Panibagong Pagsubok
MAGINHAWA na rin ang mga umaga ni Adela dahil hindi na niya kailangang pumila sa igiban at magsalok ng tubig. Naglagay na ng mga linya ng tubig sa kanilang lugar. Malakas at kahit ano'ng oras ay may tulo na. Marami na ang nagbago sa pamumuhay nila. Nagkakatuwang na rin ang kanilang mga magulang. Hindi man masasabing nakaluluwag ay hindi na sila kinakapos gaya nang dati. Ang akala niya'y diretso na ang maayos na takbo ng kanilang buhay hanggang sa isang mabigat na pagsubok ang hindi nila inaasahang dumating.
HUMAHANGOS siyang sinalubong ni Ana. Pawis na pawis ito at nanginginig. Gano'n din si Neneng na umaangat ang mga balikat sa tindi ng pag-iyak. Agad itong yumakap sa kanya na animo nagpapasaklolo. Binuhat niya ito at inalo. Wala siyang ideya kung bakit nagkakagano'n ang mga ito. Hindi niya nakita sa puwesto ang nanay nila para mapagtanungan. Naisip niyang marahil ay napagalitan ang mga ito, o kaya ay naparusahan ng nanay nila.
"Bakit nandito ka pa, wala ba kayong pasok?" Nakangiti pa niyang tanong upang mabawasan ang takot ng mga ito.
"Hindi na ako nakapasok, ate. Si Boboy kasi isinugod nila nanay sa hospital." Paputol-putol na sagot ni Ana.
"H-Ha? Bakit? Ano'ng nangyari kay Boboy?"
"Hindi ko alam kung bakit, ate. Basta dumaing siyang sumasakit ang tiyan. Tapos namaluktot na siya. Putlang-putla 'yung mukha niya at saka 'di maiunat ang katawan."
Mabilis niyang iginiya papasok sa bahay ang dalawang kapatid.
"Huwag na kayong umiyak. Kasama naman ni Boboy si Nanay, at nagpunta na sila sa doktor. Gagamutin siya do'n tapos pauuwiin na." Pagpapalakas niya sa loob ng mga kapatid kahit pa nga nangangalog din ang mga tuhod niya.
"Kung pupuntahan ko ba sila sa hospital kaya mong kayo lang ni Neneng dito sa bahay natin?"
Pinakain niya muna ang mga ito at mahigpit na binilinang huwag lalabas, o magpapasok sa loob ng bahay bago bumaba ng bahay. Inayos niya na rin muna ang takip sa panindang iniwanan ng ina. Pagkaraa'y nagtanong na sa mga kapitbahay tungkol sa nangyari.
Habang nakasakay ng dyip papuntang hospital na pinagdalhan daw kay Boboy ay 'di siya mapakali. Ayon sa nakausap, namilipit daw si Boboy kanina at 'di makatayo sa sobrang sakit ng tiyan. Isinakay daw ito at ang nanay nila sa patrol ng baranggay, at isinugod agad sa hospital. Pumutok daw ang appendix ng kapatid niya at kailangang operahin ayon sa drayber ng patrol na naghatid sa mga ito.
Nasa loob na ng operating room si Boboy nang dumating siya sa hospital. Nakita niyang may taga DSWD na kausap ang nanay nya. Sinenyasan na lamang siya nito katumbas ng mga salitang 'sandali lang'. Nalaman niyanp sinamahan pala ng ninang ni Boboy ang nanay niya at inilapit na sila sa SWA. Tiyempong naka-duty ito nang araw na iyon. Nalaman din niyang may katungkulan pala ito sa hospital na pinagdalhan sa kapatid nya. Gayunpaman, malaking halaga pa rin ang kakailanganin nila.
Nagamit na ng nanay niya ang pinagbentahan kanina at nakahiram pa sa ninang ni Boboy. Marami kasing gamot at mga gagamitin sa operasyon na sa labas binili.Wala na raw kasing stock sa botika ng hospital.
Pinauwi na muna siya ng nanay niya upang masamahan ang mga kapatid. Magtatagal pa naman daw si Bobot sa loob. Ito na lamang daw ang maghihintay. Iniwanan na niya ang ina matapos alamin kung wala na bang kailangang ipabili sa labas. Ayaw nitong kumain sa katwirang busog pa naman. Ngunit hindi siya pumayag. Hindi pa ito nakapanananghalian at kung 'di lalamnan ang bituka ay baka mahilo naman. Biskwit at tubig lang ipinabili nito.
Sakay na siya ng dyip nang marinig ang pagkulo ng sariling tiyan. Hindi pa nga rin pala siya kumakain. Tinignan niya ang suot na relos,alas dos na pala ng hapon. Pag-uwi'y magluluto siya at dadalhan ito ng pagkain. Naisip niyang marahil ay ayaw nitong bawasan ang natitirang pera kung kaya nagtiis na lang sa biskwit.
HAPON, binuksan niya ang tindahan nila. Katulong niya sina Ana at Jeffrey. Ang mama nitong si Aling Belinda ang nagdala ng pagkain sa hospital. Kailangan daw ay maibenta na ang mga paninda nila upang 'di abutan ng sira. Tama ang sinabi nito. Madadagdagan pa ang problema nila kapag nagkagano'n.
Kaunti na lang ang tinda nila nang dumating ang mama ni Jeffrey. Ibinalita nitong tapos na ang operasyon at nagpapahinga na si Boboy, gano'n din ang nanay nila. Tinulungan pa rin sila ni Jeffrey nang magsara. Matapos ang ilang sandali ay nagpaalam na ito upang makapagpahinga na siya.
KINABUKASAN, madilim-dilim pa ay nakahanda na siya sa pagpunta sa palengke. Mamimili sya. Alam niya ang pwesto ng mga suki ng ina. Dala ang pinagbentahan kahapon at kaunting perang naitatabi, kinuha niya ang dalawang bayong. Mabuti na lang at aray ng sabado. Makapagtitinda siya nang 'di na kailangang lumiban sa klase. Naghihintay na si Jeffrey sa may hagdanan nang bumaba siya. Hindi ito pumayag na mag-isa siyang mamili. Sasamahan na raw siya upang 'di mahirapan sa pagbubuhat.
Maaga siyang nakaubos ng paninda. Kaunti lang ang hinango niya, 'yng sa tantiya niya ay mauubos agad .Kahit may balanse pa ay binibigyan pa sana siya ng regular na kinukuha ng ina.Tumanggi nga lang siya dahil balak niyang bantayan si Boboy at pauwiin muna ang ina para makapag pahinga. Nagliligpit na siya nang dumating ang kanilang ama. Matapos makapagmano ay sinimulan na niya ang pagsasabi sa nangyari.
SAMPUNG libo ang naging bill sa ospital. Kapag nabayaran ay pwede nang lumabas si Boboy sa hospital. Inip na inip na ito at aya nang aya umuwi. Kulang pa ang perang hawak ng nanay nila. Kahit iniaalok niya ang naipong pera ay ayaw nitong tanggapin.
"Itabi mo lang muna 'yan, anak. Gagawa muna ako ng paraan. Kapag wala akong nagawang paraan gagamitin na natin yan," nakangiting sabi ng ina.
Umalis ito kasama si Ana. Itinuloy naman niya ang paglalaba. Umuwi nga ang tatay nila ngunit isang libo lang ang dalang pera. Hindi raw nakabale dahil wala ang boss niya. Hindi 'yun totoo. Narinig niya si Mang Tibo habang nagpapagupit sa may tindahan nang bumili siya ng sabon. Over bale na raw ang tatay niya sabi nito sa mga kakuwentuhan. Panay day ang sugal nito sa trabaho at tuwing matatalo ay bumabale. Kesyo may sakit ang anak, o asawa, walang pambaon ang mga anak, o kaya ay naputulan ng Meralco. Kaya nang totoong may sakit na ang anak ay hindi na naniwala ang boss nito. Narinig pa niyang may dinidiskartehan pa raw itong hostess. Hindi niya alam kung dapat bang sabihin sa nanay niya ang narinig. Habang pinipiga ang huling piraso ng damit, nagdesisyon siyang hindi na lang sabihin. Hindi na dapat madagdagan ang dinadalang problema ng kanilang ina. Isinampay na niya ang mga nilabhan na karamihan ay sa ama.