Tinapos ko ang pagkain nang wala sa loob, hindi malasahan ang anumang kinain ko. Tumayo ako mula sa mesa at bumalik sa kwarto. Sa kabila ng takot at kaba, kinuha ko ulit ang stuff toy mula sa sahig.
Marahan ko itong pinulot, tiningnan ang mga mata nito, na para bang naghahanap ng mga sagot. Gusto kong malaman kung paano at bakit ito nangyari. Habang nakaupo sa gilid ng kama, nagpasya akong tumawag kay Raden. Kailangan ko ng mga sagot. Ilang ring ang lumipas bago niya sinagot ang tawag.
"Hello, Eulalie?" tanong niya, tila hindi sigurado kung bakit ako tumatawag ng ganitong oras.
"Raden, kailangan nating mag-usap," sagot ko, sinusubukang itago ang panginginig ng boses ko. "Tungkol sa stuff toy na ibinigay mo sa akin."
"Ano'ng problema?" tanong niya, halatang naguguluhan.
"May hidden camera sa loob nito," diretsahan kong sabi. Narinig ko ang biglang paghinga niya sa kabilang linya.
"Anong ibig mong sabihin? Paano nagkaroon ng camera diyan?" tanong niya, halatang nagulat sa narinig.
"Hindi ko alam, Raden. Kaya nga tinatanong kita. Sino ang naglagay ng camera na iyon?" Halos mag-c***k ang boses ko sa kaba at galit.
"Eulalie, wala akong alam tungkol diyan. Hindi ko alam kung sino ang naglagay ng camera na iyon. Why would i do that?" sagot niya, at sa kabila ng lahat, parang mayroong kakaiba sa tono ng boses niya.
Bago pa ako makapagsalita ulit, narinig ko ang malakas na pagkatok sa pinto ng kwarto ko. Nagulat ako at mabilis na bumaba sa kama, hawak pa rin ang cellphone.
"Sino 'yan?" tanong ko, sinusubukan na huwag ipakita ang takot sa boses ko.
"Eulalie, pwede bang pumasok?" tanong ni Mama mula sa labas, tila narinig niya ang takot sa boses ko.
"Sandali lang, Ma," sagot ko, pilit na binabaan ang boses ko. "Raden, tsaka na tayo mag-usap" sabi ko kay Raden bago ibaba ang telepono.
Pagbukas ko ng pinto, nakita ko si Mama na may bitbit na tasa ng gatas.
"Anak, mukhang hindi ka okay. Gusto mo bang mag-usap tayo?" tanong niya, puno ng pag-aalala. Ngumiti ako ng pilit.
"Okay lang po ako, Ma. Kailangan ko lang magpahinga," sabi ko, sinusubukang huwag ipakita ang kaba ko.
"Kung may kailangan ka, nandito lang ako." sabi niya bago ako iniwan sa sa pinto.
Pagkaalis ni Mama, napasandal ako sa pader at huminga ng malalim.