Luha ng kahapon
BITBIT ang ilang pirasong damit ay naglakad na si Telay palayo. Tinignan niya ang papel na nasa bulsa, at binasa ang address na nakasulat doon. Iniabot iyon ng kusinera kanina bago siya umalis. Iyon man lang daw ay maitulong sa kanya, 'yong mayroon siyang masisilungan.
Walang patid ang pagpatak ng kanyang luha. Awang awa siya sa sarili, sa kanyang sinapit. Mahigpit niyang niyakap ang bag na naglalaman ng huli niyang sweldo. Hindi niya alam kung dapat bang magpasalamat dahil pati ang iilang araw pa lang na tinrabaho ay buong binayaran sa kanya.
Narating niya ang hinahanap. Isang bahay na yari sa kahoy at kawayan ang nasa address na nakita niya. Maliit pero maayos at maraming halaman sa paligid.
Lakas loob siyang lumapit. "T-Tao po," mahina niyang pagtawag sa nasa loob.
Sumungaw ang isang babaeng tantiya niya nasa edad limampu, o higit pa. Nakangiti siyang pinapasok ng ale matapos niyang ipakilala ang sarili. Para ngang hinihintay talaga ang kanyang pagdating. Nalaman niyang ito pala ay nakatatandang kapatid ng kusinerang tumulong sa kanya. Tiya Imang ang gusto nitong itawag niya. Mag-isa lang ito sa buhay. Sinabi ni Imang na dati pa niyang hindi gusto ang pagdikit-dikit ng binatang amo sa kanya natatakot ang matanda na paglalaruan lang nito ang kainosentahan niya. Ito pala ang nagdadala ng mga bulaklak sa bahay ng dati niyang mga amo, at nando'n ito nang komprontahin siya ng mga magulang ng binata. Ibinilin nito sa kapatid na papuntahin siya sa bahay nito pagkatapos marinig ang pagpalayas sa kanya. Umiiyak siyang nagpasalamat sa ale, kahit papano ay lumakas ang loob nya. Mayroom pa pala siyang kakampi, may masasandalan.
Nasa loob na siya ng maliit na silid. Inihanda na pala iyon ni Aling Imang kanina. Kinuha niya ang sobreng naglalaman ng sweldo niya. Magbibigay siya ng panggastos sa Tiya Imang niya upang hindi siya masyadong makabigat dito. Nang buksan niya ang sobre ay nagulat siya. Marami ang laman nito, hindi man bilangin ay alam niyang sobra-sobra iyon sa talagang halaga ng sweldo niya. Naiyak uli siya, ang pera sa sobre ang kabayaran sa damdamin niya at pagkatao, sa kanyang p********e. Kahit sinisikap niyang hindi marinig ang pag-iyak ay naririnig pa rin ito ni Aling Imang. Naiintindihan daw nito ang sakit na pinagdadaanan niya. Alam daw nito ang paghihirap ng kalooban niya dahil gano'n din ang nangyari dito noon. Pinaglaruan din ito ng lalaking unang minahal. Naramdaman niyang tunay ang pagmamalasakit nito sa kanya, na hindi siya pababayaan.
Sinikap niyang magpakatatag kahit may itinatagong kirot sa dibdib. Hindi siya nagmumukmok. Napansin iyon ni Aling Imang at humanga ito sa kanya. Nagtitinda ito ng mga lutong ulam at dinadala sa construction site. Nakabalot na ang mga iyon pati ang kanin. Naging katuwang siya nito sa paghahanapbuhay. Masipag siya at maaasahan kaya naging madali para sa kanila ang magkagaanan ng loob ang isa't isa. Nalilibang siya sa ginagawa. Jahit papano ay gumaan ang pakiramdam niya. Masuwerte pa rin siya dahil napakabait ng kumupkop sa kaniya.
Isang umaga, nakaramdam siya ng kakaiba sa sikmura. Nagsusuka siya at mabigat ang katawan. Inisip niya kung ano ba ang huling kinain at parang sinisikmura yata siya. Mayamaya ay napatakbo na naman siya at nagdu duwal na naman. Palabas na siya sa kusina nang makitang nakatayo ang ale sa may pinto at makahulugang nakatingin sa kanya. Natigilan din siya, at napaisip. Hindi pa nga pala siya dinadatnan ng buwanang dalaw. Nanlulumo siyang napaupo sa sahig. Hindi man magsalita, pareho sila ni Tiya Imang nang naiisip. Buntis siya!
Tatlong buwan na ang bata sa sinapupunan niya ayon sa midwife sa center. Hindi niya alam kung matutuwa, o magagalit. Matutuwa dahil magkakaanak na siya, may matatawag na siyang pamilya na kanya talaga. O, magagalit dahil nandamay pa siya ng isang bata para maghirap din kagaya niya. Natatakot siya. Ngunit iba nakita niyaang reaksyon ni Tiya Imang, tuwang-tuwa ito dahil magkakaapo na raw. Mahilig pala ito sa bata at ngayong buntis siya ay may bata na silang aalagaan. May papawi na raw sa pagod nila. Kitang-kita sa kilos nito ang pananabik. Matiyaga nitong ipinaliwanag na ang sanggol niya ang magbibigay sa kanya ng panibagong lakas, ang magtuturo sa kanya upang muling mangarap. Nakinig siya sa mga payo nito. Nawala ang takot sa dibdib niya, at napalitan ng bagong pag-asa. Regular siyang nagpapa-check up at iniinom ang mga vitamins para sa kanilang mag-ina. Gaya ni Tiya Imang, pinanabikan na rin niyang masilayan ang anak.
MALAKAS na iyak ng bagong silang na sanggol ang musikang narinig nilang lahat. Naiyak siya sa tuwa nang mahigpit nitong kapitan ang daliri niya. Napakasaya niya. Naisip niyang gano'n pala ang pakiramdam maging isang ina. Nang tumingin siya kay Tiya Imang ay nagpapahid din ito ng luha. Binalikan niya ng tingin ang anak, kasabay nang pagpatak ng luha nangako siyang mamahalin ito ng higit pa sa kanyang sarili. Ano man ang pagdaanan nila, hinding-hindi siya bibitiw.
Mula nang kupkupin siya ni Tiya Imang ay hindi na ito ang nagdadala ng mga bulaklak sa bahay ng dating amo. Mainam na raw ang gano'n upang madali siyang makalimot. Pinutol na nito ang ano mang mag-uugnay sa kanila. Kaya ang pagtitinda ng mga lutong ulam ang tinutukan nila. Lahat ng kaalaman nito sa pagluluto ay itinuro sa kanya. At ngayong may anak na siya higit siyang magsisikap para paghandaan ang maganda nitong bukas.
Subalit hindi pala gano'n kadali ang lahat. Nalaman ng mga dati niyang amo ang tungkol sa anak niya. Pinatawag siya ng mga ito. Nakipag tagpo siya sa mga magulang ng ama ng kanyang anak. Nagulat siya sa sinabi ng dating among babae. Inuutusan siyang umalis sa kanilang lugar. Isama ng anak niya at magpakalayo-layo. Hindi raw makabubuti sa kanilang unico hijo ang masangkot sa magiging usap-usapan ng mga tao. Hindi raw nito alam kung sino ang totoong ama ng isinilang niya. Baka raw ipaako niya sa anak nito ang responsibilidad. May iniabot ito sa kanya, isang sobre. Makapal iyon at hindi man tignan ang nasa loob ay alam niya ang laman. Taas noo niya itong tinanggihan. Hindi na siya papayag na pati ang kanyang walang muwang na anak ay insultuhin din ng mga kaharap. Alam niyang binabayaran siya ng mga ito para tumahimik. Hindi na kailangan, wala naman talaga siyang balak maghabol sa isang lalaking walang kwenta.
Galit na galit din si Tiya Imang nang ikwento niya ang nangyari. Sinang-ayunan nito ang ginawa niyang pasya. Diyos na raw ang bahala sa mga tulad ng lolo't lola ng anak niya.
Ilang buwan pa ang matuling lumipas nang dapuan ng sakit ang anak niya. Napakataas ng lagnat nito. Napatignan na ito sa doktor at umiinom naman ng gamot pero hindi nagbabago ang kalagayan. Kasama ni Tiya Imang ay isinugod nila ang bata sa ospital. Nag positibo sa Dengue ang anak niya. Napakababa na ng bilang ng platelet nito at nasa peligro ang buhay.
Nilunok niya ang pride na pinuntahan ang tahanan ng dating mga amo. Hihingi siya ng tulong. Kung kailangan ay babawiin niya ang naging pasya. Tatanggapin na niya ang alok ng mga ito. Aalis silang mag-ina, lalayo na. Ngunit hindi siya hinarap ng mga nasa loob ng magarbong bahay. Nang tumingala siya ay nakita niya na nakatayo ang mag-asawa sa may bintana at nakatingin sa gawi niya. Nang makitang nakatanaw siya ay tumalikod agad ang mga ito. Sa pangalawang pagkakataon ay luhaan siyang tumalikod.
Nakakailang hakbang na siya nang tawagin ni Manang. Iniabot sa kanya ang ilang pirasong perang papel. Awang-awa man sa kanya ay wala itong magawang tulong maliban sa kaunting halagang yon. Magalang siyang nagpasalamat at lumakad na palayo. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Kung saan pupunta. Kailangan niya ng pera para sa kaawa-awa niyang anak.