Hindi maiwasang isipin ni Aliah na parang déjà vu ang nangyayari nang mga sandaling iyon. Nakatayo siya sa harap ng isang kabaong at tahimik na umiiyak. Ang ipinagkaiba lang ngayon, mas mahaba ang kabaong ng Lolo Felix niya dahil matangkad ito samantalang ang Lola Lucia naman niya ay hindi pa umabot sa limang talampakan.
Habang pinagmamasdan ang lolo niya na tila payapa lang na natutulog sa loob ng kabaong ay hindi maiwasang isipin ni Aliah na marahil ay masaya na ito saan man ito naroroon ngayon dahil siguradong kasama na nito ang lola niya.
Hindi na nito kailangang mag-bike tuwing hapon para magtungo sa sementeryo dahil ilang araw na lang ay ihahatid na nila ito sa huling hantungan at makakasama na nito ang lola niya sa kabilang buhay.
“Balik tayo rito bukas, ha? Malulungkot ang lola mo. Siya lang mag-isa rito. Wala siyang kausap,” naalala pa niya na minsan ay sabi ng kanyang lolo nang maabutan nila ito ni Yuri na mag-isang kinakausap ang puntod ng lola niya. Siguro ay panatag na ito ngayon. Hindi na malulungkot ang lola niya dahil hindi na ito mag-iisa roon.
Naramdaman niyang may tumapik sa balikat niya. Paglingon niya ay nakita niya ang Tita Alison niya.
“Kumain ka na muna, Aliah. Ang sabi ni Yuri ay hindi ka pa raw kumakain simula nang dumating kayo.”
Bandang alas-tres ng hapon nang dumating sila ni Yuri sa Javier. Pagkatapos ng tawag ng Tita Alison niya kanina ay muling nag-ring ang kanyang cellphone. Galing naman ang tawag sa Tita Vivien niya. Saglit lang silang nagkumustahan at pagkatapos ay pinakiusapan na niya ito na i-book sila ng flight nang hapon ding iyon papunta sa Manila.
Sinunod niya ang payo ng Tita Alison niya. Pumunta siya sa kusina at naabutan doon si Yuri na mag-isang kumakain.
“Halika na, sumabay ka sa’kin,” yaya ng binata. “Maupo ka at ako na ang magsasandok ng pagkain mo.”
Naging sunud-sunuran naman siya sa binata. Naupo siya tabi ng pinwestuhan nito kanina at hinayaang pagsilbihan siya nito.
“Here, masarap ‘tong sabaw ng manok. Ako ang nagluto nito,” anang binata na pilit na pinapagaan ang pakiramdam niya.
Pinilit niyang sumubo ng pagkain kahit wala naman talaga siya sa mood na kumain. Ayaw niyang mag-alala ang mga tao sa paligid niya dahil lang sa kanya.
Nakakatatlong subo pa lang siya ay inilapag na niya ang kutsara at tinidor sa tabi ng plato niya. Naramdaman niyang hinawakan ni Yuri ang kamay niya na nasa ilalim ng dining table na gawa sa kahoy.
“Everything will be all right,” pag-a-assure ng binata sa kanya.
Pero bakit ganoon? Kahit na gaano kalaki ang tiwala niya kay Yuri, bakit hindi niya magawang paniwalaan ang sinasabi nito ngayon?
She’s miserable, hurt and lost right now.
“Naguguluhan na ako sa mga nangyayari,” maya-maya ay turan niya sa binata. Nanatili lang itong nakamata sa kanya at tila ineengganyo siyang magpatuloy sa sinasabi.
“Hindi ito ang unang pagkakataon na nanaginip ako at nagkatotoo ang panaginip ko. Iyong panaginip ko about Abby and Carlo, it was a representation of what’s happening right now. Abby was Lola and Carlo was Lolo. Yuri, nagkakatotoo ang mga panaginip ko. Why is this happening to me? Bakit kailangan kong makita ang pagkawala ng mga taong mahal ko?” nahihirapang tanong niya sa binata.
Pinisil-pisil ni Yuri ang palad niya bago siya tinugon. “Maybe you should stop thinking about negative things.”
“When we were in the island, I wasn’t thinking of negative things, Yuri. Yes, there was fear in me. Takot na baka matagalan ang mga rescuers na mahanap tayo at maging huli na ang lahat. That was just my fear. Pero normal lang naman ‘yon, ‘di ba? Hindi ako nag-iisip ng iba pang negatibong bagay dahil naroroon tayong dalawa. Masaya ako dahil kasama kita. I couldn’t explain that emotion, pero masaya ako kapag kasama kita kaya ni hindi ko magawang mag-entertain ng masasamang isipin sa utak ko.” Saglit na tumigil siya sa pagsasalita at tinitigan itong mabuti. “Do you believe what I’m saying, Yuri?”
“I believe you. Every word you say.”
Yumakap siya ng mahigpit sa binata pagkatapos marinig ang sagot nito. “Thank you. Kasi talagang malulungkot ako kapag sinabi mong hindi. Nagkakatotoo talaga ang mga panaginip ko,” bulong niya.
“Yeah, I believe you.”
* * * * *
KATATAPOS lang ng libing ni Lolo Felix at nakabalik na sila sa bahay. Nagdi-distribute ng pagkain ang ilang mga anak at apo ng yumao sa mga taong nakipaglibing. Dumiretso si Yuri sa likod ng bahay para hanapin si Aliah.
Kanina ay hindi niya nagawang lapitan ang dalaga sa sementeryo dahil unang una, hindi naman siya parte ng immediate family para makisiksik sa unahan kung saan nakatayo ang dalaga. Pangalawa, hindi niya alam kung ano ang estado niya sa buhay ni Aliah. Kahit na may nangyari na sa kanila sa hotel na tinuluyan nila sa Cebu, hindi pa rin maliwanag sa kanya kung ano siya para rito.
Hindi niya alam kung maaari siyang umaktong boyfriend nito para man lang sana magawa niya itong alalayan habang umiiyak ito kanina sa sementeryo. Kaya pinagmasdan na lang niya ito habang tahimik naman siyang nagpapaalam kay Lolo Felix.
“Tita, nakita niyo po ba si Aliah?” tanong niya kay Tita Eloisa nang makasalubong niya ito sa kusina. May dala itong packed lunch na marahil ay ipamimigay nito sa mga tagahugas ng plato.
“Nasa kuwarto niya si Aliah. Puntahan mo na lang kung may kailangan ka, Yuri.”
Iyon nga ang ginawa niya. Pumunta siya sa kuwarto nina Aliah at marahang kumatok sa pinto. Nang buksan iyon ng dalaga ay parang piniga ang puso niya nang makita ang hitsura nito. Namamaga ang mga mata nito at namumula ang tungki ng ilong dahil sa kaiiyak.
“Hey,” bati niya rito.
“May kailangan ka?” tanong nito. Napansin niyang medyo distant ang tono ng boses nito ngayon.
“I just came here to check if you’re okay. Kung kailangan mo ng makakausap, I’m just here, Aliah.”
Tumalikod ang dalaga sa kanya at binalikan ang naantalang ginagawa nito bago siya dumating. Naglalagay ito ng mga damit sa isang maleta.
“A-alis ka?” may kaba sa boses na tanong niya. Bakit may kaba siyang nararamdaman ngayong tila aalis nga ang dalaga? At may karapatan ba siyang pigilan ito kung saka-sakali?
“Mamayang alas-sais ang flight ko. I’m leaving, Yuri,” kumpirma ng dalaga sa tanong niya.
“But why too soon?”
Nang maisilid ng dalaga ang kahuli-hulihang gamit nito sa loob ng maleta ay humarap itong muli sa kanya. “Because I need to find the answers to the questions that keep on popping in my head. Like bakit nagkakakatotoo ang mga panaginip ko. Bakit lagi na lang akong nananaginip ng masama. I need to find the answers to those questions bago pa ako mabaliw, Yuri.
“Nahihirapan na akong matulog sa gabi dahil natatakot ako na baka may mapanaginipan na naman ako na kamag-anak kong namamatay. Ayoko ng ganitong pakiramdam. I just want to be normal. Iyon ay kung hindi nga ako normal.”
Lumapit siya rito at hinawakan ang mga kamay nito. “Kapag umalis ka, malulungkot ako. Siguro nga, hindi lang lungkot kundi sobrang lungkot. Pero hindi kita pipigilan. Kasi alam kong importanteng bagay ang gagawin mo.”
Bahagya siyang lumayo sa dalaga at saka kinapa ang dream catcher na nakasabit sa leeg niya. Mahigpit na ibinilin ni Lola na huwag niya raw tatanggalin iyon sa leeg niya dahil oras na tinanggal niya iyon, mayroon daw mangyayari sa kanya. Pero iyon ay kung totoo ngang isinumpa siya.
But he’s already twenty years old.
Kung mamamatay man siya sa pagsapit ng ikadalawanpu’t-isang kaarawan niya, so be it. Ilang buwan na rin lang naman ang nalalabi sa kanya. Mas kailangan ni Aliah ang dream catcher na iyon.
“Lagi mo lang isusuot ‘tong dream catcher na ‘to. Sabi nila, tina-trap daw nito ang mga bad dreams natin at good dreams lang ang hinahayaang makarating sa isip natin. Hangga’t suot mo ‘to, hindi ka na ulit mananaginip ng masama. Hindi ka na muling matatakot. Makakatulog ka na ulit ng mahimbing,” aniya habang isinusuot kay Aliah ang dream catcher.
But the moment na binitawan niya iyon ay may kakaibang nangyari sa katawan niya. Bigla na lang nagdilim ang paningin niya at naramdaman niya ang pananakit ng kaliwang kamay niya.
The next thing he knew ay nawalan na siya ng malay. At nang muli siyang magising ay nakahiga na siya sa kama ni Aliah.
“Hi,” nakangiting bati niya sa dalaga na titig na titig sa mukha niya.
“Bigla kang nahimatay kanina. Kumain ka na ba? Baka nalipasan ka ng gutom.”
“Kumain ako pagkagaling natin sa sementeryo.” Itinaas niya ang kaliwang kamay at hinaplos ang pisngi ng dalaga.
“What’s this, Yuri?” tanong ni Aliah na ngayon ay nakatingin sa kaliwang kamay niya. Maging siya ay napatingin sa tinutukoy nito. And right before his eyes, nakita niya ang siyam na maliliit na buwan na parang tattoo na nakaukit sa kamay niya. Pero ang ipinagkaiba noon sa pangkaraniwang tattoo ay para iyong buhay na buhay. “Ano ‘yan?” ulit na tanong ng dalaga.
“This is the symbol of my love for you,” sagot niya.