It's a Tie
BAGSAK ang mga balikat ni Gener habang naglalakad pauwi. Nagseselos siya. Natatakot din na baka mas magustuhan ni Bebang ang karibal. Pinanghinaan siya ng loob. Hula niya'y kay Romano ang nakaparadang kotse sa gilid ng kalsada sa tapat ng karinderya nila Bebang. Samantalang siya ay bisikleta lang ang mayroon. Lulugo-lugo siyang naupo sa harap ng tindahang malapit sa kanila. Noon lumapit sina Kiko at Tisoy na kanina pa pala nakatingin sa kanya. Sinabi niya sa mga ito ang nangyari, at parang batang nagkakandaiyak sa pagsusumbong. Umorder ng tatlong boteng redhorse si Tisoy. Sa pagitan ng paglagok ay pinalalakas ng dalawa ang loob ng kaibigang tila namatayan.
"Akala ko ba kahit ilang Romano pa makaribal mo ay 'di ka susuko?" si Kiko.
"Kung gandang lalake ang pag-uusapan, aba pare, lamang na lamang ka dung Ikaw macho at lalaking-lalake.'''sabi ni Tisoy.
"Kilala mo naman si Bebs my love mo di ba? Di yun tumitingin sa laman ng bulsa. Simpleng babae lang si Bebs my love mo pare, ang gusto nun ung talagang magmamahal sa kanya, gaya ng mga bida sa teleseryeng paborito niya," sabi uli ni Kiko.
"Kaya 'wag kang susuko, fight!" sabi uli ni Tisoy.
Matapos inumin ang tag-iisang bote ng beer ay sabay-sabay nang nag-uwian ang tatlo. Kahit paano ay lumakas ang loob ni Gener sa sinabi ng mga kumpare. Gagawin niya ang lahat ng makakaya niya, at kung 'di siya ang magustuhan ni Bebang, kahit napaka sakit ay tatanggapin niya. Ang importante ay makita niyang masaya ang babaeng una niyang inibig.
KINABUKASAN ay bisita naman ni Bebang ang tatlong kaibigan
"Bakla, idol na kita!" unang hirit ni Keng-keng.
"Biro mo ha, may Yummy Gener na may Papa Romano pa. Kakainggit ka girl," sabat ni Jane. Natatawa lang si Bebang sa kantyaw ng mga kaibigan.
"Sino ba ang bet mo sa dalawa ha, bakla?" Tanong ni Mean habang pinapapak ang miryendang inihanda niya para sa mga ito.
"Oo nga, sino ba ang masuwerteng magkakamit ng binukayo mong OO, ha?"
Sabay-sabay pa itong nagsilapit sa kinauupuan ni Bebang.
"Hindi ko pa sigurado. Pareho silang pwedeng gawing papa." Nag arte-artehang sagot ng dalaga upang alisin ang tensiyong nararamdaman.
"Hiyang-hiya na talaga kami sayo te, ano naman ang sinabi ng EDSA sa haba ng hair mo."
Sabay-sabay silang nagtawanan sa birong iyon matapos i-imagine ang kalsadang binanggit.
"Yung 'di mo mapipili bakla, pwede akin na lang para walang sayang." Nagpaawa pa ng mukha si Keng-keng. Nagtawanan uli ang mga ito sabay sabi ng, "Tama!!".
"Eto seryoso na, Beverly." Seryoso na nga ang mga ito. Tunay na niyang pangalan ang itinawag sa kaniya. Tinanong ng mga kaibigan kung sino ba ang mas matimbang sa puso niya.
Hindi siya nakasagot. Sino nga ba? Si Gener na dati pa ay malaki na ang pagkakagusto sa kanya, o si Romano na kahit sandali pa lang nakikilala ay parang matagal na niyang nakasama? May kanya-kanyang gusto ang tatlong kaibigan para sa kanya. Sina Jane at Keng-keng ay boto kay Romano. Guwapo na raw ay may kotse pa. Magbubuhay reyna raw siya sa piling nito habang si Mean na pinaka close sa kanya ay kay Gener naman boto. Guwapo at responsable na ay sigurado pa raw na mahal talaga siya. Kilala na raw nila ng Inang niya pati ang pamilya nito.
Nagkatuksuhan na ang mga kaibigan niya. Lamang ng isang boto si Romano nang biglang sumabat ang kanyang Inang.
"Mas gusto ko si Gener. Kahit mahirap lang ay masikap naman sa buhay. Pati mga magulang niya at kapatid ay tumutulong sa panliligaw. Ang mahirap ay para sa mahirap. Mas magiging maganda ang relasyon kung tanggap ka ng pamilya ng lalaking mamahalin mo." Madamdamin nitong sabi.
Pumalakpak si Mean sa naring. "O, ayan it's a tie. Dalawa na rin ang boto ni Gener."
Pagkatapos makitawa ay umalis na ang Inang niya para kumuha pa ng juice sa kusina.
"Parang may pinaghuhugutan ang mader mo Bebs, seryoso eh," bulong ni Jane.
"Tingin ko nga. Madiin 'yong pagkakasabi. Parang may something," segunda ni Keng-keng.
"Concern kasi siya sa future ni Bebs. Siyempre damang-dama niya kung kanino mas mapapabuti ang kanyang unica hija." Pangangatwiran naman ni Mean.
Tango at ngiti ang tangi niyang nagawa. Nagulat din siya sa seryosong anyo at pananalita ng Inang niya.
Nang bumalik ito ay masaya nang nagkukuwentuhan ang mga kaibigan niya. Habang siya naman ay nakasunod ng tingin sa ina. May naramdaman siyang gigil sa boses nito nang sabihing ang mahirap ay para sa mahirap. Ang tatay na hindi niya nakilala ang agad niyang naisip.
Si Telay man ay nabigla sa nasabi kanina sa harapan ng anak at ng mga kaibigan. Hindi lang nagpahalata ang ginang at kumuha na lang ng juice upang makaiwas sa nagtatakang tingin ng anak. Muli ang pagdaloy ng alala.........
Kung kani-kanino humingi ng tulong si Telay, nang wala ng malapitan ay bumalik na ito ng ospital. Pinaka siksik-siksik nito ang ilang pirasong perang papel sa bulsa ng suot nitong pantalon. Nagmamadali itong pumasok sa silid na kinaroroonan ng anak. Nadatnan niya ang kanyang tiya Rosa na karga ito at ipinaghehele. Iyak ng iyak ang bata. Gusto sana niyang pasusuhin ito pero di pumayag ang tiya Rosa niya. Pinagpahinga muna siya at pinainom ng mainit na kape. Pagkaraang makapagpahinga ay pinasuso na ni Telay ang anak. Umiiyak ang bata at kahit gutom na gutom ay parang di ito makasuso ng dire-direcho. Para bang hirap na hirap. Matiyagang pinaghele ni Telay ang anak hanggang sa makatulog. Tumutulo ang luha niya habang pinagmamasdan ang maamong mukha ng anak. May lagnat pa rin ito at bakas na sa maliit nitong mukha ang labis na paghihirap. Humagulgol ng iyak si Telay. Kung maari lang na kunin at maipasa sa kanya ang sakit na nagpapahirap sa anak ay gagawin niya. Huwag lang ang anak niya.
"Inang, masama ba ang pakiramdam mo?", tanong ng nag aalalang si Bebang sa ina. Naputol ang pagbalik ng nakaraan ni Telay. Nakangiti siyang sumagot kay Bebang,"naku hindi anak", sabay akap sa katabing si Bebang. "Nag iisip lang ako kung sino ang sasagutin mo dun sa dalawa", pag iiba nito sa usapan. "Dati iniisip ko kung sino ang tatakutin ko para may manligaw na sayo, ngayon naman iniisip ko kung sino ang makakapag pasaya sayo", natatawang paliwanag ni Telay sa anak. "Mahirap pala magkaanak ng maganda", sabi uli ni Telay kasunod ng paghalik sa pisngi ng anak. Nagkatawanan silang mag ina. "Tayong dalawa na lang Inang, nagbo bolahan pa tayo'', sabi ni Bebang. "Nawala na ang alalahanin niya sa ina. Inakala kasi ng dalaga na may problema ito. Kung sino sa dalawa ang pipiliin niya, yun lang pala ang gumugulo dito. Mahigpit na inakap ni Bebang ang ina. Tinapik tapik naman ni Telay ang likod ng anak.