Serene
Sapat na ang nangyari ng nagdaang gabi para maging abala sila habang inaasikaso ko ang pag-uusap namin ng abogado at ang paglilipat ng mana sa pangalan ko.
Usap-usapan pa rin sa buong siyudad ang anniversary party. Sinikap nina Enzo at Patt na hindi ako masangkot sa anumang publicity, sa tulong syempre ni Nadine. Gusto ko kasing manatiling misteryosa, at sigurado akong susubukan ni Lorenzo na gamitin 'yon sa kapakinabangan niya.
Pero hayaan ko siyang mag-isip na kaya pa rin niyang agawin ang nararapat sa akin. Maaaring iniisip niyang hawak niya ang sitwasyon dahil wala ni isang media outlet ang nagbanggit sa mga pagkikita namin o sa video na ipinakita ko sa party tungkol kay Mommy.
Ang balita lang? Kung gaano kasaya at matagumpay ang party. Puro papremyo, giveaways, at magagarbong bisita. Lahat ayon sa plano. At iyon lang ang mahalaga.
Pagkaalis ni Alex para pumasok sa trabaho, nagdesisyon akong manatili sa kama. Wala rin naman akong balak lumabas ngayong araw, matapos ang pagod sa paghahanda para sa selebrasyon. Ang mga lalaking iniwan ni Mommy sa kumpanya ay matapat sa akin, sa amin. Alam kong siniguro ng aking ina na may kakampi ako kapag wala na siya.
Walang kahirap-hirap para kay Patt ang maka-access sa mga datos ng kumpanya sa tulong na rin ng mga tauhan na 'yon. At kung sakali mang magkaroon siya ng problema, andiyan si Nadine na laging handang tumulong.
Habang nagba-browse ako sa cellphone, bigla itong nag-ring.
"Ano?" tanong ko, iritado. Ayokong maabala.
"Boss, may appointment ka ngayon sa Aristocracy Restaurant," ani Patt sa kabilang linya.
"Wala akong maalalang pumayag ako sa kahit anong meeting ngayong araw," sagot ko.
"Biglaan ito, pero importante raw. Kailangan mong pumunta," paliwanag niya.
"Anong oras?" tanong ko, bahagyang bumuntong-hininga.
"Alas-singko ng hapon."
Napangiti ako nang bahagya. Buti na lang at hindi pa agad-agad. Gusto ko pang tamarin buong araw. Dahil si Patt na ang nag-check ng detalye ng meeting, hindi ko na kailangang problemahin pa.
"Sige. Paalala mo na lang mamaya," tugon ko bago ibinaba ang tawag. Bumalik ako sa pag-i-stalk sa social media ni Mavie.
Napangisi ako. Wala siyang ni isang post tungkol sa party. Hindi na ako nagtaka, pero hindi ko rin maitago ang kasiyahang nadama ko.
Pagkatapos ni Mavie, sinilip ko ang profile ni Ryan. Tanga talaga ang lalaking 'yon. Akala ko pa naman ay dadalo siya sa party kasama ang bastarda ng aking ama. Mag-jowa na sila noong umalis ako sa mansyon, pero bakit wala siya? Hmm.. ano ba ang pakialam ko sa duwag na 'yon?
Nagpatuloy lang ako sa pag-scroll buong araw, hanggang sa muling tumawag si Patt para ipaalala ang meeting. Bumangon ako at naghanda. Nagsuot ako ng simpleng itim na dress, elegante pero may dating. Gusto ko pa ring panatilihin ang imahe kong hindi basta-basta.
Ang Aristocracy Restaurant ay isa sa mga kilalang kainan para sa mga may kaya, ay mayayaman pala. Fine dining. Tahimik. Seryoso. At, syempre, puno ng kapangyarihan.
Si Enzo ang nagmaneho papunta roon habang si Patt ay tahimik lang sa tabi ko. Pagdating namin, wala nang kulang sa ganda ng lugar. Inaasahan kong makikita ko ang isang kilalang negosyante o politiko.
Pero hindi ko inaasahan ang taong naghihintay sa nakalaang mesa.
Napalipat ang tingin ko kay Patt, pero seryoso lang ang ekspresyon niya. Hindi ko agad pinansin, pero tiyak na sisingilin ko siya mamaya. Hinintay niyang makaupo ako bago siya tuluyang lumayo.
"Saktong-sakto ang dating mo," bati ng lalaking nasa harapan ko.
Si Alex.
Ang asawa ko.
Wala akong kaide-ideya kung anong plano niya at bakit kailangan pang idaan kay Patt ang meeting na 'to. Pwede naman naming pag-usapan ito sa bahay, hindi ba?
Ibinaba ko ang bag sa mesa, saka tumawid ang mga braso ko sa ibabaw ng akin dibdib. Tinitigan ko siya nang matalim.
"Nag-eenjoy ako sa tahimik kong araw sa bahay. Walang balak lumabas. Pero biglang tumawag si Patt, sinabing may meeting ako. Hindi ko alam na ikaw pala 'to," sabi ko, malamig ang tono.
"Tapos ka na ba?" tanong niya, walang emosyon ang mukha.
Sinalubong ko ang tingin niya. Hindi ako magpapatalo. Oo, pinakasalan ko siya, pero hindi ibig sabihin no’n ay kaya na niyang kontrolin ang lahat ng ginagawa ko.
"Bakit tayo nandito?" tanong ko na lang, may diin sa boses.
"Gusto ko lang sanang mag-dinner," sagot niya, kalmado.
Napakunot ang noo ko. Talaga bang pinalabas niya ako ng bahay, pinasuot ng heels, at pinapunta sa isang high-end restaurant para lang... kumain?
"Bago ka pa magalit nang todo," dagdag niya, "alam kong hindi ka papayag kung sasabihin ko lang nang direkta. Kaya dinaan ko na lang sa assistant mo."
Tahimik akong napatingin sa mga mata niya. Mapanganib ang mga ganitong galawan. Hindi ako sanay na ako ang naiisahan.