CHAPTER 6 - Antigo

2134 Words
Antigo SA tahanan ng mga Deato.. "Hindi pa ba sapat ang lahat ng ginagawa ko para sa'yo? May kulang pa ba? Hanggang kailan mo ako sasaktan ng ganito? Hanggang kailan mo ko gagawing tanga? I hate you! I hate you!" Naiiling na isinara si Sheryl ang pintuan ng silid ng mga magulang. Lasing na naman ang Mama niya at natitiyak niya kung ano ang dahilan. Nahuli na naman nito ang Papa niya na may ibang babae. Matamlay siyang nagtuloy sa sariling silid at walang ganang inilatag sa kutson ang katawan. Nakatulugan na niya ang problemang pilit itinataboy sa utak. KINABUKASAN, masiglang ina ang nagisnan niya. Katabi nito ang Papa niya at malambing na inaasikaso sa pag-aagahan. Naiinis siya sa mga magulang, hindi niya maintindihan kung bakit nakakatagal ang ina sa pambabae ng kanyang ama. Matapos umiyak at pagmumurahin ay hayun at parang asukal na naman sa tamis ang ngiti at pinagsisilbihan pa. Patalikod na siya upang iwasan ang mga ito nang tawagin siya ng ina. "She, samahan mo ako sa bagong bukas na ukay-ukay store. Ang sabi ng kumare ko ang dami daw magagandang pagpipilian doon. Mura na daw ay puro bago pa." Masiglang tinig ng ina ang nagpahinto sa paglakad niya. Tumango siya at nang ayain ng ama mag-almusal ay naupo na lang at sumalo sa pagkain ng mga ito. Pinagbigyan niya ang ina, sumama siya sa ukay-ukay store na sinasabi nito. Ibinaba sila ng ama mula sa sasakyang minamaneho sa mismong tapat ng tindahan at saka nagtuloy sa opisinang pinapasukan. "Nakakaintriga ang store sign ng ukay-ukay na 'to, Lucy N Fer's H.e.l.l." Nakangiting sabi ni Mrs. Deato matapos basahin ang karatulang hawak ng payaso sa bungad ng pintuan. Nakadama ng kilabot si Sheryl nang matitigan ang mga mata ng payasong manekin. Pakiwari niya'y buhay ito at nakangisi sa kanya. Wala siyang nagawa nang hilahin ng ina papasok. Excited na naglakad ang Mama niya habang palinga-linga sa naggagandahang paninda na naka-display sa loob. Hindi naman malaman ng ginang kung ano ang uunahin. Dalawang malalaking basket na puno ng napili ang ipinalagay niya sa gilid ng kahera ngunit umikot pa rin sa loob at pumipili. Ang halagang inilaan niya sa pamimili ay hindi pa nangangalahati man lang. Nakarating siya sa hanay ng mga kasangkapan. Isang candelabrang yari sa tanso ang umagaw sa kanyang pansin. Napangiti ang matandang lalaking nakatayo sa 'di kalayuan at saka dahan-dahang naglakad palapit. Sinabayan ang paglapit ng nakasimangot na anak ng ginang. "A-antique ito, a. Siguro hindi lang napansin ng may-ari na dito ito naka-display. Hindi ko naman masasabing hindi marunong tumingin ng antigo ang namamahala dito. Kung ako ngang simpleng maybahay lang ay alam ang antigo sa hindi siya pa kaya, e hanapbuhay niya 'to. Malamang hindi ito kasama sa mga ipingabibili dito sa ukay-ukay kaya lang ay nagkamali ang nag-aayos. Ang swerte ko naman! Kung 'di ako nagkakamali panahon pa ng kastila ang candelabrang 'to. Ang estilo ng pagkakagawa at materyales na ginamit maging ang paraan ng pagkakaukit ay kagaya ng ilang collection ni Kumadre. Kung ireregalo ko ito sa kanya ay tiyak na mahahalikan ako nun sa tuwa," nangingiti at siyang-siyang sabi ni Mrs. Deato habang sinisipat ang bawat sulok ng hawak. Maingat pa iyong pinupunasan ng bimpong nakasampay sa balikat. "Nagustuhan niyo ho ba ang candelabrang 'yan, Madam?" Muntik nang mabitawan ng ginang ang tangan, "Maryosep! Nakakagulat naman kayo, Manong." Reklamo nito at saka lalong hinigpitan ang pagkakahawak sa antigo. "Pasensiya na ho," hinging paumanhin ng matanda kasunod ng pagsulyap sa dalagitang lumapit. "Ma, hindi ka pa ba tapos? Ang dami-dami na nung nasa counter, a. Baka naman mahirapan tayo magbibit mamaya," nakasimangot na reklamo ni Sheryl. Hinawakan ng ginang ang braso ng anak, bahagyang hinila palapit at saka bumulong, "Nakikita mo ba itong hawak ko, antique ito, antique!" "Ma, kung tunay na antique 'yan sa tingin mo dito mo 'yan mabibili? Ukay-ukay 'to at hindi Antique Shop. Mama naman," pambabara ni Sheryl sa sinasabi ng ina. "H'wag mo na muna kong kontarahin, okey? Alam ko ang difference ng genuine sa fake, kaya quiet ka lang diyan. At saka kung sakali man mura lang naman ito, malay mo tunay.O, e 'di may maireregalo na ko sa ninang mo. Alam mo naman 'yun napakahirap i-please," giit pa rin ng ginang. "Whatever, Ma. Pera mo naman 'yan." Hindi na pinansin ni Mrs. Deato ang anak, "A-a e pasensiya na ho sa anak ko. Mainipin lang ho talaga at reklamador pa." "Wala ho kayong dapat alalahanin, ganyan lang ho talaga ang mga kabataan ngayon. Mas gusto nila ang mamimili sa malalaking malls," sagot ng matandang lalaki. "Oo nga ho, ang gusto ay mahal na, branded pa. E meron namang magaganda at branded sa ganitong store, mura pa," pagsang-ayon ng ginang. Lalo namang sumimangot ang anak nitong nakatayo sa tabi. Natawa ang matandang lalaki, kung dahil sa sinabi ng ginang na kausap, o sa pagsimangot ng dalaga ay siya lamang ang nakakaalam. "Tama ho kayo, Mrs. Gaya na lamang ng hawak niyo, antigo ho ang isang 'yan," anito. Napaunat sa kinatatayuan si Mrs. Deato, agad na nag-aalala na bawiin sa kanya ang candelabra o kaya nama'y pabayaran sa malaking halaga. "M-magkano niyo ho ito ipagbibili?" "Ma, baka pumayag ka naman sa ipe-presyo niya. Let me remind you na ukay-ukay ang shop na 'to and we, the costumers are expecting na mura ang mga bilihin like what they said sa store sign na nasa labas. Kung sa Antique Shop naka-display 'yan pwede, pero--" "Kung ano ang nakalagay sa price tag, 'yun lang ang babayaran niyo, Mrs. Tama ang sinabi ng anak niyo, ukay-ukay ho ang tindahang ito at lahat ng narito ay pawang ipinagbibili sa napakamurang halaga," putol ng matanda sa sinasabi ng dalagita. Nagpaliwanag ito sa ginang ngunit kay Sheryl nakatingin. "Hmp! Dapat lang no? Akala mo kung sino makatingin ang epal na matandang 'to? Nakakairita!" naiinis na bulong ni Sheryl. Siniko ito ng ina bilang pananaway at saka nginitian ang matandang kausap. Nakatingin lang naman ang matanda at walang kahit anong reaksyon kaya muling binulungan ng ginang ang nagtataray na anak,"Buti na lang hindi ka narinig, tumahimik ka na lang muna, okey?" Inikot-ikot ni Mrs. Deato ang hawak upang hanapin ang price tag na sinasabi ng matanda. Naisip niyang maliit lang siguro ang tag na naroon kaya hindi napansin kanina habang kinikilatis ang kabuuan ng candelabra. Napanganga siya nang makita ang kulay puting papel na nakadikit sa gawing gilid nito, "Ano'ng--" Takang-taka siya. "Hindi ko lang siguro napansin kanina dahil sa excitement at na-focus ako sa paniniguro kung antigo talaga, o hindi." Paliwanag na lamang niya sa sarili. "O-one hundred pesos? One hundred pesos ho ang nakasulat sa tag, so--" "One hundred pesos lang ho ang babayaran niyo sa kahera," nakangiting sagot ng matandang lalaki kasunod ng pagsulyap sa anak nitong nawala ang pagkakasimangot ng mukha. "Wow!" Hindi napigilang bulalas ng ginang. "Wala na ho ba kayong iba pang ganito? Bibilin ko na ho lahat." Natawa ang matanda, "Wala na ho, Mrs. Nag-iisa lang ho iyan. Matagal na 'yang naka-display pero walang nakakapansin. Nakakatuwang natagpuan na ng candelabra ang bagong magmamay-ari sa kanya," makahulugang sabi ng matanda. "H-ho? Ano ho ang ibig niyong sabihin?" "May kwento kasi ang candelabrang iyan, gusto niyo ho ba mapakinggan?" "Ano ba 'yan, Ma? Hindi pa ba tayo uuwi?" walang interes at naiinip na aya ni Sheryl. Hindi ito pinansin ng ina, "Ano hong kwento? Sige ho, para kapag iniregalo ko sa Kumadre ko e maikwento ko rin sa kanya." "Ang sabi, pagmamay-ari daw iyan ng isang mayamang ginang sa Espanya noong nakaraang panahon. Mahal na mahal niya ang asawa ngunit napakarami niyang karibal. Kabi-kabila ang babaeng nahuhumaling dito at nakahandang magpaalipin makapiling lang kahit sandali. Hindi niya kayang tanggapin na may makahati sa pagmamahal nito kung kaya humingi siya ng tulong sa isang talisman. At ang candelabrang iyan ang ipinagbili sa kanya. Ang bilin ng talisman, kailangang ang asawa niya ang magtulos ng kandila at mapanatili naman niyang nakasindi upang masolo ang pagmamahal nito. Maaantig ang damdamin ng asawa niya at manunumbalik sa alala ang magaganda nilang pinagsamahan. Magsisi ito sa mga nagawang pagkakamali at mangangakong hinding-hindi na siya sasaktan pa. Sinunod ng ginang ang sinabi ng talisman. Ang candelabra mula rito ang inilagay niya sa kanilang altar. Mula noon hindi na nagkaraoon pa ng ibang babae ang asawa niya at siya na lamang ang ninais makasama. Hanggang sa tumanda sila ay nanatili itong matapat. At maging sa huling higit ng hininga ay pangalan lang niya ang tinawag at hinanap. Namatay itong hawak ang kanyang kamay." Mabilis na binulunganng Sheryl ang ina, "H'wag mong sabihing maniniwala ka sa kalokohang 'yan, Ma. Gimmick lang 'yan. Ang dami nang gumagawa niyan sa internet. Nanonood siguro ng teleserye iyang si Manong kaya ang daming alam." Hindi sinagot ni Mrs. Deato ang anak. Matapos magpasalamat sa matanda ay nagpaalam na ito at mabilis na nagtungo sa kahera. Nanghahaba ang ngusong sumunod na lamang sa kanya ang dalagita. "Ma--" "Huwag ka na munang magsalita, Sheryl. Maaring pagtawanan mo ako pero gusto kong subukan ang sinabi ng matanda. Wala namang mawawala kung gawin ko ang ginawa ng dating may-ari , 'di ba?" "P-pero, Ma. Style lang 'yun ni Manong para makabenta. Kasama sa trabaho ng mga tindero at tindera ng ukay-ukay ang mambola ng kostumer na pumapasok sa tindahan nila, ganun lang 'yun. Hindi mo pa nga rin sigurado kung tunay na antique ang nabili mo. Maaring may alam ka sa antique, pero hindi ka expert. Imagine, for a hundred peso bill, sa iyo na ang candle holder na 'yan. At hinayaan lang talaga ni Manong, ha. Kinwentuhan ka lang ng something creepy, kagat ka naman agad," pagmumulat ng dalagita sa ina. "She, hindi naman lihim sa iyo ang pambabae ng Papa mo. Masakit para sa akin ang may makahati lalo pa nga ang may makaagaw sa kanya. Mahal na mahal ko siya, kaya kahit halos mapunit na ang dibdib ko ay tinitiis ko pa rin h'wag lang siyang mawala sa akin, sa atin. Ini-iiyak ko na lang at pagkatapos nagkukunwari akong okey na. Dahil natatakot akong kung aawayin ko siya, o ang babae niya ay tuluyan na niya tayong iwanan. Bata ka pa kaya hindi mo naiintindihan ang nararamdaman ko. Masakit ang ituring na basahan ng taong halos sambahin mo na. Ang balewalain at talikuran. Magbabakasakali ako dahil gusto kong maramdaman uli ang pagmamahal ng Papa mo noong bago pa lamang kaming nakakasal. Gusto ko ring palaging ako lang ang tinatawag niya, ang hinahanap niya. Ang gustuhing makasama sa pagtanda namin at hanggang sa huling hininga. Gusto kong maging masaya anak," lumuluhang sabi ni Mrs. Deato. Hindi na kumibo si Sheryl. Naiiling na lamang at nagpawala ng malalim na buntung-hininga, "Okey, Ma. Kung iyan ang gusto mo. Pero huwag ka ring masyadong umasa, don't expect too much. Baka sa huli ikaw lang din ang masaktan. Maaring hindi kita naiintindihan sa pagtitiis na ginagawa mo. Pero, kakampi mo ko." "Salamat anak." NANG gabing iyon, ipinakita ni Mrs. Deato ang candelabra kay Mr. Deato. Nagmamadali ang lalaki dahil may pupuntahan pa raw meeting. Upang hindi maantala, pinagbigyang nito ang ginang na sandaling manalangin sa harap ng altar matapos sindihan ang kandilang itinulos sa antigong candelabra. Sasandali pa lang ay nagpaalam na si Mr. Deato at walang lingon-lingong naglakad palabas ng bahay. Sinundan na lamang ito ng maluha-luhang mga mata ng kabiyak. "Ikaw na lamang ang nalalabi kong pag-asa upang manumbalik ang dati niyang pagmamahal sa akin. Kung maaari sana'y tulungan mo rin ako gaya ng pagtulong mo sa unang nagmay-ari sa'yo," lumuluhang pakiusap ng ginang. Nanatili pa itong nakatayo at nakatitig sa aandap-andap na apoy ng mitsa, nagaalalang baka mamatay ang sindi. Nang matiyak na hindi namamatay sa kabila ng napakahinang apoy ay pumasok na ito sa silid. Lulunurin na naman sa alak ang sarili upang hindi na maisip pa ang 'meeting' na pupuntahan daw ng asawa sa ganoong oras ng gabi. Kinabukasan... "Itinuloy talaga ni Mama ang paggamit sa candelabrang 'to. Napaka stupid ng ideyang may 'something' sa isang pinaglumaang gamit ng kung sino. Hindi ko maintindihan kung ano ang pleasure na nakukuha sa pagko-collect ng mga patapong gamit na tinawag pa talaga nilang antigo. Basura at kalat lang naman. Gaya ng candle holder na ito, buti na lang hindi nag-over price si Manong. Kundi, makakatikim talaga siya ng masasakit na salita. E ano kung matanda siya, papatulan ko pa rin siya! Si Mama mauuto pa niya pero ako, hin--. Ouch!" Daing ni Sheryl nang maramdamang tila nahiwa ng blade ang dulo ng daliring ipinanghihipo sa candelabra. Mabilis niyang nailayo ang kamay. Nagdurugo ang daliring nakikita niya, "Matalim ba ang ukit nito?" Hinawakan na niya ang kabuuan ng candelabra at inalam kung saan at bakit nasugatan. "Wala namang matalim dito. Siguro may matulis sa nakaukit kaya nasugatan ako. Bwisit!" aniya habang ibinababa ang hawak at saka nagdadabog na umalis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD