CHAPTER 6 - Kilig

1282 Words
Kilig MALAKAS na boses ni Bebang ang nagpabalik sa wisyo ni Telay. "Inang. Hoy, gising!" "Heh! Kamuntik nang maglaglagan ang tutuli ko sa'yo," nakangiting sabi ni Telay sa anak. Naputol ang pagdaloy ng alaala ng nakaraan. "Ngayon alam ko na kung kanino ako nagmana, Inang." "At kanino naman aber, sa akin?" Gagalit-galitan niyang sagot kasabay ng mahinang pagkutos sa ulo ng anak. "Aray! Ang Inang naman masyadong pikon." Hinila niya ito at niyakap nga nang ubod higpit. Agad naman itong gumanti. "Mahal na mahal talaga ako ng Inang ko." "Mahal na mahal na mahal." "Mahal na mahal na mahal din kita, Inang. Parang fried chicken, sagad to the bones!" Natawa na sila pagkatapos. Nakaligpit na ng tindahan si Bebang. Wala na siyang gagawin dahil natapos nang lahat ng anak. Nangingiti niyang sinundan ang anak papasok ng bahay. Napasukan niyang inaayos na nito ang pinagbentahan nila. Nang matapos bilangin kung magkano ay naglista na ito ng pamimilihin para bukas. Nasisiyahan niyang pinunasan ng bimpo ang pawis nito sa noo, at pagkatapos ay sinapnan ng isa pa ang likod. Nakangiti itong nagpasalamat. Palihim niyang dinampian ng halik ang ulo nito. "Inang?" "Ang baho mo na. Ipag-iinit kita ng tubig. Pagkatapos mo riyan e maligo ka na." Paglilihis niya sa usapan. Alam niyang nakasunod sa kanya ang mata nito nang tunguhin niya ang kusina. Umiwas agad siya upang 'di na magtanong pa. Nagkibit balikat na lang si Bebang. Naisip na marahil ay nasisiyahan ang kanyang Inang sa kasipagan niya kaya siya hinalikan. Kinabukasan, tapos nang mamili si Bebang at pauwi na. Kumpleto na ang lahat ng kakailanganin niya sa pagluluto mamaya. Tumayo siya sa gilid ng kalsada at hinintay ang service niyang pedicab. "Ay, palakang lasing!" Nagulat niyang sambit nang may bumangga sa kanya. Dahil nawalan ng balanse, natabig niya ang dalawa niyang bayong na nakalapag sa daan. Tumumba ang mga iyon at natapon ang ilang laman. Naningkit ang bilugan niyang mata dahil sa inis. Maagap namang pinulot ng nakabangga sa kanya ang mga natapon at ibinalik nang maayos sa loob ng kanyang mga bayong. "Pasensya ka na, miss. Hindi ko talaga sinasadya." Paghingi nito ng paumanhin. Natigilan siya pagkakita sa lalaking nagsalita. "Juicecolored, ang guapo!" Pigil na pigil ang kilig na bulong niya sa sarili. Inirapan niya ito upang maitago ang nararamdaman. "Nasaktan ka ba, miss?" Sabi nito kasunod nang pagpaling ng mukha sa harap niya. Pakiramdam niya'y malalaglag ang mga mata niya, ang puso niya. "Miss, nasaktan ka ba?" "Oo, masasaktan ako kapag 'di ko nalaman ang pangalan mo. Madudurog ang puso kong bato." Sagot niya sa loob ng utak. Nang hindi sumagot ang dalaga ay nagpaliwanag ang lalaki. " Natalisod kasi ako do'n sa bato kaya kamuntik na kong bumagsak." Itinuro pa nito ang sinasabi. "Matalisod ka sana sa kagandahan ko at bumagsak dito sa puso ko," sabat na naman ng isip niya. "Miss, okey ka lang ba?" "H-Ha? A, iyan ba." Inilipat niya ang paningin sa nakausling bato na itinuro nito. Totoo ang sinasabi ng lalaki. Dahil naging biktima rin siya ng batong iyon. Natalisod din siya doon kanina nang madaanan niya. Pagbalik ng tingin niya sa kausap ay nakangiti itong nakatingin sa kanya. Nasamid siya ngunit naitago agad sa pamamagitan ng pagtikhim. "Excuse me." aniya at saka bahagyang yumuko. "Haler Bebang, Try mo kayang huminga at isara ang bunganga para 'di pasukin ng bangaw. Paanong 'di ka masasamid eh halos 'di ka humihinga. Hoy, Bebang, umayos ka nga!'' saway niya sa sarili. "Pasensiya ka na... ano ba ang itatawag ko sa'yo?"nakangiti nitong tanong. "Bebe ko," mabilis na sagot ng isip niya. Muli niyang sinaway ang sarili. "Ako si Bebang, Beverly ang tunay kong pangalan pero Bebang na "yong nakasanayang itawag sa akin ng mga suki namin sa karinderia," Pagbibigay niya ng impormasyon sa kausap. Nakangiti pa rin ito nang inilahad ang kamay. "Ako naman si Romano," pagpapakilala nito. Iniabot naman niya ang kamay sa lalaki at nagkamay sila. "Ano na, Bebang? Sasakay ka ba, o tatayo ka na lang diyan hanggang mamaya?" Iritadong tanong ni Tuko. Ito ang nagmamamaneho ng pedicab. Naiinip na ito dahil ilang minuto nang nakaaalis ang lalaking kausap ng dalaga, at huminto na ito sa mismong harapan ay nakatulala pa rin si Bebang. Tinatanaw pa rin ang lalaking nakalayo na. Matamis na ngiti ang isinagot niya sa pagsusungit nito. Good mood siya at para sa kanya'y napakaganda ng umagang iyon. Humuhuni-huni pa si Bebang habang nagluluto. Hindi naman naikaila kay Aling Telay ang biglang pagbabago sa kinikilos ng anak. Hindi na muna ito nagtanong, ang importante ay masaya ang anak. Napansin din ni Kiko ang ikinikilos ng dalaga. Nanibago ang lalaki. Kinantyawan nito si Bebang ngunit sa halip na sumagot ay ngumiti pa. "Alam mo Bebs kapag ganyang nakangiti ka ay gumaganda ka.", hirit uli ni Kiko. Sumagot na si Bebang,"Salamat Francis" at lalong tinamisan ang pag ngiti. Napanganga ang lalaki sa pangalang sinabi ng dalaga. Iyon ang tunay nitong pangalan at no'n lang ito tinawag ni Bebang ng gano'n. Si Telay ang binalingan nito ng tanong."Aling Telay, may sakit po ba si Bebang? Hindi kaya nahamugan kagabi ang anak n'yo?" Nakangiting sumenyas si Aling Telay katumbas ng salitang huwag itong makulit, na itikom na lang ang bibig. Pagtingin uli nito kay Bebang ay madilim na ang mukha ng dalaga. "Makuha ka sa tingin, Kikong Matsing. Kung hindi ay ikaw ang magkakasakit pagkatapos kong sandukin 'yang mukha mo!" Patagong nagtawanan ang mga kumakain. Naupo na rin si Kiko para kumain. Sumimple pa ito ng bulong sa katabi."Wala ngang sakit, nagtaray na uli e." Nagtanguan naman ang mga katabi nito habang nangingiti. GABI, nasa harap ng tindahan sina Kiko,Tisoy at Gener. Katatapos lang nilang maglaro ng basketball. Paubos na ang tag-iisang bote ng cobra nang magsalita si Kiko. "Pare, mukang may kumakarte na kay Bebs my love mo." Nakita kasi nito sina Romano at Bebang kanina nang may bilhin sa palengke. "Naku pare, baka maunahan ka pa," sabi ni Tisoy. "Ang tagal mo nang kursunada si Bebang pare, bakit kasi 'di mo pa ligawan?" sabi uli ni Kiko. "Oo nga, " ayuda ni Tisoy . "Nahihiya kasi ako mga pare, saka natatakot rin. Baka mabasted lang ako." "Mabasted? Iyang gandang lalake mong 'yan babastedin ni Bebang? Aba e, para siyang nagtampo sa bigas." palakas loob na sabi ni Tisoy. Natawa si Gener sa sinabi nito. "Gusto mo pormahan na natin si Bebang? Tutulungan ka namin, di ba pareng Tisoy?" sabay siko sa katabing si Tisoy. "May pogi points na tayo kay Aling Telay, si Bebang na lang ang problema natin." "Yun nga ang problema eh, lagi n'yong binubuska "yung tao. Baka hatawin tayo ng sandok no'n pagpunta natin." "Oo nga no!" Duetong sabi ng dalawang kausap. Nagkatawanan sila habang sinisi ang isa't isa. Malalim na ang gabi ay di pa rin makatulog si Gener. Naiisip pa rin niya ang sinabi kanina ng dalawang kumpare. Nag-aalala siya na baka may nagugustuhan na si Bebang. Matatalo ata siya nang hindi man lang nakakalaban. May itsura naman siya, matangkad at maganda ang katawan dahil sa regular na pagbubuhat sa gym. Marami ang nagsasabing kahawig niya ang artistang si Gerald Anderson. Kumukuha siya ng kursong Architecture. Nag-aaral sa umaga at nagtatrabaho sa gabi. Ang ama niya ay isang OFW at ang ina ay ahente ng kung anu-ano. May tatlong nakakabatang kapatid, kaya hindi man hirap sa buhay ay hindi rin naman mayaman. Bilang panganay ay nasa kanya ang pag-asa ng mga magulang para umasenso. Kaya kahit matagal na siyang may gusto kay Bebang ay hanggang tingin lang ang nagagawa niya. Bukod sa nahihiya siya sa dalaga ay halos wala na siyang panahon na ligawan ito. Pero hindi na ngayon, kailangan na niyang kumilos. Kailangang malaman na ni Bebang ang nararamdaman niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD