“Okay! Truth or dare, Cath?" I squint my eyes at Anthony. Kasali nga ako sa laro nila.
“Truth na lang." Napadaing sila nang marinig ang sagot ko. I guess they're expecting a dare from me. Sorry pero baka ano pa ang ipagawa n’yo sa 'kin.
“Okay, ilang taon ka na?" tanong ni Anthony saka uminom ng beer. Siya ang napili ng lahat na magtanong sa 'kin.
"I'm 28 years old." Naibuga niya ang iniinom nang marinig ang sagot ko. Sinuyod ko ng tingin ang mga kaibigan ni Chase and they're all looking at me with disbelief. May mali ba sa sinabi ko?
Nagpunas ng labi si Anthony gamit ang tissue na inabot sa kanya ni Ben saka ako nilingon. Nakaguhit sa mukha niya ang pagdududa na para bang hindi siya kumbinsido sa edad ko. Napabuntonghininga ako.
"Seryoso. Twenty-eight years old na ako," wika ko ulit.
Napahawak na si Anthony sa bibig niya sabay bato sa 'kin ng tingin na ba't-ang-unfair-ng-mundo. Hindi ko na napigilan na matawa. Napailing na lang ako sa kanya at ininom na ang orange juice ko. Their reactions are priceless.
"F*ck. Akala ko talaga ka-edad ka lang namin." Ako naman ngayon ang napabuga ng ininom ko at diretso lang naman sa mukha ni Georgia ang tama nito. Oh, s**t.
Sandali niya akong tinitigan ng masama at agad din naman siyang ngumiti. Walang hiya naman kasi 'tong si Anthony. Kung ano-ano ang pinagsasabi!
"Oh, gosh. I'm so sorry." Inabutan ko ng tissue si Georgia na tinanggap niya naman. I feel awful.
Si Chase naman na nakaupo sa tabi ko, walang pakiramdam sa mga nangyayari. As in ang insensitive ng lokong 'to! Imbes kasi na kay Georgia niya ibigay ang kanyang panyo, sa 'kin niya 'to inabot. Pinandilatan ko si Chase saka sumenyas na kay Georgia niya 'to ibigay.
Lutang ang loko!
Napakunot lang ang noo niya habang nakatingin sa 'kin. Pagkalipas ng ilang segundo, nakuha niya rin ang nais kong iparating. Napatango si Chase kaya napangiti kami ni Georgia sa isa't isa. Akala ko okay na ang lahat pero napasimangot na lamang ako nang mukha ko ang punasan ni Chase. P*ta.
“'Yan na, ha. Dapat sinabi mo sa 'kin kung tinatamad ka." Napakurap ang iba naming kasama rito sa mesa dahil sa ginawa ni Chase. Ang lapad ng ngiti niya habang pinu-punasan ang hindi na mapinta kong itsura. This asshole.
Buong puwersa kong hinablot ang hawak niyang panyo na hindi siya nililingon. Diretso lang ang tingin ko kay Georgia na ngayon ay hindi na maitago ang pagkamangha dahil sa ginawa ni Chase.
“Here.” Inabot ko sa kanya ang panyo.
Napatingin si Georgia sa hawak ko saka sumulyap sa direksyon ni Chase. Hindi ko alam kung anong itsura ni Chase ngayon dahil wala ako sa mood na alamin pa ito.
Napakunot ang noo ko nang marahan na itulak ni Georgia ang aking kamay. Bumalik na ang sweet image niya. Ano ba ‘tong babaeng 'to? Nakakatakot ang pagpapalit niya ng mukha, ah.
Nginitian ako ni Georgia at pinunasan ang kanyang sarili gamit ang tissue na nasa mesa. Nang matapos siya, dumipa siya suot pa rin ang matamis niyang ngiti.
“See? Ayos na ako, Cath,” wika niya. Tuluyan ko nang ibinaba ang kamay ko nang marinig ko ang sinabi ni Georgia. Nilingon ko si Chase at nakatingin na siya sa 'kin.
Ilang segundo kaming nagsukatan ng tingin hanggang sa basagin na ni Anthony ang nakakabinging katahimikan na bumalot sa amin.
“Ang baby face mo, Cath! Anyway, spin ko na ulit 'tong bote,” wika niya sabay paikot sa boteng hawak-hawak.
Napaiwas na ako ng tingin at hindi na binigyang pansin si Chase. Kumuha na lang ako ng pizza at tahimik itong kinain dito sa sulok.
Nag-alala ako kay Chase. Hindi siya marunong makiramdam sa paligid niya. Ayaw kong isipin ng mga kaklase niya na may something sa ‘min. Ito talaga ang iniiwasan ko.
Dahan-dahan na bumagal ang pag-ikot ng bote hanggang sa huminto ito sa direksyon ng katabi ko. Sino pa bang katabi ko? E 'di si . . .
"Chase, sa 'yo na!" Tumawa si Anthony. "Ano? Truth or dare?" tanong niya kay Chase.
Napasandal si Chase sa upuan, hawak-hawak ang bote ng San Mig na kanina niya pa hindi nauubos.
“'Dare' para mas masaya!" masigla niyang wika na naging dahilan para mabuhay ulit ang atmosphere sa puwesto namin. He knows how to handle a crowd. Good for him.
“Ako ang magbibigay ng dare!" sigaw ni Joan pero inirapan lang siya ni Judy. Oh, mukhang hindi rin close ni Judy ang 'The Beaches'. Ito na ang tawag ko sa kanila after the yacht incident. Bagay naman sa kanila, eh.
"Hindi. Ako ang magbibigay ng dare." Napangisi si Paul kay Chase pero tinaasan lang siya nito ng bote. Mukhang handang-handa si Chase sa tanggapin ang dare niya. Sana lahat my level of confidence na katulad sa kanya, ‘no?
Tumikhim si Paul at ihinarap ang katawan niya kay Chase, magkatabi lang sila.
"Mr. Austria, ang dare ko sa 'yo ay kunin mo ang number ng babaeng 'yon." Tinuro ni Paul ang naka-tube na babae na nakaupo malapit sa entrance. May kasama siya, I think kaibigan niya. Nagtatawanan sila habang nag-uusap at . . . Tequila yata iniinom nila? Tequila nga. Matitibay.
Nilingon ko si Chase saktong napalingon din siya sa 'kin. Ba't palagi kaming nagkakatinginan ng lalaking 'to! I frown at him, but he just smiled at me. Inubos niya ang laman ng hawak na bote habang nananatili ang mga mata sa 'kin. Inubos niya hanggang huling patak saka ito inilapag sa mesa.
“Watch and learn, Catherine," wika niya sabay tayo sa kanyang upuan. Ngumisi siya sa 'kin at kinurot ang pisngi ko. Akala ko nasira na ang mood niya dahil sa nangyari kanina pero mukhang ayos na siya.
“Go, Chase!" Nagpalakpakan ang mga boys nang makaalis na si Chase sa mesa namin.
Nakipag-apir pa siya sa kanila bago siya naglakad papunta sa direksyon ng dalawang babae. Hindi pa man siya nakakalapit, napalingon na agad sa kanya 'yong dalawa. Tsk, ang yabang. Agaw-atensyon lang talaga 'yang hati niyang buhok.
Lahat kami ay na kay Chase ang tingin. Nakaabang kami sa mga susunod na mangyayari kahit ako na alam nang magagawa talaga ni Chase ang dare na 'to. Piece of cake lang 'to sa kanya dahil sa itsura niya.
Napansin namin ang biglang pamumula ng babaeng itinuro ni Paul kanina. Mukhang may sinasabi sa kanya si Chase. Ilang saglit pa ay naglakad na pabalik si Chase sa mesa namin. Nakasuot siya ng victory smile habang nakapamulsang naupo pabalik sa kanyang puwesto.
“Grabe, nakakainggit ka talaga. So ano’ng number niya?" excited na tanong ni Paul.
Nakangisi siyang nilingon ni Chase at binigyan ng thumbs up. Lumiwanag ang mukha ni Paul at dali-dali na kinuha ang phone niya para itipa ang mga numero na sasabihin ng kaibigan. Pero agad din na bumagsak ang kanyang balikat nang ibang numero ang ibigay sa kanya.
"Favorite number, 31 raw," confident na wika ni Chase.
Nabitawan ni Paul ang phone niya habang ang ibang kaibigan naman ni Chase ay napapailing na lang. Ako? Nandito lang naman ako sa gilid, todo pigil sa sarili ko na huwag tumawa. Ayaw kong masaktan pa lalo ang feelings ni Paul.
"Satisfied?" tanong ni Chase.
Nawalan ng kulay ang itsura ni Paul dahil sa narinig. Walang gana niyang pinulot ang phone na nahulog sa sahig at ibinalik ito sa kanyang bulsa. Tinapik siya ni Anthony sa balikat para damayan sa nararamdaman dahilan para mas lalo lang akong matawa sa loob ko. Kasalanan 'to ni Chase, eh!
"Ayos lang 'yan, pare. Next time, be specific, ha," suhestiyon ni Anthony. Napatango na lang si Paul at ibinaba na ang bote na nasa mesa.
"Tama na. Ayaw ko nang maglaro," saad niya. Nagreklamo ang mga babae nilang kasama dahil gusto pa ng mga 'to naituloy ang Truth or Dare. Wala naman akong reaksyon dahil nasa pagkain ang atensyon ko.
Pinulot ni Joan ang walang lamang bote at inilapag ito sa ibabaw ng mesa. "Fine. Ako na ang magpapaik—"
Hindi na siya pinatapos ni Chase sa sasabihin. Tumayo na ang katabi ko sabay kuha ng isang slice ng pizza saka ako hinawakan sa braso. Napatingin silang lahat sa 'min. Si Georgia halatang pinipigilan ang sarili na huwag sumimangot. Mukhang gusto niya nga talaga si Chase.
"It's almost 10 PM. May pupuntahan pa tayo bukas, 'di ba? Matulog na kayo," wika ni Chase sa kanila.
Napasimangot na lang si Joan at padabog na ibinaba ang hawak niyang bote. Party pooper 'tong si Chase. Teka, baka dahil sa 'kin kaya niya 'to ginagawa!
"Tara na, Cath." Nilingon niya ako at sumenyas na mauuna na kami.
Ang titig nila Georgia sa 'kin ay bumabaon sa balat ko. Pakiramdam ko hindi sila masaya na nakasama nila ako ngayon. Hindi ko alam kung sino ang dapat kong sisihin pero isa lang ang sinisigaw ng isip ko. Si Chase ang dahilan ba't kumukulo ang dugo nila sa 'kin!
Hinawi ko ang kamay ni Chase at mariin siyang tinitigan sa mata. Ayaw kong maging dahilan para mabitin ang bonding nilang magkakaibigan.
"P'wedeng maya-maya na tayo umalis?" pakiusap ko kay Chase. Matagal niya akong tinitigan hanggang sa magsalita si Judy.
"Hindi na p'wede, Cath. Malayo ang pupuntahan namin bukas kaya kailangan namin nang maayos na pahinga. Mabuti na lang ipinaalala ni Chase."
Agad na napatikom ang aking bibig dahil sa sinabi niya. Hiniling kong manatali pa kami dahil akala ko napipigilan ko ang enjoyment nilang magba-barkada. Gusto ko lang naman na patagalin pa ang gabing 'to. 'Yon pala'y wala naman pala akong dapat gawin. Nag-assume ako na ang maagang pag-alis namin ni Chase ay dahil sa 'kin. Assuming lang pala ako.
"Sige na. Balik na tayo sa mga kuwarto natin," nakangiting wika ni Paul sa mga kasama niya.
Nagsitayuan na silang lahat at nagpaalam sa 'min ni Chase. Nauna na silang lumabas dahil si Chase pala ang naatasang magbayad sa lahat ng kinain namin ngayon. Crap. Naparami pa naman ang kain ko. Hindi ko naman kasi alam!
Pagkatapos magbayad ni Chase, sinimulan na naming maglakad pabalik sa hotel. Habang naglalakad kami, katahimikan ang namagitan sa aming dalawa. Nakatayo lang si Chase sa tabi ko, tahimik na sumasabay sa aking mga hakbang. Naninibago ako kaya, kahit labag sa kalooban ko, ako na ang bumasag sa katahimikan na nasa pagitan namin.
"Oi, ba't mo naman ginawa 'yon kanina?" tanong ko sa kanya. Inosente akong nilingon ni Chase.
"Ang ano?" tanong niya pabalik. Napahawak ako sa braso ko sabay iwas ng tingin. Mukhang hindi naman siya bad mood. Salamat naman.
"'Yong kay Georgia. Mas kailangan niya 'yong panyo mo kaysa sa 'kin . . ." pabulong kong wika. Mahinang tumawa si Chase sabay gulo sa buhok ko. Ba't parang ako tuloy ang mas bata sa 'min?
"Ginawa ko 'yon baka magselos ka ulit.” Nanlaki ang mga mata ko dahil sa sinabi niya.
"Anong magseselos! Ba't naman ako magseselos, ha!" Napatigil na ako sa paglalakad.
"Hindi ba nga kaninang umaga nagtanong ka kung kami ba ni Georgia? Ngayon, nakita mo nang ikaw talaga ang gusto ko sa inyong dalawa." Nabulunan ako sa sarili kong laway dahil sa sagot niya. So seryoso siya nang sabihin niyang gusto niya ako? Seryoso talaga siya!