Fyrstr I (part 1)
"Othala..." Napabalikwas ng bangon ang isang dalaga nang marinig niya ang sigaw ng isang lalaki. Ang boses ng huli na tila isang leon na umuungol dala ng labis na pag-aalala ang siyang humila sa dalaga pabalik sa reyalidad. Kasabay pa nito ang kapangyarihang taglay ng runong hawak ng lalaki. Othala, ang runo ng pinagmulan at pamilya. Malalim ang pagtataas-baba ng dibdib ng babae na tila walang hangin ang pumapasok sa kaniyang baga. Nanginginig ang kaniyang kalamnan sa 'di malamang dahilan. Ang kaniyang magkabilang kamay ay nakahawak nang mahigpit sa puno ng kaniyang buhok. Napakalamig ng simoy ng hanging nagmumula sa kaniyang bukas na bintana na siyang nagpapasayaw sa telang nakatakip dito. Pero hindi iyon sapat para magbigay ng lamig sa kaniyang umaapoy na katawan.
Isang pangitain. Ito ang bumabagabag sa kaniya. Sa hindi mabilang na pagkakataon ay muli siyang napadpad sa dimensyon ng hinaharap. Kung hindi lamang sa runo ng pinagmulan, ang Othala ay hindi siya makababalik sa normal na dimensyon.
Nakayuko siya habang pilit na kinakalma ang sarili. Kung para sa iba ay normal lamang ang panaginip na iyon, sa kaniya ay hindi. Nakikita niya ang hindi nakikita ng ordinaryong mga mata ng isang tao. Isa pa, namumukod tangi ang pangitain niyang iyon, sapagkat hindi niya mahawakan o makausap ang mga taong naroroon gaya na lamang ng mga nauna niyang panaginip. Siya ay nakikinig at nanunuod lamang.
Bumigat ang dulo ng kaniyang higaan na siyang nagpaangat ng kaniyang tingin. Ang kaunting liwanag na nagmumula sa buwan ay sapat na upang makita niya ang kaniyang kababatang nakakunot ang noong nakatitig sa kaniya. Ito rin ang lalaking nagbalik sa kaniya sa tamang linyang oras. Inabutan siya nito ng tubig na agad naman niyang ininom. Marahil dahil inaapoy pa rin ang kaniyang sistema kaya patuloy lamang siya sa paglagok. Nang dahil dito, iilang butil ng tubig ang dumaluhong mula sa kaniyang bibig pababa sa kaniyang leeg.
Nagpakawala ng isang malalim na hininga ang dalaga saka inabot ang baso sa lalaking nasa kaniyang harapan. Tila mahuhulog ang mata niya nang papikit-pikit siyang napatitig sa kaniyang higaan.
"What scenario were you in again, Blue? " Mababakas ang pag-aalala sa boses ng lalaki. Ang kaniyang singkit na mata ay mas lalong lumiit habang malumanay na nakatitig sa dalaga. Kikibot-kibot ang kaniyang labi’t inabot niya ang kamay ng kaniyang kababata’t mariin itong hinawakan. Sanay na siya na araw-araw nagkakaroon ng kakaibang pangitain ang kaibigan niyang si Blue pero 'di niya pa rin maiwasan ang mag-alala.
Napayukong umiling-iling ang dalaga. Tila may nakabara sa kaniyang lalamunan na pinipigilan siyang magsalita. Muli siyang nagpakawala ng isang malalim na buntong-hininga bago muling matamang tiningnan ang kausap niyang binata.
Nanginginig ang itim na itim na balintataw ng dalagang si Blue. Ibinuka niya ang kaniyang bibig ngunit muli itong itinikom nang hindi niya mahanap ang mga tamang salitang kaniyang sasabihin. Tumaas ang magkabilang sulok ng labi ng lalaki at mas lalo niyang hinigpitan ang pagkakahawak niya sa kamay ni Blue.
Nang maliwanagan na ang huli ay nagsimula na siyang magkuwento. "Iba ito, Randall. Ngayon lamang ito nangyari sa akin. Hindi ko makausap at mahawakan ang mga taong nasa panaginip ko. At may isang napakalakas na enerhiya akong naramdaman... "
Ang kaninang kalmadong mukha ng binatang si Randall ay napalitan ng pagkunot niya noo. Tiwala siyang kilalang-kilala na niya si Blue pero sa oras na ito ay hindi niya gaanong maintindihan ang dalaga.
Napansin ng huli ang pagkalito sa mukha ni Randall kaya naman ay napabuga siya ng hangin at napatingin sa kaniyang bintana. Mahabang katahimikan ang namayani sa loob ng silid. Binalingan ng tingin ni Blue si Randall saka nagpatuloy sa pagsasalita.
"May naramdam akong presensya ng isang diablo sa aking panaginip. At nasisigurado kong ang diablong iyon ay ang lalaking may tatlong persona." Humigpit ang hawak ng dalaga kay Randall. Binuhat niya ang kaniyang sarili’t inilapit ito nang husto sa binata. Nang sandaling iyon ay bumilog ang mata ng huli dala ng pagkagulat sa inaakto ni Blue. Kailanma’y hindi nagustuhan ni Blue ang pagkakaroon ng pisikal na apeksyon sa kahit na sinong tao. Kahit siya na matalik nitong kaibigan ay tila naglalakad sa ibabaw ng balat ng itlog kapag sila’y magkasama.
Mababakas ang takot sa mga mata ng dalaga. Takot hindi para sa sarili kundi para sa babaeng nasa kaniyang panaginip.
Napapikit siya dala ng biglang pagrapido ng kaniyang puso. Nanginginig ang kaniyang mga kamay at tila hindi siya mapakali. Muli siyang napayuko nang isang pangyayari ang muling bumisita sa kaniyang isipan. Ito ang pangitaing nakita niya.
Mula sa itim na kalawakang pinanggalingan niya ay napadpad siya sa isang lugar na hindi niya mawari kung saan. Alam niyang isa na naman itong pangitain. At kahit hindi man halata ay nararamdaman niyang nasa dimensyon siya ng hinaharap.
Naghari ang kulay luntian sa lugar na kaniyang kinaroroonan. Bumakas ang pagtataka sa kaniyang mukha nang makita niya ang pagsayaw ng mga halaman ngunit wala ni katiting na hangin ang dumampi sa kaniyang balat. Ang langit ay napakapayapa. Bughaw na bughaw ito at may iilang ulap ang malayang gumagalaw patungo sa iisang direksyon.
Napatingin siya sa kaniyang likuran at namataan ang isang puting bahay sa di kalayuan. Wala sa sariling napahakbang si Blue patungo sa direksyon ng naturang bahay. Tila tinatawag siya nito.
Agad siyang nabalik sa kaniyang diwa nang may isang babaeng pumasok sa bahay. Kaagad niya itong sinundan papasok.
Bumungad kay Blue ang walang buhay na loob ng bahay. Walang disenyong nakakabit at ang tanging isang lamesa at dalawang upuan lamang ang naroroon. Gaya na lamang ng nakita niya sa labas ay putting-puti ang kulay ng buong bahay. Pawang isang blangkong papel na tanging isang linya lamang ang nakaguhit. Taliwas na taliwas sa kaninang luntang paligid na kaniyang nakita.
Namataan niyang pumasok sa isang silid ang babae na kaniyang sinundan, May magaan na hakbang siyang nagtungo roon, nag-aalalang mabatid ng babae ang kaniyang presensya.
Maingat siyang pumasok sa nakaawang na pinto at nang makapasok siya sa naturang silid ay agad niyang inilibot ang kaniyang paningin.
Agad niyang nakita ang babaeng kaniyang sinundan na mariing binubusisi ang bawat kagamitan sa loob ng kwarto. Ang paalon-along buhok ng babae ay tila lumulukso sa bawat hakbang na ginagawa ng huli.
TBC
***