Pagkarating namin sa bahay nila Gab, ibanaba ko lang ang gamit ko sa sala at hinubad ang jacket ko saglit saka dumeretso na kaagad ng kusina.
Nakasalansan na nang maayos ang mga napamili niyang ingredients na iluluto ko sa gilid ng lababo at mukhang matagal ng naghihintay ang mga 'to sa 'kin na maluto ko.
Sinimulan ko na kaagad ang pagluluto dahil hindi pa nga nakain si Gab. Ayoko pa naman na nagugutuman ang mga taong mahalaga sa 'kin dahil alam ko kung gaano kahirap ang magutom.
Nagluto ako ng italian style na spaghetti, carbonara at ang paboritong-paborito niyang ipagawa sa 'kin na sushi. Pakupit-kupit na nga siya sa mga nahiwa ko ng sushi. Kala naman niya, hindi ko napapansin pero pinapabayaan ko lang siya.
Gumawa na rin ako ng mga ulam kahit na kaming dalawa lang naman ang kakain dahil puwede niya naman 'tong ipamigay sa mga kapitbahay. Gano'n naman ang palaging ginagawa ni tita Elsia kaya nakasanayan na sa kanila ng mga kapitbahay nila.
Nang matapos na ang pagluluto ko ay naghanda na si Gab ng kakainin namin sa lamesa.
"Ang bango! Amoy pa lang, ulam na! Kapag nakapagpatayo ka na ng sarili mong restaurant, ako ang magiging kauna-unahan mong regular customer!" puri niya habang nilalagyan ng mga kubyertos sa gilid ng mga plato namin.
Napangiti lang ako. "Inuuto mo pa 'ko. Kumain ka na at hindi ka nabusog n'ong tatlong susing inupakan mo agad kanina."
Bumungisngis lang siya at tumingin sa wrist watch niya. "11 pm na. Isang oras na lang at magkakaroon na ng fireworks display sa labas. Excited na 'ko! Tatalon din ako kapag saktong 12 na para tumangkad ako."
Natawa ako sa kaniya. "Wala ka ng pag-asa. 23 ka na kaya tumigil na ang pagtangkad ng katawan mo." Bumelat pa ako sa kaniya.
Inambahan niya ako ng suntok na pabiro. "Wala namang masama kung itatry ko. Malay mo naman, 'di ba?" Ngumiti na siya nang nakakaloko.
Natawa ako lalo sa pagiging optimistic niya at hindi na nakipagtalo nang biglang may kumatok sa pinto.
"Gabriella! Buksan mo 'to! Dito raw kami ni mama magcecelebrate ng New Year, sabi ni Tita Elsia!" sigaw n'ong kumatok na pinakahuli sa mga tao na gusto kong makita ngayong gabi.
Nagkatinginan kami ni Gab.
"Sila Lara." mahinang sabi niya na nanlalaki ang mga mata.
Nawala ang masayang atmosphere namin pareho at napalitan 'yon ng tense at kaseryosohan.
Tumayo na ako at pinuntahan ang mga gamit ko sa sala. Kinuha ko na 'yung jacket ko at isinuot 'yon.
Hinawakan ni Gab ang braso ko at iniharap ako sa kaniya. "Kumain ka muna bago ka umalis." seryosong sabi niya.
"Hindi na. Kumain naman ako sa resto kanina bago mag-out. Kayo na lang ang kumain n'ong mga niluto ko. Uuwi na ako ng tagaytay." walang emosyong sabi ko at inalis ang pagkakahawak niya sa braso ko.
Hinarang niya naman ako sa pagdipa ng mga braso niya. "Hahayaan kitang umalis pero hintayin mo saglit 'yung ipaplastic kong pagkain na ipapadala ko sa 'yo para hindi ka na magluto sa tagaytay at makakain kaagad pag-uwi mo." Titig na titig siya sa 'kin at alam kong hindi siya makakapayag na suwayin ko siya.
"Gabriella!" tawag ni Lara sa labas habang kumakatok.
Napabuga ako ng hangin sa pagsuko sa kaniya. "Bilisan mo."
Napangiti na siya at nagmamadaling kumilos sa kusina para ipagbalot ako ng pagkain.
Isinabit ko na sa katawan ko ang body bag ko sa paghahanda ng pag-alis.
"Tanga kang bata ka. 'Di naman nakalock ang pinto, katok ka pa nang katok," sabi naman ng nanay niyang si Milen at doon ay nabuksan na ang pinto ng bahay.
Pagkapasok nila, nakita kaagad nila ako na nasa sala at nakaharap sa kanila.
Walang ekspresyon na nakatingin lang ako sa kanila at natigilan naman sila pareho nang makilala ako saka nangunot ang mga noo.
"Anong ginagawa mo rito?" Tumaas kaagad ang isang kilay ni Lara.
Namimilipit na kaagad ang sikmura ko at nasusuka na ako sa pagkakarinig pa lang ng boses niya at pagkakakita sa kanilang dalawa.
"Magkano 'yung naipon mong sahod kay Papa?"
"Bakit?"
"Basta! Magkano?!"
"Maliit lang 'yon. Pangbili ko lang ng mga notebook sa pasukan at panggastos ko."
"Ibibigay ko sa 'yo 'yong mga pinaglumaan kong notebook. Sa 'kin na 'yung pera mo. Pera ni papa 'yon kaya sa 'kin dapat na anak niya 'yon mapunta at hindi sa 'yo na ampon!"
"Pero pinagtrabahuhan ko 'yon!"
"Aba't lumalaban ka pa! Palamunin ka lang naman dito! Alam ko naman kung saan nakalagay ang alkansya mo at para sabihin ko sa 'yo, nakuha ko na ang mga laman n'on."
"Ibalik mo sa 'kin 'yon! Pinaghirapan ko 'yon!"
"Bakit kayo nag-aaway na dalawa?!"
"Uwaaaahh! Ma! Sinisigawan at inaaway ako ni Lester! Pinagbibintangan niya 'ko sa nawawala niyang ipon! Hindi naman ako ang kumuha n'on! Uwaaaahh!"
"Hindi po totoo—"
"Hoy! Hindi namin pinalaki ni Reynaldo 'tong si Lara para manguha ng hindi kaniya! At 'wag mo ring kalilimutan na nasa pamamahay ka namin kaya wala kang karapatan na sigawan at paiyakin 'tong anak ko! Kapag nalaman ni Reynaldo na pinagbibintangan mo 'tong anak namin na magnanakaw, siya mismo na kumupkop sa 'yo ang magpapalayas din sa 'yo kaya mag-iingat ka sa mga bintang mo!"
Sumagi ang isang masamang alaala sa isipan ko kaya napapikit ako nang mariin para alisin na 'yon sa utak ko.
"Gabriella! Salot 'tong lalaking 'to kaya bakit mo pinapasok?!" sigaw ni Milen habang dinuduro-duro pa ako. Pangalan lang ang tawag ko sa kaniya dahil hindi ko maatim na galangin siya dahil hindi naman siya kagalang-galang at karespe-respetong tao.
"Tita! 'Wag mong tawaging salot si Lester dahil hindi siya salot!" sigaw ni Gab mula sa kusina. Bakas doon ang galit at sobrang pagtatanggol sa 'kin.
"Aba't sinisigawan mo na ako dahil sa lalaking 'to!" nanlalaki pa ang mga mata niya. "Sinasabi na nga ba at wala kang magandang epekto sa mga tao sa paligid mo!" Dinuro na naman niya ako.
Lumapit na si Gab sa 'kin at inabot ang isang ecobag ng mga pagkain na nakacontainer. Walang imik na kinuha ko 'yon at maglalakad na sana ako palabas...
"Aba nga naman at ang kapal talaga ng mukha mo Lester!" sigaw sa 'kin ni Lara habang nakatingin sa ecobag ng pagkain na inabot sa 'kin ni Gab. "Nagpunta ka lang dito para humingi ng pagkain sa pinsan ko?! Ano?! Wala ka nang makain, 'no?! Pinalayas ka na nga namin para mailayo ang kamalasan mo sa pamilya namin tapos kay Gab ka pala pasikretong nanlilimos ng pagkain!"
Nakuyom ko ang mga kamao ko at nagtatagis na rin ang mga ngipin ko sa sobrang pagtitimpi.
Bawat salitang binibitawan nila, parang mga kutsilyo na sumasaksak nang napakalalim sa dibdib ko pero hinawakan ni Gab ang kuyom kong kamao kaya napatingin ako sa kaniya.
"Hindi siya nanghingi ng pagkain sa 'kin." madiin ang bawat salitang paliwanag niya. "Siya ang pinagluto ko ng magiging handa ko ngayong bagong taon at ako ang nagyaya sa kaniya rito kaya hindi totoo na nanlilimos siya ng pagkain sa 'kin."
"'Wag mo na 'yang ipagtanggol Gab! Baka may mangyari ring masama sa buhay mo katulad ng sa papa ko kapag naging mabait ka sa isang 'yan na hindi naman natin alam kung saan talaga nanggaling!" pang-iinsulto sa 'kin ni Lara.
Kinagat ko ang ilalim ng labi ko para pilitin pa rin na huwag silang patulan at nalasahan ko agad ang dugo ro'n sa diin ng pagkakakagat ko. Kakagaling lang ng sugat doon pero napadugo ko na naman.
Kumuyom na rin ang kamao ni Gab dahil alam niya na hindi maiintindihan ng mga makikitid na utak ng dalawang 'yon ang sinasabi niya.
Tumingin na siya sa 'kin. "'Wag na natin silang intindihin. Halika at ihahatid na kita sa labas." Hinawakan niya ako sa braso at marahan akong hinila papalabas.
Nadaanan pa namin sila Lara.
"Sige at paalisin mo na 'yang salot na 'yan! Dahil sa lalaking 'yan, nawalan ako ng asawa at nagkandamalas-malas ang buhay namin!" sigaw sa 'kin ni Milen.
"'Wag na 'wag ka nang makakaapak ulit dito sa pamamahay nila Gab dahil kapag nalaman ko kay tita Elsia na napunta ka pa rito, ihanda mo ang sarili mo sa gagawin namin sa 'yo!" pahabol naman na banta ni Lara.
Doon ay tuluyan na akong nahila ni Gab palayo ro'n.
Nasa may gilid na kami ng kanto sa highway at ang ingay-ingay ng paligid dahil malapit nang magbagong taon.
Tumitibok pa rin ang sentido ko sa sobrang pagtatagis ng mga ngipin ko kanina.
Bigla akong niyakap ni Gab at humihikbi na siya. "S-sorry Lester... Hindi ko naman alam na pupunta sila sa bahay. I'm so sorry dahil nainsulto ka na naman nila. Sorry talaga..."
Naluluha ako pero pinilit ko na 'wag umiyak dahil ayokong mas lalo niya pang sisihin ang sarili niya dahil sa nangyari.
"Tss." pakli pa akong tumawa na parang totoo. "Ang babaw naman n'on Gab para iyakan mo. 'Wag ka na ngang umiyak. Sanay na naman ako sa dalawang 'yon." Tinatapik-tapik ko ang likod niya para kalmahin.
Napatigil naman siya sa paghikbi at humiwalay sa 'kin. "Anong sanay?!" Hinampas niya pa ako sa braso ko. "6 years na ang tagal noong pinaalis ka sa poder ng dalawang 'yon. Ngayon mo na lang ulit sila nakita at dahil 'yon sa 'kin." Nagsimula na naman siyang umiyak.
Pinunasan ko naman ang luha niya habang malawak na nakangiti. "Oo, naasar ako nang sobra kanina pero manhid na 'ko sa mga gano'ng insulto nila. Hindi ko rin 'yon dadamdamin dahil mas marami akong problemang kailangang intindihin kaysa sa mga insulto nila na hindi naman ako kayang busugin."
Nakatingin lang siya sa 'kin habang inoobserbahan ako kung nagsasabi ba ako ng totoo.
Ngiting-ngiti naman ako sa kaniya at napatingin siya sa labi ko. Dinampi niya ang daliri niya ro'n kaya napalayo ako sa hapdi n'on.
"Pinanggilan mo na naman 'tong labi mo. Lagi mo na lang 'yang napagdidiskitahan kapag nagtitimpi ka ng galit mo." Kumuha siya ng panyo sa bulsa ng jacket niya at marahang dinampi 'yon doon.
Nakatingin lang ako sa kaniya.
Ang laki ng galit ko sa mga babae dahil halos lahat sa kanila na dumaan sa buhay ko, hindi naging maganda ang pagtrato sa 'kin... pero siya ang ikalawa na tumingin at ngumiti sa 'kin na nakapagparamdam sa 'kin na tao ako katulad ni Sister Nida. Na kailangan ko rin ng alaga at pag-aalala ng iba.
Sobrang bait niya at dahil sa pagiging parte niya sa buhay ko, hindi naging napakabaluktot ng pamumuhay na ginagawa ko ngayon.
Kung hindi ko siguro siya nakilala, baka lumaki akong magnanakaw o kaya holdaper, may makain lang nitong nakaraang anim na taon dahil lagi niya akong tinutulungan kapag hikahos ako.
Hindi ko man siya tinatawag na ate kahit na isang taon ang tanda niya sa 'kin, iginagalang ko naman siya bilang nakatatandang kapatid at pamilya. Hindi man kami magkadugo, ipinaramdam niya sa 'kin ang pagmamahal na sa totoong kapamilya lang mahahanap.
Hinawakan ko ang kamay niya na maingat na nagpupunas ng labi ko kaya napatingin siya sa mga mata ko.
Ngumiti ako at hinipan siya sa mga mata kaya napapikit siya.
"Napakalayo sa bituka nitong sugat ko sa labi kaya hayaan mo na. Magtataxi na rin ako patagaytay dahil wala ng nabiyahe na jeep."
Nagmulat na siya at nakatingin lang sa 'kin. Hindi ko alam kung anong tumatakbo sa isip niya. Ibinulsa niya na ang panyo niya at napahinga nang malalim. "Sige. Mag-iingat ka sa pag-uwi mo. Happy New Year nga pala kahit nasira ko ang new year's eve mo."
Ginulo ko ang buhok niya. "Tss. Sabing wala nga lang sa 'kin 'yon. Mag-iingat ka rin sa pag-uwi mo."
Tumango-tango siya at kumaway sa 'kin. "Bye. Bibisita ako sa school mo kapag may time ako."
Ngumiti ako at tumango rin saka naglakad na paalis. May nakita akong paparating na taxi kaya pinara ko 'yon at sumakay na.
Umandar na ang sasakyan pagkatapos kong sabihin ang uuwian ko at tiningnan ko si Gab na nakatayo pa rin sa puwesto na pinag-iwanan ko sa kaniya. Nakasunod siya ng tingin sa 'kin habang nakangiti at kumakaway-kaway pa rin. Kumaway rin ako pabalik sa kaniya hanggang na nalagpasan na siya nitong taxi.
Napatulala na lang ako.
"'Wag mo na 'yang ipagtanggol Gab! Baka may mangyari ring masama sa buhay mo katulad ng sa papa ko kapag naging mabait ka sa isang 'yan na hindi naman natin alam kung saan talaga nanggaling!"
"Dahil sa lalaking 'yan, nawalan ako ng asawa at nagkandamalas-malas ang buhay namin!"
Napapikit ako nang mariin. Kuyom na kuyom ang mga kamao ko at kung wala lang sugat ang ibabang labi ko, madiin na nakakagat na naman ako ngayon doon.
Rumehistro sa isipan ko ang napakabait na mukha ni tatay Reynaldo. Siya ang kumupkop sa 'kin nang maglayas ako sa ampunang pinagdalhan sa 'kin ng nanay ko.
"Anak, birthday mo na sa susunod na linggo. Anong gusto mong handa?"
"Huwag na po kayong maghanda. Gastos lang po 'yon. Baka magalit din sa 'kin sila Lara kapag pinaghandaan n'yo ako."
"Bakit naman sila magagalit? Natural lang naman sa tao na paghandaan kapag birthday ah. Napakasuwerte ko nga na naging anak kita dahil napakasipag mo at wala kang reklamo sa pagtulong sa 'kin sa karinderya."
"Basta po tay. Ayoko rin naman po."
"Sinasabi mo lang 'yan dahil nahihiya ka. Nakita kaya kitang nakatanghod doon sa birthday party ni Gabriella. Halata na naiinggit ka."
"Hindi po ako naiinggit. Masaya lang po ako na masaya si Gab sa birthday niya."
"Ayaw mo talaga? Sigurado ka?"
"Opo, 'wag na po."
Hindi ko namamalayan na nangingilid na sa pisngi ko ang mga luhang tumakas mula sa mga mata ko.
Isinaklob ko na lang ang hood ng jacket ko sa ulo ko at tumikhim para alisin ang masakit na emosyon na nakabara sa lalamunan ko. Tumingin na lang din ako sa labas ng nakasarang salamin nitong taxi.
"Nang dahil sa 'yong bata ka, nasagasaan si Reynaldo! Kung hindi mo siya pinilit na pabilihin ng ihahanda sa lintik na birthday mo, hindi sana siya nagpunta ng bayan at nasagasaan!"
"H-hindi ko naman po siya pinilit na ibili ako—"
"'Wag ka nang magsinungaling! Pinatay mo na nga ang papa ko, nagagawa mo pa ring magsinungaling!"
"Lumayas ka sa pamamahay namin! Layas!"
Mas lalo akong napaluha nang maalala ko kung paano nila ako ipinahiya sa mga tao sa lamay ni tatay Rey. Ni hindi nila pinakinggan ang katotohanan at itinatak na lang nila sa isip nila na pinilit ko talaga si tatay na ibili ako ng handa kaya siya nasagasaan sa bayan.
Tumingin ako sa kalangitan na may ilang mga fireworks na ang nagpapailaw.
Tay... Siguro nga, napakamalas kong tao. Sana pala, hindi mo na lang ako kinupkop at minahal... buhay ka pa sana ngayon.
Sorry dahil namatay ka sa kagustuhan na mapasaya ang isang malas na tulad ko.
Sorry...
Doon ay tahimik akong umiyak sa sobrang sakit ng nararamdaman ko sa dibdib ko.
Ipagpapatuloy...