THE ENCOUNTER
ALEX' POV
"Aling Selma, isang Safeguard pink nga tsaka Palmolive green."
"Oh Alex, ikaw pala. May pambili ka na ng sabon at shampoo ah. Siguro naman magbabayad ka na ng mga utang mo? Nako, balak mo pa yatang paabutin ng sampung libo."
Napakamot na lang ako ng ulo, at ngumiti ng alanganin.
"Aling Selma, bakit blooming ka ngayon? Lalo kang gumaganda ah. Big-"
"Nako Alexandrite, di mo na ako madadaan sa pang-uuto mo ah. Ikaw talagang bata ka." Putol nito sa sinasabi ko sabay abot ng sabon at shampoo.
"Alex nga ho kasi Aling Selma, babaeng babae naman yan eh."
Inabutan ko siya ng bente pesos.
"Keep the change Aling Selma, pakibawas na lang sa utang ko."
Hindi pa ako masiyadong nakakalayo nang bigla itong sumigaw.
"1,588 na lang utang mo! Salamat sa dalawang piso mong sukli!"
Napailing na lang ako sa lakas ng boses nito. Kapag tsismosa ka nga naman talaga oh.
Habang naglalakad ay pinagmamasdan ko ang paligid. May mga batang nagtatakbuhan, naghahampasan ng tsinelas, nagtatawanan. Mga tambay na nag-iinuman. Mga nanay na nagsusugal habang nagpapasuso ng anak. May nagkukutuhan sa tapat ng bahay nila. At kung anu-ano pa.
Ito ang buhay na kinalakihan ko. Mahirap, pero masaya.
"Uy Alex! Yung pinaigib mo doon, puno na. Pinabantayan ko na lang kay Amby nagmamadali ako eh."
"Salamat ho Mang Kanor, dabest ka talaga!"
Dumiretso na ako sa posohan para kunin yung dalawang timba na pinaigib ko.
"Alex mahlabs! Ito na yung tubig mo oh, saan ko ba ito dadalhin?"
"Tigila mo nga yang kaka-mahlabs mo! Paduguin ko nguso mo diyan eh! Ako nang bahala dito, bumalik ka na don sa mga kainuman mo."
"Wala ba akong kiss diyan? Kahit isang dampi lang, pasasalamat lang oh."
"Ito gusto mong dumampi sa nguso mo?" Inangat ko ang kamao ko sa pagmumukha niya. "Alis na diyan!"
Binuhat ko na ang dalawang timba ng sabay.
"Kiss lang eh." Nakabusangot na saad nito.
"Umalis ka-"
"ALEEEEEEEEEEX!"
Napalingon ang lahat ng tao na nasa labas sa pinanggalingan ng sigaw.
"Anong tinitingin tingin niyo diyan?! Kayo ba si Alex?!" Bulyaw nito sa mga nakikiusyoso.
"Hoy Tasing! Ang ingay-ingay na naman ng bunganga mong yan!"
"Hoy Ambrosio! Anastasia ang pangalan ko! At wala kang pake kung maingay ako! Lumayas ka nga dito, pinepeste mo na naman si Alex eh!"
Hindi ko na sila pinansin, at naglakad na. Puro bangayan talaga ang nagaganap kapag nagkikita o nagkakasalubong sila.
"Alex sandali! May chika ako!"
Hindi ako tumigil sa paglalakad dahil ramdam kong sumunod siya.
"Ano na naman yan Tasing?"
"Ang baho talaga ng palayaw ko nyeta. Anyway highway, naalala mo ba si Gabo? Yung kalaro natin nila Ambrosio lagi noong mga bata pa tayo?"
"Yung lampayatot na uhugin? Oh anong meron sa kanya? Diba nasa ampunan yon?"
"Nako yun nga! Ang alam ko rin nasa ampunan siya, pero kanina nakita ko siya sa peysbuk, aba model na! Kakauwi niya lang galing Australia. Biruin mong sinuwerte yon."
'Mabuti pa siya, maginhawa na ang buhay.'
"Edi mabuti sa kanya. Natupad niya na yung pangarap niyang maging modelo."
"Kaya nga eh. Pareho naming pangarap maging modelo noon, pero ito ako nagtitinda lang sa palengke ng karne. Buti pa si Gabo, natupad na niya, ako gusgusing palengkera pa rin."
Kahit hindi ko siya lingunin, bakas sa tono ng pananalita niya yung lungkot.
"Baka sadyang hindi lang talaga siguro para sayo ang pagmomodelo, malay mo sa ibang aspeto ka sumikat." Pagpapagaan ko sa loob niya.
"Saang aspeto naman aber? Isang babaeng pinakamaingay sa palengke? Hay nako."
Binaba ko ang bitbit kong mga balde at humarap sa kanya.
"Alam mo Tasing, wag ka lang mawalan ng pag-asa at ng tiwala sa sarili mo. For sure, dadating din yung swerte mo."
"Sana nga Lex."
"Bakit nga pala nandito ka pa? Hindi ka ba magtitinda?" Pag-iiba ko ng usapan.
"Ay oo nga pala, oh ito."
May inabot siya sa akin na isang piraso ng papel.
"Yan yung address ng pinagtatrabahuhan ni Gabo."
Star Entertainment
"Nakita ko kasing naghahanap sila ng mga PA, eh saktong naalala kong naghahanap ka ng bagong raket."
"Salamat Tasing, didiretso na ako dito baka sakaling palarin."
"Oo, go ka na. Gusto ko sanang sumama eh, kaso ako ang bantay sa palengke ngayon. Kaya balitaan mo na lang ako pag-uwi mo."
"Oh sige, salamat ulit. Balitaan kita."
Naglakad na paalis si Tasing, kaya binuhat ko na ulit yung mga balde at naglakad na.
-----
Pagkatapos kong maligo ay dumiretso ako dito sa pisonet, nalimutan ko kasing itanong kay Tasing yung nga requirements kaya isesearch ko na lang.
Star Entertainment
Pag-enter ko ay puro mga litrato ang lumabas, hindi pamilyar sakin yung mga mukha nila dahil wala naman akong TV sa bahay. Isang radyong depukpok lang ang meron ako, pero sigurado akong mga artista ito na hawak ng Star Entertainment. Nagsimula na akong magscroll at hinanap yung pakay ko.
STAR ENTERTAINMENT:
JOB HIRING!
The Star Entertainment is looking for personal assistants. Have long patience and hardworking. Graduate or not we will accept you, as long as you will do your job very well.
Requirements:
- Biodata
- Valid ID
- 4 2x2 pictures
Time: 9:00 AM to 7:00 PM
Call; 09978654321 or look for Stephanie Reyes for more details.
Hindi na ako nag-aksaya ng oras, agad akong tumayo, di ko na hinintay matapos yung oras ko. Bumalik ako sa bahay para kumuha ng biodata at 2x2 pictures.
Marami akong reserba ng biodata na may mga sagot na at pictures dito, kasi halos araw-araw akong nag-aapply ng trabaho. Di ako tumitigil hangga't walang tumatanggap sakin. Niroll ko na yung biodata at nilagay sa pitaka yung pictures.
Paglabas ko ng bahay ay dumiretso ako kina Tatay Berto, tatay ni Amby. Isa siyang tricycle driver. Nasanay na akong tawagin siyang tatay dahil lumaki akong walang ama. Sa kanya na lang ako sasakay, para hindi na ako maghihintay ng matagal sa rotonda.
"Tay busy ka ba? Pahatid naman, nagmamadali kasi ako eh."
"Saan ba ang punta mo?"
"Mag-aapply po ng trabaho doon sa Star Entertainment bilang personal assistant, nirekomenda ni Tasing sakin. Magbabakasali lang ako."
"Malapit lang pala, oh sige hintayin mo na lang ako doon sa may kanto. Ipapahanda ko lang kay Ambrosio yung tricycle."
"Sige Tay, tignan na lang kita don."
-----
Nandito na ako ngayon sa harap ng isang malaki at mataas na gusali.
STAR ENTERTAINMENT
Lumapit ako sa guard na nagbabantay.
"Excuse me po Kuyang Guard, pwedeng magtanong?"
"Mag-aapply ka rin ba?" tanong niya.
"Opo."
"Sakay ka diyan sa elevator sa bandang kaliwa, 8th floor. Kapag may nakita kang mahabang pila, ayun na yon."
"Sige Kuyang Guard, salamat."
"Goodluck, marami-raming applicants."
"Salamat po."
Pagpasok ko sa loob ay mas namangha ako. Napakakintab ng sahig, pwede ka nang manalamin. Ang ganda rin ng nga muwebles na nakadisplay. May mga nakahilera ring mga larawan ng iba't ibang tao sa dingding, mga sikat 'to panigurado.
Tumigil ako sa harap ng elevator. Ganito pala ang itsura ng elevator sa malapitan. Nagdadalawang isip pa ako kung papasok ako. Hindi ko kasi alam kung paano sumakay dito, dahil maski sa elevator ng mall ay hindi pa ako nakasakay.
Nagulat ako nang biglang bumukas ang elevator, wala namang tao. Sa huli ay pumasok na ako, na may kaba.
"Ano bang gagamitin para sumara?"
Wala pa akong ginagawa ay unti-unti na itong sumara ang pinto, pero bago tuluyang sumara ay may isang braso ang humarang para bumukas ulit.
Isang lalaking halatang nagmamadali ang pumasok. Gulo-gulo pa ang buhok niya, halatang hindi pa nagsuklay. Ayos siya nang ayos ng kwelyo niya at panay ang tingin sa pambisig niyang orasan. Hindi ko na namalayan ang pagsara ng elevator.
"Miss anong floor ka?"
Ang kinis ng balat niya, halatang laki sa aircon.
"Miss?"
Bumalik ang ulirat ko nang tumunog ang keypad kong selpon. Dali-dali ko itong kinuha sa bag ko.
"Miss anong floor ka?"
"H-ha? A-ah, 8th f-floor."
P*ta?! Bakit nauutal ako?!
Mabilis kong sinagot ang tawag, nakita kong si Tasing ang caller.
"Hello?"
["Oy Alex! Ano? Kamusta ang pag-aapply?" ]
"Paakyat pa lang ako."
["Nako paniguradong matatanggap ka, swerte mo marami kang makakasalamuhang gwapo diyan! Kapag lalaki amo mo, bigay mo sakin yung number ah."]
"Nako Tasing! Tumigil ka nga, puro ka talaga kalandian eh. Mamaya hampasin ka na naman ni Nanay Esme ng gulay diyan kapag narinig ka."
Malakas na halakhak lang ang sagot nito.
"Sige na, babalitaan na lang kita mamaya. Diretso ako diyan sa palengke pag-uwi ko."
["Wag mong kalimutan yung number ng amo mo ah!"]
"Ul*l!"
Tawa pa rin ito ng tawa sa kabilang linya, kaya pinatay ko na.
Nagulat naman ako nang makita kong nakatingin sakin yung lalaki. Nakakailang.
"Have we met before?"
Ay chickboy 'to! Ganyan yung mga linyahan ng mga babaero sa napapanood ka doon sa TV nila Tasing eh.
"Nako bulok na yang style mo. Napanood ko na yan sa mga-"
"Alex?"
"Ha?"
"Is that you Alexandrite?"
Kilala niya ako?!
"Paano mo nalaman ang pangalan ko?"
Nagtaka naman ako nang bigla itong tumawa ng bahagya.
"Eh? Baliw ka na ya-"
Nagulat ako nang hilain niya ako palapit sa kanya at niyakap.
"Namiss kita Alex!"
Tinulak ko naman ito ng marahan, nagtataka pa rin ako sa nangyayari.
"Sino ka ba?"
"Ako 'to!"
"Sino nga?! Mukha ba akong manghuhula?!"
Bigla naman itong humalakhak ng malakas.
"Ako 'to, si Gabo."
Gabo?!
"P-p*ta? Gabo?!"
Nanlaki ang mata ko, sobrang layo kasi ng itsura niya mula noong dinala siya sa ampunan. Nginitian lang ako nito at kinindatan.
"T*ngna, laki ng pinagbago mo! Hindi ka na yung dugyuting bata na may dala laging sako."
"Sinwerte sa nag-ampon eh, ang yaman."
"Totoo nga yung tsismis ni Tasing, model ka na."
"Yeah, there are some students sa Australia who ask me to be the model for their school project. Then, someone discover me and the rest is history. So, ikaw kamusta? Anong ginagawa mo dito?"
"Mag-aapply akong personal assistant, baka sakaling palarin."
"That's nice, I badly need one. Sana ikaw ang makuha ng manager ko."
"Nako kapag ako ang naging PA mo, dapat mataas sahod ko ah."
Natawa na lang kaming pareho. Marami pa kaming napagkwentuhan, yung naging pamumuhay niya sa puder ng mga umampon sa kanya.
Biglaan ang pagpunta niya sa Australia. Nagkaproblema raw kasi ang negosyo ng magulang niya doon kaya kailangan nilang puntahan, at sinama siya kaya doon na siya pinag-aral. At ito na siya ngayon, asensado na.
Napatigil ang usapan namin nang biglang tumunog ang elevator at bumukas.
"Text text na lang ah, I'll treat you next time. Isama mo si Tasing at Amby. Goodluck sa pag-aapply mo."
Hindi na ako nito hinintay sumagot at mabilis na lumabas. Napangiti naman ako, masaya ako kasi kahit papaano may isang guminhawa ang buhay sa aming apat.
-----
Pagtungtong ko sa 8th floor, tama nga si Kuyang Guard. Ang daming applicants, karamihan mga babae. Pumwesto na ako sa dulo ng pila, mahaba-habang hintayan 'to. Nilabas ko ang selpon kong basag ang screen at ang headset ko na puro scotch tape.
"I know your eyes in the morning sun~
I feel you touch me in the pouring rain~"
Pinikit ko ang mata ko at sinabayan ang kanta.
"And the moment that you wander far from me, I wanna feel you in my arms again~"
Sumabay na rin ang paa ko sa ritmo ng kanta.
"And you come to me on a summer breeze.
Keep me warm in your love, then you softly leave, and it's me you need to show~"
"How deep-"
"Miss!"
Napatigil ako sa pagkanta nang may nagtanggal ng headset ko sa tenga. Pagdilat ko ay halos ibaon ko ang sarili ko sa kinauupuan ko. Halos lahat ay nakatingin sakin. Nakakahiya!
Mahina lang naman pagkanta ko ah!
"Mali ka yata ng napilahan, pila 'to para sa mag-aapply bilang PA. Hindi audition for singing contest." Ani ng katabi ko na natatawa pa rin.
"P-pasensiya na."
"Okay lang, ang sarap ngang pakinggan ng boses mo eh. Bakit di ka mag-audition dito? Naghahanap sila ng mga singers."
"N-nako, hindi naman ganon kaganda yung boses ko eh."
"Anong hindi? Ang ganda kaya, ayaw nga sana kitang patigilin kaso ang dami nang nakatingin sayo eh."
"At isa pa, wala akong lakas ng loob kumanta sa harap ng maraming tao."
"Sayang talent mo girl."
Nginitian ko na lang siya bilang sagot.
Marami pa kaming napag-usapan tungkol sa Star Entertainment. Kung paano nagsimula st umusbong. Nung nalaman niya raw na nangangailangan ng PA ay agad siyang pumunta rito, sobrang fan daw kasi siya kaya hindi niya pinalampas.
-----
Halos isang oras na kaming nagkekwentuhan ni Mary, kung saan saan na rin napupunta ang usapan namin. Malapit na rin kaming tawagin ni Mary, dalawa na lang yung nasa harap niya.
"Kyaaaaaaaah!"
Napalingon ang karamihan sa kalalabas lang na babae na nagtititili.
"Natanggap ka ba?" Tanong ng babaeng lumapit sa babaeng biglang tumili.
"Hindi." Masayang sambit nito.
Hindi ka na nga natanggap, masaya ka pa.
"Eh bakit ang saya mo?"
"Nakita ko si ILY! Nasa loob si ILY! Kyaaaaaah!"
Nagsitilaan din yung ibang mga babaeng nakarinig, lalo na itong katabi ko.
"Owemji! Narinig mo 'yon?! Si ILY raw nasa loob! OWEMJIIIIII!"
ILY? As in I love you? Sino ba yung ILY na 'yon? At para silang mga uod na binudburan ng asin, mga hindi mapakali.
"Girl, okay lang ba yung make up ko? Hindi ba kumalat? Nakakahiya kay Isaiah kung hindi ako maganda!"
"Sino ba yung ILY na yon?"
Natigilan naman si Mary sa tanong ko.
"Saang planeta ka ba nakatira at hindi mo kilala si ILY?! Sikat siya internationally girl!"
Malay ko ba sa ILY na yon, wala naman akong TV sa bahay. Tsaka hindi ko naririnig sa radyo yung pangalan niya.
"Next!"
"Ako na, ako na!" Hysterical na sigaw ni Mary.
"Goodluck."
Maarte itong naglakad papasok sa loob. Ang weirdo ng mga 'to.
Hindi ko na lang sila pinansin at inihanda ang nga requirements ko. Ako na ang susunod.
Wala pang sampung minuto ay lumabas na agad si Mary.
Ang bilis naman?
Nakangiti siyang lumapit sa akin.
"Natanggap ka ba? Ang saya mo eh."
"Hindi." Sagot niya, pero nakangiti pa rin na parang baliw.
"Eh bakit ka—"
"Next!"
Hindi ko na natapos ang itatanong ko kay Mary nang sumigaw na yung nagtatawag. Ako na.
Tumayo na ako at hindi na pinansin si Mary na nakangiti pa rin na sobrang weird.
Pagpasok ko sa loob ay may limang taong nakaupo. Yung apat nasa iisang lamesa, sila siguro yung mag-iinterview ng mga applicants. Yung isa naman, nasa likod nila. Naka-shades ito ay nakayuko, mukhang natutulog.
Yung totoo? Pumunta ba siya dito para matulog lang?
"Magandang araw po." Bati ko sa kanila.
"Good day, have a seat."
Umupo ako sa harap nila at inabot ang requirements. Binasa nila yon isa-isa bago sila nagbato ng mga tanong.
"Alexandrite Tanzania Castro, 22 years old. Highschool graduate."
Tinignan ko lang sila habang binabasa yung biodata ko.
"What was your former job?" Tanong nang babaeng nakapusod ang buhok na nasa pangalawa, bandang kaliwa. Mukhang kaedad ko lang siya.
"Ahm, wala po akong permanenteng trabaho. Rumaraket lang ako sa mga gotohan, sa pagbabarker, minsan po naglalabada rin. Pero po bago 'yon nagtatrabaho ako bilang isang kasambahay."
"Then bakit ka naalis bilang kasambahay?"
"Nagmigrate po kasi yung pamilya ng pinagtrabahuhan ko sa Canada."
"Do you have any idea kung anong klaseng trabaho ang gagawin ng isang personal assistant?"
"Opo."
"Bigyan mo kami ng mga ginagawa ng isang personal assistant."
"Nakasunod palagi sa amo, naghahanda ng mga susuotin, ng pagkain, at marami pa ho."
Tumangu-tango naman sila na pawang nagustuhan ang sagot ko.
"How did you get here?"
'Naglakad.' sagot ko sa isip ko. Alangan namang gumapang ako papunta dito diba?
"Uhm, nirekomenda lang po sakin ng kaibigan ko."
"Who's your favorite singer?" Tanong ng babaeng nasa dulo bandang kanan.
Ano 'to, slambook? Bakit may ganon pang tanong?
"S-si Taylor Swift po."
Lagi kong pinapakinggan sa YouTube ang nga kanta ni Taylor Swift kapag pumupunta ako ng pisonet.
"How about actor?" Tanong naman ng babaeng nakapusod na pangalawa sa bandang kaliwa.
'Pati ba naman yon?'
"Si Jackie Chan po." Sagot ko.
Si Jackie Chan lang naman kasi yung lagi kong napapanood kanila Tasing kaya paborito ko siya.
"How about model?" Tanong ng lalaking napapagginaan ng dalawang babae.
Putakte! Wala akong kilalang mga model!
"W-wala po akong kilalang mga model eh."
"Kahit dito sa Pilipinas?"
"Opo."
Saglit silang natahimik at nagsulat ng kung ano sa mga papel nila.
"Paano kami makakasigurado na hindi pagiging fangirl ang dahilan ng pag-aapply mo dito sa Star Entertainment?"
Mukha ba akong fangirl?! Si Gabo nga lang kilala ko dito na model, na kanina ko lang din nalaman.
"Wala po akong kilalang mga artista mula sa Star Entertainment."
"Sigurado ka?"
"Opo, di ko nga po alam kung sino sa inyo yung ILY na binabanggit ng mga nakapila sa labas eh." Tapat na sagot ko at turo sa dalawang lalaki.
Natigilan naman ang apat na nasa harap ko na parang hindi makapaniwala sa sinabi ko. Bahagya namang gumalaw yung lalaki sa likod.
"H-hindi mo k-kilala si ILY? Isaiah Lynx Ybañez."
"Hindi po talaga eh. Hindi ko naman po kasi naririnig ang pangalan niya sa radyo. No offense po." Magalang na sagot ko.
Bakas pa rin ang gulat sa mga mukha nila.
Problema ng mga 'to? Nagsasabi lang ako ng totoo eh.
"Okay Miss Castro. We will call you right away if—"
"Hire her."
Lalo namang nagulat ang apat sa sinabi ng lalaki sa likod.
Akala ko natutulog 'to.
Tumayo ito at naglakad papuntang pintuan. Naputol ang pagbukas niya ng pinto nang magsalita ang isa sa nga apat.
"P-pardon Mr. Ybañez?"
"I want her." Ulit ng lalaki at tuluyan nang lumabas.
Sino ba yon at ang OA ng apat na 'to? Siya ba ang may-ari ng Star Entertainment?
-----------
You've done this chapter. Thank you for reading!
@EdgeOfLine