya, dahilan para lingunin ko siya. "Lahat naman nagbabago, pati ang t***k ng puso ng isang tao." wika ko.
Napakunot-noo siya "What do you mean?" Umiling ako "Wala naman, goodnight." at bumalik na ako sa aking silid.
Kinabukasan bago umuwi sina Ellie ay inabutan niya ako ng makulay at maliit na paper bag, papasko daw niya sa'kin iyon. Nahiya naman ako dahil wala akong regalo sakanila. Nang makaalis na sila ay malapad na nakangiti sa akin si Mary Grace na ipinakita ang munting regalo sakaniya ni Prince na nasa kaniyang leeg, isang silver necklace na may palawit na hugis bituwin.
"Bagay sa'yo 'nak."
Hinapos niya ang palawit nito at nahiga sa sofa "Sobrang sweet niya Ma. Sana talaga kami na forever." wika nito na tila isang hiling sa hangin. Umupo ako sa tabi niya at hinaplos ang kanyang noo "Basta lagi n'yong piliin ang isat-isa lalo na sa mga pagsubok na dadating."
Nang makapasok na si Mary Grace sa kanyang silid ay binuksan ko na ang regalo ni Ellie na nasa makulay na paper bag. Hindi ko inaasahan ang aking natagpuan sa loob nito, isang lumang kahon na kahoy 'The best days of my life are the days we spend together.' mga salitang nakaukit sa ibabaw nito. Pagbukas ko ay bumungad sa akin ang mga lumang litrato ng aming kabataan, mga class pictures at iba pa. Bahagya akong napangiti sa pagbabalik ng aming mga batang ala ala. Hindi ko lubusang maintindihan kung bakit ibinigay ni Ellie sa akin ang mga ito? Pero bago pa man ako makapag-isip ng dahilan ay may card akong nakita sa pinaka-ilalim ng mga litrato.
Isang wedding invitation.
Binasa ko ito at nalaman na kinukuha ako ni Ellie bilang maid of honor niya sa kasal nila ni Hannah. Kasal? Hindi ko alam kung matatawa ba ako o maiinis dahil una, wala naman nagkakasal ng babae sa babae at pangalawa ay tila manhid na yata talaga si Ellie para isampal pa sa mukha kong isang kaibigan na lamang ako para sakanya.
"Have you seen it Ma?" tanong sa'kin ni Mary Grace, kinagabihan habang kami ay naghahapunan.
"Ang alin?"
"Tita Ellie and Tita Hannah's wedding invitation." natatawa at iiling-iling na wika niya bago uminom ng tubig.
"Ah, oo." malamig kong sagot.
Nakalabas padin ang ngipin niya "Parang 'di padin po ako makapaniwala na pwede 'yon saka matanda na sila eh."
"Kapag ba tumanda na kayo ni Prince, hindi mo na ipaparamdam sakanya na mahal mo siya?" tanong ko sakanya sa seryosong tono.
Tumawa lalo si Mary Grace "Ma naman. Iba naman 'yon. Pag babae at lalake legal naman po ang magsama at magmahalan. Pero kasi yung ganon alam naman po natin na mali."
"Kay Prince mo sabihin 'yan." wika ko at tumayo na ako sa hapag kahit hindi pa ubos ang aking pagkain.
Hindi ko alam kung bakit nasaktan ako sa sinabing 'yon ni Mary Grace, na para bang bumalik yung pakiramdam ko noon sa tuwing naririnig ko ang aking Ina sa kung paano niya tingnan ang mga katulad ko.
Isang baliko ng lipunan.
Pinilit ko na lamang iyon kalimutan.
Bisperas ng Bagong Taon.
"Happy New Year!" pagbati naming lahat sa isat-isa habang nanunuod ng fireworks display mula sa bintana ng hotel room nina Ellie. Inimbitahan nila kaming sakanila na magdiwang ng bagong taon at para mapag-usapan na din ang gaganaping kasalan nila ni Hannah.
"Lets eat! The wine is waiting!" bulalas ni Hannah kaya ang lahat ay sumunod na sakanya sa mesa, maliban sa akin. Naiwan akong mag-isang nakatanaw sa bintana habang pinapanuod ang mga iilan-ilan na lamang na paputok sa mausok na langit. Ang totoo ay ayaw kong makita si Ellie at Hannah, dahil ang totoo ay nasasaktan padin ako. Nasasaktan ako sa katotohanang may iba na siyang mahal. Nasasaktan ako dahil dapat ako yun, ako dapat ang babaeng lagi niyang kasama.
Ako sana 'yon.
Pinunasan ko ang luhang namuo sa aking mata at nilingon sila habang abala sa pagkuha ng mga pagkain sa mesa, mga tatlong metro mula sa kinatatayuan ko.
"Isn't it beautiful? Hon gave this to me as her Christmas present." pahayag ni Hannah kina Mary Grace habang ipinapakita ang kumikinang niyang relong suot.
"Wow! Is that real gold?!" manghang-mangha si Mary Grace.
"Ofcourse sweetie." pagyayabang muli nito.
Tiningnan ko si Ellie na hindi nalang pinapansin si Hannah. Siguro ay sanay na siya sa pagiging agaw atensyon nito. Lumapit ako sakanila "Oh Ma, kain na din po kayo." ani Mary Grace pero tumanggi ako at nagsalin nalang ng wine. Wala ako sa mood kumain. Pagkakuha ng inumin ay umupo ako sa magara nilang sofa. Siguro ay lulunurin ko na lamang ang puso ko hanggang sa mawala ang kirot nito, hanggang sa matutunan kong tanggapin ang lahat. Nangangalahati na ang aking kopita, laking gulat ko ng may umagaw sa akin nito.
"You shouldn't be drinking Granny."
"Granny?!" naiinis na sabi ko.
Tatawa-tawang umupo si Ellie sa tabi ko "Joke only." aniya na nag-peace sign. Inagaw kong pabalik ang kopita ko sakanya "Tss, tama ka naman. Mga lola na tayo." sabi ko bago muling lumagok ng wine.
"Who cares. Aging is just a natural phenomenon." nakangiting saad niya.
"And old age is the end game." dagdag ko pero agad siyang kumontra "Sa patay ang end game! But as long as you're breathing, everything is still possible." sabi ni Ellie sa masayang tono "I mean look at me, who would have thought I'm getting married at this age of 53 diba?"
Mainit na ang pakiramdam ko, malamang dala ng wine o dahil katabi ko lang si Ellie? Hindi ko alam na tumutulo na pala ang mga luha ko.
"M-Madel, shh... bakit ka umiiyak?" nag aalalang tanong niya ng makita ako, dali-dali ko naman pinunasan ang mata ko.
"Wala-wala, masaya lang ako para sa inyo ni Hannah. Tapos maid of honor mo pa ako. Overwhelming." pagdadahilan ko.
Lumapad ang ngiti ni Ellie "So does that mean na pumapayag kang maging maid of honor sa wedding namin?!"
Natatawa ako na pinunasan ang mata ko "Oo nga, ayaw mo pa yata eh?"
"Hindi! Gustong-gusto!" bigla niya akong niyakap ng mahigpit "Thank you Madel, thank you! Thankful talaga ako na nakilala kita." aniya pa.
Kung may new year's resolution ako sa gabing iyon, yun ay ang tuluyan ng matigil ang pag-asa ko kay Ellie.