Chapter 2

1643 Words
Bukod sa g'wapo na, napakabait din ni Dr. Jeremy. Sa katunayan, pakiramdam ni Jorge ay hindi na iba ang tingin nito sa kanya. Kapamilya kung ituring na siya nito. Sa araw-araw ba naman na nasa bahay siya ng mga Silvano, napalagay na ang loob nito sa kanya. Ang isa hanggang dalawang oras na inilalagi niya sa mansyon ay ipinagpapasalamat nito sa kanya lagi. Napapasaya raw kasi niya ang ina nito. "Matagal ka na naming kilala pero hindi namin alam kung saan ka nakatira," wika ni Jeremy habang palabas na sila ng gate. Hindi naman siya mapakali sa upuan niya sa passenger seat ng magarang sasakyan ng binatang doktor. Pakiramdam niya talaga ay madudumihan niya ang sasakyan nito. Ito rin kasi ang unang beses sa maraming taon na nagkaroon siya ng pagkakataon na makasabay sa paglabas nito. "Jorgina, okay ka lang?" natatawa nitong tanong nang mapansing hindi siya nakikinig dahil mukha siyang pusang 'di maihi sa upuan niya. "H-ho?" gulat pa niyang tanong nang mapagtantong kinakausap siya ni Jeremy. "Okay ka lang ba riyan? Hindi ka ba komportable?" Kunot-noo siyang nilingon ng binata. "Naku, okay lang po ako, Dok," nahihiyang saad niya na sinabayan pa niya ng kumpas ng kamay para ipahiwatig na 'wag siyang pansinin. "Nag-aalala lang po ako na baka marumihan ko ang uupuan ni Ma'am Iris!" Totoo 'yon. Isa iyon sa iniisip niya. Ilang beses na rin niyang nakita ang kasintahan ni Jeremy. Napakaganda nitong babae. Maputi, makinis, at mabait. Noong una nga niya itong makita ay natulala siya kahit na babae rin siya. Pakiramdam niya nakakita siya ng anghel sa lupa nang mga sandaling iyon. Kaya naman kahit alam niyang isang araw pakakasalan ito ng crush niyang Doktor ay hindi niya magawang mainis sa babae. They deserved each each other. Walang makakapagbago no'n kahit pa ang paghanga ni Jorge. "Iyan pa rin ang iniisip mo?" Tumawa si Jeremy. Tawang aliw na aliw sa kanya. "'Wag kang mag-alala, hindi ka naman marumi. Pero para mapalagay ka, sige, pupunasan natin 'yan mamaya. Okay?" Awkward siyang ngumiti. Nakakatawa ba siya? Gusto tuloy niyang maglaho na lang. Pero sa kabila no'n ay natutuwa siyang marinig niyang tumawa ang binata. Hindi bale ng kahihiyan niya ang tinatawanan nito. "Sabihin mo sa akin kung saan ka nakatira, ihahatid kita sa bahay ninyo," maya-maya ay sabi ni Jeremy. "Sa bayan na lang ako bababa, Dok," mabilis niyang tanggi. "Kailangan ko pa pong idaan ang napagbil'han ko kay Aling Esme. Sa kanya ako kumukuha ng paninda," paliwanag niya. Ngunit ang totoong dahilan ay ayaw niyang malaman nito kung saan siya nakatira. Ayaw niyang malaman nito o ng Senyora ang totoong sitwasyon niya. Ang alam lang kasi ng mag-ina ay nagbebenta siya para lang makatulong sa mga magulang niya. Sa pag-aaral naman, sinabi lang niya na pang-umaga ang klase niya. Walang ideya ang mga ito na alila siya sa sarili niyang tahanan. At wala siyang planong sabihin pa ang totoo. Kilala niya ang Senyora, she would insist on adopting her. "Sigurado ka ba? Oh sige, ituro mo sa akin kung saan," Jeremy answered. Nang makarating sila sa harap ng tindahan ni Aling Esme ay nakaramdam siya ng panghihinayang na bababa na siya. Gusto pa niyang makasama ang binata. Sa maikling sandali ay marami itong naik'wento sa kanya. 'Gising na sa katotohanan, Jorge.' Nagpaalam siya sa binata at kumaway habang tinatanaw ang papalayo nitong sasakyan. "Ang pogi, ano?" Kinurot siya ni Aling Esme sa tagiliran niya. "Gusto mo bang makita 'yang crush mo na naka-amerikana?" "Hindi ko siya crush, Aling Esme," nakangusong kaila niya. Kasi ang totoo, hindi na ata crush lang ang nararamdaman niya para sa binatang Doktor. May crush level two ba? O mas mataas kaya? Level ninety-nine, gano'n! "Sagot sa tanong, Jorge. Bago magbago ang isip ko." "Ano po ba 'yon?" "Birthday ni Dr. Silvano sa Linggo." "Alam ko po." Hindi naman siya p'wedeng dumalo kung sakali. "Kilala ko ang catering service na nakuha nila. At, harap ka rito sa akin," pangungulit ng ginang. "Kulang sila ng isang tao." Nakangiti nitong pagtatapos. Nagliwanag ang mukha niya. Batid ni Aling Esme na mahigpit lagi ang pangangailangan niya kaya sa tuwing may oportunidad ay binibigyan siya nito ng trabaho o sideline. "Salamat, Aling Esme!" Napayakap pa siya sa ginang. "P'wede kaya ako ro'n? Tatanggapin kaya nila ako?" Hindi man siya makakadalo sa kaarawan ni Jeremy bilang bisita, sapat naman ng naroon siya para masulyapan man lang ito sa espesyal na pagkakataon. Kahit pa bilang tagasilbi. "Ay oo naman! Payatot ka lang pero makakabuhat ka naman ng pagkain kaya siguradong tatanggapin ka. Isa pa, hindi ako tatanggihan ng kaibigan ko. Bukas, sabado, 'wag ka munang magtinda. Mag-training ka kahit isang araw lang. Tiyak na maraming bisita sa mansyon kaya hindi ka p'wedeng magkamali ro'n," mahaba nitong tugon. "Salamat po talaga!" "Magpaalam ka nang maayos kay Verna, ha? Tiyak namang papayagan ka no'n dahil may maiintrega ka pagkatapos." "Opo, Aling Esme," napakasaya ng pakiramdam na sabi niya. Masaya siyang nagpaalam sa ginang. Gamit ang kaunting kinita, namalengke muna siya ng mailuluto sa hapunan. Nilakad na niya ang pauwi sa bahay nila dahil sayang ang pamasahe kung magta-tricycle pa siya. Isa pa ay lagi rin naman siyang tinatanggihan kung 'di siya papayag na magbayad nang malaki. Malayo kasi ang kanila tapos ay malayo rin sa ibang kabahayan. Wala raw maisasakay ang tricycle pabalik sa bayan. Sayang lang daw ang gasolina. S'yempre hindi naman siya papayag na magbayad nang mahal. Kayang-kaya niyang maglakad kahit ilang kilometro pa 'yan. Magwawalong taon na kaya siyang lakad nang lakad. Easy na lang sa kanya ang malalayong lakaran! Habang naglalakad ay pakanta-kanta pa si Jorge. Paano ay napakasaya niya! Nakasakay na siya sa kotse ni Jeremy ay makakadalo pa siya sa kaarawan nito sa Linggo. Her handsome Doctor is turning thirty already. Pero bakit parang mas gumagwapo ito habang tumatanda? Ganoon siguro kapag mabuti ang kalooban. Isa pa, mukhang magbebente singko lang ito. "Jorge!!!" Nagising sa pagdi-daydream ang dalaga nang marinig niya ang sigaw ni Verna. Hindi niya namalayang malapit na siya sa bahay nila. Magtatakip silim na noon ngunit madilim pa ang kabahayan. Wala pang nagsisindi ng ilaw? Pipindutin lang ang switch, hinihintay pa bang siya ang gumawa? Nakita niyang nasa labas din si Oscar at ang kambal. Abala sa pagpapaypay ang mga ito na para bang init na init. Nasira ba ang electric fan nila? "Jorge!" Gigil na sinalubong na siya ni Verna ng pingot sa tainga. "Aray, Tyang naman!" reklamo niyang nasasaktan pero pinaghahampas pa siya ng kanyang tiyahin. "Bakit po?" "Nagtatanong ka pang bata ka! Naputulan tayo ng kuryente! Bakit hindi ka nagbayad???" Hinila siya ni Verna sa buhok. Nasasaktan man ay hinanap ng mga mata niya si Viktor na nagtago nang kaunti sa likod ni Oscar. Nakuyom niya ang mga kamao. Mukhang naisahan siya ng magaling na pinsan. "Tyang, noong Lunes pa kinuha ni kuya Viktor sa akin ang pambayad ng kuryente dahil idadaan daw po niya't may lakad din siya roon banda sa bayaran," katwiran niyang gigil na nakatingin kay Viktor. Saglit na natigilan si Verna na bahagyang tinapunan ng tingin ang anak na lalaki. Pagkatapos ay itinuloy nito ang paghambalos sa kanya gamit ang walis tingting na nahagilap sa tabi. "Walang hiya ka! Sinisisi mo ba ang anak ko? Sinong nagsabi sa 'yong p'wede mong utusan si Viktor?!" 'Hindi ko po siya inutusan!' Pero hindi na niya isinatinig pa ang sagot. Hindi siya nasorpresa sa reaksyon ng tiyahin. Walang imik na tinanggap na lamang niya ang p*******t nito. Hindi na siya umiiyak kapag pinagbubuhatan nila siya ng kamay. Kinalyo na ang puso niya sa maraming taong p*******t na tinatanggap niya. Minsan nga ay hindi na niya iniinda na para bang pati ang katawan niya ay sanay na sanay na. "Gumawa ka ng paraan! Hindi p'wedeng ganito! Napakainit," patuloy na sabi pa Verna. "Wala na po akong magagawa ngayon, Tyang. Gabi na po," giit niyang nagtuluy-tuloy na sa loob ng bahay para hagilapin ang mga gasera nila. Nang gabing 'yon ay hindi siya nakatulog. Tabi-tabi natulog ang mga ito sa sala habang taga-paypay siya. Minsan ay nais na niyang umalis. Pero tama si Verna. Wala siyang pupuntahang iba. Bukod doon ay mahal niya ang mga ito. Nakakatawa na minsan, pero iyon ang totoo. Mahal niya ang mga ito dahil kahit bali-baliktarin man niya ang mundo, pamilya niya sila. Verna is her aunt, first degree dahil kapatid ito mismo ng kanyang namayapang ina. Kinabukasan ay maaga pa rin siyang umalis para makiusap sa opisina ng nagsusuplay ng kuryente sa lugar nila. Ninong niya ang isa sa mga mataas ang posisyon doon na minsan ay nasasamantala na niya ang kabaitan sa kanya. "Bakit hindi mo sila hayaang magdusa naman nang kaunti, Jorge?" sabi nito na ayaw pagbigyan ang hiling niya. "Ninong, bukas po ay may pera ako panigurado. Sige na po, ako rin naman ang pipilitin nilang gumawa ng paraan kahit na tiisin ko sila. Isa pa po, tingnan po ninyo, hindi ako nakatulog,” wika niya. Hindi naman sekreto rito ang kalagayan niya. Actually, lahat ng nakakakilala sa pamilya niya ay alam ang kalagayan niya. Naaawa ang mga ito sa kanya at may mga ilang sinubukang kausapin sina Verna at Oscar na kukunin na lamang siya. But they won't let her go. Bakit nga naman kung sa kanya nakaasa ang mga ito? "Sige na po. 'Andito po ako ng maagang-maaga nang Lunes para magbayad. Pangako po," pakiusap niya. Napabuntung-hininga na lamang ang may edad na lalaki. "Sana isang araw ay suklian nila ang kabutihan mo." Tinanggap nito ang promissory note na dala-dala niya. "Jorge, bukas ang bahay namin para sa'yo. Tandaan mo 'yan, anak." "Opo, Ninong!" maluwag siyang ngumiti kahit na ang totoo ay naiiyak na siya. Nagpaalam na siya rito at dumiretso na sa one-day training niya para sa gagawing sideline sa kaarawan ni Jeremy kinabukasan. Sapat nang motibasyon na makikita niya ang Doktor para makalimutan niyang wala pa siyang tulog.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD