PROLOGUE
Palingon lingon si Gabriel sa bawat sulok ng malaking sinehan. Wala siyang makausap sa lugar na iyon kaya ilang minuto din niyang nilibang ang sarili sa pagmamasid sa mga tao na panay naman ang tango at ngiti sa kaniya.
Hindi na siya nagtaka sa naging reaksiyon ng mga ito dahil kilala siya at ang pamilya niya sa bayan ng Mondemar. Nagmula kasi ang pangalan ng bayan nila mula pa sa ninuno ng pamilya niya na isang dayuhang kastila na si Juancho Miguelito Mondemar. Malaki ang naitulong ng ninuno nila sa bayan ng Mondemar kaya nang pumanaw ito ay pinalitan na ang pangalan ng bayan nila mula sa dating kilalang tawag dito na Tierro Cristobal.
“Good evening po.” Magalang na bati ni Gabriel sa isang may edad na lalaking nagtitinda ng sigarilyo. Kasabay niya itong lumapit sa hilera ng mga poster na nakapaskil sa mahabang pader ng sinehan. Naaaliw na pinagmasdan niya ang mga poster ng mga pelikulang showing para sa buong linggo.
“Magandang manood ng sine dito sa sinehan nila Tonying, minsan ay hindi lang dobol dahil nakakatawad pa ako ng isa pang pelikula. Sulit ang bente singko pesos ko sa tatlong pelikula.” Nakangising sabi ng matanda sa kaniya.
“Double?” ulit niya sa sinabi nito.
Tumango naman ito at muling nagpaliwanag.
“Dito sa probinsiya ay palaging may ka-dobol ang pelikulang panonoorin mo. Halimbawa na lang, itong pelikula ni Robin Padilla, malamang na pelikula ni Vilma Santos ang ka-dobol nito. Sulit ang bayad mo.”
“Ah….”
“Palibhasa ay sanay ka sa Maynila manood ng sine, ano? Mahal na nga ang bayad ay isang pelikula lang naman ang mapapanood mo.” Anito at tinapik siya sa balikat.
Hindi siya umimik dahil totoo naman ang sinabi ng matanda. Sa maynila na kasi siya nag aaral ngayon. Napilitan ang mga magulang niya na itransfer siya noong nakaraang taon –kung kailan third year high school na siya— naiwan sa poder ng isang matandang dalagang pinsan ng daddy niya dahil na rin sa pagiging bulakbol niya. Ilang beses siyang nadamay sa trouble dahil sa mga kabarkada niya. Hindi na siguro kinaya pa ng mommy niya ang pagiging pasaway niya kaya inilipat siya nito sa eskwelahan sa Maynila para na rin mailayo siya sa mga kabarkada niya.
Umuwi siya ngayon sa bayan nila dahil summer vacation. Hindi kasi siya pinapayagan ng ina na sayangin lang ang oras niya sa paglalakwatsa. Mas gusto pa nito na manatili siya sa probinsiya lalo pa ngayon na malapit na naman ang eleksiyon. Kailangan niyang tumulong sa pangangampanya ng tito Joven niya dahil tumatakbo itong Governor sa bayan nila. Half brother ng daddy niya si tito Joven at malapit siya sa tiyuhin lalong lalo na sa anak nitong si Seth kaya dapat lang talagang tumulong siya.
“Manong, iboto po ninyo ang tito Joven ko sa nalalapit na eleksiyon.” Pahabol niya bago pa tuluyang umalis ang kausap niyang matandang lalaki.
“Sus! Ano pa ba ang bago? Hindi mo ba napapansin na wala ng ibang binanggit ang mga tao dito sa bayan natin kundi ang pangalan ng tiyuhin mo. Bakit naman namin iboboto ang kabilang partido 'eh mukhang hindi gagawa ng mabuti ang Jackson Salamero na iyon.”
Ang Jackson Salamero na tinutukoy nito ay ang siyang kalaban ng tito Joven niya sa eleksiyon. Alam niyang malaki ang lamang nila sa kalaban pero kilala ang mga Salamero sa paggawa ng anomalya. Malamang na sa mga oras na ito ay nagsasagawa na ng vote buying ang kabilang partido. May tiwala naman siya sa mga kababayan niya pero hindi niya alam kung hanggang saan ang kayang gawin ni Jackson Salamero para lang masiguro na hindi ito matatalo.
“Salamat po.” Nakangiting paalam ni Gabriel sa matandang lalaki. Dahil mag isa na lang at nakaramdam na naman siya ng pagkainip ay naisipan niyang umakyat sa second floor ng sinehan. Binagtas niya ang mahaba at sementadong hagdan.
Sigurado siya na matatagalan pa ang daddy niya sa pakikipag usap sa kaibigan nito na siyang may ari ng sinehan na si mang Tonying, kaya mas mabuti pa na maglibot na lang muna siya. Ngayon lang siya nakarating sa ganoong klase ng lugar kaya mas gusto niyang mag enjoy habang hinihintay ang daddy niya.
Kagaya sa ibaba ay malawak rin ang second floor ng sinehan. Wala siyang ibang nakita doon maliban sa malaking pinto na yari sa kahoy at mga lumang pintura at poster na nakatambak sa gilid ng malaking drum na ginawang basurahan. Napakunot noo siya nang mapansin ang tumatagos na liwanag mula sa ilalim ng malaking pinto. May naririnig din siyang mga boses mula sa loob niyon na parang nagmumula sa amplifier.
Narinig niya kanina na sinabi ni mang Tunying sa isang customer na pansamantala munang isasara ang sinehan dahil nga sa pagdating ng daddy niya. Si mang Tonying at ang asawa lang kasi nito ang nag ooperate ng sinehan. Importante pa naman ang sadya ng daddy niya dahil tungkol iyon sa nalalapit na eleksiyon. Sa pagkakaalam niya ay matalik na kaibigan ng kaniyang ama si mang Tonying. Ilang beses pa lang niya itong nakikita pero noon pa man ay madalas na itong mabanggit sa kaniya ng ama.
Ayon sa daddy niya ay hindi masasabing mayaman ang pamilya nila mang Tonying pero dahil sa pagsisikap nito ay nagkaroon ito ng sariling negosyo. Dahil kilala ito sa bayan nila –dahil ito lang ang nagmamay ari ng sinehan sa Mondemar—kaya hiningi ng daddy niya ang tulong nito para sa eleksiyon. Ang balak ng daddy niya at ni tito Joven ay magpaskil ng mga tarpaulin sa labas ng sinehan at magbigay ng libreng sine sa mga tao, sa loob ng limang araw.
Ano bang ginagawa ko dito?
Naiinis na saway ni Gabriel sa sarili. Masyado na siguro talaga siyang nahihilig sa mga paranormal story kaya sa tuwing nakakakita siya ng mga lumang establishment ay ang mga multo ang unang pumapasok sa isip niya.
Dala ng matinding kuryusidad kaya lakas loob na lumapit siya sa pinto. Masyadong mabigat ang kahoy na pinto kaya inipon niya ang lahat ng lakas nang hawakan ang bakal na seradura niyon at saka iyon malakas na itinulak. Naningkit ang mga mata niya nang masilaw siya sa liwanag na nagmumula sa higanteng TV. Marami ring mga upuan doon at maliban sa liwanag sa screen ng TV ay wala na siyang ibang nakita pa. Tatalikod na sana siya at lalabas na nang mapansin sa pinakaunang hilera ng mga upuan ang bulto ng isang nakatalikod na babae. Nangilabot siya nang makita ang mahabang buhok nito. Puti din ang kulay ng damit ng babae at kahit umaalingawngaw sa buong paligid ang malakas na speaker ng TV ay hindi nakaligtas sa pandinig niya ang malakas na paghagulhol nito ng iyak.
White lady ba siya? Pero teka…may white lady ba na umiiyak at nanonood pa ng sine?
Natitigilang tanong niya sa sarili. Nawala ang lahat ng takot niya at mabagal na humakbang palapit sa direksiyon ng babae. Maliit lang ang pagitan sa mga upuan kaya halos isiksik na niya ang sarili para pagkasyahin ang sarili sa pagitan niyon at ng mahabang panel.
“Miss?” untag niya sa babae nang tuluyan siyang makalapit dito. Nakayuko ito at pinupunasan ng likod ng palad ang mga pisngi na basang basa na ng luha.
Cute!
Hindi niya mapigilan na maibulalas sa sarili nang mabagal na mag angat ito ng tingin sa kaniya. Salamat sa liwanag na tumatagos sa direksiyon nila dahil nagawa niyang pagmasdan ang mukha nito. Namilog ang mga mata nito nang makita siya. Tinakpan nito ng palad ang namumulang ilong at nahihiyang nag iwas ng tingin sa kaniya.
“Mondemar ka, 'di ba?” tanong nito sa pagitan ng paghikbi.
Tumango siya at walang pagdadalawang isip na naupo sa tabi nito. Hindi siya nakaramdam ng pagkailang dahil sigurado naman siya na kailangan nito ng kausap. Wala siyang ginagawa ngayon kaya willing siyag makinig sa kung ano man na problema nito.
“Hindi na ako magtataka kung bakit kilala mo ako.”
“May mga kumakalat na poster mo sa lugar natin.”
“Err—” kamuntik na siyang masamid sa sinabi nito.
Alam niya ang tungkol sa poster dahil ang mismong mommy niya ang may pakana niyon. Dahil alam nito na malakas ang hatak nila ng mga kapatid niya sa mga kabataan ay sinamantala iyon ng mommy nila. Kahit ang mga pinsan niyang lalaki ay hindi nakaligtas sa pakulo nito. Kahit labag sa loob nila ay pinagsasayaw sila ng mommy niya sa tuwing may event o may lugar silang dinadayo para mangampanya. Tinutukso na tuloy sila ng iba nilang mga kamag anak dahil pwede na daw silang magtatag ng grupo at palitan ang streetboys.
Medyo masama sa loob niyang sumunod sa utos ng mommy niya dahil wala naman siyang balak na mag artista pero hindi na siya nakatanggi pa dahil nangako ang ina na pagkatapos ng eleksiyon ay makukuha na niya ang bagong cellphone na matagal na niyang inuungot dito. Nuknukan kasi ng kuripot ang ina at kahit graduating na siya sa high school ay ang luma pa nitong cellphone ang ipinapagamit nito sa kaniya.
Napatitig siya sa babae ng muli itong umiyak. Pinigilan niya ang sariling hawiin ang ilang hibla ng buhok na tumatabing sa mga mata nito. Maganda ito. May bilugang mga mata at mahabang pilikmata na bumagay sa maamong mukha nito. Matangos din ang ilong ng babae at ang mga labi ay mapula na parang nilapatan ng lipgloss. Medyo matambok ang mga pisngi nito na gustong gusto na niyang pisilin ngayon habang umiiyak ito.
Napansin niya ang white t-shirt na suot ng babae. Natigilan siya nang makita na may tatak ng pangalan ng school –kung saan siya nag aaral dati— ang bandang harapan ng t-shirt nito. PE uniform pala ang t-shirts na suot nito.
“Schoolmate pala tayo dati?”
Bakit hindi ko man lang siya napansin noon?
Ganoon ba siya kaabala sa ibang bagay para hindi mapansin ang ganito kagandang babae sa dating school na pinapasukan niya? aminado siya na kahit noon pa man ay wala ng ibang nasa isip niya maliban sa football at barkada. Wala siyang pakialam sa ibang bagay dahil sa dalawang bagay na iyon lang nakatuon ang atensiyon niya. Kahit nga ang mga babaeng estudyante na nagpapapansin sa kaniya ay hindi man lang niya magawang tapunan ng tingin.
Natigil sa pag iyak ang babae at nakataas ang isang kilay na tiningnan siya.
“Hindi mo ako kilala kasi hindi naman ako sikat sa school.”
Nakaismid na paliwanag nito. Nahagod niya ang batok. Nabasa ba nito ang nasa isip niya?
“At saka isa pa, library o classroom lang ang tambayan ko kaya imposibleng magtagpo talaga tayo. Maliban na lang siguro kung maisipan mong pumunta ng library para mag aral. Pero sa tingin ko ay magugunaw na muna ang mundo bago mangyari iyon.”
“Wow, ang judgemental mo naman!” bulalas niya. Parang gusto niyang pagsisihan ang plano niya kanina na damayan ito. Masyadong matalim ang dila nito at hindi man lang nito inisip na first meeting nila iyon.
Nagkibit balikat ang babae at muling itinutok ang mga mata sa malaking screen ng TV. Napabuntong hininga siya at ginaya ang ginawa nito.
“Mas gusto kong manood ng sine kapag walang tao dito, mas malaya akong umiyak.” Anito.
“Wait, anak ka ba ni mang Tonying?”
Tumango lang ito at hindi nag abalang lingunin siya.
“Sino ang nag ooperate—”
“Ang kuya Ryan ko, kaya naman niyang mag operate dito sa sinehan kaya lang ay ayaw ni papa dahil masyado pa daw kaming bata para tumulong sa negosyo.” Putol nito sa dapat sana ay itatanong niya.
Sumandal siya sa backrest ng upuan para silipin ang pangalan nito na sigurado siyang nakatatak sa likod ng suot nitong t-shirt.
“Maria Concepcion Clemencio….uh…nice to meet you.”
Napangiwi siya nang muli itong lumingon sa kaniya. Malakas ang dating sa kaniya ng babae kaya hindi niya mapigilan na maintimidate kapag tinitingnan siya nito. Para kasing may kung anong enerhiya ang humihigop sa kaniya sa tuwing magtatagpo ang mga mata nila.
“Huwag kang maingay, nanonood ako. Kilala na kita kaya hindi mo na kailangan pang magpakilala sa akin. Wala namang hindi nakakakilala sa inyo sa buong bayan, 'eh.” Saway nito at muling itinutok ang atensiyon sa panonood.
Napailing na lang siya nang matuklasan na ang “Anak” na pelikula pala ni Vilma Santos ang pinanonood nito. Minsan na niyang napanood ang pelikulang iyon dahil sa reaction paper na project niya sa Filipino subject. Nakakahiya man sabihin pero nadala siya sa mga nakakaiyak na linya sa pelikulang iyon kaya ilang beses din niyang pinanood iyon ng palihim. Nahihiya kasi siyang mapagtawanan ng mga kapatid niya sa oras na matuklasan ng mga ito ang ginawa niya.
“Dahil ba diyan sa pinanonood mo, kaya ka umiiyak?” curious na tanong niya.
“Shhh!” saway na naman nito sa kaniya. Muling bumuhos ang mga luha nito at humagulhol ng malakas. Siguro kung ibang babae lang ang kasama niya ay baka kumaripas na siya ng takbo sa takot na mapagbintangan pa siya ng iba na pinaiyak ito. Pero hindi niya iyon kayang gawin sa babaeng kasama niya ngayon. Para lang siyang napako sa kinauupuan niya at wala sariling pinanood ang pag iyak nito.
Kinusot nito ang mga mata at ilang beses na huminga ng malalim. Immune na siguro siya dahil ilang beses niyang pinanood ang pelikulang iyon kaya hindi na siya masyadong apektado sa mga nakakaiyak na linya ni Vilma Santos. Mas naapektuhan pa siya sa pag iyak ng babae. Kinuha niya ang panyo mula sa bulsa ng maong jeans niya at inabot iyon dito. Gulat na nilingon naman siya nito at nagtatakang tinanggap ang panyo niya. Hindi biro ang ginawa niyang pagtitimpi na abutin ito at haplusin ang ibabaw ng ulo nito.
“Ayokong nakakakita ng babaeng umiiyak, kilala mo naman siguro ang mommy ko, 'di ba? at alam mo rin na pinangangalagaan niya ang mga karapatan ng kapwa niya babae dito sa bayan natin. Kung nandito lang siya at nakita ka niyang umiiyak ngayon habang kasama kita, baka mabatukan pa niya ako.”
“P-pero hindi naman ikaw ang may kasalanan kung bakit ako umiiyak.”
“Kahit na,” giit niya.
Paano naman kasi kita matitiis kung daig mo pa ang batang inagawan ng candy habang umiiyak ka?
Ibinuka nito ang mga labi para magsalita pero pareho silang natigilan nang magsimulang mag ingay ang cellphone niya. Hindi na siya nag abala pang sagutin ang tawag dahil siguradong ang daddy niya iyon. Mabilis na tumayo siya at tumingin sa babae.
“Bye, Maricon, alam kong hindi pa ito ang huli nating pagkikita at sana naman next time hindi na namumugto ang mga mata mo kapag nakita ulit tayo.”
Bumakas ang matinding pagkagulat sa mga mata nito. Kinindatan lang niya ito. Mabilis niyang nahulaan ang palayaw nito dahil nakatatak iyon sa mangas ng t-shirt nito. Hindi na niya hinintay pang sumagot ito dahil kailangan na niyang magmadali bago pa siya masermunan ng daddy niya.
Tumalikod na siya at patakbong umalis na. Nakita niya ang ama sa ground floor at lumabas na ng sinehan. Tatawagin sana niya ito kaya lang ay nauna na itong sumakay ng sasakyan.
Patay!
Nimbusss liparin na niya ang hagdan para lang makababa siya agad. Nakita niya si mang Tonying na ibinalik na ang karatula ng ‘Open’ sign sa tabi ng cashier counter. Kumaway siya sa matandang lalaki at lumabas na ng sinehan.
“Ang panyo mo! Teka lang!”
Natigil siya sa aktong paglapit sa direksiyon ng kotse nang marinig ang pamilyar na boses ng babaeng kausap niya kanina. Mabilis na nilingon niya ito. Hindi niya mapigilan ang biglang pagbilis ng t***k ng puso niya nang makita ang paglapit nito sa kaniya. Kahit namumugto pa ang mga mata ay nakangiti na sa kaniya ang babae.
“Maricon…” hindi niya mapigilang sambitin ang pangalan nito. May pakiramdam kasi niya na kung hindi niya gagawin iyon ay baka sumabog ang puso niya sa matinding emosyon na nararamdaman niya ngayon.
Pero naglaho ang tuwa sa puso niya nang makita ang unti unting pagkawala ng ngiti sa mga labi ni Maricon. Napalitan ng takot ang emosyon sa mga mata nito. Kasabay niyon ay ang malakas na pagbangga ng kung anong bagay sa sasakyan ng daddy niya.
Gimbal na nilingon niya ang sasakyan ng ama. Nakita niya itong wala ng malay sa loob ng kotse at duguan dahil sa pagkakatama ng ulo nito sa manibela. Ilang sandali lang ay bumaba mula sa itim na van –ang sasakyan na siyang bumangga sa kotse ng kaniyang ama—ang limang mga armadong lalaki. Namutla siya nang makita na itinutok ng isa sa mga ito ang hawak na baril sa kaniya.
“Gabriel!”
Naramdaman niya ang pagdampi ng mainit na bagay sa braso niya. Mabilis ang mga sumunod na pangyayari. Hinila siya ni Maricon na para bang balak siya nitong protektahan mula sa mga armadong lalaki. Niyakap siya nito at ipinihit palayo sa mga kalaban pero kasabay niyon ay nakarinig siya ng malakas na putok ng baril.
“Maricon!” napasigaw siya sa takot at pagkabigla ng magkasabay silang bumagsak sa lupa. Nanghina siya nang maramdaman sa mga palad niya ang malagkit na dugo nito nang hagurin niya ang likod nito. Hindi niya mapigilan ang mapaiyak nang mapansin na halos hindi na ito humihinga sa ibabaw niya.
Ipinikit niya ang mga mata at nanginginig ang mga kamay na niyakap si Maricon.
Please… huwag po ninyong hayaan na may mapahamak na iba ng dahil sa paglili0gtas sa akin. Buhayin po ninyo siya. Hindi po kakayanin ng konsensiya ko sa oras na may nangyari sa kaniya ng dahil sa akin.
Niyakap niya ng mahigpit si Maricon at kahit mabigat ito ay pinilit niyang gumalaw para magkapalit sila ng pwesto. Sinalo nito ang bala na dapat sana ay sa kaniya kaya dapat lang na gawin niya ang lahat para maprotektahan ito ngayon.
Sisiguruhin ko na hindi ito ang huling beses na mayayakap kita. Gagawin ko ang lahat para maprotektahan ka. Dahil nang itaya mo ang buhay mo para sa akin ay binigyan mo na rin pagkakataon ang sarili mo na angkinin ang puso ko. Hang on..sweetie, I’ll do anything to protect you…
Malakas na napaubo si Gabriel kasabay nang pagkalat ng matinding sakit sa bandang likod at balikat niya ng dalawang beses siyang barilin ng isa sa mga lalaki. Napaungol siya at tiniis ang matinding sakit na bumabalot sa bawat himaymay niya.8
Nang hindi na niya makayanan ang nararamdaman niyang sakit ay nanghihinang ibinaon niya ang mukha sa balikat ni Maricon.
Alam niyang makakaligtas silang dalawa. Nararamdaman niya iyon. Alam din niya sa sarili niya na sa oras na makaligtas silang dalawa ay magbabago na ang mundo niya.
Si Maricon na ang magiging mundo niya at nakakasiguro siya na bagay na iyon….