KABANATA 7

1311 Words
BIGLA akong napasalampak sa mahabang sofa habang nagpupunas ng pawis sa noo. Ilang araw pa lang akong tinuturuan sa mga gawaing bahay, parang gusto ko nang sumuko! Pakiramdam ko, nababawasan ang taba ko! May ilang talsik ng mantika ang kamay at braso ko. Nagpumilit kasi akong magluto at naisip kong baka bigla akong ilagay sa loob ng kusina. Kailangan kong maging handa at 'di ko alam kung saan ako ilalagay na p'westo pagkarating sa mansion ng mga Rhys. Ilang luha nga rin ang ibinuhos ko ng dahil lang sa pagbabalat ng sibuyas! Hindi ko nga akalaing nakakaiyak pala ang sibuyas?! Hirap na hirap din ako kahit sa paghihiwa ng mga gulayin at ilang sangkap? Mahahalata talagang hindi ako sanay sa gawaing bahay? Ngunit ayoko namang sumuko at talagang buo na ang pasya kong mamasukan para lang sa lalaking iyon. Gustong-gusto ko na nga itong makita ngunit kailangan ko pang magtiis at 'di pa nga ako masanay-sanay sa gawaing bahay. Hindi ko naman maitatangging labis akong nahihirapan. Ang totoo nga niyan e, naiiyak ako kapag mag-isa na lang ako sa loob ng kuwarto. Sobrang sakit kasi ng katawan ko at halos lagnatin ako! Ngunit hindi ko naman magawang ipahalata kay nanny at baka biglang magbago ang desisyon nito at baka hindi pa ako payagan. Kailangan kong ipakita ritong kayang-kaya ko nga ang gawaing bahay. Kailangan ko ring pagsikapang matutunan kaagad-agad ang pasikot-sikot sa gawaing bahay. Kahit nga sa paglalaba at paglilinis ng sahig ginawa ko na rin. Halos naligo yata ako sa sariling pawis ng ginawa ko ang mga iyon?! Gusto ko pa ngang matawa at pilit na nakikiusap ang mga kasambahay na h'wag ko na lang iyon gawin. Ngunit sa huli, wala rin silang nagawa sa kagustuhan ko. Kung hindi ko kasi iyon gagawin? Anong mapapala ko pagpunta ko sa mansion ng mga Rhys? Baka hindi pa ako nakakaisang araw, palayasin na ako ng mga kasambahay na nandoon kung tatanga-tanga ako! Hangga't maaari, kailangan kong maging matalino sa gawaing bahay. Ayoko namang maranasang mapagsalitaan ng masasakit na pananalita ng mga kasambahay na naroon. Mas lalong ayokong maranasan na masaktan no?! "Ayos ka lang ba, Princess Nhikira?" tanong ni nanny. Kaagad naman akong ngumiti. Ayokong ipahalata ritong nananakit ang mga kamay at paa ko. "Ayos na ayos, nanny. Hindi ko nga akalaing nakakabawas pala ng taba ang trabahong bahay? Bagay na bagay nga ito sa akin. Parang exercise na rin?" nakangiting wika ko. Ngunit hindi man lang ito natuwa sa biro ko. "Kaya pala karamihan sa kasambahay mga payat at talaga namang nakakaalis ng taba ang gawaing bahay? Kusinera lang talaga ang matataba e!" Mahina akong tumawa. Ngunit isang buntong hininga lang ang isinagot nito. Ito pa mismo ang nagpunas ng pawis sa noo't mukha ko. Ngunit natigilan ito ng kusa akong umiwas. Nagtatanong ang mga mata nito. Isang ngiti naman ang ibinigay ko. "H'wag niyo na akong bini-baby, nanny. Baka hanap-hanapin ko 'yan kapag naroon ako sa mga Rhys. Kailangan kong maging matured at magmukha talagang katulong!" Napalunok ako ng lumungkot ang mukha nito. Para na naman nga itong maiiyak! 'Di ko naman napigilang yakapin ito ng buong higpit. "B-bakit kasi kailangan mo itong gawin, Princess? Hindi mo kailangang ibaba ang sarili ng dahil sa lalaking iyon? Paano kung may kasintahan--" "Wala siyang kasintahan, nanny." Napailing ito. "Paano kung babaero pala siya? Mahilig pumunta ng bar o ng mga clubs? Sa tingin mo ba magkakaroon siya ng interes sa iyo kung marami namang.." hindi nito naituloy ang gusto nitong sabihin. Hinaplos nito ang mukha ko. "Pasensya ka na, anak. Sobra talaga akong nag-aalala sa gagawin mong ito. Ayokong umuwi kang luhaan." Marahan akong ngumiti sa harapan nito. "Sinabi ko naman ho na ang gusto ko lang talagang mangyari ay ang masilayan siya araw-araw." Tinitigan ako nito. "Hanggang kailan, Princess?" Sandali itong huminto. "Kapag napagod ka na? Kapag umiiyak ka na? Kapag nasaktan ka na?" ani nito sa akin. Bigla akong napalunok. Sandali rin akong napayuko. Hinawakan nito ang kamay ko. "Ayokong dumating ang araw na uuwi kang luhaan, anak." Napasinghot ito. "Kaya nga, umaasa akong magbabago ang desisyon mo. Mas masasaktan ka kung araw-araw mo nga siyang nakikita ngunit hindi mo man lang makita ang kahalagaan mo sa kaniya. Mas higit kang masasaktan, Nhikira. Lagi mong tatandaan na hindi isang Priscela ang makikita niya sa iyo. Kun'di isang kasambahay?" mahabang wika nito sa akin. Kailanman hindi ito napagod na pangaralan ako. Lalo na ngayon na malapit na akong tumungo sa mansion ng mga Rhys. Kahit sa gabi, lagi ako nitong kinakausap. Umaasa itong magbabago ang desisyon ko. Ngunit wala iyon sa isip ko. Mas nasasabik pa nga akong makapunta na sa mansion ng mga Rhys. Gusto ko ng makita ang supladong Bradley na iyon. Sa kabila nga ng pagsusungit nito sa akin no'ng huli, hindi man lang nabawasan ang paghanga ko rito? Mas lalo pa nga iyong lumalim e! "Alam ko ho nanny. Mas malalaman ko nga kung uubra ba ang karisma kong ito sa kabila na isang kasambahay lang ang pagkakakilala nito sa akin hindi ba? Mas hahanga ako kung mapapansin niya ang ganda ko kahit na isang hamak na katulong lamang ako?" palatak ko pa habang nakangiti. Pilit kong inaalis ang pag-aalala nito para sa akin. "Mapapansin nga niya, ang tanong seryusuhin ka naman kaya? Paano kung gusto lang niyang kunin ang pinakaiingatan mo?" Sandali akong natigilan. "Lahat ginagawa ko, anak para lang pangaralan ka. Kung nandito ang mommy mo, tiyak na hinding-hindi ka niya papayagan sa gusto mong mangyari--" "Nakalimutan mo na ba, nanny? Na nanggaling din sa mahirap na sitwasyon ang aking ina bago nalaman ni daddy ang tunay nitong pagkatao? Ngunit minahal pa rin siya ng buo ni daddy? Ipinaglaban kahit pa karangyaan nito ang mawawala sa kaniya?" Mariin itong napailing. "Maganda at sexy ang mommy mo, anak ng makilala siya ng iyong ama. Inosente at walang muwang sa mundo? Hindi nagpakita ng pagkagusto sa iyong ama. At natitiyak kong iyon ang isa sa pinaka-nagustuhan ng iyong ama sa iyong ina? Hindi ko sinasabing naglalandi ka, Princess. Ngunit ikaw ang lalapit sa lalaking iyon? Ibang-iba ang kuwento ng mga magulang mo sa gagawin mo sa iyong sarili ngayon?" wika nito sa akin. Gumuhit ang bahagyang sakit sa dibdib ko. Ngunit alam kong nagsasabi lamang ito ng totoo. Sa pagkakataong ito, ako ang lalapit sa lalaki. Samantalang ang kuwento ng aking ina, ibang-iba nga naman sa gagawin ko ngayon. Tiyak na kamumuhian ako nito oras na malaman nilang ako ang lumalapit sa isang lalaki? At talagang handa kong kalimutan ang pagka-Priscela ko ng dahil sa Bradley Hames na iyon? Handa ko pang ibaba ang sarili makasama at makita ko lang ito araw-araw? "H'wag kang mag-alala, nanny. Gaya ng sinabi ko sa iyo nakaraang linggo, hindi ako magpapakita ng motibo sa lalaking iyon. Magpapakahinhin pa rin ako kahit na gusto ko siya. Ang gusto kong mangyari, magustuhan niya ako sa paraang inosente ako sa paningin nito? Pagdating naman sa pag-ibig walang mataba hindi ba? Matatanggap niya ako kahit na ganito ang pangangatawan ko?" Hindi makapaniwalang natitigan na lang ako nito. Para bang sinasabi ng mga mata nito na ang tigas-tigas talaga ng ulo ko! Alanganin akong ngumiti. Ipinulupot ko ang dalawang braso ko sa isang braso nito. At humilig dito. Ramdam ko naman ang pagpapakawala nito ng buntong hininga. Alam kong labis itong nababahala. Ngunit balang araw, papatunayan kong hindi ko ito pagsisisihan. Sana nga may magandang ibunga ang gagawin kong ito? Kahit ako man, napapatanong sa sarili kung bakit magagawa ko ang mga bagay na ito? Naguguluhan man ako, ngunit mas nanaig ang kagustuhan kong makita ang binata. "Basta iyong ipinangako mo, na kapag hindi mo kinaya ang gawaing bahay, uuwi ka 'agad. Lalo na kapag napansin mong wala kang mapapala sa lalaking iyon," biglang ani nito sa akin. Napangiti naman ako ng maluwang. "Yes, nanny. Pangako 'yan!" Hindi ko maiwasang matuwa at nagawa rin nitong sumuko!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD