KABANATA 4

1354 Words
NANLALAKI ang mga mata ni Nhikira habang pinagmamasdan ang report na ibinigay sa kaniya ng kaniyang investigator. Hanggang sa hindi niya naiwasang mapatili sa sobrang saya! Limang buwan na ang nakalilipas. Matagal-tagal na rin niyang 'di nasisilayan ang guwapong mukha ng Bradley Hames na iyon. Bigla pa niyang nayakap ang envelope na nasa kamay niya. Nakapikit pa siya habang may ngiti sa mga labi. "Sa wakas, makikita na rin kita araw-araw!" Ngunit bigla siyang natigilan kasabay ng pagmulat ng kaniyang mga mata. Tahimik siyang napaupo sa ibabaw ng kama. Ngayon pa lang labis-labis na ang kaniyang kahilingan na sana pumayag ang kaniyang mahal na nanny sa magiging desisyon niya. Sa loob ng limang buwan, lalong lumala ang nararamdaman niya para sa binata. Tiniis niya itong hindi makita. Ngunit sa ginagawa niya, lalo lang siyang nahihirapan at halos hindi na pinapatulog ng maayos. At ngayon ngang nalaman niyang naghahanap sila ng dalawang kasambahay, pagkakataon na niya ito upang makapasok sa mansion ng mga Rhys. Alam niyang mahihirapan siyang kumbinsihin ang kaniyang mahal na nanny, ngunit gagawin niya ang lahat upang mapapayag ito. Malakas ang kompiyansa niyang hindi siya nito matitiis na makitang nalulungkot. O makitang nahihirapan ni nasasaktan man. Isang mahabang buntong hininga ang kaniyang pinakawalan bago ipinatawag ang kaniyang nanny. Hindi siya mapalagay habang hinihintay ito. Labis siyang kinakabahan sa magiging desisyon niya. Ngunit alam nang puso niya kung gaano niya kagusto ang binata! "Princess.." Bigla akong napalingon. Marahang lumapit dito. Hinawakan ko rin ang kamay nito. "Nanny.." "May ipag-uutos ka ba? May gusto ka bang kainin?" sunod-sunod na tanong nito. Umiling ako nang paulit-ulit. Hanggang sa yayain ko itong umupo sa sofa na naroon sa loob ng kuwarto ko. "Nanny, may mahalaga akong sasabihin sa iyo," panimula ko. Ang kabog ng dibdib ko, palakas nang palakas. "Ano ba iyon?" marahang tanong nito. Nagawa pa nitong haplusin ang mahabang buhok ko. Napakagat-labi tuloy ako. "Nanny..." Bigla akong napalunok. Hindi ko alam kung paano ako magsisimula. Nahihirapan ako sa magiging desisyon ko. Alam kong hindi ito basta-basta papayag! Lalo na't isa akong Priscela! Wala rin akong karanasan sa gawaing bahay! Ni sarili ko nga, hindi ko magawang kumilos nang walang nakaalalay e! May nagpapaligo sa akin. Nakahanda rin ang mga isusuot ko. Lahat-lahat sila ang kumikilos para sa akin. Pero alang-alang sa lalaking labis kong nagugustuhan, magbabasakali ako. Lahat naman ng bagay natututunan kapag ginusto. "Ano ba iyong sasabihin mo, Princess? Bakit mukha kang balisa?" Bigla itong nabahala. Kaagad naman akong ngumiti. Umiling din ako. "Nanny, natatandaan mo ba iyong lalaking nakabunggo ko sa Museum?" hawak-hawak ko pa rin ang kamay nito. Marahan itong tumango habang titig na titig sa mukha ko. Lalo tuloy akong kinakabahan. "Gusto ko siya, nanny." Gulat at nanlalaki ang mga mata nitong napatitig sa akin. Bahagya ring napaawang ang mga labi nito. Hanggang sa parang nataranta ito. "Princess, ilang buwan nang nakalilipas. Ni hindi mo man lang siya kakilala. Ni hindi mo nga alam kung may asawa na ba iyong tao o kaya naman --" "Wala pa siyang asawa, nanny." Lalo itong nagulat. Hanggang sa napakunot ang noo nito. Nagpakawala ako ng buntong hininga. "Sorry, nanny kung nagawa kong maglihim sainyo. Pero simula nang araw na iyon, pinasubaybayan ko siya at nagawa ko pang kumuha ng investigator upang alamin ang pagkatao niya." Bigla itong napalunok. "Isa siyang CEO ng Rhys Company. Wala pa siyang asawa ni kasintahan man. Ang tanging kasa-kasama niya sa bahay ay ang mahal nitong grandma. Matagal nang patay ang ama nito, samantalang may ibang pamilya ang kaniyang ina." Lumungkot ang mukha ko sa huling sinabi ko. Nanatili itong walang kibo. "Ang pagpunta natin sa British restaurant ay may dahilan. Iyon ay dahil nalaman kong nandoon ang binata. Lagi ko siyang pinapasubaybayan. Nitong mga nakaraang buwan, nanatili akong nandito sa loob ng bahay dahil nabalitaan kong nasa business trip ito. Hanggang sa..." Napalunok ako. Muling kumabog ang dibdib ko sa namumuong kaba. "Hanggang sa?" wika nito sa akin. Napalunok ako sa harapan nito. "Hanggang sa nalaman kong naghahanap sila ng dalawang kasambahay." Naguguluhan ako nitong pinakatitigan. "Anong gusto mong iparating, Princess? Gusto mo bang mangyari, ipapadala natin ang dalawang kawaksi upang masubaybayan ang bawat kilos ng lalaking iyon? Ganoon ba?" Muntik nang manginig ang mga kamay ko. Hindi nga nito naisip na posibleng ako ang nagbabalak pumasok bilang isang kasambahay sa mansion ng mga Rhys! "Hindi po, nanny.." halos pabulong na wika ko. "Ano pala?" "Nanny.." Humigpit ang pagkakahawak ko sa mga kamay nito. Ang mga mata kong nag-u-umpisa nang mangusap dito. "Gusto kong ako mismo ang papasok bilang isang kasambahay--!" Bigla akong napahinto ng bigla itong napatayo. Hindi makapaniwalang napatitig sa akin. Pansin ko ring namutla ang mukha nito. "Hindi mo alam ang mga pinagsasabi mo, Princess Nhikira! Isa kang Priscela! Paano mo nasasabi ang mga bagay na iyan?" Ramdam ko ang hilakbot sa pananalita nito. Hindi ko naman ito masisisi. Dahil tiyak na ito ang pagbubuntunan ng galit ng mga magulang ko. At sa gagawin ko, posibleng ilayo ito sa akin. Hindi ko naman kayang mawalay ito sa akin ng tuluyan. Tinuring ko na rin itong parang isang tunay na ina. Ngunit naniniwala naman akong hindi makakarating sa mga magulang ko ang binabalak ko, kung mananatili silang tikom ang bibig. "Ilang buwan lang naman--" "Kahit na!" dumiin ang pagkakabigkas nito. Bigla itong nagpalakad-lakad sa harapan ko. "Nanny, please? Gusto ko lang naman--" Napahinto ako nang seryoso itong tumitig sa mga mata ko. "Mahal kita, Princess Nhikira. Pero sa bagay na ito, hindi kita mapagbibigyan. Nang dahil sa lalaking iyon magagawa mong maging isang kasambahay?" hindi makapaniwalang sambit nito. Nawalan ako ng kibo. "Isipin mo kung anong p'wedeng gawin ng mga magulang at mga kapatid mo oras na malaman nila ang kalukuhan mong ito, Princess Nhikira. Patawad, pero hindi ako sumasang-ayon sa planong iyan. God, isa kang Priscela! Ang pinakamayaman sa buong mundo! Tapos pipiliin mong maging isang kasambahay nang dahil sa lalaking iyon?" bulalas nito. Yukong-yuko ako. Wala itong kaalam-alam na nanunubig na ang mga mata ko. Ito ang unang pagkakataong nasermunan ako nito. Ngunit alam ko namang para din iyon sa kapakanan ko. "Hindi naman nila malalaman, nanny--" "No, Princess. Kahit anong sabihin mo, hinding-hindi ako papayag. Hindi ka aalis. Kung magpupumilit ka, mapipilitan akong sabihin sa mga magulang mo." Biglang pumatak ang luha sa mga mata ko. "Patawad, Princess. Pero napakaimposible ng kahilingan mo. 'Di kita mapagbibigyan." At tuluyan itong lumabas sa aking silid. Lalo naman akong napaiyak! Ayoko namang umuwi ng Pilipinas! Mas lalo akong masisiraan ng bait kung hindi ko na masisilayan ang binatang si Bradley Hames! Padapa akong humiga sa aking kama. Para akong batang umiyak nang umiyak. Pakiramdam ko, masisiraan ako ng bait kung hindi ko makukuha ang ninanais ko! Gusto kong makita araw-araw ang binatang si Bradley Hames! Gusto ko siyang makasama! Pero anong gagawin ko? Si nanny na lang ang pag-asa ko, ngunit hindi ito pumayag sa gusto kong mangyari? Sa isiping iyon mas lalo akong humagulhol ng malakas. Para akong pinagkaitan ng husto! Gusto ko lang naman makita ang lalaking iyon! Makita kung anong ginagawa niya sa araw-araw! "P-please, nanny.. pumayag ka na please.." Ito na lang ang pagkakataon ko upang mapalapit sa binata. Pakiramdam ko nga binibigyan ako ng pagkakataon ng tadhana na makalapit sa lalaking iyon? At nagkataong naghahanap sila ng kawaksi. At iyon lang ang nag-iisang paraan upang masilayan ko at makasama ang binatang si Bradley Hames! Kung palalampasin ko ang pagkakataong ito, baka tuluyang hindi na ako makalapit pa sa binata! Baka tuluyang hindi ko na ito masilayan ng malapitan! Kung makakapasok ako sa mansion nila, may dahilan upang malapitan at matitigan man lang ang guwapong pagmumukha nito. Sisikapin ko namang matuto ng gawaing bahay e! Madali naman akong matuto! Ngayon lang ako nakaramdam ng ganitong paghanga sa isang lalaki. At hindi ko naman nga akalaing ganito pala ang pakiramdam? Iyong tipong hahanap-hanapin mo siya? Tipong gusto mo siyang nakikita palagi? Tipong gusto mo siyang makasama at mahawakan man lang? Makita ang mga ngiti nito? At higit sa lahat ang maranasang kausapin siya nito sa magandang paraan? Hindi niya maitatangging hinahanap-hanap niya ang malalalim nitong mga titig! Ang mga mata nitong nakakapang-akit?!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD