Kabanata XVII

3381 Words
Choices Nagising ako mula sa isang maikling idlip. Hindi ko inasahan na makakatulog pa ako, pero siguro nga ay dahil sa mga nangyari kanina—sa tahimik na meryenda, sa kakaibang presensyang dala ni Tito Wilbert, sa ngiting matagal ko nang hindi nakita kay Mama—napawi kahit paano ang bigat na ilang taon nang pasan. Tahimik ang paligid, at sa katahimikang 'yon, may kapayapaang unti-unting bumalot sa akin. Hindi ito 'yung klaseng katahimikan na puno ng lungkot—ito 'yung uri na marahang yumayakap at nagsasabing ligtas ka na. Nag-unat ako ng bahagya bago bumaling sa mesa sa tabi ko. Nandoon pa rin ang sketchpad ko, bukas sa pahinang kanina ko lang ginuhitan. Nakatitig ako sa larawan ng isang babaeng nakaupo sa harap ng salamin, may hawak na kutsinta sa isang platito, habang nakangiti sa isang lalaking may bitbit na baso ng orange juice. Simple lang ang eksena, pero ramdam ko ang damdamin sa bawat linya ng lapis—ang katahimikan ng umagang iyon, ang pagyakap sa bagong simula. Hindi ito isang random na imahe. Ginuhit ko ito dahil sa nakita ko kay Mama. Ang ngiti niya—hindi sapilitan, hindi pagod. Isang ngiting may saysay. Na para bang, sa kabila ng lahat ng sakit, sa wakas ay pinili na rin niyang maging masaya. Iyon ang naging inspirasyon ko. Iyon ang nagpapaalala sa akin na ang pagmamahal ay hindi lang para sa iba—minsan, dapat para rin sa sarili. Binuksan ko ang cellphone ko. Mabilis kong na-scroll ang lock screen, pero agad akong napahinto nang makita ang isang unread message. Ivan: Text me when you have your decision. P.S. About lunch tomorrow. Napatigil ako sandali. Oo nga pala. Inimbitahan kami ni Tita Isadora sa lunch para bukas. At hindi ko alam kung ano mararamdaman ko. Hanggang ngayon, hindi pa rin malinaw sa akin kung ano bang posisyon ko sa buhay ni Ivan. Pero ngayon, parang hindi ko kayang isipin ang tungkol sa kanya nang hindi bumabalik ang lahat ng sakit. Bumangon ako mula sa kama, kinuha ang sketchpad at huminga nang malalim. Hindi ko alam kung dahil ba sa pagod o sa dami ng iniisip, pero pakiramdam ko'y kailangan ko lang gumuhit ulit. Walang tema. Walang direksyon. Naghanap ako ng malinis na pahina at nagsimula lang mag-doodle. Maliit na halaman. Tasa ng kape. Isang pares ng tsinelas. Pusa na nakahiga. Mga bagay na walang koneksyon, pero nagbibigay ng kakaibang aliw. Parang ako—hinahanap ang koneksyon sa sarili kong magulong damdamin. Habang pinapatuyo ko ang tinta, tinanaw ko ang bintana. Bumababa na ang araw, at ang langit ay may halo ng kahel at bughaw. Walang espesyal na nangyayari, pero sa unang pagkakataon sa matagal na panahon, hindi ko gustong takasan ang araw na ito. Parang gusto ko lang manatili rito—sa katahimikan, sa simpleng kasalukuyan. At sa gitna ng katahimikang 'yon, alam kong may mga bagay pa ring hindi ko kayang bitawan. Mga alaala, mga tanong, mga sagot na hindi pa rin malinaw. Pero ngayon, kahit papaano, natututo na akong huminga nang malalim. Huminto. Makinig sa t***k ng puso ko. At mamuhay sa pagitan ng mga pahinga nito. Mabilis lumalim ang gabi. Maaliwalas pa rin ang paligid, kahit pa palubog na ang araw at nagsisimula nang bumalot ang hangin ng bahagyang lamig. Nasa terrace kami ni Mama, nakaupo sa rattan na upuan habang may hawak siyang tasa ng kape. Ako naman ay may kasamang fleece blanket sa balikat, hawak ang cellphone pero hindi talaga tumitingin dito. Katatapos lang umalis ni Tito Wilbert. May surgery daw siya mamaya, 7pm. Sinamahan siya ni Mama palabas at ilang minuto ring nagpaalam sa may gate. Hindi ko narinig ang buong usapan, pero nakita ko kung paano siya ngumiti. Hindi lang basta ngiti—may bahid ng kilig at ng pagpapahalaga. At iyon ang dahilan kung bakit ako nandito ngayon. Tahimik muna kami ni Mama. Wala ni isa sa amin ang gustong maunang magsalita. Hanggang sa ako na ang hindi nakatiis. "Masaya ka ba, Ma?" tanong ko, tinititigan ko siya. Natigilan siya bago tumingin sa akin. Tumango siya, mabagal pero sigurado. "Oo, anak. Sa matagal na panahon, ngayon lang ulit ako naging ganito. Hindi dahil sa kanya lang, ha. Kundi dahil nararamdaman kong may kakampi ako. May isang taong handang makinig. At higit sa lahat, may isang taong hindi ako kailangang alagaan para mahalin ako." Ramdam ko ang bigat ng huling linyang 'yon. Napayuko ako, hawak pa rin ang cellphone, pero wala akong balak gamitin. "Mama, kung masaya ka... Masaya rin ako." Nagkatinginan kami. At sa titig na 'yon, alam kong naintindihan niya ang ibig kong sabihin. Na kahit hindi naging madali ang lahat sa amin, kahit na may sakit pa rin akong kinikimkim sa puso ko, pipiliin ko pa rin siyang suportahan. Dahil siya ang mama ko. At dahil alam kong karapatan din niyang magmahal ulit. Lumapit siya sa akin at marahang hinaplos ang ulo ko. Katulad ng ginagawa niya noong bata pa ako, tuwing takot ako o may sakit. Pero ngayong gabi, ibang klaseng haplos iyon—haplos ng pasasalamat, ng pagmamahal, at ng bagong simula. "Mahal na mahal kita, anak," bulong niya. Ngumiti ako, kahit na may namumuong luha sa aking mga mata. "Alam ko, Ma. Ako rin." At sa katahimikan ng gabing 'yon, habang pinagmamasdan ang pagdilim ng langit, alam kong kahit may mga bagay pa akong hindi ganap na nauunawaan, isa lang ang sigurado: ang pagmamahal ay hindi nauubos. Nagbabago lang ang hugis. At sa pagkakataong ito, sapat na 'yung makita kong masaya si Mama. Ang hapunan ay simple lang—inihaw na bangus, ginisang gulay, at malamig na tubig na may kalamansi. Tahimik kaming dalawa ni Mama sa umpisa, nakatutok sa aming plato habang sinasalo ang bawat kagat. Ngunit sa kabila ng katahimikan, may magaan na atmospera sa loob ng bahay. Parang may bumalot na bagong presensya. Isang uri ng pag-asa. Pinagmasdan ko si Mama habang sinasalin niya ang sabaw mula sa kaserola patungo sa mangkok niya. Sa likod ng kanyang simpleng kilos, ramdam ko ang pagbabagong unti-unting lumilitaw sa kanya. Mas magaan ang kilos, mas tahimik ang puso, at may ningning sa mata na noon ay natakpan ng taon ng pagod at lungkot. Habang binabalanse ko ang kutsara sa bibig ko, nagdesisyon akong magsalita. "Ma..." Tumingin siya sa akin, bahagyang nagtaka. "Hmm?" Naglaro muna sa isip ko kung paano ko sasabihin. Hinawakan ko ang baso, saka tumikhim nang mahina. "May gusto sana akong sabihin," umpisa ko. "Na-invite po kasi ako ni Tita Isadora bukas. Sa lunch." Nanlaki nang bahagya ang mga mata ni Mama. "Tita Isadora... 'yung kaibigan ni Ate Lyra?" "Opo. Tumawag po sa akin kanina 'yung isa sa mga anak niya. Gusto daw po ni Tita Isadora na makasama tayo bukas," sabi ko habang marahang sumubo ng kanin. Napatingin si Mama sa akin, bahagyang nakakunot ang noo. "Bakit naman ako iimbitahan ni Isadora? Si Ate Lyra lang naman talaga ang kaibigan niya." "Siguro po gusto niya lang na makilala kayo," sagot ko, pilit na pinapakalma ang sarili. "Gusto ko rin po sanang ipakita sa inyo 'yung mural na ginawa ko sa garden nila." Sandaling natahimik si Mama. Kinuha niya ang pitsel ng tubig at nagsalin sa baso bago muling nagsalita. "I've seen it in pictures, anak. Maganda nga. Pero..." Tumingin siya sa akin, seryoso ang mga mata. "Hindi naman siguro ako kailangan bukas. Pero kung gusto mong pumunta, ikaw na lang." Tumango ako, pero hindi ako agad sumagot. Hinintay ko lang na humupa 'yung pag-aalinlangan sa boses niya. Naglaro ako sa kutsara ko, pinapaikot-ikot sa kanin habang iniisip kung paano ko sasabihin. "Ma..." Simula ko ulit, mas mahina ang tono. "Alam ko pong parang biglaan. At oo, baka awkward din. Pero... gusto ko po talaga kayong makasama." Napatingin siya sa akin muli. "Bakit, anak?" "Ma, kasi... habang ginagawa ko 'yung mural na 'yon, kayo po 'yung nasa isip ko." Natahimik siya. Hindi niya siguro inaasahan 'yon. "Yung garden na 'yon... wala namang masyadong kwento dati. Pero habang nagpipinta ako, iniisip ko kayo. Kung paano kayo nagtanim dati ng mga halaman sa maliit nating bakuran kahit pagod na sa trabaho. Kung paano niyo ako tinuruan magkulay noong maliit pa ako. Kung paano niyo ako piniling buuin kahit wasak na rin kayo." Tumingin ako sa kanya, at kahit may ngiti pa sa labi ko, may mabigat sa dibdib. "Kaya gusto ko pong andun kayo. Gusto ko pong makita n'yo kung saan ako dinala ng mga sakripisyong ginawa n'yo para sa akin." Tahimik siya. Ilang segundo ang lumipas bago siya muling nagsalita. Pinisil niya ang kamay ko. May lungkot pa rin sa mata niya, pero ramdam ko rin ang pag-unawa. "Hindi ako sanay sa mga ganitong imbitasyon, anak. Hindi ako sigurado kung paano kumilos sa harap ng mga taong may kaya." "Hindi niyo po kailangang kumilos nang iba. Kayo lang po. Sapat na 'yon. Si Tita Isadora naman po ang nag-imbita, hindi para i-judge tayo kundi dahil genuine siyang curious sa inyo. At gusto ko pong maramdaman n'yong parte kayo ng mundong ginagalawan ko ngayon. Hindi lang dahil nanay ko kayo—kundi dahil kayo 'yung naging pundasyon ko." Natahimik ulit siya. Pero sa pagkakataong 'to, may bahagyang ngiti sa labi niya. "Okay," bulong niya. "Sasama ako." Napangiti ako, hindi ko napigilan. Parang may gumaan sa dibdib ko. "Talaga, Ma?" Tumango siya. "Pero ikaw ang mamimili ng damit ko, ha? Baka magmukha akong punong-abala sa kasal kung ako ang pumili." Napatawa ako, sabay tayo mula sa silya para yakapin siya mula sa likod ng upuan niya. "Promise, Ma. Hindi ko kayo pababayaan." Naramdaman kong huminga siya nang malalim, bago niya pinatong ang kamay niya sa braso ko. "Hindi mo kailangang pilitin maging matapang araw-araw, anak. Pero sa mga araw na pipiliin mong harapin ang totoo... nandito lang ako. Hindi kita iiwan." Ngumit na lang ako. Hindi ko alam kung bakit nasabi iyon ni Mama. Pero sa dami ng napagdaanan namin pareho. Sa masakit na nakaraan. Sa hirap ng buhay. Sa pagtalikod niya sa buhay ng karangyaan para sa minamahal, kahit ang kapalit ay ang paglalakad sa mundong hindi na niya kinasanayan. Sa pagbitaw niya sa karangyaan, kami ang pinili niya. Ako. Naiintindihan ko siya. Kami ang magkaramay sa mahabang panahon. At ngayon, gusto ko na lang na maging masaya siya. Hindi 'yung puro problema na lang ang iniisip niya. At sa lahat ng iyon, kahit wala siyang sinasabi minsan, alam ko—pagod na rin siya. Kaya kung may kahit isang bagay akong pwedeng gawin para gumaan man lang ang pakiramdam niya, gagawin ko. Hindi para suklian lahat ng sakripisyo niya, dahil alam kong kulang pa rin kahit anong gawin ko. Pero para ipakita lang... na may kapalit ang pagmamahal. Na may saysay ang lahat ng tiniis niya. Ang imbitasyon ni Tita Isadora ay makakatulong rin para makakilala si Mama ng ibang tao. Ng bagong kaibigan. Mabait si Tita Isadora. Hindi na nakapagtataka kung bakit kaibigan siya nina Tita Lyra at Tita Lecia—mga babaeng may mabubuting puso at magaan kausap. May pakialam pero hindi mapanghimasok. Seryoso sa buhay pero marunong tumawa. Nakikita ko rin 'yon kay Mama. At sigurado akong kapag nagkaharap sila ni Tita Isadora, hindi sila magkakailang. Pwedeng magkatugma ang mundo nila. Pareho silang elegante sa tahimik na paraan—hindi dahil sa kung ano ang suot nila, kundi sa kung paano sila tumingin, magsalita, magpakumbaba. Pareho rin silang may pagka-witty, may mga hirit na minsan patago pero malutong. Alam kong magugustuhan nila ang isa't isa. At higit sa lahat, gusto kong makita ni Mama kung nasaan na ako ngayon. Gusto kong maipagmalaki sa kanya na kahit paano, kahit maliit pa lang, may naabot na ako. Na 'yung anak na pinilit niyang buuin sa kabila ng lahat, ay lumalaban pa rin. At 'yung mural sa garden nina Tita Isadora—'yun ang paalala. Isang bakas ng lahat ng pinagdaanan namin. Isang piraso ng aming kwento. Maaga akong nagising kinabukasan. Hindi dahil sa alarm clock, kundi dahil sa kabang bumalot sa dibdib ko. Ang daming tumatakbo sa isip ko—ang lunch, si Tita Isadora, ang mural, si Ivan... at siyempre, si Briella. Pero kahit maraming iniisip, gumalaw pa rin ako. Hindi puwedeng magmukmok. Kailangan kong harapin 'to. Pumili ako ng simpleng damit—isang light blue na dress na sakto lang ang haba at ginhawa. Hindi sobrang pormal, pero hindi rin naman pangbahay. Gusto ko lang magmukhang presentable. Nagsuklay ako nang maayos, naglagay ng kaunting blush at lip balm. Nang tumingin ako sa salamin, kita ko pa rin ang kaba sa mga mata ko. Pero may halong tapang na rin. Pagbaba ko, abala si Mama sa pag-aayos ng bag niya. May dala siyang maliit na paper bag na may tinapay at bottled water. "Para daw hindi tayo gutom sa biyahe," sabi niya, sabay abot sa akin ng isa. Napangiti ako. "Ma, dalawang sakay lang naman ng jeep papunta ro'n," biro ko habang inaabot ang tinapay. "Alam ko, pero mas mabuti nang handa. Baka naman mamaya magka-aberya pa sa daan," sagot niya habang sinisigurado kung may pamasahe siya sa wallet. "Ay oo nga pala, baka biglang magka-barangay parade!" tukso ko. Napailing si Mama, pero ngumiti rin. "Huwag kang maingay diyan. Malay mo, bigla akong tamarin sumama!" "Eh 'di hindi na kita papakainin ng tinapay na ito," sabay kagat ko sa tinapay ko. Tawanan kami saglit bago kami tuluyang lumabas ng bahay. May kakaibang gaan sa pagitan naming dalawa—parang sa simpleng pag-aayos at pagbibiruan, unti-unting nabubura ang tensyon ng kahapon. "Handa ka na, anak?" tanong niya habang sinusuksok ang cellphone niya sa shoulder bag. Tumango ako. "Opo. Kayo po?" "Ako pa," sagot niya, sabay ngiti. "Nakahanda na 'tong tiyan ko sa kung anumang sosyal na pagkain ang ihahain ng mga Navarro." Napatawa ako kahit medyo tensyonado. "Feeling ko naman po hindi gano'n ka-formal. Lunch lang naman daw po." "Ewan ko sa'yo, pero 'pag may mansion, automatic may arte 'yan," biro ni Mama, sabay kindat. "Pero sige na nga, tara na bago pa ako magbago ng isip." Sa loob ng sasakyan, tahimik kami sa umpisa. Pareho siguro naming sinusukat ang bigat ng araw. Ako, iniisip kung anong klaseng usapan ang haharapin ko. Si Mama, marahil iniisip kung paano siya mag-a-adjust sa lugar na matagal na niyang tinalikuran. "Nakaka nerbyos din pala 'no," bungad ko, pilit binabasag ang katahimikan. "Oo nga eh," sagot ni Mama habang nakatingin sa daan. "Pero mas okay 'to kesa naman lagi tayong umiikot lang sa parehong problema." "Na-pressure po ba kayo na sumama?" tanong ko, bahagyang nag-aalangan. Umiling siya. "Hindi, anak. Actually, salamat at pinilit mo ako kahapon. Matagal-tagal na rin mula noong huli akong lumabas na hindi trabaho ang dahilan." Tumango ako, ngumiti. "Baka po magustuhan niyo sila. Mabait po si Tita Isadora." "Mukhang mabait naman. At saka, kung kaibigan siya ni Lyra, malamang may sense kausap 'yon," ani Mama. "At ikaw, anong plano mo?" "Plano?" "Sa lunch. Anong plano mong sabihin, gawin, iwasan?" Napabuntong-hininga ako. "Huwag po kayo mag alala, Ma. Nakausap at nakasama ko na po sila sa isang party. Kilala ko naman po mga anak ni Tita Isadora. Mababait po sila." "Si Ivan?" diretsong tanong ni Mama. Tahimik ako sa saglit. "Hindi lang po siya. Sila pong lahat. Sigurado po akong matutuwa kayo kapag nakilala niyo rin sila." Tumango si Mama, hindi na nag-follow up. Pinabayaan niyang lumutang sa pagitan naming ang mga salitang hindi na kailangang sabihin pa. Iyon ang gusto ko sa kanya—hindi niya ako pinipilit na magbukas, pero naroroon siya, palagi. Habang papalapit na kami sa gate ng Navarro residence, mas lalo akong kinabahan. Pamilyar ang tanawin—ang matataas na puno, ang eleganteng arko ng gate, ang tanod na seryoso ang tingin pero magalang magsalita. Nang bumaba ang salamin ni Mama para magpakilala, nakangiti ang guard. Mukhang inaasahan na talaga kami. "Pasok po, ma'am. Daan po kayo sa main driveway." Huminga ako nang malalim. "Ito na." "Welcome! Lauren. Lara. Come in!" Ang masiglang tinig ni Tita Isadora ang bumangad sa amin nang bumukas ang kanilang double doors. Matikas pa rin siya, gaya ng dati. Suot niya ang isang linen dress na kulay coral, at may scarf siyang maluwag na nakatali sa leeg. Amoy mamahaling pabango ang hangin sa paligid niya—subtle pero classy. Sa likod niya, tanaw ang maluwag at maaraw na receiving area, may mga puting kurtina at hanging plants sa gilid ng bintana. "Ang ganda ng bahay," bulong ni Mama habang tinatanggal ang sandals niya sa may pintuan. Ako man, kahit nakapunta na rito dati, hindi pa rin sanay sa ganoong kaluwang. "Come in, Lara, please. You don't have to take off your shoes!" tawa ni Tita Isadora, sabay hila ng isang helper para dalhin ang dala namin. "Pasensya na, nakasanayan lang," sagot ni Mama. May bahagyang hiya sa boses niya pero tuloy pa rin siya sa pagpasok. Ako naman, nanatiling nakangiti habang sinusundan sila papasok sa loob. Kumakabog pa rin ang dibdib ko, pero kakaibang sigla ang nararamdaman ko. Kakaibang saya na makita si Mama sa isang lugar na ganito, na hindi lang ako ang bahagi. "Oh Lara," yumakap sa kanya si Tita Isadora. Kita ko ang bahagyang pagkagulat ni Mama pero mabilis lang dahil mas ayaw niya iyong ipahalata. "Ang ganda talaga ng lahi ng mga Carvalho," dugtong ni Tita Isadora nang bitawan niya si Mama at titigan ito. "Ay, hindi naman. Mas maganda ka nga." Sabi naman ni Mama. "We both are!" Agad kong naramdaman ang pagbabago sa hangin nang makapasok kami sa bahay. Mula sa marble na sahig hanggang sa hanging artwork sa hallway, lahat ay elegante. Pero may kakaibang init at pamilyaridad sa espasyo—parang kahit pa mansion ito, hindi ako natatakot. Parang... tinatanggap ako. Pagdating namin sa living area na may tanaw sa garden, napahinto ako. Doon. Sa likod ng malalawak na bintana, kita ko agad ang mural. Nandoon pa rin ito, buo. Maliwanag ang araw at malambot ang sinag nito habang tumatama sa pader na siyang canvas ng isa sa pinakamalaking bahagi ng pagkatao ko. Parang huminto ang mundo. Hindi ko na narinig ang usapan nina Mama at Tita Isadora. Hindi ko naramdaman ang hangin ng aircon o ang lamig ng sahig sa paa ko. Ang nakikita ko lang ay ang sining. Ang sining ko. Lumapit ako, dahan-dahan. Parang may humihila sa akin. Sa bawat hakbang, pakiramdam ko'y bumabalik ako sa panahong nililikha ko pa ito—'yung mga hapon ng tag-init, may pintura sa balat ko, may musika sa background, at may mga pangarap sa puso ko. Tumigil ako sa harap ng mural. Ang mga kulay, ang mga hugis, ang emosyon—lahat ay mas matingkad ngayon. Parang mas buhay. Mas makapangyarihan. Hinaplos ko ang bahagi ng pader. Ramdam ko ang gaspang ng texture, 'yung bahagyang uka ng brush stroke na iniwan ko noon. Hindi ko mapigilang ngumiti. "Ito 'yung unang beses na naniwala ako sa sarili ko," mahina kong bulong. "Lauren..." tawag ni Mama sa likod ko. Paglingon ko, nandoon siya, nakatitig sa mural. Hawak niya ang paper bag ng tinapay pero parang nakalimutan na niya ito. "Anak, ikaw talaga ang gumawa nito?" mahina pero buo ang tanong niya. Tumango ako. Lumapit siya, tiningnan itong mabuti. "Mas maganda pa 'to ngayon. Para bang... mas may damdamin. Mas may lalim. Parang bawat stroke, may sinasabi." "High school pa lang po ako n'yan, Ma," sagot ko, mahina ang boses. "Hindi mo kailangan ng diploma para tawaging artist ka," sagot niya. "Tumingin lang sila dito. Wala nang ibang dapat patunayan." Humugot siya ng buntong-hininga. "Ang tagal ko nang hindi nakikita kung gaano ka kagaling, Lauren. Sorry, anak, kung may mga araw na hindi kita nabigyan ng sapat na papuri." Ngumiti ako, kahit may kirot. "Okay lang po, Ma. Sapat na po na nandito kayo ngayon." Tahimik kaming tumayo sa harap ng mural. Dalawang babaeng magkaibang henerasyon, pero parehong humahanga sa iisang bagay—sa sining na nag-ugat sa pag-ibig at pagpupursige. Hanggang may narinig kaming mga yabag mula sa loob. May tunog ng mga boses—pamilyar. Malambot, masaya, halos patawa. Isang lalaki at babae. Papalapit. Naramdaman kong humigpit ang hawak ko sa laylayan ng damit ko. Tumibok ang puso ko nang mas mabilis. Hindi ko pa sila nakikita, pero alam ko na. Papunta na sila rito. Huminga ako nang malalim. Hindi ako gumalaw. Hindi ako umatras. Tinitigan ko lang ang mural, hinihigop ang lakas mula sa sarili kong likha.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD