Reverie
It’s Sunday.
Katatapos lang namin sumimba bilang isang buong pamilya. Habang nakikinig kami ng misa ay hindi maalis ang tingin ng mga tao sa amin.
Hindi ko alam kung dahil ba halos sakupin na namin ang isang mahabang bench o ang ideyang ngayon na lang muling nabuo ang pamilya namin.
We have our own life outside this family. At kahit ang mga Tita ko na nakapangasawa ng malalayo ay minsan na lang din makadalaw dito sa Batangas—madalas, kung may okasyon lang o kung may kailangan pag-usapan tungkol sa negosyo. Although, may bahay at properties sila dito.
Pero ngayong magkakasama kami, ramdam ko na parang bumalik kami sa dati—noong bata pa ako at wala pang masyadong komplikasyon sa buhay. Nakakapanibago, pero ang saya.
Paglabas ng simbahan, abala ang mga tao sa pagbati kay Lolo. Para siyang mayor ng bayan—lahat gustong kamayan siya. Nasa gilid lang ako, pinagmamasdan kung paano siya ngumiti sa bawat tao, kung paano siya marunong magpakumbaba kahit halatang sanay na siya sa atensyon.
“Iyan na ba ang mga anak mo, Don Laurentio?” Isang matanda ang nagtanong matapos kamayan si Lolo.
“Oo, Julio. Ito si Lyra, Lecia at Lara.” Pagturo niya kina Mama at sa mga kapatid. “Ito naman ang mga panganay kong apo; Levi, Lexa at Lauren. Ang iba ay nauna na sasasakyan.” Dugtong ni Lolo habang tinuturo kami sa likod ng aming mga ina.
Ngumiti ako sa nagtanong na lalaki at sabay sabay kaming kumaway sa kaniya.
“Magandang umaga ho,” bati ko naman sa kaniya.
Magaan ang ngiti ng matanda habang tumango. “Magandang umaga rin, iha. Magaganda at magagwapo ang mga apo mo, Don.”
Tumawa si Lolo nang mahina at bahagyang umiling. “Namana sa akin, syempre,” biro niya na ikinatawa rin ng lahat, pati na rin si Mang Julio.
Habang naglalakad kami papunta sa sasakyan, ramdam ko ang kakaibang atmosphere sa paligid. Mainit ang araw pero may malamig na simoy ng hangin mula sa mga puno sa paligid ng simbahan. Ang daming bumabati, nag-aabot ng kamay, at may ilan pang kumakaway mula sa malayo.
Si Levi, na nasa tabi ko, ay bahagyang yumuko para bumulong. “Sanay ka ba sa ganito? Parang may press conference lang sa dami ng bumabati kay Lolo.”
Napangiti ako. “Medyo nakakapanibago. Pero parang... ang saya din. Maraming kilala si Lolo.”
“Masasanay ka rin,” sabat naman ni Lexa mula sa kabila ko, habang maingat na tinutupi ang shawl niya sa braso.
“Maimpluwensya si Lolo dito sa Lipa. Kasing lakas ng mga opisyales sa munisipyo. Kaya kahit saan sya pumunta dito ay may babati pa rin sa kanya.”
“Welcome to the Carvalho circle, pinsan.”
Pagdating namin sa van, si Lolo mismo ang nagbukas ng pinto sa amin bago siya sumakay sa unahan. Habang nasa biyahe ay sinabihan kami ni Lolo na mag ikot sa buong lupain.
Pagdating naman namin sa bahay, mabilis kaming nagpalit ng mas komportableng damit. Wala pang isang oras ay kumakatok na si Lexa sa pinto ng kwarto ko.
“Ready ka na? Mag-tour tayo. Para makita mo rin ‘yung buong property,” sabi niya, nakasuot ng simpleng puting blouse at high-waist shorts, may hawak pang cap.
Sumilip si Levi mula sa hallway, may suot na plain gray shirt at faded jeans. “Let’s go na bago pa mag-init nang todo. Sayang ang umaga.”
Bumaba kami at dumaan muna sa gilid ng main house, kung saan nakapark ang isang golf cart na para sa mga bisita. Si Levi ang nag-drive, habang ako at si Lexa ay magkatabi sa likod.
Unang huminto ang Wrangler Jeep ni Levi sa isang gusali na natatanaw ko lang noong unang gabing salta ko rito. Malinis ang facade at amoy langis ang paligid. Nagmumukhang nasa ibang bansa ang paligid dahil sa kulay red nitong haligi at black na bubong.
“This is the heart of the operation,” sabi niya habang bumababa kami.
Matagal na akong hindi nakatapak dito—at sa totoo lang, halos hindi ko na maalala ang huling beses.
Sa loob, makikita ang mga makinarya na gumagawa ng palm oil—may ilang tauhan na naka-uniform at naka-face mask, abala sa kani-kaniyang gawain. Maingay dahil ng mga makina pero organized ang galaw ng mga tauhan.
“Dati, manual lahat nito ayon sa kwento ng iba,” paliwanag ni Levi. “Si Lolo at Mama noon, halos araw-araw nandito. Wala pang ganitong level ng automation.”
Si Lexa naman ay sumingit, “Pero even with modern equipment, kailangan pa rin ng solid management. Kaya kami ni Levi, hati sa focus—ako sa strategic planning and marketing, siya naman sa operations.”
Humarap ako sa kanya. “Tumutulong ka rin?” Tanong ko.
Kung dalawang taon ang agwat ng edad niya sa akin, ibig sabihin ay nasa college pa rin siya at nag aaral.
“Yes, this is part of my training na rin. Si Mama kasi, as co-heir of the business syempre sinasanay niya na rin kaming mga anak niya dahil sa atin din naman ipapamana ang negosyong ito.”
At doon ako parang natigilan.
Ako? Anong parte ko sa lahat ng ito?
Kung sila, bata pa lang ay binibigyan na ng training para pamunuan at protektahan ang negosyo, ako naman… parang hanggang ngayon, bisita lang sa sariling pamilya.
Pinilit kong ngumiti at sabihing, “Wow, ang aga mo pa lang nasabak.”
Ngumiti rin siya, bahagyang proud pero hindi mayabang. “Well, ganito talaga pag lumaki ka dito. Kahit si Levi, bata pa lang sumasama na sa mga ocular inspection ni Tita.”
Sumulyap ako kay Levi na ngayon ay nakatingin sa malayo, para bang sinusuri ang kalagayan ng mga puno.
Tiningnan ko rin ang paligid.
Mga puno na tinanim at inalagaan para mamunga, paulit-ulit sa bawat season… at mga taong handang maghintay at magtrabaho para doon.
“Kung papayag si Tita Lara na bumalik at tumulong rin sa pagpapatakbo ng kumpanya, you will also be trained. Huwag kang mag alala, kami ang magiging gabay mo.” Ani Levi habang patuloy pa rin sa pagmamasid sa paligid.
May kakaibang pakiramdam sa dibdib ko.
Parang hindi lang ito tour.
Parang may gustong iparamdam sa akin ang lugar na ito—na kahit ilang taon akong wala, bahagi pa rin ako ng mundong ito, gusto ko man o hindi.
Nagpatuloy ang aming tour sa loob ng plant. Tinuro nila sa akin ang mga machines at mga pangalan nila. Pinipilit kong tandaan para kung sakaling makabalik ako rito ay hindi na ako maging turista.
“Upgraded lahat ‘to,” paliwanag ni Levi, parang tour guide na sanay magsalita sa mga bisita. “We invested in modern equipment para mas efficient at mas environment-friendly ang operations. Less waste, less pollution.”
Sumingit si Lexa, “At dahil doon, mas dumami rin ang clients. Mas mataas ang demand, pero kaya na naming i-meet nang hindi nasasakripisyo ang quality.”
Mula sa pagakyat ng mga mga bunga hanggang sa pagipit nito gamit ang malaking machine na pang extract ng palm oil. May mga manggagawang naka-uniform at safety gear, lahat mukhang focused sa trabaho nila.
Habang pinagmamasdan ko, may kung anong kiliti sa dibdib ko.
Ito pala ang puso ng negosyo ng pamilya—hindi lang ito tungkol sa pera, kundi sa lahat ng taong umaasa rito para mabuhay.
Napatingin ako kina Levi at Lexa. Sila, alam nila kung paano ito pinapatakbo.
Ako… wala pa halos alam.
“Gusto mo bang subukan?” tanong ni Levi, hawak ang isang maliit na sample container ng oil.
Napangiti ako. “Pwede ba?”
“Of course. Para ka nang honorary intern ngayon,” biro niya.
Hawak ko ang bote, at sa unang pagkakataon, hindi ko na naramdaman na bisita lang ako rito.
Tinaas ko ito at hinayaan ang ilaw mula sa malalaking bintana ng planta na tumama rito. Mas matingkad ang kulay kaysa sa mga nabibili sa mga grocery stores. Parang may sariling kinang, parang gusto nitong ipaalala sa akin na galing ito sa lupa na pagmamay-ari ng pamilya ko.
“Organic processing na kasi,” dagdag ni Levi. “Minimal chemicals, tapos cold-pressed method. Kaya mas flavorful, mas healthy. Sa ibang bansa, mas mataas ang presyo ng ganito.”
Napangiti ako, kahit may kaunting bigat sa dibdib.
Sa lahat ng taon na lumaki akong malayo rito, hindi ko alam na ganito pala kaganda at kapersiso ang ginagawa ng pamilya namin. Akala ko noon, basta plantation lang—mag-aani, magbenta, tapos. Pero ngayon, kitang-kita ko kung gaano kalaki ang effort para lang makagawa ng isang bote ng oil.
Sa isip ko, naalala ko ang Lola Nueva… kung paano siguro nagsimula ito sa mas maliit na operasyon, kung ilang taon nilang binuo para maging ganito kalaki.
Nakakahiya man, pero ngayon lang ako nagkaroon ng totoong appreciation para dito.
“Come on, Lauren,” tawag ni Lexa, nakangiti. “Hindi pa ‘to ang pinaka-highlight. Let’s take you to the plantation bago pa sumakit ang sinag ng araw.”
At doon ko naramdaman ang kakaibang excitement—kasi alam kong malapit ko nang makita, sa wakas, ang subject ng painting na ilang araw ko nang pinapanday sa isip.
Paglabas namin ng planta, sinalubong ako ng mainit pero hindi nakakainis na sikat ng araw. Sa malayo, parang dagat na walang katapusan ang tanawin—pero imbes na tubig, puro malalaking puno ng palma ang nakahilerang parang sundalong nagbabantay sa bawat pulgada ng lupa.
Habang naglalakad kami papasok sa plantation, naamoy ko agad ang kakaibang halimuyak—halo ng lupa, bagong ani, at sariwang hangin na bihira kong masinghot sa Maynila. May mga tunog din na matagal ko nang hindi naririnig: kaluskos ng mga dahon kapag hinahaplos ng hangin, ang tila musika ng mga kuliglig, at ang mahinang pag-uusap ng mga trabahador na dumadaan bitbit ang kanilang mga gamit.
“Hundreds of hectares ‘to, Lauren,” sabi ni Levi habang tinuturo ang direksyon na halos hindi ko matanaw ang dulo. “Dito lahat nagsisimula. Walang oil kung walang palay-palmera.”
Tahimik lang akong tumango. Hindi ko maipaliwanag pero para akong nabubusog kahit wala pa kaming kinakain. Sa isip ko, ito pala yung mundong bumuo sa pamilya namin. At ngayon lang kami muling nagkakasama para makita ko ito nang harapan.
“Wow…” Hindi ko napigilang bulong. Parang ako’y pumasok sa painting ko—pero ngayon, totoo na siya.
“First time mo makita in person, ‘di ba?” tanong ni Lexa habang nakangiti.
“Yeah… dati, naririnig ko lang sa kwento ni Mama. Pero iba pala kapag nandito ka. Iba ‘yung feeling.”
Habang patuloy kaming naglalakad sa pagitan ng mga punong palma, hindi ko mapigilan ang mga mata ko na luminga sa lahat ng direksyon. Sa canvas ko, minsan ay pinipilit kong buuin ang isang mundo mula sa alaala o imahinasyon. Pumipili ako ng kulay—madalas, mula sa kung anong mayroon sa aking palette. Pero dito… ang mga kulay, sila mismo ang lumalapit sa akin. Hindi ko kailangang hulaan kung anong shade ng berde o anong init ng dilaw ang gagamitin ko—naririto silang lahat, malinaw at buo.
Ang berde ng mga dahon, hindi lang basta berde. Mayroong mga patong-patong—may hilaw, may hinog, may daplis ng araw na ginagawang halos ginto ang gilid ng mga dahon. Ang lupa sa ilalim ng paa ko ay hindi lang kayumanggi; may mga bahid itong pula at itim, tanda ng sigla at buhay na nanggagaling dito.
Sa painting, ang hangin ay isang ilusyon—isang sapin ng kulay na nagbibigay galaw. Pero dito, ang hangin ay totoo. Nararamdaman ko siyang dumadaan sa pisngi ko, humahaplos sa buhok ko, pumapasok sa baga ko. Dito ko lang naisip—hindi mo pala ganap na mauunawaan ang isang tanawin hangga’t hindi mo ito nalalanghap.
At ang liwanag… sa canvas, kaya ko lang gayahin ang ilaw gamit ang contrast at highlights. Pero iba ang liwanag dito—malaya siya. Hindi lang siya nakaupo sa ibabaw ng mga bagay, bumabalot siya sa’yo. Parang niyayakap ka.
Sa bawat hakbang, naiisip ko—ilang beses ko nang pininturahan ang mga punong ito nang hindi ko pa sila tunay na nakikita? Ilang beses ko nang inimbento ang kanilang hugis, ang kulay, ang pakiramdam… at ngayon, heto sila, higit pa sa lahat ng naisip ko.
Biglang tumimo sa isip ko—kung siya ang nandito ngayon, siguro tatawa siya sa akin, sasabihing, “Ngayon mo lang nakita ang ganda ng tahanan natin?” At siguro, kung maari, sabay naming guguhit ang tanawin na ito, hanggang sa magdikit ang kulay niya at kulay ko sa iisang canvas.
I’m sorry, Lola. Kung ngayon ko lang naappreciate ang ganda ng pinagmulan ko.
“Hey, tahimik ka ata, Lauren.” Si Levi ang unang nakapansin. Nakapamewang siya habang pinupunasan ang pawis sa noo gamit ang puting tuwalya na nakasabit sa leeg niya. “Nagugustuhan mo ba?”
Napatingin ako sa kanya, medyo nahuli sa paghinga sa lalim ng iniisip ko. “Sobra,” sagot ko. “Parang… dati kasi, lagi ko lang siyang iniisip o pinipinta. Pero ngayon, ibang-iba pag nandito ka talaga.”
Ngumiti si Lexa, parang naintindihan agad ang ibig kong sabihin. “First time mo lang talaga makita nang ganito, no? Alam mo, Lola Nueva loved this place. Lagi niyang sinasabi, every palm tree tells a story. Kaya tuwing may bagong tanim, parang isa na namang bagong kwento ang nadagdag sa buhay niya.”
Parang sumikip ang dibdib ko sa narinig ko. “Siguro nga,” mahina kong tugon, “kaya ko rin gustong i-paint ‘to. Para may kwento ring maiiwan.”
Levi chuckled, pero mababakas ang lambing sa tono niya. “Kung ganun, dapat dalhin ka namin sa pinakamagandang spot dito. Yung tipong kita mo lahat—yung buong plantation hanggang sa dulo ng lupa ni Lolo.”
Nakangiti akong tumango. “Game ako diyan.”
Habang naglalakad kami, sumulyap si Lexa sa akin. “Maganda ‘yang ginagawa mo, Lauren. Yung art mo… it’s another way of keeping our history alive. Hindi lang puro numbers, reports, o sales. May puso rin.”
Hindi ko alam kung bakit, pero ramdam ko na mas lumalalim ang paghinga ko. At sa loob-loob ko, alam kong tama siya. Dito, sa gitna ng liwanag, hangin, at kulay ng plantation… parang mas malinaw na sa akin kung saan ko gustong magsimula.
Naglakad pa kami nang kaunti mula sa kalsadang sementado hanggang sa matapakan ko ang lupa na mabuhangin at may halong amoy ng bagong ani. Habang tumataas kami sa isang maliit na burol, mas nagiging malinaw ang tunog ng hangin na humahampas sa mga dahon ng palm trees.
Pag-akyat namin sa tuktok, biglang bumukas ang tanawin—isang malawak na karagatan ng berde at ginto. Ang mga dahon, kumikislap sa ilalim ng araw, parang kumakaluskos na alon sa dagat. Sa pagitan ng mga puno, may mga manggagawang nakayuko, nag-aayos ng mga ani. May ilan ding trak na dahan-dahang gumugulong papunta sa plant.
Parang natigil ang mundo. Kahit may ingay mula sa ibaba, dito sa vantage point na ito, may ibang katahimikan.
“Grabe…” mahina kong bulong. “Parang painting na siya kahit wala pa sa canvas.”
Ngumiti si Levi, saka nilabas ang phone niya at iniabot kay Lexa. “Kuhaan mo siya ng picture. Diyan mismo sa gitna.”
“Ay, hindi na—” sagot ko, pero natawa si Lexa, hindi na nagpatumpik-tumpik at mabilis akong kinunan.
“Para may reference ka na agad,” sabi niya. “Kapag na-miss mo ‘tong view, tingnan mo lang ‘to.”
Nang silipin ko ang kuha, may kung anong kumurot sa dibdib ko. Nakita ko ang sarili kong nakatayo sa gitna ng kalikasan, parang maliit na tuldok lang sa gitna ng napakalawak na mundo. Ang liwanag ng araw, tumatama sa mukha ko; ang buhok ko, sumasayaw sa hangin; at sa likod ko, ang walang katapusang dagat ng mga puno.
Nagsimulang mabuo ang ideya: sa canvas ko, hindi lang magiging background ang mga punong ito. Sila ang magiging buhay ng painting—ang kulay ng lupa, ang galaw ng hangin, ang liwanag na dumadaloy sa pagitan ng mga dahon.
Minsan, naisip ko, para makita mo ang kabuuan ng isang bagay, kailangan mo munang maglakad, mapagod, at umakyat sa pinakamataas na pwesto. Doon mo lang mauunawaan kung gaano siya kalawak, kaganda, at kahalaga.
“Halika, baba na tayo. Ipapakita pa namin ‘yung creek sa kabilang side,” sabi ni Levi.
Pero bago ako sumunod, sinulyapan ko ulit ang tanawin. Pinilit ko itong i-ukit sa alaala ko—hindi lang para sa painting ko, kundi para sa sarili ko.
Habang bumababa kami mula sa burol, medyo mabato ang daan kaya’t kailangan naming mag-ingat sa bawat hakbang.
“Alam mo ba,” bungad ni Lexa habang tinutupi ang buhok niya na tinatangay ng hangin, “noong bata pa kami ni Levi, dito kami nagtatago kapag ayaw na naming mag-lesson sa piano. Aakyat kami dito tapos magpapa-pick up kina Kuya Nilo bago dumilim.”
“Hoy,” singit ni Levi na nakangiti, “ikaw lang ang palaging nagpapasundo. Ako, bumabalik pa para kunin yung nakalimutang laruan. Isang beses nga, naiwan ko yung paborito kong slingshot. Ayun, kinabukasan, may nakita kaming unggoy na gamit-gamit ‘yun.”
Napatawa ako sa imahe ng unggoy na parang batang naglalaro sa plantation. “Unggoy? As in dito lang?”
“Oo,” tumango si Levi. “Dati mas marami pa sila dito. Ngayon kasi mas maayos na yung area, mas organized, pero nung bata kami, parang mini-jungle ‘to sa ilang parte.”
Habang naglalakad kami, napansin ko ang ilang puno na mas matanda kaysa sa amin, malalaki at makapal na ang puno. Sa pagitan nila, may mga nakatanim na bago pa lang, halos kaedad ng ilang pinsan ko siguro.
Na-realize ko, itong lupa at mga puno—hindi lang sila pinagkukunan ng kabuhayan. Saksi sila sa paglaki ng pamilya namin, sa mga tawanan, takbuhan, at kahit sa mga sikreto.
Pagdating namin sa patag, narinig ko ang mahinang agos ng tubig. Doon sa kabilang banda, sa pagitan ng mga palm trees, may maliit na creek na malinaw ang tubig at malamig ang hangin.
“Dito kami palaging naglalaro noon,” sabi ni Lexa, nakatingin sa tubig. “Kung sa plantation kami tumatakbo, dito naman kami humihinto para magpahinga. Minsan nag-aagawan kami ng bato kung sino ang may pinakamalaking splash.”
“Tapos ikaw lagi ang talo,” sabat ni Levi na nakangisi.
“Hindi totoo ‘yon!” depensa ni Lexa, pero halata sa tawa niya na totoo nga.
Naupo kami sandali sa tabi ng creek. Pinakiramdaman ko ang presensya ng dalawa—parang kahit may agwat sa buhay namin at hindi kami lumaki na magkasama, may mga alaala sila rito na handa nilang ibahagi sa akin. Para bang sinasabi nila, you’re part of this place too.
Sa ilalim ng lilim, habang nakikinig sa agos ng tubig, alam kong ang tanawing ito—ang kulay, ang hangin, ang buhay—ay magiging hindi lang bahagi ng susunod kong painting, kundi bahagi ko na rin.
“Teka… bakit may creek dito?” tanong ko habang nakatingin sa malinaw na tubig na dumadaloy sa gilid ng plantation. Kita ko kung paano kumikislap ang liwanag ng araw sa ibabaw nito, parang kumot ng maliliit na bituin na nakalutang.
Ngumiti si Levi, parang proud sa sagot niya. “Natural ‘yan. Nandito na ‘to bago pa tinayo ang plantation. Isa ‘yan sa mga dahilan kung bakit pinili ng pamilya natin ang lupa na ‘to. Ever since, dito na kami kumukuha ng tubig para sa irrigation.”
“Parang lifeline,” dagdag ni Lexa habang sumisilip din sa agos. “Kung wala ‘to, mas mahirap alagaan ang mga puno. Kahit noong hindi pa modernized ang planta, creek na ‘to ang tumutulong para mabuhay ang mga pananim. Kaya inaalagaan din namin ‘to. May mga rules pa nga kami—bawal magtapon ng kahit anong basura dito.”
“May fish pa ba diyan?” tanong ko, nakangiti.
Levi chuckled. “Meron, maliit lang. Tilapia, minsan gurami. Pero mostly, wildlife lang na natural na nandito. Yung mga ibon din, dito umiinom ng tubig. Kaya kung mapapansin mo, parang mas sariwa ang hangin kapag malapit dito.”
Napatingin ako sa paligid—ang ingay ng dahon na hinahaplos ng hangin, ang mabining agos ng tubig, at yung malayong tunog ng mga makina ng planta na parang humuhuni lang sa background.
Lexa glanced at me. “First time mo ‘no? Makita ito nang malapitan?”
Tumango ako. “Yeah… dati kasi, sa painting ko lang nakikita ang ganito. Puro imagination. Pero ngayon… iba ‘yung feeling. Iba ‘yung kulay, iba ‘yung amoy ng hangin. Hindi siya kasing-pino ng nasa canvas ko, pero mas buhay.”
“Baka mas maganda,” sabi ni Levi. “Kasi real thing na siya.”
Napangiti ako. “Oo… mas maganda.” Hinugot ko ang phone ko at nagsimulang kumuha ng litrato—hindi lang ng creek, pati na rin yung mga palm trees na nakatayo sa likuran, at yung mga anino nila na humahaplos sa tubig. “Pwede ko itong gawing second inspiration para sa painting ko. Plantation at creek—parang dalawang magkaibang anyo ng life, pero parehong nagbibigay-buhay.”
“Parang kami ni Lexa,” biro ni Levi. “Magkaiba pero parehong may ambag.”
“Puwede rin,” tawa ko. Pero sa loob-loob ko, oo, parang pamilya rin namin… iba-iba ang papel, pero konektado sa iisang ugat.
Bago kami umalis, tumigil ako sandali at tinignan ulit ang dumadaloy na tubig.
Bumaba kami ng kaunti para mas lapitan ang creek. Inilagay ni Levi ang kamay niya sa ibabaw ng tubig, parang nagte-test ng temperatura. “Medyo malamig ngayon, kasi kagabi umulan sa bundok,” sabi niya.
Napatingin ako sa malinaw na agos, kita ang maliliit na bato sa ilalim. “Pwede bang maligo dito?” tanong ko, half-serious half-joking.
Natawa si Lexa. “Pwede naman… pero baka sumama sa iyo yung mga tilapia.”
Levi smirked. “Kung bata ka pa siguro, oo. Noon kasi, kami ni Lexa at mga pinsan namin, dito kami naliligo pag summer. Parang probinsya vibe talaga. Pero ngayon, bihira na. Busy na lahat, at mas strict na si Lolo sa safety.”
“Sayang,” sagot ko, nakangiti pero may bahid ng totoo sa tono. “Parang ang sarap kasing maramdaman yung tubig, lalo na kung ganito ka-natural.”
“Eh di kung gusto mo, one time, balik tayo dito nang mas maaga,” sabi ni Levi. “Kahit magtampisaw lang.”
Lexa rolled her eyes playfully. “Sige, pero ikaw mag-e-explain kay Mama kung bakit basa tayong uuwi.”
Tumawa ako. Pero habang pinagmamasdan ko ang dumadaloy na tubig, naiisip ko, parang ganyan din siguro ang pamilya namin… minsan gusto mong sumisid, pero natatakot ka rin sa lamig o sa mga hindi mo alam sa ilalim. Kaya karamihan, hanggang tingin lang. Pero ako, baka isang araw, susubukan kong lumusong.
Kinuha ko ulit ang phone ko at kumuha ng ilang close-up shot ng creek—ang mga alon, ang reflection ng langit, at ang mga aninong gumagalaw sa ibabaw.
Ang creek na ‘to… nakita na nito ang lahat—ang pag-usbong at pagbagsak ng negosyo, ang mga taong dumaan, at ang mga pamilya na minahal ang lupang ‘to. Parang hindi lang siya dumadaloy sa lupa, dumadaloy din siya sa kasaysayan ng pamilyang ito. At ngayon, bahagi na rin ako noon.