1

2097 Words
“Ano ba naman ang inaayaw mo pa doon sa tao? Gwapo, ubod ng yaman at higit sa lahat ay alam naman natin na mahal na mahal ka. Ikaw pa ba ang aarte?” “Hindi lang iyon, alam mo rin naman na sa oras na siya ang piliin mo ay magbubuhay reyna ka. Halos sambahin na sila ng mga tao dito sa Mondemar, ano pa ba inaayaw mo kay Gabriel, anak? Kung ako lang naman ang masusunod ay baka kahit bukas ay ipakasal ko na kayong dalawa.” “Mama!” nakasimangot na saway ni Maricon sa ina. Tiningnan niya ng masama ang ate Esmeralda at kuya Ryan niya nang marinig niyang tumawa ang mga ito. Napailing iling siya nang mapansin ang determinasyon sa mukha ng ina at dalawang kapatid. Kulang na lang ay sabihin na ng mga ito na gustong gusto na siyang ipamigay ng mga ito kay Gabriel Mondemar. Nagkibit balikat ang kaniyang ina. “May masama ba sa sinabi ko? anak, twenty eight ka na at ilang taon na lang ay mawawala ka na sa kalendaryo.” “Mag eexpire na rin ang matris mo.” Hirit ng ate Esmeralda niya. “At kapag nadagdagan ang wrinkles mo, siguradong magbabago ang isip ni Gabriel na ginusto ka pa niya.” Dagdag ng panganay nilang kapatid na si Ryan. Mas lalong nagusot ang mukha niya. Sa totoo lang ay naririndi na siya dahil walang ibang bukambibig ang mga magulang at dalawang kapatid niya maliban kay Gabriel. Wala na tuloy nagtatangkang manligaw sa kaniya dahil nga binakuran na siya ng lalaki na para bang pag aari na talaga siya nito. Hindi naman dating magulo ang mundo niya. Napakasimple lang ng buhay niya noon pero nagbago ang lahat nang dumating sa buhay niya ang pang apat na anak ni don Federico na walang iba kundi si Gabriel Theodoro Mondemar. Mula nang iligtas niya ito –may labinglimang taon na ang nakakaraan—ay hindi na niya ito nagawang alisin pa sa buhay niya. Palaging nakabuntot sa kaniya si Gabriel at kahit anong gawin niya ay hindi niya ito magawang itaboy palayo. Nang mag aral ito sa ibang bansa ay natahimik naman kahit paano ang mundo niya. Nagawa niyang iwasan ito at huwag sagutin ang mga tawag at sulat nito kahit na madalas ay nasesermunan siya ng mga magulang. Pero nang makagraduate na ito ng kolehiyo ay bumalik ito sa bansa para hawakan ang ilan sa mga negosyo ng pamilya nito. Muli ay naging magulo na naman ang mundo niya dahil palagi na naman itong nangungulit sa kaniya. Kahit na sa Maynila nakabase ang trabaho nito ay nagagawa pa rin nitong bumisita sa bayan nila para lang makita siya. Alam niyang iniisip ng iba na napakalaking tanga niya para tanggihan si Gabriel kahit ilang beses na itong nagpropose ng kasal sa kaniya. Pero wala naman kasi silang relasyon ng lalaki at higit sa lahat ay may boyfriend na siya. Malamang na isipin din ng iba na sinayang niya ang pagkakataon na magkaroon ng magandang buhay. Pero hindi naman kasi niya kayang turuan ang sarili na mahalin ang anak ni don Federico. Isa pa ay malaki ang pagkakaiba ng mundo nila ni Gabriel at may palagay siya na hindi niya makakayang makibagay sa mga kalevel nito. Napakayaman ng mga Mondemar at hindi lang sa bayan nila kilalang kilala ang mga ito dahil maging sa ibang lugar sa bansa o sa ibang panig pa ng mundo ay nagkalat ang mga negosyo ng buong angkan ni Gabriel. Ang ilan sa mga mga kamag anak nito ay pumasok na sa politika. Sa kasalukuyan ay ang pinsan nitong si Governor Seth –na anak ng dating gobernador—ang namumuno sa bayan nila. Maliban sa yaman ay nabiyayaan rin ng magandang lahi ang mga Mondemar. Karamihan sa mga ito ay mga mestiso o mestisa at may kulay asul na mga mata na katulad ni Gabriel. Kaya nga pinag uusapan ang bayan nila dahil sa mga lalaking Mondemar na parang bumaba mula sa Mount Olympus dahil maliban sa talagang mga gwapo ay halos sinalo na ng mga ito ang lahat ng katangian ng isang perpektong lalaki nang magpasabog ang langit. Kaya ano pa nga ba ang hihilingin niya kung si Gabriel ang pipiliin niya? totoong wala na. Nakahiga na nga siya sa salapi ay may napakagwapong mister pa siya. Pero hindi iyon sapat para sa kaniya dahil wala naman siyang nararamdaman para sa binata. Isang malaking istorbo lang ang tingin niya dito dahil madalas ay mas ito pa ang pinapakinggan ng mga magulang niya. “Hindi mo man lang pinansin ang lahat ng effort ni Gabriel, kahit na pareho kayong nabaril noon ay siya pa rin ang nag alaga sa'yo sa ospital. Siya rin ang dahilan kung bakit ka nakapasok sa scholarship. Kung aasahan natin 'yang kapasidad ng utak mo, malamang na sa first round palang ng exam ay laglag ka na agad. Malamang na wala kang nakuhang scholarship at hindi ka nakapag aral sa magandang eskwelahan.” Naman! “At hindi lang iyon, mama.” Singit na naman ng pangalawang kapatid niya na si Esmeralda. “Kahit mas pinili ni Maricon na dito magtrabaho sa probinsiya natin ay nagpursige pa rin ang future manugang mo. Nagtyaga siyang bumiyahe ng balikan mula Maynila hanggang dito sa bayan natin para lang makita ang anak mo.” Kainis! Padabog na ibinaba niya ang hawak na kubyertos. Hindi naman natinag ang mga kapatid at ina dahil nagpatuloy pa ang mga ito sa pagbibida kay Gabriel. “Halos sambahin ka na nga ni Gabriel, tapos wala naman pala siyang mapapala sa'yo.” Panunumbat pa ni Ryan. Nasapo niya ang magkabilang sentido ng biglang kumirot iyon. Nakakarindi ang paulit ulit na sumbat ng mga ito. “Hindi naman porke iniligtas ko ang buhay niya ay habambuhay na siyang tatanaw ng utang na loob sa akin. Kung tutuusin ay sobra-sobrang kabayaran na nga na si Don Federico ang nagpagamot noon kay papa 'di ba?” Tatlong taon na ang nakakaraan ng magkaroon ng sakit sa bato ang kaniyang ama. Nagkataon naman na gipit sila noon dahil nalulugi na ang sinehan nila. Mula kasi nang magtayo ng mall sa bayan nila ay nakalimutan na ng mga tao ang sinehan ni Mang Tonying. Mas masarap naman kasi talaga na manood ng sine sa mall dahil maliban sa malinis ay airconditioned pa. Ang daddy ni Gabriel ang sumagot sa lahat ng gastusin sa pagpapagamot ng kaniyang ama. Matalik na magkaibigan ang mga ito simula pa noong high school kaya hindi na nakapagtataka iyon. Matulungin din kasi ang mga Mondemar lalong lalo na ang mga magulang ni Gabriel na sila don Federico at donya Leticia. “Hindi nga ba at nagfifty-fifty ka dahil halos tumagos na sa puso mo ang balang tumama sa likod mo?” paalala ng ina sa kaniya. “Kaya nga po paulit ulit kong sinasabi sa inyo na hindi naman talaga ako mahal ni Gabriel. Hindi lang niya narerealize na obsessed lang siya sa ideya na iniligtas ko ang buhay niya kasi nga sinusulsulan ninyo siya.” Iyon naman talaga ang duda niya. Masyado lang sigurong naoverwhelm ang binata na iniligtas niya ito noon sa kapahamakan. Ang sabi kasi ng doktor ay maswerte na raw na nakaligtas siya. Kung hindi daw siguro katulad niyang malakas ang katawan ang nakasalo ng bala ay malamang na hindi na umabot pa sa ospital. Nagpapasalamat lang siguro si Gabriel dahil kung hindi niya ito iniligtas ay malamang na wala na ito sa mundo ngayon. Siguro kung may makikilala itong ibang babae ay baka matuklasan din nito sa sarili nito na tama ang iniisip niya. “Ano naman ang mapapala mo doon sa boyfriend mong nagtatrabaho lang sa kapitolyo?” “Kuya, baka lang nakakalimutan mo na sa kapitolyo din ako nagtatrabaho?” madilim ang mukha na tanong niya sa kapatid. Marangal ang trabaho niya kaya hindi nito dapat iyon maliitin. “Hindi ko nakakalimutan at mas lalong hindi ko makakalimutan ang kagagahan mo dahil inaalok ka na nga ng magandang trabaho ni Gabriel sa kompanya nila sa Maynila pero tumanggi ka pa. Ginto na ang lumalapit sa'yo, aayaw ayaw ka pa. Tapos ngayon nagtitiis tayo sa ganitong buhay.” Tuluyan na siyang nawala sa mood. Hindi na niya kayang tapusin pa ang pagkain kaya itinulak niya paatras ang plato. Matagal na niyang tanggap na ang pamilya niya ay nasanay na lang na umasa sa tulong ng mga Mondemar lalong lalo na kay Gabriel. Lahat ng hinihingi ng mga ito ay ibinibigay naman ng lalaki. Pero hanggang kailan sila magpapakalubog sa utang nila sa mga Mondemar? Kung tutuusin ay sobra na ang naitulong sa kanila ng pamilya ni Gabriel. Ang hirap sa pamilya niya ay abusado ang mga ito. Kahit na pagsabihan niya ay hindi naman nakikinig sa kaniya kaya wala na siyang magawa pa kundi ang tiisin ang panunumbat ng mga ito sa kaniya. May pagkukulang din naman siya dahil kahit na nakapagtapos siya ng kolehiyo at nagtatrabaho sa kapitolyo bilang sekretarya ng Vice Mayor ay hindi pa rin sapat para sa kanila ang sinasahod niya. Baon sa utang ang mga magulang niya dahil na rin sa pagpupumilit ng mga ito noon na maisalba pa ang sinehan. Umutang din kasi ang mga ito sa bangko para irenovate at pagandahin ang buong sinehan pero sa una lang naman sila kumita. Mas gusto pa rin ng mga tao na sa mall na lang manood ng sine kaya nalugi ang negosyo nila. Ang kinikita niya ay sakto lang para sa mga gastusin nila sa pang araw-araw. Hindi na nag ooperate ang sinehan dahil wala na silang pondo. Ang kaniyang ina ay nagtitinda ng mga lutong ulam at ginawa ng kainan ang ibabang bahagi ng sinehan nila. Magkatulong ang mga magulang niya sa pagpapatakbo ng maliit na negosyo ng mga ito. Hindi naman malaki ang kinikita ng mga ito kaya siya pa rin ang nagdadagdag kapag kinakapos ang mga ito sa puhunan. Ang pinakapanganay niyang kapatid na si Ryan ay may pinapasadang jeep. May asawa at apat na anak na ito kaya hindi na niya inaasahan pa na tumulong ito sa kanila. Si Esmeralda naman na mas matanda sa kaniya ng tatlong taon ay hiwalay sa asawa at nakapisan sa kanila. Malaki ang second floor ng sinehan at giniba na ang kalahati niyon para may matuluyan ang pamilya ni Ryan. Sa ibaba naman ay may isang malaking kwarto kung saan sila tumutuloy ng mga magulang at ate Esmeralda niya. “Ultimo ang jeep na ipinapampasada ko, nanggaling pa sa manliligaw mo.” “Ilang beses ko ba dapat sabihin sa inyo na may boyfriend na ako? Mahal ko si Junie kaya huwag naman sana ninyo siyang bastusin dahil lang hindi siya mayaman na katulad ni Gabriel.” “Ayun! Mababayaran ba ng pagmamahal mo ang mga utang natin?” Naikuyom niya ang mga palad at matalim na tiningnan ang kapatid. Napipikon na siya dahil halata naman na gusto nitong pangunahan siya sa gusto niya. “Mahal ko si Junie at siya lang ang naglakas loob na ligawan ako kahit na alam niyang mahihirapan siya dahil siguradong makikialam kayo at si Gabriel.” Sikmat niya kay Ryan. “Halos isang taon pa lang ang relasyon ninyo, malalampasan ba niya ang fifteen years na panliligaw sa'yo ni Gabriel?” Mariing ipinikit niya ang mga mata nang marinig ang sinabi ng ina. Nagsasawa na siya sa ganoong topic dahil paulit ulit na lang na ipinapamukha ng mga ito sa kaniya ang tungkol sa mga bagay na naibigay sa kanila ni Gabriel. Oo nga at hindi mayaman si Junie. Hindi rin masasabing gwapo pero tama ba naman na ikompara ito ng pamilya niya kay Gabriel? Dahil sa matinding inis ay matalim na tiningnan niya ang ina at mga kapatid. Nakapagdesisyon na siya. Mas mabuti pang gumawa na siya ng paraan para makalayo siya sa kamalasan niya. Alam niyang mahal siya ni Junie at hindi siya pababayaan nito. “Nakapagdesisyon na ako…” turan niya at ibinaling ang tingin sa ama na kapapasok lang ng kusina. “Tatanggapin ko na ang alok na kasal ni Junie at hindi na ninyo ako mapipigilan pa.” Determinadong sabi niya. Ang pagkabasag ng baso na hawak ng ina at pagmumura ng kaniyang ama ang pumutol sa ilang segundong katahimikan na namayani sa buong paligid. Napailing na lang siya at tinakpan ang mga tenga para hindi na marinig pa ang galit na pagmumura ng pamilya niya. Hinding hindi mo ako mahahawakan sa leeg Gabriel! Kailangan mo nang marealize na hindi mo naman talaga ako mahal bago pa man tuluyang lamunin ng kasakiman ang pamilya ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD