CHAPTER 11 - Panaginip na Paulit- ulit

1454 Words
Panaginip na paulit-ulit MULING nanaginip si Bebang. "Nasaan na ba ako Hayun! Medyo maliwanag sa banda roon. Wow! Ang gilid ng daan puro... alahas ba 'yun? Ano'ng lugar kaya ito? Mga ginto at mga makukulay na bato ang nasa kanal. Ayos ah, siguro walang kumukuha ng mga gintong ito. Hayun pa! Ang dami.! Sa amin ay basura ang nasa kalye, at ang mga kanal ay may maruming tubig at mga burak. Pero sa lugar na ito, ang nakakalat ay mga alahas. A, a, a. Hindi ako kukuha ng mga alahas na ito kahit isa no. Baka ito pa ang ikapahamak ko. Hindi naman ako magnanakaw. Saan kaya ang daan pauwi sa amin? Kakaliwa ba ako, o kakanan? Wala man lang dumadaan dito. Wala akong mapagtanungan. Nakakatakot. Baka kagaya ito sa mga napanood ko. Tinutukso ako sa mga ginto, tapos ay bigla na akong huhulihin at 'di na makakauwi. Pakiramdam ko may mga matang nakatingin sa akin. Kailangan ko nang makauwi. Kailangang bilisan ko ang paglakad. Uuwi na ako!" Paigtad na nagising si Bebang. Hingal na hingal, at naliligo sa pawis. Nararamdaman pa niya ang malakas na pagpintig ng kanyang puso. Ang pamumutla at butil-butil na pawis sa noo ni Bebang ang napansin agad ni Aling Telay nang sumilip. Nag-aalala siyang lumapit at sinalat ang noo at leeg ng dalaga. Hindi pa siya nakuntento, inilagay niya sa sariling noo ang isang palad habang ang kabila ay sa noo naman nito. Nang matiyak na normal lang ang init sa nasasalat ay pinunasan niya agad ito gamit ang laylayan ng kanyang damit. Nakita niya ang pagngiti ng anak. Nababasa niya sa mga mata nito ang pasasalamat sa ginagawa niya, ang pagpapahalaga sa pag-aalaga niya. "Basang-basa ka ng pawis. Teka at ikukuha kita ng pamalit." Hindi na niya nagawang makatayo nang bigla itong yumakap sa kanya. "BAkit? May dinaramdam ka ba? May masakit ba sa'yo? Saan?" Ang paghahanap niya sa parte ng katawan nitong masakit ay hindi na rin niya naipagpatuloy. Mahigpit itong yumakap sa kanya na animo isang batang ayaw magpaiwan sa inang aalis ng bahay. "Wala, Inang. Gusto lang kitang yakapin. Kahit sandali lang." "Ay sus, yakap lang pala. Kung gusto tagalan mo pa." Pinasigla niya ang tinig. Hindi niya sigurado kung naglalambing lang ba ito, o may dinaramdam ngunit ayaw sabihin sa kanya. Kung may problema sa dalawang lalaking manliligaw. Paos ang ting nito na animo nagsisisigaw, at bahagyang nangangatal ang katawan. Muli itong umiling nang tanungin niya kaya wala na siyang nagawa kung hindi yakapin na rin ito nang mahigpit. Si Bebang, hindi niya rin maintindihan ang nararamdaman. Pakiramdam niya'y miss na miss niya ang kanyang Inang. Pakiramdam niya'y takot na takot siyang mawalay sa piling nito. Anumang isip ang gawin niya'y hindi niya maintindihan kung bakit. Kung bakit sa panaginip niya ay parati siyang nawawala, parati siyang naliligaw. Parati niyang hinahanap ang daan pauwi sa bahay nila, at kung bakit parating nawawala ang Inang n'iya. HABANG namimili ay iniisip pa rin niya ang napanaginipan. Naguguluhan talaga siya kung ano ang mensaheng gustong iparating ng napapanaginipan niya. Pilit niyang itinaboy ang unang naisip, na baka may mangyayaring masama sa Inang niya, na baka may psychic power siya, na may third eye at ang napapanaginipan ay isang premonition ng magaganap. Siya na rin ang sumaway sa sarili. "Siguro e binabangungot lang talaga ako. Siguro kung may kinuha ako sa mga gintong nakita ko doon, 'di na ako nagising kanina. Ang isa pang malaking palaisipan sa akin ay kung bakit napupunta ako sa napakahabang kalsada na iyon." Ang malalim niyang pagmumuni-muni ay naputol nang malakas na busina ng malaking sasakyan. "Ay palakang saging!" Naigtad siya nang may biglang humila sa kanya. Sandaling huminto ang utak niya. Naging puro puti ang paligid niya. "Bebang, ayos ka lang ba?" Nakilala niya ang boses ng nagsalita. "G-Gener?" Nagbalik sa wisyo ang utak niya, gumana na uli. Nagtaka pa siya nang makitang halos magkayakap na silang dalawa. Maingat siya nitong inalalayan papunta sa gilid ng kalsada, sa malilim na panig. Nalaman niya mula rito na kamuntik na pala siyang mahagip ng trak na may kargang mga saging. Hindi niya alam na naglalakad pala siya at patawid sa kalsada. Mabuti na lang at nakita siya nito. Nahila siya agad bago pa naihakbang uli ang mga paa. Kung hindi ay baka may nangyaring 'di maganda sa kanya. "Salamat Gener." Nahihiya ngunit taos puso niyang sabi. Maisip pa lang na malalasog ang katawan niya ay nanlalata na siya. Maisip pa lang na mamamatay siya at maiiwanang mag-isa ang Inang niya ay natatakot na siya. Nanlaki ang mga mata niya. May kaugnayan kaya ang panaginip niya sa nangyari? Kung gano'n, may power nga siya? "May masakit ba sa iyo? Napilayan ba kita?" Nag-aalala at masuyong tanong ng binata sa kanya. Muli siyang nagitla. Naroon na pala sila sa loob ng lugawan at nakaupo nang 'di niya namalayan. Umiling siya at isang simpleng ngiti ang iginanti sa pag-aalala nito. Kumain sila ng lugaw. Hindi ito pumayag na hindi siya makakain. Katwiran nito'y baka raw nagugutom siya kahit ang pakiramdam ay busog. Baka raw makatulong ang mainit na goto para bumalik ang gana niya. Madali lang daw iyong tunawin kaya hindi mabibigla ang bituka niya. Tila hinahaplos ng mainit na palad ang puso niya sa mga sinasabi nito. Ramdam niyang totoo ang ipinakikita nitong pag-aalala sa kanya. Hindi na hinintay ni Gener ang pagdating ng pedicab ni Tuko. Nagbilin na lang ito sa kakilalang pedicab boy na sabihin kay Tuko na inihatid na niya si Bebang pauwi. Nagpatianod naman siya sa paggabay nito. NAGTATAKANG sinalubong ni Aling Telay si Gener at ang medyo maputla pang si Bebang. Napa antanda ang ginang matapos marinig ang nangyari. Tinulungan muna ni Gener magbukas ng karinderya si Telay bago umalis. May pag-aalala pa rin sa mga mata nito nang sulyapan ang dalagang nag-aayos ng mga pinamili. Nang magtama ang kanilang paningin ay agad itong kumaway bilang pagpapaalam. Gumanti ng pagkaway si Bebang at saka ngumiti. Ang pag-aalala ng binata ay napalitan ng munting kilig. Maagang nakaubos ang mag ina. Ilang putahe lang kasi ang nalutong ulam ni Bebang sa pakiusap na rin ni Aling Telay upang maaga silang makapag pahinga. Masama ang pakiramdam ng kanyang anak mula pa kaninang magising ito. Kung mapapagod na naman ay baka lumala pa ang kung anong dinaramdam ng dalaga. Bandang hapon nang bumisita si Gener kina Bebang. May dala itong prutas at isang malaking bote ng gatorade. Pinatuloy ito ni Aling Telay at saka tinawag ang anak. Dahil nakapagpahinga, umigi na ang pakiramdam ni Bebang. Masigla na siya nang harapin ang makisig na bisita. Inabot nang matagal ang kwentuhan nila. Kung saan-saan napunta, at kung ano-anong topic. Hindi nila namalayan ang paglipas ng mga oras. Bago magpaalam na uuwi na, kinausap ni Gener si Aling Telay. Humingi ito ng permisong maipasyal ang dalaga sa Luneta. Kasama rin naman ang mga kapatid nito kung kaya hindi sila lang ang aalis. Nangiti si Aling Telay sa pagpapaliwanag ng binata. Papayagan pa rin naman niya si Bebang kahit ito lang ang kasama. Mainam nga at makakasagap ng ibang hangin ang kanyang anak at hindi puro ginisang bawang at sibuyas. Makapamamasyal ito, at makapaglilibang kahit sandali. Ngunit ikinatuwa niya pa rin ang pag-aalala nito sa maiisip niya. Maaga pa lang ay nakahanda na ang isang maliit na van sa harap ng karinderia nila Aling Telay. Araw ng linggo kaya sarado sila. Ang van ay hiniram ni Kiko sa boss na may-ari ng talyer na pinapasukan. Meeting place ng mga magsisialis ang karinderya. Marami silang pupunta ng Luneta. Nang malamang van ang nahiram ni Kiko ay sasama na rin sina Mean, Keng-keng at Jane. Excited na ang lahat. Sunod-sunod na nagdatingan sila Gener at mga kapatid. May dala itong iba't ibang kukutin. Buhat-buhat naman nina Gener at Tisoy ang isang maliit na cooler. Galing sa loob ng karinderya ay lumabas na sina Keng-keng at Jane. Dala ng mga ito ang isang malaking basket na puno rin ng pagkain. Kasunod ay sina Bebang at Mean na bitbit naman ang isang bayong na naglalaman ng mga gagamitin nila. Payong na malaki at pansapin na gagamitin. Nagkakatuwaan ang lahat, madami silang dalang pagkain dahil hanggang gabi sila sa Luneta. Panonoorin nila ang "dancing fountain" doon. Hinatid ni Aling Telay ng tanaw ang papalayong van. Nang wala na sa paningin ang sasakyan ay nakangiti na siyang pumasok sa loob ng karinderya at isinara ang pinto. Pumanik siya sa hagdan papasok ng bahay. Manonood sana siya ng TV nang mapansin ang isang photo album. Mga pictures ni Bebang noong maliit pa ang naroroon sa bawat pahina. Madalas ay natatawa siya sa nakikitang larawan. Parang kaylan lang ay baby pa si Bebang. Ngayon ay dalaga na ito. At mabilis na nagbalik ang alaala ng nakaraan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD