Alaala ng Nakaraan
NAPAKAINIT ng singaw ng araw kapag summer. Masyadong maalinsangan ang panahon. Kinakabahan si Bebang dahil marami na sa mga kapitbahay nila ang inatake sa puso. Halos magkakasunod pa nga. Natatakot siya para sa kanyang Inang. May highblood kasi ito, at kung ipagsasawalang bahala ay baka magkagano'n din . Namatay ang nanay ng isang suki nila dahil sa Heatstroke. Natutulog lang daw at nang makita ng isa sa mga anak ay nakahawak na sa dibdib. Hindi na ito umabot ng buhay sa hospital. Kinakabahan siya kaya lagi niyang mino-monitor ang pag-inom ng gamot ng Inang niya. Binabantayan ito upang makainom sa tamang oras.
Ayon naman kay Aling Telay, normal ang dugo niya, at wala siyang nararamdamang kakaiba sa katawan. Masyado lang nag-aalala ang anak, nag-aalala sa wala. Nagbiro pa siya na dapat daw kasi ay gagalaw-galaw para 'di ma-stroke na siya naman niyang ginagawa.
Masigla ang pakiramdam niya. Malakas ang katawan niya. Hindi naman napakataas ng blood pressure niya para mag-panic ng ganoon ang anak niya. Natural lang na may pagbabago sa katawan ng isang tao kapag nagkakaedad na. Kaya lang ay ayaw pumayag ng anak niya na nagpapagod siya. Alam niyang mahal na mahal siya ng dalaga, at gano'n din naman siya. Mahal na mahal niya ang anak. Nalulugod niyang pinagmasdan ang dalaga, at ang nakaraan ay matuling nagbalik sa kanyang alaala.
Disiotso anyos pa lang siya noon. Kahit simple ang ayos ay may itsura naman siya gaya nang papuring madalas niyang marinig. Kayumanggi ang kulay ng kanyang balat at mahubog ang balingkinitang katawan. Kasambahay siya sa isang mayamang pamilya sa Bicol. Lima silang katulong doon. May driver na asawa ng kusinera, may hardinero, may labandera at siya na tagapaglinis. Masipag siya at maliksi kung kumilos. Kapag nakatapos sa mga gawain niya ay tumutulong pa siya sa paglalaba, o kaya ay sa pagluluto at ibang gawain sa kusina. Dahil mabait at marunong makisama ay nakasundo niya ang mga kasama. Naging malapit ang loob ng mga ito sa kanya. Isa pa'y siya ang pinakabata at bago pa lang sa mga pinaglilingkuran. Ulilang lubos na siya kaya ang tingin niya sa mga ito ay pamilya. Mababait din ang mga amo niya. Doktora ang amo niyang babae at negosyante ang among lalake. Mayroon itong apat na anak. Tatlong babae at isang lalake na kasing edad niya. May kapilyuhan ang bunsong anak ng mga ito, at palibhasa'y bunso at nag-iisang lalaki, spoiled ito at lahat ng magustuhan ay walang hirap na nakukuha. Ito lang naman ang may 'di kaaya-ayang ugali. Ang tatlo nitong kapatid ng babae ay mababait at hindi matapobre.
Isang araw napagkatuwaan siya ng binata. May inilagay ito sa balikat niya. Nagtatalon siya sa gulat. Napaismid siya nang makita kung ano ang nasa balikat, isang gomang butiki. Mabilis niyang nahamig ang sarili. Marami pa itong ginawang kalokohan ngunit ang lahat ng iyon ay pinagkikibit-balikat lang niya. Hindi niya ito pinapansin. Napikon ito at lalong nagkainteres na asarin siya, na kunin ang pansin niya. Nagulat siya nang maging mabuti ang pakikitungo nito sa kanya. Naging maginoo at matulungin. Kapag may ginagawa siya ay laging nakaalalay na tila ayaw siyang makitang nahihirapan. Lihim niyang ikinasiya ang ginagawa nito, ang pagpaparamdam na mahalaga siya, na hindi lamang isang katulong. Sa maraming pagkakataon ay naging maalalahanin ito kung kaya nahulog nang tuluyan ang kaniyang loob.
Isang gabi, palihim itong pumasok sa loob ng kaniyang silid. Kasama niya sa silid na 'yon ang labandera, pero wala ito ng gabing 'yon dahil sinundo ng anak. Manganganak na raw ang anak nitong panganay. Nagpapaanak din kasi ito kung kaya pinayagan agad ng kanilang amo. May lock naman ang pinto, at nasiguro niyang naisusi muna bago nahiga. Payapa siyang natulog kahit nag-iisa. Hindi niya inakalang may mangangahas na iyon ay buksan, at lalong hindi niya naisip na mangangahas ang anak ng amo nila na pasukin siya sa loob. Nagising na lang siya nang maramdamang may humahalik sa kanya. Maagap nitong tinakpan ang kanyang bibig. Nang makilala kung sino ang pumasok ay huminto na siya sa pagpiglas. Tinanong niya kung ano ang ginagawa nito sa loob ng silid, kung may iuutos, kung may kailangan. Hindi ito sumagot bagkus ay maalab siyang hinalikan. Nagulat siya at umiwas ngunit kalaunan ay nadarang na rin siya. Ang kapusukan nito ay sinabayan niya. Hindi na siya tumutol, at nagpaubaya na lang sa lahat ng gusto nitong gawin. Ang pagsasanib ng mga hubad na katawan ay naganap sa pagitan nilang dalawa. Magdamag nilang pinagsaluhan ang kaluwalhatiang 'di matatawaran. Nakalimutan niyang isa lamang siyang alila at ito ang panginoon dahil sa maingat nitong mga haplos. Sa mga sandaling iyo'y naramdaman niyang sambahin, hindi siya ang nagsisilbi. Nagpatuloy ang mga lihim nilang pagniniig.
Gaya ng kasabihang walang lihim na 'di nabubunyag, nalaman ng mga magulang nito ang namamagitan sa kanilang dalawa. Parang binagsakan ng langit at lupa ang naramdaman niya nang baligtarin nito ang kwento. Tinukso lang daw niya ang binata, binigyan ng motibo. Ang katwiran nito'y palay na ang lumalapit sa manok kaya tinuka na, na lalaki ito kaya pinakialaman siya, na bakla lang daw ang tumatanggi sa grasya, na lamang tiyan din siya kaya pinatulan.
Naniwala ang mga amo niya sa kasinungalingan ng bunsong anak. Ang panig niya ay hindi pinakinggan. Sa tuwing magtatangka siyang magpaliwanag ay nakahanda na ang isasagot ng mga ito. Binabara na siya. Galit na galit ang mga ito at nagsisisigaw. Pinalalayas siya, pinagtatabuyan. Masasakit na salita ang mga sinabi sa kanya na maging hayop man ay 'di kayang sikmurain. Ang pagkatao niya'y inungkat, minaliit. Nadamay pa ang mga magulang niyang matagal nang nananahimik sa hukay. Nang tignan niya ang binata ay ngumisi lang ito sa kanya. Ang dating kinang na nakita niya sa mga mata nito dati ay wala na. Pinagtatawanan pa siya. Wala na siyang nagawa kung hindi ang umalis. Nakita niyang umiiyak sa awa ang mga kapwa niya katulong. Alam man ng mga ito ang totoo ay walang naglakas ng loob na nagsalita, walang kumampi at nangatwiran para sa kanya. Ayaw ng mga itong mawalan ng trabaho at naiintindihan niya ang dahilang iyon.