CHAPTER 9 - Haplos

1148 Words
Haplos NAKALABAS na si Boboy sa hospital. Kung kumilos ito ay parang walang tahi sa tiyan. Kunsabagay, malakas ang resistensya nilang magkakapatid. May libreng vitamins na binibigay ang ninang niya galing sa center kaya lumaki silang hindi sakitin. Isang araw lang silang nag-absent sa eskwela maliban kay Boboy. Mabuti na lang at sa tapat na ng bahay nagtitinda ang nanay nila. Habang nagtitinda ay nababantayan pa nito si Boboy. Naging mas masipag siya. Alam niyang marami ang naging utang ng nanay nila dahil sa operasyon ng kapatid. Kahit sa paaralan ay gumagawa siya ng pagkakakitaan. Marunong kasi siyang gumawa ng mga pakikay na bookmarker at mga palawit sa bag. Nalilibre na ang baon at pamasahe niya, nakapagtatabi pa kahit barya. Gumagawa rin siya ng mga love letter at mga lyrics ng kanta na isinulat sa may palamuting illustration board. Marami sa mga kaklase niya ay nagpapagawa dahil bukod sa maganda, katwiran ng mga ito'y natutulungan pa siya. "Galunggong at talong, nagbebenta ka?" Maarteng tanong ng kaklaseng bagong transfer, si Grace. Maputi ito at maganda. Nagtataka siya kung bakit asar na asar ito sa kanya gano'ng wala naman siyang ginagawang masama. "Napakaarte talaga ng babaeng yan..." ingos ni Maan, kaibigan niya. "Akala mo kung sino makaasta. Hmp! If I know kick out naman," Hirit pa nito habang ginagaya ang kumekembot na paglalakad ni Grace. Natawa siya sa inasta ng kaibigan. Sinaway niya ito. Ayaw niyang magkaroon ng problema. Hindi lamang sa matataas na grades naka base ang pagiging scholar niya. Ang magandang ugali at pakikitungo sa kapwa ay kasama rin. Ayaw niyang mapasubo sa away 'di dahil duwag siya kung 'di natatakot siyang sa munting pagkalingat sa magandang asal ay mawala ang pribilehiyong ipinagkaloob sa kanya ni Mayor. Hindi lahat ay mapalad na mabigyan ng pagkakataong makapagtapos sa pag-aaral. Marami ang nakahihigit ang katalinuhan kumpara sa kanya, at hindi lang siya ang anak pawis na nangangarap umahon sa kahirapan at nagnanais magkaroon ng magandang kinabukasan. Ang mga patutsada ng kaklase ay 'di niya na pinatulan. Ang katwiran niya'y hindi ito pamatol. Gusto na lamang nitong mandamay. Kung gusto nitong sumikat at magpakilalang matapang ay ito na lang. Wala siyang panahong makipagpagalingan. Huwag lang itong mananakit, o gagawa ng mga bagay na ikasisira ng malinis niyang record sa paaralan ay kaya na niya 'tong pagpasensiyahan. Magkaminsan ay nakadarama siya ng awa para sa kaklase. Kung tutuusi'y taglay na nito ang pinapangarap ng mga kasing edad nila. Makinis ang balat nitong maputi at makintab. Isang malinaw na palatandaang nakaririwasa buhay. Magaganda at mamahalin ang mga gamit nitong sunod sa moda. Ultimo medyas na suot sa makintab na sapatos na tanging ito lang ang mayroon ay mamahalin din. Palagi itong mabango at ang panyo na nakasampay sa balikat ay iba-iba sa bawat araw. Maganda ito at malakas ang angking panghalina. Kung kumain ito sa canteen ay pinakamahal pa ang pinipili. Ngunit pakiwari niya'y hindi pa rin ito kuntento. Naghahanap ito ng makakasama, ng kaibigan. Ngunit mali ang pamamaraang ginagamit. Bumibili ito ng kasama, ng kaibigan. Kung 'di siya nagkakamali, malungkot ito. Parati itong nagpapansin. Ang gusto'y kunin ang atensiyon ng lahat at dahil do'n, inaabuso na ito ng mga kasama. Nanlilibre lang kaya maraming kasama. Napabuntong-hininga na lamang siya. Naisip niya tuloy na walang pinipili si Problema, mahirap man, o mayaman ay tiyak na dadaanan. Ilang buwan pa lang ang nakalilipas ay hindi na ito pumasok. Ayon sa narinig niyang bulong-bulungan ng mga kaklase, huminto na ito sa pag-aaral dahil buntis daw. Nakadama siya ng panghihinayang para sa kinabukasan nito ngunit inaamin niyang natuwa rin siya kahit papaano. Wala na siyang kailangang pagpasensiyahan. MATULING nagdaan ang mga araw. Patapos na ang klase. Hindi na siya mapakali at kinaiinipan ang uwian. Nang sa wakas ay matapos ang huling subject, nagmamadali siya sa pag-uwi. Malaki at nagmamadali ang mga hakbang niya upang masabi sa ina ang magandang balita. Ang balitang siya ang first honor sa section nila, section one. Hindi pa man ay nakikini-kinita na niya ang mukha ng nanay nila. Magluluha na naman ang mga mata nito sa tuwa. Mapapawi ng ibabalita niya ang nararamdaman nitong pagod, mapapasaya niya ito. Nakangiti siyang sumakay sa dyip. Malayo-layo pa ay natanaw na niyang may nag uumpukan sa harap ng bahay nila. Agad na siyang kinabahan. Hindi gano'n kadami ang suki nila. At lalong hindi sabay-sabay na bibili at magkakagulo ng gano'n. May ibang dahilan kung bakit nakakuyog sa tapat ng bahay nila ang mga tao. Habang papalapit sa kanila ang sinasakyang dyip ay lalong lumakas ang kaba niya. Hindi na bago sa kaniya ang ganoong tagpo. Nagmamadali siyang bumaba sa sasakyan. Natiyak nyang hindi nga mamimili ang nakaharang sa daan. Sumingit siya sa mga usyusero at usyusera nilang kapitbahay upang makalapit. Gaya nang inaasahan tatay niya nga ang dahilan kung kaya nagtipon-tipon ang mga tao sa kanila. Nagwawala nga ito. Lasing na naman. Ngongo na ito at paese-ese ang pagsasalita. Humihingi raw ito ng pansabong. Nagbigay naman daw ang nanay nila kaya lang ay kulang pa. Pinadadagdagan daw nito ngunit hindi na nagbigay ang nanay nila kaya itinaob nito ang mesang may lamang paninda. Iyon ang narinig niyang pabulong na pagkukwento ng nasa unahan niya. Pabulong pa kunwari gayong kahit may ugong ng mga sasakyang dumadaan ay maliwanag namang maiintindihan ng kahit sinong makaririnig. Nag-alisan lang ang mga nanonood sa pagwawala ng tatay nila nang mga ito na ang pagbalingan. Niligpit nilang dalawa ni Ana ang mga nagkalat na paninda ng ina. Kahit hindi niya nakikita ay ramdam niya ang mga mata ng mga taong nakatingin sa kanila. Kahit sanay na sa pag-eeskandalo ng ama ay nakaramdam pa rin siya ng hiya. Malalaki na sila, lalo na siya. Hindi kaya naiisip ng tatay nila ang kahihiyang idinudulot sa kanila ng mga ginagawa nito? Kung hindi man kahihiyan, hindi ba nito naiisip ang takot at trauma na hatid sa mga kapatid niya? Gaya nang nakikita niya ngayon sa mga kapatid. Umiiyak si Ana, si Neneng ay nakakandong kay Boboy. Yakap nito ang bunso nilang kapatid na parang pino-protektahan. Hindi ba ito nakikita ng tatay nila? At ang mga panindang itinapon nito, hindi ba nito naiisip na pinaghihirapan ng nanay nila ang mga iyon? Na sila ngang mga anak ay tumutulong pa upang sinupin 'yon at mapalago? Tahimik na sa loob ng bahay nila maliban sa paminsan-minsang pagduwal ng lasing na ama. Nanatili sila sa labas ng bahay. Nakaupo sila sa mahabang bangko. Mayamaya ay nagsalita si Ana. "Ate..." tawag sa kanya. Sa kanilang magkakapatid ay ito ang pinaka emosyonal at iyakin. "Hmn," tipid niyang tugon. Nang tignan niya ang kapatid ay nakatingin ito sa malayo, waring malalim ang iniisip. Napatingin din siya sa gawi ng tinitignan nito. Tila naroon ang makapagpapalubag sa kanilang loob. Naramdaman niya ang paghilig ng ulo nito sa balikat niya. Awtomatik namang humaplos ang kamay niya sa buhok nito upang ito'y payapain. Haplos na kailangan niya rin sa mga oras na iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD