Dalawang mangingibig
WALA nang masyadong bumibili sa karinderia nang may humintong pedicc sa tapat ng karinderia nila Bebang. Hindi pansin ng dalaga ang bumabang pasahero. Nagbabasa siya ng mga text messages ni Gener. Nakikipagpalitan din siya ng text sa kaibigang si Mean at kung wala pang reply ay binabasa niya muna ang quotes na tinext ni Gener na naka-save sa inbox niya. Napakislot siya nang tawagin ng kanyang Inang ang pangalan niya.
"Bebang, may naghahanap sa'yo," sabay kalabit sa kanya.
Inangat niya ang ulo at sinundan ng tingin ang tinitignan ng ina. Medyo nakanganga pa siya, at nanlaki ang mga mata nang mapagsino ang sinasabing naghahanap daw sa kanya.
Si Romano ang nakatayo sa harap ng karinderya nila. Nakangiti itong nagbigay galang sa dalaga, gaya ng pagbibigay galang nito kay Aling Telay kanina. Nakasuot ito ng gray na t-shirt, pantalong maong at rubber shoes. May dala itong mga prutas na nakalagay sa basket na nababalutan ng plastic na kulay green.
Ayon kay Romano, inabangan nito ang pedicab na service ni Bebang. At nang matiyempuhan ay pinakiusapan si Tuko na maihatid sa lugar nila. No'ng umpisa ay ayaw ni Tuko, pero nang sabihin ni Romano na wala siyang masamang intensyon sa dalaga ay napapayag na nito ang simangot na drayber.
Nasiyahan si Bebang sa pagkakaalam na may malasakit si Tuko sa kanyang kapakanan. Naipangako niya sa sarili na hinding-hindi niya papatulan ang pagsusungit nito.
Pinatuloy ni AlingTelay si Romano at tinanggap ang pasalubong nito. Sasandali pa lang ay nagpaalam na agad itong aalis.
Inalam ko lang daw nito kung saan nakatira ang dalaga. Bago umalis ay magalang itong nagsabi kay Aling Telay kung maari daw ba itong bumalik sa ibang araw upang bumisita kay Bebang. Sumang-ayon naman si Aling Telay. Katwiran niya'y kung taong papanhik, tao rin nilang haharapin. Bago tuluyang umalis ang lalaki ay muli nitong tinignan si Bebang at sa ubod tamis na nginitian.
Matagal nang nakaalis si Romano ay tulala pa rin si Bebang. Hindi niya mapaniwalaang totoo ang mga nangyari. Hinanap siya ni Romano? Pinuntahan siya, sinadya ang bahay niya? At nagsabing babalik pa para daw bisitahin siya? Bakit? Manliligaw rin ba ito sa kanya?
Mahina niyang ipinilig ang ulo. Inisip na baka nagpapantasya lang siya, na baka bunga lamang ng imahinasyon niya ang mga eksena patungkol sa kanya. Mayamaya'y tila kinikilig siyang nangiti. Gano'n na ba siya kaganda para ligawan ni Gener at ngayon si Romano naman? Napakagandang panaginip ng nagaganap sa kaniya, at gaya ng mga napapanood sa TV siya na ngayon ang totoong bida at may dalawang leading man pa. Nangingiti siyang pumasok sa loob ng bahay.
Ang pangyayaring iyon ay nakarating agad sa kaalaman ng magkakaibigang Kiko at Tisoy. Nagmamadali nilang tinungo ang karinderya nila Aling Telay at doon nga'y inabutan ng mga ito ang binatang hindi tagaroon sa kanila.
"Hindi pwede to, Pareng Tisoy. May karibal na si Pareng Gener kay Bebs my love niya." Sabi ni Kiko habang hatid ng tanaw ang papalayong si Romano.
"Tama ang sinabi mo Pareng Kiko, guwapo rin at matangkad, delikado ang lagay ng manok natin. Dehado tayo sa laban." Umiiling iling na sabi ni Tisoy.
"Teksas ang tindig. Imported kung kumahig. Kailangang malaman ito ni Gener. Sabihin agad natin para makaisip tayo ng magandang paraan. Huwag tayong pumayag na maagaw ng iba si Bebang. Nakakasiguro tayo na mahal talaga niya si Bebang. Diyan sa isang 'yan hindi. Mukhang babaero. Artistahin e. Baka iisahan lang niya si Bebang tapos wala na."
Nang malaman ni Gener ang tungkol kay Romano ay hindi na rin ito napakali. Mahal niya si Bebang at kung sasagutin siya ng dalaga ay mas magiging masaya ang buhay niya. Kung may Romano man na makakaribal ay hindi siya mawawalan ng loob. Patutunayan niya sa nililigawan na higit siyang karapat-dapat sa pagmamahal nito. Ipaglalaban niya ang nararamdaman niya kahit ilang Romano pa ang dumating.
Ilang araw lang at bumalik nga si Romano. Nagbigay galang ito pormal na humarap kay Aling Telay. Maayos namang pinatuloy ng ginang ang bisita ng anak. Habang naghihintay sa paglabas ng dalaga, palihim itong pinagmasdan ni Aling Telay. Nakasilip siya sa gawing hindi nito mapapansin. Guwapo ang binata, maputi at mamula-mula ang makinis nitong kutis. Tingin niya ay may kaya ito sa buhay. Isa lang ang ibig sabihin ng pagbabalik nito na may dalang bulaklak at chokolate. Interesado din ito sa kanyang anak. Nakita niya ang pagtayo nito nang lapitan ng anak. Nakangiti si Bebang nang abutin ang dala nito. Hindi siya umalis sa pinagtataguan at patuloy na binantayan ang gagawin at pag-uusapan ng mga ito. Nakita niyang naupo si Bebang sa kabilang upuan patagilid kay Romano. Hindi man masyadong maintindihan ang pinag-uusapan ay parang naiintindihan na rin niya kung ano iyon. Tango at ngiti ang nakikita niyang sagot ng anak sa kausap. Madalang lang magsalita si Bebang, tingin niya ay parang nahihiya ito na 'di mawari. Nangingiti siya sa kilos ng anak. Mula nang ligawan ito ni Gener ay naging pino na kung magsalita at kumilos. Natuto na itong mag-ayos ng sarili, at palagi nang nakangiti. At ngayon na nadagdagan pa ng isang Romano ang manliligaw ay lalo pa siguro itong magpapaganda.
Kinikilig siyang isipin na tila may dalawang prinsipeng maglalaban para lang makuha ang matamis na OO ng kanyang anak na prinsesa.
Nang mangawit sa pagtayo sa pinagtataguan ay dahan-dahan nang lumakad na si Aling Telay papunta sa kusina. Nagtimpla siya ng maiinom at pagkatapos ay dinala kina Bebang at Romano na masayang nag-uusap. Ilang sandali pa ay may narinig silang tumatawag.
"Tao po."
Si Gener, may dala pa itong bag tanda na nanggaling pa sa trabaho. May dala itong isang malaking suha na kulay pink. Nabalatan na kasi ang kabiyak ng suha kaya nakikita ang kulay pink nitong liha. Nakangiting pinatuloy ni Aling Telay ang binata. Natigilan ang ginang dahil nawala sa isip na may bisita nga pala ang anak. Dahil nasa loob na ay ipinakilala ni Bebang sa isa't isa ang dalawang lalaki. Nagkamay naman ang mga ito at nagpakamaginoo.
"Mauna na po ako, Aling Telay, Bebang, Romano." Magalang na paalam ni Gener.
Tumayo si Bebang. "Sandali lang Romano." Paalam ng dalaga at saka inihatid si Gener hanggang sa pintuan.