Aila Banayad na berdeng taluktok, nakasisilaw na liwanag mula sa maliit na lungga ng isang kahoy na tabiki, at langitngit ng isang pinto mula sa aking kaliwa ang bumungad sa 'kin nang dahan-dahan kong imulat ang aking mabigat na mga mata. Pagtataka, ito ang tanging bumalot sa akin habang pilit na iniikot ang aking mga mata sa lugar na hindi pamilyar sa akin. Dama ko ang pagtagaktak ng aking pawis mula sa 'king noo, nang wala akong makitang tao mula sa puwesto kung saan ako nakahiga. Hindi ko alam kung bakit, pero hindi ako makakilos. Tila may nakadagan na kung ano mula sa aking katawan, dahilan nang matinding pagkabog ng aking dibdib. Nasaan ako? Bakit ako naririto? Sinong nagdala sa akin dito? Bakit tila hindi maganda ang aking pakiramdam at kutob? Pag-init ng magkabilaang sulok

