E5- Change of Mind

2180 Words
Taliwas sa sinabi niya kay Andrew, hindi alam ni Sheena kung saan siya tutuloy pansamantala. Hindi pa siya makapagpasiya. Kumagat na ang dilim at hapo na rin ang kaniyang katawan. Kailangang-kailangan na niyang magpahinga. Kung bakit ba naman nagkataon pang lahat ng hotel na malapit ay nagkataong fully booked na. "Ineng, ayos ka lang ba?" Napalingon siya nang may marinig na boses ng isang babae mula sa kaniyang likuran. "Kanina pa kita tinitingnan. May maitutulong ba ako sa iyo?" tanong pa ng babaeng sa tingin niya ay nasa mahigit kwarenta na ang edad. Ternong itim ang suot nito. Mayroon itong malalaki at mahahabang hikaw sa magkabilang tainga, habang ang mga labi nito'y mapula. Hindi naman ito mukhang propesyonal sa kaniyang paningin. "Naghahanap lang po ako ng matutuluyan," tugon ng dalaga. "Taga saan ka ba?" anang ginang. "Alam mo, hindi lang matutuluyan ang pwede kong ibigay sa iyo. Mabigbigyan din kita ng trabaho. Kailangan mo ba ng trabaho?" Saglit na nag-isip si Sheena. "Ano hong trabaho ang maiaalok ninyo sa akin?" usisa niya. Pinasadahan siya ng tingin ng ginang mula ulo hanggang paa. "Kahit na medyo madungis ka, halatang maganda ka. Maganda rin ang hubog ng katawan mo. Marunong ka bang sumayaw kahit simpleng giling lang?" tanong ng ginang. Halos mawindang siya sa mga sinabi nito. "Ipapasok ho ninyo akong dancer sa club?" deretsa niyang tanong batay sa pagkakaunawa niya sa mga sinabi nito. "Oo sana," tugon ng ginang. "Iyon naman ay kung gusto mo lang. Hindi naman kita pipilitin. Ang akin lang, malaki ang kikitain mo rito. Hindi mo naman kailangang makipag-s*ping sa magiging mga customer mo. Nasa sa iyo pa rin iyon. Pero kung sakaling gusto mo, mas malaki pa ang kikitain mo. Maaaring doble o triple. Depende rin kung gaano kagalante ang customer mo." "Hindi ho ako interesado," tugon ni Sheena. Iniisip niya pa lang, hindi na niya kaya. May malaking pera naman siya. Hindi na niya kailangan ng trabaho. Matutuluyan ang kailangan niya. "Sayang naman, Ineng. Mula rito sa kinatatayuan ko, nararamdaman ko ang potensiyal mo. Alam kong magiging best-seller ka kumbaga sa putahe," wika ng ginang. "Ako si Gina, pero tinatawag akong Mamu ng mga anak-anakan ko. Floor manager ako sa club na pagpapasukan ko sana sa iyo." "Pasensya na po kayo, hindi ho talaga ako interesado," ulit niyang wika. Nagbuntong-hininga ang ginang. May sasabihin pa sana ito sa kaniya, ngunit may lumapit na lalaki rito. "Ikaw ba si Mamu?" tanong ng lalaki sa ginang. Malambot itong kumilos at malumanay magsalita kaya kahit lalaking-lalaki ang porma nito, naamoy ni Sheena na bakla ito. Bahagya lamang siyang dumistansiya sa dalawa dahil may kung anong nagtutulak sa kaniya na makinig sa pag-uusapan ng dalawa. "Oo, ako nga," tugon ng ginang. "Ano'ng sadya mo sa akin?" "Kailangan ko ng pinakamaganda at pinaka-sexy mong alaga. Ang sabi kasi sa akin ng nakausap ko, ikaw ang makapagbibigay sa akin no'n," anang lalaki. "Para saan mo ba kakailanganin ang alaga ko?" "I will organize a bachelor's party for next month. At ako ang nakatokang maghanap ng babaeng sasayaw para sa groom-to-be," tugon ng lalaki. "Simpleng regalo lang daw. Sasayaw lang. Pero kung hihingan ng extra service, bakit naman hindi, 'di ba? Ang swerte ng babaeng ibibigay mo sa akin. Ang nag-iisang Andrew Santillan lang naman ang sasayawan niya." Natakpan ng ginang ang bibig sa narinig na pangalan. Si Sheena naman ay nanlaki ang mga mata. Tama ba ang narinig niya? Andrew Santillan? "Tama ang dinig mo, Mamu!" wika ng lalaki sabay hampas pa sa balikat ng ginang. "Ang hottest at most eligible bachelor in town, ikakasal na. At isa sa mga kaibigan niya ang nakaisip na regaluhan siya ng babae bago siya tuluyang matali sa pag-aasawa." Kumabog ang puso ni Sheena. "Sige, sige!" excited na wika ng ginang. "Ako ang bahala. Ibibigay ko sa iyo ang pinakamaganda at pinaka-sexy kong alaga katulad ng request mo. Paano naman ang hatian natin?" "Syempre, fifty percent ang mapupunta sa alaga mo. Tayong dalawa ay maghahati sa natira. Hindi biro itong customer natin. Siguradong tiba-tiba tayo," tugon ng lalaki. "Lugi naman yata ako niyan. Alaga ko ang ibibigay ko sa iyo," angal ng ginang. Umikot ang mga mata ng lalaki. "Kausapin mo na lang ang alaga mo. Malay mo, bahaginan ka pa niya sa kaniyang parte. Hindi ako papayag na hindi ko makuha ang inaasahan kong parte. Hindi ka rin naman magkakaroon ng first-class na customer kung hindi kita nilapitan," anito. Napabuntong-hininga ang ginang. "Sige na nga," anito. Naglaho na sa hangin ang iba pang usapan ng dalawa dahil napalalim ang pag-iisip ni Sheena. Hindi niya namalayan nang maghiwalay na ang landas ng ginang at ng lalaki. Nang bumalik siya sa reyalidad ay nanlaki ang mga mata niya nang mapagtantong nakalayo na ang ginang. Dali-dali niya itong hinabol habang tinatawag ito. Humahangos siya nang maabutan niya ito. "Nagbago ho ang isip ko. Kailangan ko pala ng trabaho," wika niya sa ginang. Napangiti ang ginang. Sinisuwerte yata siya sa gabing iyon. Para sa kaniya ang dalaga ay isang malaking isda. "SINO SIYA, MAMU?" tanong ng isang magandang babae na may maputlang balat at balingkinitang katawan nang pumasok si Sheena sa club na tinutukoy sa kaniya ni Mamu. Halos lahat ng mata ay nakatutok sa kaniya. "Ano nga ang pangalan mo, Ineng?" tanong ng ginang kay Sheena. "Nakalimutan kong itanong kanina." Napalunok si Sheena. Alam niya ang kalakaran sa ganitong mga lugar dahil madalas siyang naghahatid ng mga kontrabando sa mga lugar na katulad nito noong nagtatrabaho pa siya kay Rambo. Walang isa man sa loob ng kwartong iyon ang nagtataglay ng totoong pagkakakilanlan. Lahat nagtatago sa pekeng pangalan. "Erika po," tugon niya. Iyon ang unang pangalan na pumasok sa kaniyang isip. Hindi niya alam kung bakit. "Iyan ba ang itatawag naming lahat sa iyo? Erika?" usisa ni Mamu. "Opo." Tinipon ni Mamu ang lahat ng mga alaga niya upang ipakilala siya. Huling-huli ni Sheena ang pagtataas ng kilay ng ilan sa mga ito. "Ano siya rito, tagahugas ng pinggan?" tanong ulit ng babaeng maputla ang balat na tinatawag na Arumi. Nasa tono ng boses nito ang pang-uuyam. Tumaas ang kilay ni Sheena. Ni minsan, hindi niya hinayaang insultuhin siya ng kahit na sino. "Ako ang bagong alaga ni Mamu," nakangiti niyang tugon. Kitang-kita niya ang disappointment sa mukha ni Arumi. "Alaga?" paungot na wika ni Arumi. Mula ulo hanggang paa ay tiningnan nito si Sheena. "Ikaw? Sigurado ka? Kasi kung ako ang tatanungin, sa tingin ko, mukhang mas bagay ka sa harap ng lababo." Tumaas muli ang kilay nito kasabay ng paghahalukipkip. "Arumi!" saway ni Mamu rito. "Simula sa araw na ito, makakasama na ninyo si Erika. Pakisamahan ninyo siya nang maayos." "Sure, Mamu," tugon ni Arumi. "Wala namang kaso sa amin." Nagbaling ito sa mga kasama. "'Di ba, girls?" Nagsitanguan ang mga ito. "As if naman threat siya sa amin. Hindi naman siya makakaapekto sa kita namin. Swerte nga niya kung may customer na mag-aksaya sa kaniya ng panahon. Duda ko lang." Nagtaas ito ng noo. Ngumiti lang si Sheena dahil alam niyang maaasar si Arumi do'n. Inihatid ni Mamu si Sheena sa magiging kwarto nito. Naabutan niya sa kwarto ang isang babae. "Si Roxy ang magiging roommate mo," wika ni Mamu sa kaniya. "Mabait iyan. Huwag mo na lang pansinin sina Arumi at ang mga kaibigan niya. Sadyang gano'n lang ang mga iyon. Masasanay ka na lang." "Huwag ho kayong mag-alala sa akin, Mamu. Sanay ako sa mga kagaya niya. Basta hanggang salita lang siya. Dahil kapag ako kinanti niya kahit gamit lang ang dulo ng kaniyang daliri, makikita niya ang hinahanap niya." "Hangga't maaari, ayaw ko ng gulo, Erika," tugon ni Mamu. "Gusto ko magkasundo kayong lahat." "Susubukan ko ho, Mamu. Basta kahit ano'ng mangyari, wala akong sisimulang gulo." Napabuntong-hininga na lang si Mamu. "Siya nga pala, bakit nagbago ang isip mo?" anito. Si Sheena naman ang napabuntong-hininga. "Nakakatukso ho ang offer ninyo," tugon niya. "Sayang naman kung palalagpasin ko." "Tama ang desisyon mo. Dito, hindi ka lang maarte, kikita ka ng malaki. Galingan mo lang ang pakikisama sa customer mo, gagaan ang iyong buhay. Ano, marunong ka bang sumayaw? Kaya mo bang maghubad?" Napalunok si Sheena sa huling tinuran ni Mamu. Birhen pa siya at ni minsan ay wala pang ibang taong nakakita sa hubad niyang katawan. "Noong nag-aaral pa po ako, member ho ako ng dance group, kaya marunong ho akong sumayaw. Pwede naman hong hindi maghubad habang sumasayaw, 'di ho ba?" tugon niya. Napakamot sa batok si Mamu. "May mga customer na agresibo at nagagalit kapag hindi mo pinagbigyan ang hiling nila na maghubad ka para sa kanila. Kami ang sasalo sa galit nila. Kaya hangga't maaari, sana kaya mong maghubad," anito. Bumilis ang t***k ng puso ni Sheena. Sanay siyang magsuot ng panlalaking mga kasuotan, tapos biglang kailangan niyang maghubad? "Magsimula ka sa pagsusuot ng two-piece. Hanggang sa kaya mo nang mag-alis ng pang-itaas. Hanggang sa kaya mo nang hubarin lahat. Hanggang sa masanay ka na. Isipin mong kaya mo, Erica. Kung tunay kang gipit, kakapit ka sa patalim. Hindi mo naman ito ikamamatay." "Gipit na gipit ho talaga ako, Mamu. Gagawin ko ang lahat para magkaroon ako ng pera. Alam kong wala akong karapatan na magbigay ng kondisyon dahil baguhan lang ako, pero maghuhubad lang ho ako kung ako ang ibibigay ninyong babae sa lalaking kausap ninyo kanina," wika ni Sheena. Nagsalubong ang mga kilay ni Mamu. "Pasensya na po kayo kung nakinig ako sa usapan ninyo kanina. Pero narinig kong malaking tao ang customer ninyo. Iyong si Andrew Santillan ho ba iyon?" aniya pa. "Oo," tugon ni Mamu. "Anak siya ng isa sa pinakamayayamang negosyante sa bansa. Marami siyang pag-aaring negosyo. Malalaking tao rin ang mga kaibigan niya kaya siguradong malaking pera ang kikitain ng club." Kinuha ni Sheena ang kamay ni Mamu. "Ako ho ang ibigay ninyo sa kanila," pakiusap niya. Napayuko si Mamu. "Pero baguhan ka pa lang, Erika. Ni hindi mo nga kayang maghubad. Ang kailangan ng kliyente ko—" "Pinakamaganda at pinaka-sexy ninyong alaga. Tama ho ba?" putol ni Sheena sa sinasabi nito. "Kailangan ko lang ho ng ligo at ng damit, Mamu." Gusto niyang matawa sa kaniyang sinabi. "Pero..." "Pero ano ho, Mamu? Maliban sa maganda at sexy, kailangan ninyo ng pinakamagaling gumiling?" Humugot ng hangin si Sheena sa kaniyang baga at ibinuga iyon. "Papatunayan ko ho ang aking sarili sa inyo. Papatunayan kong ako ang karapat-dapat na ibigay ninyo kay Andrew Santillan." "Kaya mo na bang maghubad?" Sunud-sunod ang malalim na paghinga ng dalaga. "Kakayanin ko ho," tugon niya. Tumango si Mamu. "Sige, bibigyan kita ng pagkakataon na patunayan ang sarili mo. Hindi pwedeng hindi ako maging patas sa iba kong mga alaga lalo na at matagal na sila sa akin. Nandiyan si Arumi. Nakita mo naman siya. Kagaya niya ang kailangan ko. Nasa kaniya ang lahat ng katangian na hinahanap ko. Marami ang maganda ang mukha at hubog ng katawan, pero hindi lahat kasing pusok at agresibo niya. Iyon ang kailangan ko. Maibibigay mo ba iyon sa akin?" "Hayaan ninyo akong isurpresa kayo," tugon ni Sheena. Tumango lang si Mamu at iniwan na siya nito. "Hindi papayag si Arumi," wika ni Roxy. Napalingon si Sheena rito. "Wala pang nagtangkang banggain siya. Kung ako sa iyo, ngayon pa lang umatras ka na sa plano mo. Gagawin niyang impyerno ang buhay mo rito sa club." Umupo si Sheena sa kaniyang higaan sa harap ng higaan ni Roxy. "Sino ba siya?" aniya. "Dancer lang din naman siya, 'di ba? Isang Magdalena kagaya ng lahat ng babaeng nandito." "Hindi lang siya basta Magdalena. Ito na ang kinamulatan niyang hanapbuhay. Iba ang dedikasyon niya sa larangang ito," tugon ni Roxy. "Huwag mo sanang masamain ang sinasabi ko sa iyo. Ayaw ko lang mapahamak ka." "Huwag kang mag-alala sa akin. Hindi ako natatakot sa kaniya. Mas marami akong nakakatakot na karanasan sa buhay. Mas marami akong nakilalang mas nakakatakot. Kung ang pagiging mataray lang niya ang kaya niyang ipagmalaki, maliit na bagay lang iyon para sa akin. Wala pa iyon sa kahalangan ng bituka ng mga hayop na nagkatawang-taong mga nakilala ko." Napaawang ang mga labi ni Roxy. Naramdaman nito na hindi basta-bastang babae si Sheena o Erika sa pagkakakilala nito. "Kung gano'n, dumating na pala ang katapat ni Arumi." Napangiti ito. "Buti naman kung gano'n. Sawang-sawa na rin ako sa pagrereyna-reynahan niya rito." Ngumiti ito. Napangiti rin si Sheena. "Takot kayo ro'n?" aniya. "Sus! Ako ang bahala ro'n." Kinindatan niya si Roxy. Mukha ngang mabait ito kagaya ng sabi ni Mamu. Pakiramdam niya ay makakasundo niya ito. Nagpahinga na muna siya upang makabawi ng lakas. Sa totoo lang ay hindi niya alam ang kaniyang pinasok. Iniisip niya pa rin ang mga kailangan niyang gawin para masigurong siya ang ibibigay na babae ni Mamu kay Andrew Santillan. Nakabuo na kaagad siya ng plano at kailangang maisakatuparan niya iyon. Tinanong niya ang kaniyang sarili kung kaya niyang isakripisyo ang kaluluwa niya alang-alang sa paghihiganti para sa kaniyang nasirang ate. At ang sagot niya ay "oo". Kung iyon lang ang tanging paraan para nakamtan niya ang hustisya para kay Cielo, handa siyang ibenta ang kaniyang kaluluwa kay Satanas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD