Sojourn
Iba ang pakiramdam sa ko sa lugar na ito.
Magaan, payapa at malayo sa ingay ng syudad.
Ang sarap namnamin ng bawat sandali—ang lambot ng kama na parang niyayakap ako, ang lamig mula sa sariwang hangin na pumapasok sa bintana, ang banayad na paggalaw ng kurtinang parang humihinga rin. Ramdam ko ang kinis ng satin pillowcase sa aking pisngi at ang bigat ng comforter na tila nagsasabing huwag muna ako bumangon.
Sa labas, maririnig ang mahihinang huni ng mga kuliglig at kaluskos ng mga dahon ng palm trees na tinatangay ng hangin. Walang busina, walang nagmamadaling yabag—tanging katahimikan na may kasamang buhay.
Tumama ang sinag ng araw sa aking kamay. Banayad lang ang init, pero sapat para magising ang diwa ko mula sa antok. Dumaan ito sa pagitan ng manipis na kurtina, nag-iiwan ng maliliit na alon ng liwanag sa kumot.
Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata. Sa kisame, may banayad na pag-indayog ng ceiling fan, at mula sa labas ay pumasok ang halimuyak ng sariwang d**o at lupa. Ramdam ko ang kabuuan ng umagang ito—puno ng hangin, liwanag, at katahimikan na matagal ko nang hindi nararanasan.
Lumingon ako sa tabi ko. Pero wala si Mama. Walang kaluskos ng tubig mula sa banyo. Wala sa sofa. Ang tahimik ng buong silid, tanging mahinang huni ng mga ibon sa labas ang naririnig ko.
Bumangon ako mula sa kama, iniangat ang kurtina, at sumilip sa labas. Sa di kalayuan, tanaw ko ang bakuran na naliligo sa umagang liwanag. Doon ko nakita si Lolo kasama si Tita Lyra at Tita Lecia na nakaupo sa teresa. Ang mesa sa pagitan nila ang may tatlong tasa ng kape. Nagkukwentuhan. Magaan ang tawa nila, tila walang iniintinding oras.
Wala doon si Mama.
Nabuhay ang kaba sa dibdib ko. Kahit alam kong sanay si Mama sa lugar na ito, sa lawak nito ay hindi ko alam kung saan ko siya hahanapin.
Lumabas ako ng kwarto kahit hindi pa ako naghihilamos. Sinuot ko lang ang shawl sa balikat ko at nagsimulang hanapin siya sa palapag na ito. Tahimik ang buong bahay, maliban sa mahinang kaluskos mula sa kusina at amoy ng bagong salang na kape na umaabot hanggang sa hallway.
Dumaan ako sa malalaking bintana at nasilayan ang malawak na tanawin ng mga punong palmera na bahagyang gumagalaw sa hampas ng hangin. Sa bawat hakbang ko, naririnig ko ang langitngit ng sahig na kahoy, tila sinasabayan ang kabog ng dibdib ko habang papalapit sa terasa.
Pagdating ko sa dulo ng pasilyo, napansin ko ang isang pinto sa gawing kanan na bahagyang nakabukas. Naroon sa labas ng kusina, isang maliit na silid na tila matagal nang hindi napapasok. Mula sa siwang ay kita ang mga lumang kahon at sako na nakasalansan sa dingding.
Maingat akong lumapit at tinulak ang pinto. Agad kong nakita si Mama, nakatalikod, at may hawak na isang lumang kahon na tila binubuksan niya nang dahan-dahan. Hindi siya agad nakapansin na naroon ako.
“Ma?” mahina kong tawag.
Napalingon siya sa akin, bahagyang nagulat pero mabilis din na ngumiti. “Gising ka na pala, anak.”
Nakasuot siya ng puting daster. Ang itim niyang roba na umaabot sa kanyang talampakan ay nagmimistulang… anino na dumadagdag sa bigat ng paligid. Para siyang lumulutang sa gitna ng liwanag na pumapasok mula sa maliit na bintana ng storage room. Sa kanyang mga kamay, nakapatong ang isang lumang kahon na balot ng alikabok, para bang ilang taon na itong hindi nabubuksan.
Nakasalansan sa paligid ang mga sako ng bigas, lumang kahon ng palm oils, at ilang kahong kahoy na may mga lumang marka ng kumpanya ng pamilya. Ang amoy ng lumang papel at kahoy ay humahalo sa malamig na hangin na pumapasok mula sa labas.
Nakatingin siya sa hawak niyang ceramic kettle—puti na may manipis na c***k sa gilid, pero halatang maingat na maingat pa rin niyang hinahaplos. Sa pagkakatingin niya rito, para bang may kasamang bigat ng mga panahong nakalipas.
Sa kabilang bahagi ng silid, napansin ko ang mga paintings ni Mama, iba’t ibang laki ng canvas na nakasandal sa dingding, balot ng lumang tela para hindi masira. May mga pottery rin na nakaayos sa kahon, bawat isa’y binalot sa makapal na diyaryo na tila ba’y galing pa sa nakaraan.
Sa pinakadulo, halos natatakpan ng isang puting kumot, ay isang sculpture na hindi pa natatapos—parang hinintuan sa gitna ng paghinga. May hugis na, pero walang detalye; para bang isang kwento na iniwanan bago matapos.
Sinubukan kong lumapit, maingat na mga hakbang. “Ano po ang ginagawa niyo rito?”
Hindi siya agad sumagot. Bagkus, dahan-dahan niyang ibinalik ang kettle sa loob ng kahon, maingat na para bang mahalagang relikya iyon.
“Ginigising ko lang ang ilang alaala,” sagot niya sa mababang tinig, hindi inaalis ang tingin sa mga pottery sa harapan niya. “Matagal ko na ring hindi nabubuksan ang silid na ‘to.”
Nilapit ko ang sarili ko sa kanya, sinusuri ang paligid. Ramdam ko ang alikabok sa hangin at ang amoy ng lumang kahoy na parang matagal nang hindi naistorbo. “Ang dami po… at lahat magaganda,” sabi ko, halos pabulong, para hindi mabasag ang katahimikan ng lugar.
Maingat na hinawakan ni Mama ang laylayan ng puting tela at dahan-dahang hinila pababa.
Parang unti-unting nabubuksan ang isang lihim na tinago nang matagal.
Isa, dalawa, tatlong canvas ang lumantad—mga malalaking painting na halos kasing taas ko, puno ng kulay at damdamin. May isa na tanawin ng palmera sa ilalim ng papalubog na araw, isa pang larawan ng isang babaeng nakatalikod habang nakatingin sa dagat, at isa na abstract—puno ng magulong hugis at linya pero may kakaibang ganda.
Sunod niyang tinanggal ang takip sa isang shelf ng pottery—mga plorera at bowls na bawat isa’y may kakaibang hugis at masalimuot na detalye. Sa sulok, tinanggal niya ang kumot na nakapatong sa isang hindi pa tapos na sculpture: kalahati pa lang ang anyo nito, pero ramdam ko ang intensyon at emosyon sa bawat hubog.
Napako ako sa kinatatayuan ko. “Mama… lahat ‘to gawa mo?” tanong ko, halos hindi makapaniwala.
Tumango siya, bahagyang nakangiti pero may lungkot sa mga mata. “Bawat isa, bahagi ng buhay ko noon.”
Parang unti-unting bumigat ang dibdib ko habang iniisip kung ilang taon nang natutulog dito ang mga likhang iyon, walang nakakakita o nakakaalala.
Lumapit ako, marahang iniikot ang aking tingin sa paligid ng sculpture.
Magaspang pa ang ilang bahagi, may bakas ng pait at liha sa kahoy.
Sa kabila ng hindi pa tapos na anyo, malinaw na unti-unti nang lumilitaw ang mukha ng isang babae— mahahabang pilik, bahagyang nakapikit na mga mata, at labi na tila may gustong sabihin pero nananatiling tahimik.
Hinaplos ko ang gilid ng kahoy, ramdam ang mga uka at gaspang nito.
“Siya ba… ikaw?” maingat kong tanong, hindi tiyak kung tama ang hula ko.
Hindi agad sumagot si Mama. Sa halip, tinitigan niya ito nang matagal, parang may binabalikan sa alaala.
“Siguro,” mahina niyang sambit, “o baka yung babaeng gusto kong maging… pero hindi ko naging.”
May kakaibang bigat sa boses niya, parang bawat salita ay may kasamang taon ng piniling kalimutan.
“The real reason I tried to do this sculpture… was to relive my mother. Your Lola Nueva. Siguro namiss ko lang siya. Siguro hindi ko lang matanggap pa ang pagkamatay niya.”
Nanlaki ang mga mata ko. “Anong… nangyari kay Lola Nueva?” mahina kong tanong, halos hindi makalabas sa bibig ko ang mga salita.
Huminga nang malalim si Mama, inabot ang sculpture at hinaplos ang hati sa noo nito. “This… is not just an artistic choice. Nilagay ko ito dahil ganito ko siya huling nakita.”
Nagtagal ang tingin niya sa kahoy, parang tinitimbang kung kaya ba niyang sabihin ang buong kwento.
“Noong hirap pa ang negosyo namin, may mga tauhan na nagwelga. May nagkakalat ng tsismis na nagnanakaw kami, na kinukurakot namin ang sahod nila. Hindi totoo iyon, Lauren. I was there. I saw everything.”
Tumigil siya sandali, bahagyang nanginginig ang boses. “Pero may mga taong ginamit ang galit nila para maghasik ng gulo. Isang araw… on her way home, inabangan si Mama. Ambush. Isang sniper ang bumaril sa kanya… direkta sa ulo.”
Parang biglang bumigat ang hangin sa pagitan naming dalawa.
“Bata pa ako noon,” patuloy ni Mama, pilit pinipigil ang pagbagsak ng luha. “Nakita ko ang dugo niya. Narinig ko pa yung tunog… at hanggang ngayon, dala ko pa rin.”
Tinuro niya muli ang sculpture. “Kaya siguro kailangan kong gawin ito. Para kahit papaano… makasama ko ulit siya.”
Napalunok ako, pilit nilalabanan ang biglang pamamanhid ng aking katawan.
“Wala kaming nagawa noon,” dugtong ni Mama, halos pabulong. “Ang mga tao, naniniwala agad sa sabi-sabi. Naging taksil ang ilan sa mga pinagkakatiwalaan namin. Hindi namin alam kung sino ang nag-utos… pero alam namin na hindi lang basta galit iyon. May mas malalim na dahilan. At hanggang ngayon, hindi iyon malinaw.”
Umupo siya sa lumang bangkong naroon sa gilid ng storage room, mahigpit pa ring yakap ang sculpture. “Your lolo… he was never the same after that. Mas naging matigas, mas naging protektado sa negosyo. Wala na sa kanya ang pakikipagkaibigan sa mga tauhan. Lahat, kailangang dumaan sa proseso. Siguro dahil natatakot siyang maulit ang nangyari.”
Tahimik akong nakatayo, pinagmamasdan ang mga obra ni Mama sa paligid. Ang bawat painting, bawat pottery, bawat piraso ng kahoy, parang may dalang bigat ng nakaraan.
“Ma…” mahina kong sabi, “I’m so sorry to hear that. Sorry po kung nagtanong pa ako.”
Tumingin siya sa akin, may lungkot ngunit may lakas sa kanyang mga mata. “It’s okay, anak. It is time na malaman mo rin ang history ng pamilya natin. At matagal na panahon na ito. Nahuli na ang bumaril sa kanya, the case was investigated and closed. Hindi lang talaga ako satisfied sa outcome.”
Tumayo siya at marahang ibinalik ang sculpture sa isang sulok, para bang takot na takot itong masira. “They said it was an act of desperation… a random retaliation daw mula sa isa sa mga grupong lumaban sa amin noon. Pero alam kong hindi lang iyon. Hindi iyon basta galit na dala ng gutom o kakulangan. Masyadong planado. Masyadong malinis.”
Huminga siya nang malalim, saka tumingin sa isa sa mga malalaking painting na nakasabit sa dingding. “Ang hirap mabuhay nang may tanong na walang kasagutan, Lauren. Pero tinanggap ko na lang, kasi kung hinayaan ko iyong kagatin ako nang kagatin, hindi na ako makakapagpatuloy.”
Dahan-dahan akong lumapit sa kanya. “So you chose to move forward… kahit na hindi buo ang closure mo?”
Tumango siya at pilit na ngumiti. “Yes. We all agreed to end this. Mas kailangan naming magpokus sa negosyo lalo na ni Papa. Kung ang dahilan ng retaliation ay iyon, mas pinagbuti namin ang lahat. Para nakabawi. Para malinis ang pangalan namin.”
“Ganun lang po iyon? That was your mother, Mama. Tinanggap niyo na po yung justice na hindi nararapat sa kanya? Si lolo? Hinayaan niya iyon?”
Humugot siya ng malalim na hininga, halatang pinipigil ang pagbabalik ng matagal nang sakit.
“Anak… si Lolo mo, he lost more than a wife that day. Nawalan siya ng partner sa lahat—sa buhay, sa negosyo, sa pamilya. Alam ko, gusto niyang lumaban, gusto niyang ipagpatuloy ang kaso. Pero sa estado ng kumpanya noon… isang maling hakbang at tuluyan kaming babagsak. Ayaw niya nang madamay pa ang mga anak niya sa gulo.”
“Mahirap tanggapin, Lauren. Pero minsan, kahit mali, you choose peace over truth. Kasi iyon lang ang paraan para magpatuloy kang huminga.”
Lolo chose to be the man. He chose to be the father for his children. He chose to be the leader for his people. And he chose to be company dahil mas maraming umaasa dito.
“Si lolo… mas pinili niya ang nakararami.” May lungkot sa boses ko. Kahit ako ay hindi matanggap ang nangyari. Nalulunkot ako para kay Mama at sa mga kapatid niya. Pero mas nalulungkot ako para kay Lolo— na sa kabila ng lahat ng sakit, pinili pa ring magpatuloy para sa iba.
Tumango si Mama, mabigat ang kanyang tinig. “Yes… he chose to carry it all. At kahit alam kong dinadala pa rin niya hanggang ngayon ang sakit ng pagkawala ni Mama, mas pinili niyang maging haligi para sa lahat. Hindi lang para sa amin magkakapatid… kundi para sa bawat pamilyang umaasa sa kumpanya. That’s the kind of man your Lolo is.”
Hinaplos niya ang sculpture, pinadaan ang mga daliri sa hati sa noo nito na parang isang sugat na ayaw maghilom. “He sacrificed justice for stability, anak. And whether tama o mali iyon… hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam. Pero sigurado ako sa isa—lahat ng iyon, ginawa niya para sa amin.”
Mahigpit na yakap ang gusto kong ibigay kay Lolo.
Ngayon, mula sa nalaman ko kay Mama, I will never look at him the way I did before.
May kasama nang lungkot—lungkot para sa mga nawala sa kanya, at galit… galit sa mundo na pumilit sa kanya na mamili sa pagitan ng puso niya at ng responsibilidad niya.
Galit na kahit sa pinakamasakit na oras, hindi siya pinayagang maging simpleng asawa lang na nagluluksa.
At sa ilalim ng lahat ng iyon, may halong paghanga.
Dahil kahit ganoon kabigat ang pasanin, pinili pa rin niyang maging matatag.
Pero siguro, mas totoo ring sabihin—na mula ngayon, hindi ko na lang siya makikita bilang matatag na haligi ng pamilya.
Makikita ko na rin ang taong iniwan ng mundo na mag-isa sa gitna ng unos.
Hindi ko napigilan ang sarili at niyap ko ng mahigpit ang ina ko. Sa gitna namin ay ang sculpture ni Lola Nueva—tila siya ang nagdurugtong sa amin, sa nakaraan at sa kasalukuyan.
“We’re fine now, hija. Don’t worry, we all have moved on. At ganoon na rin ang Lola mo. Alam kong hindi niya gugustuhin na mahirapan ang naiwan niyang pamilya nang dahil sa lungkot at mga luha.”
Ramdam ko ang kabigatan sa bawat salita niya, kahit pilit niyang nilalagyan ng gaan.
Marahan kong binitiwan ang yakap, pero hindi ko iniwan ang kamay niya.
Tinitigan ko ang mukha ni Mama—may bakas pa rin ng lungkot, pero mas nangingibabaw ang tibay.
Gusto kong maniwala sa sinabi niya.
Gusto kong paniwalaan na nakapag-move on na sila.
Pero sa kaloob-looban ko, alam kong may mga sugat na hindi talaga tuluyang naghihilom—natututo lang tayong mabuhay kasabay nito.
Ang tatay ko ba talaga ang dahilan ng pagbitaw ni Mama sa sining o ang mapait na nakaraan na bumibisita sa kaniya?
Ngunit hindi ko na piniling itanong. Mahahanap ko ang sagot at kung gusto man sabihin ni Mama ay maghihintay na lang ako. Masyadong mabigat para sa amin ang umagang ito. Mas pipiliin ko na lang manahimik at namnamin ang payapang paligid na hatid ng silid ng mga alaalang narito.
Nagpasya si Mama na lumabas na. Hinintay ko siya hanggang sa kaya na niya. Bumalik kami sa kwarto para magbihis at hilamos. Para handa kaming humarap sa mga taong naghihintay na sa hapag.
“There they are! Mukhang napasarap ang tulog.” Si Tita Lyra ang unang nakapansin sa aming pagdating.
Ngumiti ako sa kanila habang nanatili ako sa tabi ni Mama.
“Good morning po.”
“Come, let’s eat na.”
Nagsenyas na si Lolo sa mga kasambahay na ihain na ang mga pagkain sa mesa. Habang umuupo ako ay pinagmamasdan ko silang apat. Ngayon ko lang napansin na sa kabila ng mga ngiti ay may guhit ng sakit at lungkot ang kanilang mga mata.
Parang may mga kwento sa likod ng bawat titig nila—mga alaala na hindi na binabanggit, pero ramdam mong mabigat.
At doon ko lang naisip… siguro kaya ganoon kalapit ang magkakapatid na ito ay dahil sabay nilang pasan ang parehong sugat, parehong alaala, parehong pagkawala.
Ngayon, habang nakaupo ako sa gitna nila, para akong nakikibahagi sa isang tahimik na kasunduan—na anuman ang pinagdaanan nila noon, mananatili silang magkasama.
“Pa, be careful with the bacon. Sinabihan ka na ng doctor mo.” Paalala ni Tita Lecia habang nilalagyan niya ng pagkain ang plato ni Lolo.
“Alam ko naman, Lecia. Hindi naman palaging oily foods ang kinakain ko.”
Napangiti ako sa palitan nila. Kahit may halong pang-aalalang totoo ang tono ni Tita Lecia, may lambing pa rin itong kasama—parang ganoon na talaga ang dinamikong magkakapatid.
Si Lolo naman, kahit nagbabantang tumaas ang kolesterol, ay may paraan pa ring gawing magaan ang usapan.
“Nasaan ang mga anak niyo, ate?” Tanong naman ni Mama sa tabi ko.
“Mamaya pa ang gising nila, naku. Huwag na natin hintayin. Si Levi naman ay nauna na kumain. Ayun, nasa kwarto niya kaharap na ang laptop at nagtatrabaho.” Si Tita Lyra naman ang sumagot.
Nakangiti si Mama pero halata ang pagod sa kanyang mga mata.
“Ganun ba? Ang dami din pala nilang ginagawa ngayon, ‘no?”
Tumango si Tita Lyra. “Oo, busy ang mga bata lalo na si Levi. Pero importante pa rin na kahit papaano, nakikita nila ang pamilya kahit hindi araw-araw.”
Napailing ako at naisip na kahit gaano pa kabusy ang buhay, ayun pa rin ang tunay na yaman — ang mga sandaling magkasama.
“You’re right, ate. Kaya nga medyo nalungkot ako nang lumipat sa dorm itong si Lauren simula noong pasukan. Ang tahimik ng bahay kapag ako lang mag isa.”
Lumingon si Mama sa akin at ngumiti. Sinuklian ko ang kaniyang ngiti kahit bakas pa rin ang lungkot sa kanyang mga mata.
“Why don’t I just buy a house near your school, apo? Tapos doon kayo tumira ni Lara.”
“Huwag na, Papa. Gagastos ka pa. Umuuwi naman siya every weekend, okay na ako doon.” Singit ni Mama sa alok ni Lolo.
“Come on, Lara. Ilang birthdays at graduations ang hindi ko nasaksihan kay Lauren. Wala pa akong nagiging gift.”
“Bahay talaga agad, Pa?”
“May gift man po o wala. Okay lang po sa akin, Lo. Tama rin po si Mama. Gagastos pa kayo ng malaki eh umuuwi naman po ako tuwing weekends sa bahay.”
Nakangiti si Lolo, may halong pagmamalaki at pagmamahal sa tinig niya.
“Manang mana ka talaga kay Lara.” Tumingin siya kay Mama, bago sa dalawa pa niyang anak na nakangiti bagkus ay umiling. “Sa college graduation mo ako babawi, apo. Pero huwag kang mag alala dahil reregaluhan din kita sa birthdays mo.”
“Salamat po, Lolo. Ayos na po ako sa simpleng regalo.”
Nagsimula na kaming kumain matapos ang maikling dasal ng pasasalamat.
Hindi man marami ang salita, ramdam ang samahan at pag-aalala sa bawat tingin at ngiti na ipinamamagitan nila.
Minsan, si Lolo ay tinitingnan ang pagkain nang dahan-dahan, pinipili kung ano ang uunahin, tila sinusubukang alagaan ang sarili para sa amin.
Si Mama at ang mga Tita naman ay nag-uusap ng banayad tungkol sa mga plano sa hinaharap, ngunit may lalim ang bawat usapan—parang sinasalo ang mga alaala ng kahapon at hinahanda ang mga pangarap para sa bukas.
Sa likod ng mga ngiti sa mesa, naramdaman ko ang bigat ng mga alaala, at ang tahimik na pagnanais na sana’y may mas maraming ganitong pagkakataon pa.