Mapait na Nagdaan
HUMIGPIT ang pagkakahawak ni Aling Telay sa photo album nang manariwa sa alaala ang mga nangyari.
"Diyos ko, tulungan N'yo po ang anak ko. Wala po siyang kasalanan. Ako po ang may kasalanan ng lahat. Nang dahil po sa aking katangahan kung kaya siya naghihirap. Kung hindi sana ang isang katulad ko ang naging nanay niya, siguro ay nagamot na ang sakit niya. Diyos ko, nagmamakaawa po ako. Tulungan N'yo po ako. Ituro N'yo po sa akin ang dapat kong gawin." taimtim niyang panalangin.
Kanina pa siya paikot-ikot sa simbahan na pinuntahan. Malinaw na malinaw sa kanyang isip ang sinabi ni Tiya Imang sa kanya. Kailangan nila ng malaking halaga para sa mga gamot at dugong isasalin sa kanyang anak. Bumaba na raw ang platelet ng anak niya kaya kailangan masalinan.
Nakapangutang na ito sa kapatid at mga kakilala subalit kulang na kulang pa rin. Malaki na ang utang nila sa ospital. Kanina ay may ibinigay na namang reseta ang doktor. May kailangan na namang bilhin sa labas dahil wala nang stock sa botika ng hospital.
Gulong-gulo na ang isipan niya. Desperada na siya. Kahit ano ay gagawin niya madugtungan lang ang buhay ng anak niya. Isang mapanganib na desisyon ang binuo niya. Wala na siyang mapagpipilian pa. Papasukin niya ang tahanan ng dating mga amo.
Dahil matagal din ang naging paninilbihan niya sa bahay ng mga dating amo ay kabisado na niya ang pasikot-sikot sa loob. Naghintay siyang dumilim bago dali-daling inakyat ang puno na ang sanga ay nakalawit sa loob ng bakuran ng bahay.
Nasusugatan man ay 'di niya na inalintana. Balewala ang kirot sa kanyang laman kumpara sa mga nagdurugong internal organs ng anak niya. Walang ibang mahalaga sa kanya kung hindi ang makapasok. Ilang sandali pa ang lumipas hanggang sa naroon na siya.
Maingat siyang naglakad papunta sa malaking bahay. Natatandaan pa niya ang susing nakaipit sa ilalim ng malaking paso na kulay green. Luminga-linga muna siya sa paligid. Nang makalapit sa may pintuan ay nakita niya ang malaking paso. Dahan dahan niyang inangat patagilid ang kinaiipitan ng susi. Nangiti siya nang makapa ang hanap. Hindi siya nagkamali, naroon pa rin iyon
Nanginginig ang mga kamay niya nang pihitin ang seradura ng pinto. Isang malalim na buntong-hininga ang pinawalan niya mula sa naninikip na dibdib bago inihakbang ang mga paa papasok sa loob ng malaking bahay.
Habang naglalakad ay palakas nang palakas ang pagkabog ng dibdib niya. Iniikot niya ang paningin.
"Hayun! Doon ang silid nila doktora." Maingat siyang lumapit sa pinto ng silid. Dahan-dahan niyang pinihit ang door knob. Bukas! Dahan-dahan siyang pumasok."
Nakaramdam siya ng paghihimagsik pagkakita sa mag-asawang natutulog nang mahimbing. Panatag na panatag ang mga ito habang ang anak niya ay nasa hospital, nasa bingit ng kamatayan. Naghihilik ang mga ito at masarap ang tulog habang sila ay halos walang tulog sa paghahanap ng malaking halaga." Lumapit siya sa gilid ng kama. Nakita niya ang ilang alahas na nakapatong sa lamesita katabi ng lampshade. Kumakabog ang dibdib niya. Alam niyang mali ngunit iyon na lamang ang tanging paraan. Ang gusto niya sana ay humingi ng tulong sa mga ito. Limusan siya upang maisalba ang buhay ng anak niya na dugo at laman din naman ng mga ito. Ngunit tinalikuran sila. Hindi na baleng siya. Pero huwag ang anak niya. Sa anak man lang niya ay nagpadama sana kahit kaunting awa, ng kahit kaunting pagmamalasakit. Ngunit nagmatigas ang mga ito. Walang mga puso. Mali na kung mali ngunit may karapatan din ang anak niya. At kukunin niya iyon ngayong gabi nang walang paalam.
Nanginginig ang mga kamay siya sa tindi ng kaba. Umaalog ang tuhod niya habang humahakbang palapit. Sinaway niya ang sarili. Walang ibang maaasahan ang anak niya kung hindi siya, at ang pag-asa ay abot-kamay na. Dahan-dahan, ingat na ingat siya sa paghakbang. Sa wakas, nakuha na niya. Hawak na niya ang mga alahas. Makabibili na siya ng gamot para sa kanyang anak.
Ngunit hindi naging madali. Kung nagawa niyang makapasok, ang paglabas ay hindi. Dahil sa labis na panginginig, natabig niya ang basong may lamang tubig. Bumagsak sa sahig!
Malakas ang nilikhang ingay ng basong nabasag sa kulob na silid. Nataranta siya, waring itinulos na kandila sa kina tatayuan. At ang kinatatakutan niya ay naganap nga. Nagising ang mag-asawang mahimbing na natutulog kanina.
"Huh!"
Pagkabigla ang nakapinta sa mukha ng doktorang nagising. Tila ipinako ang mga paa niya sa sahig. Hindi niya alam kung ano ang gagawin.
"T-Telay?"
Nang makilala siya'y napalitan ng galit ang nagulat nitong anyo.
"Ano'ng ginagawa mo sa loob ng pamamahay ko?"
Ang galit ay sinamahan nito ng pang-uusig. Nagliliyab ang mga mata nitong titig na titig sa kanya. Nagmulat na rin ng mga mata ang katabi nitong asawa. Naigtad pa ito pagkakita sa kanya. Dumilim ang anyo at ang mga mata'y nagbabanta. Ang takot niya'y lalong nadagdagan nang magsisigaw nang malakas ang doktora. Ginigising ang lahat ng kasama.
Tila noon lang gumana ang utak niya. Takbo! Iyon ang utos na agad namang sinunod ng katawan niya. Subalit mahigpit siyang nahawakan ng dating among lalaki. Lumapit ang doktora at isang ubod lakas na sampal ang pinadapo sa mukha niya! Namanhid ang pakiramdam niya.
"Walanghiya ka, magnanakaw!"
Sigaw uli ng doktora. Pinagmumura siya habang sinasampal, habang tinatadyakan. Binitiwan na siya ng asawa nito at hinayaang bumagsak sa sahig. Mayamaya pa'y nagdatingan ang mga anak ng mga ito, kabilang ang lalaking ama ng kanyang anak. Nabuhayan siya ng loob. Pagapang niya itong nilapitan..
"Parang awa mo na. May sakit ang anak natin. Kailangan niya ng pambili ng gamot. Kailangan niya ang tulong mo."
Halos mapatid ang mga litid niya sa pagmamakaawa. Ngunit tila wala itong naririnig, hindi naintindihan ang kanyang mga sinabi. Lumuhod siya sa paanan nito. Niyakap ang binti. Mistulang diyos na hinihingan niya ng pagsamo. Muli niyang sinabi ang kalagayan ng kanilang anak. Tiningala ito upang makita sa mga mata niya ang katotohan. Ngunit ipiniksi nito ang katawan, parang napaso kaya agad siyang tinabig palayo.
"Ano'ng anak ang sinasabi mo? Ano'ng anak?" Gigil na gigil nitong sabi at saka ipinaling sa mga magulang ang paningin.
''Walanghiya ka! Sinungaling! Manang, Manang!"
Bantulot na lumapit ang kusinerang tinawag.
"Tumawag kayo ng pulis, madali!"
Nagtama ang paningin nila ni Manang. Nakita niya ang pag-aatubili nitong sundin ang iniutos ng amo nang umiling siya.
"Ano pa ang hinihintay n'yo? Tumawag kayo ng puliiis!"
Nakaluhod siyang humingi ng pang-unawa. "Nasa hospital ang anak ko. Kailangang masalinan siya ng dugo. Parang awa n'yo na, huwag n'yo kong ipakulong. Kailangan niya ako!"
Paos na paos na ang boses niya. Kahalo ang pawis at sipon sa luhang patuloy na dumadaloy. Patuloy siya sa pakikiusap, sa pagmamakaawa.
"Ano ba? Wala pa ring kumikilos? Gusto n'yo bang pati kayo ay idamay ko? Gusto n'yong sabihin ko sa mga pulis na kasabwat kayo ng babaeng ito? Na pinapasok n'yo ito para nakawan kami?"
Sabay na umiling ang mga sinabihan nito.
"Puwes, tumawag kayo ng pulis!"
Walang nagawa si Manang kung hindi sumunod. Nag-iiyakan na rin ang mga ito sa awa sa kanya.
Hinuli siya ng mga pulis na dumating. Isinakay siya sa mobile. Kasunod ang sasakyan ng dating amo.
Ikinulong siya sa kabila ng lahat ng pakiusap niya. Naawa rin sa kanya ang mga pulis matapos marinig ang kanyang salaysay, subalit gaya ng iba wala ring nagawa kung hindi ang ipakulong siya gaya nang gustong mangyari ng nagreklamo laban sa kanya.
Iyak siya nang iyak habang nasa loob ng kulungan.
"Ganyan talaga ang mga mayayaman na 'yan? Mga walang puso! Apo nila ang dahilan kung bakit nagawa mong pasukin ang bahay nila. Imbis na tulungan ka ay ipinakulong ka pa!"
May galit sa tinig nang nagsalita. Nilingon niya ito.
"Ako si Beth. Huwag kang matakot. Hindi ako masamang tao. Pansamantala lang ako rito. Kapag naareglo na ng abogado ang asunto ko ay makakalabas na agad ako."
Pansamantala ay nagkaroon siya ng matatawag na kaibigan sa katauhan nito. Ikalawang araw mula nang makulong siya ay dumating ang abogadong sinabi nito. Nakapag piyansa na ito kaya makalalabas na.
Bago tuluyang umalis ay may iniabot ito sa kanya.
"Kapag kailangan mo ng tulong ko puntahan mo ako sa address na yan."
Hindi siya nakasagot. Paano niya 'to mapupuntahan kung naroon siya sa bilangguan at nakakulong?
"Babalik na ako sa Maynila bukas. Pero bago 'yon ay ipapaayos ko kay Attorney ang kaso mo. Huwag ka nang masyadong mag-alala. Titignan ko ang magagawa ko para sa anak mo."
Napanganga siya sa sinabi nito. Hindi na naman siya nakasagot. Kumaway pa ito sa kanya bago nawala sa naaabot ng paningin niya. Noon lang dahan-dahang gumuhit ang ngiti sa mga labi niya. Nakangiti na siya habang umiiyak.