CHAPTER 7 - Dalawang Makisig

1287 Words
Dalawang makisig NAGULAT pa si Bebang nang tawagin ni Aling Telay at sabihing nasa sala raw si Gener at naghihintay. "Bakit daw, Inang?" nagtataka niyang tanong. "Aba, malay ko. Lumabas ka na riyan at siya ang tanungin mo." Nangingiti nang tumalikod si Telay. Umaga pa lang ay alam na niya kung bakit. Masinsinan siyang kinausap ng binata, at nagpaalam kung puwede ba itong pumanik ng ligaw sa dalaga niya. Siyempre pa'y mabilis siyang pumayag. Gusto niya ito para sa anak. Masikap ito sa buhay, responsable. Mabait na anak at maaasahang kapatid. Matagal na niyang nararamdamang may pagtingin ito sa anak niya. Kaya lang ay walang ginagawang hakbang. Kuntento na itong makita at paminsan-minsa'y ay makasama sa galaan ang dalaga niya. Madalas pa nga ay nakikisali ito sa mga kaibigang nang-aasar. Nakikita niya kung paano nito tignan si Bebang, kung paano biglang iiwas ng tingin sa pag-aalalang mahuli. Kaya naman siya ang kinilig nang magsabi itong sisimulan na ang panunuyo. Kung sakali, nakahanda siyang tulungan ito upang masungkit ang matamis na OO ng anak niya. Nagtatakang nilabas ni Bebang ang bisita. Nasa anyo ng mukha niya ang pagtatanong kung ano ang nakain nito at nagpunta sa kanila, at gabi pa talaga. Kung may kailangan ito ay bakit hindi pa sinabi sa Inang niya, o kung siya naman ang kailangan, e bakit 'di na lang ipagpabukas. Bahagya siyang naalarma nang ibang Gener ang makitang naghihintay sa kanya, isang makisig na Gener. Bumagay ang bagong gupit na buhok sa mukha nito. Ang malapad na dibdib at ang mga balikat at brasong mauumbok ay nakahakab sa blue polo shirt na suot. Naaamoy niya ang swabeng bango ng cologne nito. "Magandang gabi, Bebang." Malambing nitong sabi pagkaraang tumayo pagkakita sa kanya. Hindi talaga siya makapaniwala. Ipinilig pa niya ng ulo sa pagbabakasakaling nananaginip lang siya. Ngunit hindi. Naroon talaga ito sa harapan niya at iniaabot ang dalang bulaklak. Tinanggap niya ang mga iyon. "Maupo ka." Paanyaya niya. "Nasadya ka Gener, may kailangan ka ba?" Maang-maaangan niyang tanong. Hindi naman siya gano'n kahina para 'di malaman ang ibig sabihin nang pagpunta nito ng gabi at may dala pang bulaklak. Siya ang hindi nakaimik nang simulan nitong sabihin ang sadya. Si Gener, hindi niya alam kung paano lumabas sa bibig ang mga sinabi sa dalaga. Bago siya bumisita kay Bebang ay uminom muna siya ng isang boteng red horse. Payo kasi yon ni Kiko, pampalakas daw ng loob. Kasama niya ang dalawang kumpare nang pumunta sa bahay ng dalaga ngunitt nagpaiwan na sa labas nang patuluyin na siya ni Aling Telay. Nakangiti siyang sinalubong nina Kiko at Tisoy nang makita siyang pauwi. Inaabangan pala siya ng mga ito. Nagkantiyawan pa ang mga loko. Naka first base na daw siya at susuportahan siya para masungkit ang pulot pukyutang OO ng dalaga. Masaya siya dahil nagkalakas na siya ng loob at naipaalam na kay Bebang ang laman ng kaniyang puso. Ang dasal na lang niya'y sana ay magkaroon ng magandang resulta ang naumpisahan. Sana ay magustuhan din siya nito. Sana nga ay ibigay sa kanya ang sagot na OO. Si Bebang, papihit-pihit sa higaan. Hindi niya sukat akalain na matagal na palang may gusto sa kanya si Gener. Ayon sa binata, natotorpe lang ito sa tuwing magkakaroon ng pagkakataon na mapagsolo sila. Hindi nito masabi ang nararamdaman sa takot na magalit siya at iwasan. Napapangiti siya habang sinasariwa ang mga sinabi nito sa kanya. "Kaya pala nakikita kong lagi siyang nakatingin sa akin, at lagi kaming tinutulungan ni Inang. Akala ko naman, umaareglo lang dahil lagi akong inaasar nung dalawa niyang amuyong," kinikilig pa niyang sabi. "Seryoso kaya 'yun, o baka lasing lang? Malalaman ko bukas. Baka 'pag nahimasmasan na e matawa pa 'yun kapag naalala ang mga sinabi sa akin." Nakangiti pa rin siya nang matulog habang inaalala ang makisig nitong itsura. "Ang haba naman ng daan na ito, napakatahimik. Nakakatakot. Baka may biglang lumabas na halimaw rito, ang tataas ng mga puno. Anong lugar kaya ito, bakit walang mga bahay? Puro kalsada lang. Ayun! May mga tao. Ay, hindi pala. Saan kaya ako pwedeng dumaan para makauwi? Ang haba na ng nalalakad ko. Dumidilim na, natatakot na talaga ako. Saan ba ang sa amin? Nasaan ang daan pauwi sa amin?" Kusa siyang nagising nang tumunog ang alarm clock sa tabi niya. Butil-butil ang pawis nito sa noo. Mabilis niyang ininom ang tubig sa basong nakapatong sa lamesita malapit sa kanyang kama. Nahihintakutan siyang napaisip. "Bakit gano'n na naman ang panaginip ko? Napunta na naman ako sa lugar na iyon? Hindi ko naman alam kung saan 'yon. Pero bakit napapanaginipan ko? Paulit-ulit pa." Tuluyan na siyang tumayo nang marinig na may kumikilos na sa kusina." Gising na ang Inang, makapag bihis na nga at baka tanghaliin pa ako sa pamimili." Pagkatapos inumin ang mainit na tsokolate ay humanda na siya sa pagtungo sa palengke. Hinihintay na niya ang pedicab na susundo nang may lalaking lumapit sa kanya. Kamuntik na siyang mabilaukan ng kinakaing kutsinta nang ito'y makilala. Si Romano. Napamaang na naman siya pagkakita sa makisig nitong mukha. Lalo pa nga itong nagmukhang mabango dahil sa suot na pulang t-shirt at short na puti. Nawala na ito sa isip niya dahil ilang araw na ang lumipas mula nang makilala niya ang lalaki. Kumbaga ay aksidente lang talaga ang nangyari. Nagkataon lang. Hindi niya akalaing magkikita uli sila. "Kamusta na?" nakangiti nitong tanong. "Eto, kagaya pa rin nang dati, ikaw kamusta na?" " Eto, kagaya pa rin nang dati." Natawa silang pareho nang maisip na pareho lang ang sinabi nila. Nag-alok itong ihatid siya pero tinangggihan niya dahil kausap na niya si Tuko. Hindi pa nagtatagal ay dumating na nga ito. Gusto nang magbago ng isip niya nang makitang nakasimangot na naman ito. Pero sa huli'y naisip niyang sadyang simangot ang mukha nito. Tinulungan siya ni Romano na maisampa ang mga bayong niya sa pedicab. Nagpasalamat siya at matamis na ngumiti. Bago tuluyang patakbuhin ang trike ay binilinan nito si Tuko na mag-ingat sa pagmamaneho. Tumango lang si Tuko at pinadyakan na ang pedal palayo. Kumaway pa ito sa kanya na ginantihan niya rin naman. Kilig na kilig talaga siya. Napansin niyang bubulung-bulong si Tuko. Hindi na niya pinatulan ang lalaki, ayaw niyang masira ang napakagandang araw niya. Malayo pa lang ay natanaw na niya si Gener na nakatayo sa tapat ng karinderia. Hula niya ay sadyang inaabangan siya nito. Nakangiti naman ang Inang niya habang nagpupunas ng mga kalderong gagamitin nila sa pagluluto. Paghinto ni Tuko ay lumapit agad si Gener para alalayan siya sa pagbaba. Binuhat na rin ng binata ang mga bayong papasok sa karinderia. Wala naman siyang kibo habang sinusundan ng tingin ang binata. Makisig din ito, bagay dito ang hapit na puting t-shirt na walang manggas. Kita niya ang mga masel nito sa mga braso, ibinaba pa niya ang tingin sa gawing hita ng binata. Naka short itong maong at dahil nakatalikod sa kanya ay malaya niyang napagmasdan ang maambok nitong puwit. Mahaba ang mamasel nitong hita na may maninipis na balahibo. Bigla siyang tumalikod nang lumingon ito sa kanya. Naipamaypay niya sa mukha ang isang palad, at saka nagkunwaring busy sa pagtingin sa listahan ng mga pinamili. Lihim namang nangiti si Telay na kanina pa pala nakikita ang ginagawang paghagod ng tingin sa manliligaw, mistulang isdang kinakaliskisan. "Gener, magkape ka kaya muna," alok niya. "Katatapos ko lang po sa bahay, Aling Telay. Salamat po." Nang maipasok ang lahat ng pinamili ni Bebang ay nagpaalam na si Gener at bago tuluyang umalis, nginitian nito ang dalaga. Isang nakatamis na ngiti. Lumabas ang pantay-pantay at mapuputi nitong ngipin na lalong nagbigay na maaliwalas na awra sa makinis nitong mukha. Nangingiti si Aling Telay habang pinagmamasdan ang anak na naghahatid dito ng tanaw.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD