CHAPTER 10 - Dalangin

1044 Words
Dalangin PARANG walang nangyari kinabukasan. Tahimik nilang ginampanan ang kani-kanilang tungkulin. Balik sa dating gawi. Natutulog ang tatay nila habang ang nanay nila'y nagpunta na sa palengke upang humango ng paninda. Tulog pa rin ang tatay nila habang sila'y nagkukumahog sa pag-aayos ng mga paninda. Nasa ibaba silang lahat upang 'di maistorbo ang tatay nila. Nagluto siya ng ulam at kanin at pagkatapos ay muling tumulong sa nanay nila. Nakapaglalaro ang mga kapatid niya at silang mag-ina ay abala naman sa mga mamimili. Wala namang nangahas magtanong isa man sa mga ito. Higit pa ngang dumami ang kostumer nila. Marahil ay sa kagustuhang makasagap ng sariwang balita. Matapos kumain ng tanghalian ay pinaliguan niya si Neneng. Habang naliligo si Boboy ay binibihisan na ito. Pagkaligo ni Boboy, ito naman ang ginayakan niya. Tapos na rin maligo si Ana at nagbibihis na nang malingunan niya. Nag-umpisa na rin siyang magbihis. Kagabi, kinausap siya ng nanay nila. "Adela, anak." Umpisa nito. "Maaaring hindi mo maintindihan kung bakit nagtitiis ako sa tatay niyo. Mahal ko sya." Naluluha nitong sabi. Hindi siya sumagot. Pakiramdam niya ay marami itong gustong sabihin. Umayos siya ng upo at nakinig. "Walang sapat na katwiran para mabigyan ng excuse ang tatay niyo at 'di ko kaya ipaliwanag kung bakit ganyan siya. Marami siyang pagkukulang sa inyo pero hindi natin mababago ang katotohanan na siya ang inyong ama. Mahal niya tayo. Hindi nga lang natin siya katulad na malakas at malawak mag-isip. Mahal niya kayo. Kahit minsan ay hindi niya kayo pinalo. Magwala man siya sa sobrang kalasingan ay hindi niya ako sinasaktan." Patuloy na sabi ng nanay nya. May punto ito. Totoong ni minsan ay 'di sila nakatikim ng palo mula sa tatay nila. "Syempre! Wala namang dahilan para mapalo kayo. Mababait kayo at masunurin!" sagot ng isang bahagi ng isip niya. Sinaway niya ang sarili. "Hindi nga kayo pisikal na sinasaktan ng nanay mo at mga kapatid, bugbog sarado naman kayo emotionally, pareho lang di ba?" hirit pa ri ng isip niya. Ipinilig niya ang ulo na para namang kung gagawin 'yun ay hihinto na ang bahaging iyon ng isip niya sa kabubulong. Narinig niyang nagsalita uli ang ina. "Naniniwala akong magbabago rin ang tatay niyo. Tulungan natin siya. Huwag tayong magsawang mahalin siya hanggang sa matutunan niya kung paano ang tamang pagpapakita ng pagmamahal. Puwede niyo ba akong samahang hintayin ang araw na yon?" Lumuluha nitong pakiusap. Naiyak na rin siya. Hinawakan niya ang kamay ng ina. Magaspang at puro kalyo na iyon. Bakas ng paghihirap. Lalo siyang naiyak. Hindi niya ito bibiguin. Tumango siya at niyakap ito nang mahigpit. Dumaan muna silang magkakapatid sa simbahan. Sabado at walang misa pero nakabukas ang pinto dahil may nagno novena sa loob. Pumasok silang apat at lumuhod sa upuang nasa gilid ng altar. Taimtim silang nagdasal. Taos pusong dumalangin. Iisa ang kanilang hiling, ang pagbabago ng kanilang Tatay Leon. Matapos makapagdasal, dinala niya ang mga kapatid sa parke 'di kalayuan sa simbahan. May palaruan do'n at maganda ang tanawin. May padulasan at mga duyan. Nililibang niya ang mga kapatid, binubura ang pagdaramdam sa mga pangyayari. Hindi naman nagtagal at sumigla na ang mga ito. Nagtatawanan sila habang itinutulak niya isa-isa ang duyan na kinauupuan ng tatlo. Mayamaya ay bumaba si Ana at siya naman ang pinasasakay. Tumanggi siya pero nagsilapit na rin sina Boboy at Neneng sa kanya. Hinila pa siya at pinaupo. Ang tatlo niyang nakababatang kapatid ang nagtulak ng duyan. Magkakasalungat ang direksiyon kaya nalaglag siya. Una ang pwet nang bumagsak. "Ate!" sabay-sabay na sigaw ng mga ito. Natarantang nagsilapit sa kanya. Takot at nag-aalala. "Ate, okey ka lang?" halos sabay na tanong ng mga ito sa kanya. Magkakasabay rin itong nagtawanan nang pagangat ng mukha niya ay nakatabingi at pinagmukang duling ang mata. Malakas ang naging pagtawa nilang lahat. Nagpadulas, nagbaras at naglaro pa sila. Nang mapagod ay naupo sila sa malilim na lugar ng parke. Bumili siya ng palamig at burger. Binilhan niya rin ang mga ito ng tag-iisang sorbetes. Habang kumakain, kinausap niya ang mga kapatid. Marami siyang ipinaliwanag sa paraang maiintindihan ng mga ito. Ang mga napag-usapan at mga ipinaliwanag ng nanay nila sa kanya tungkol sa tatay nila ay buong katapatan niyang sinabi sa mga ito. Lalo na ang hiniling ng nanay nila sa kanya, at ngayo'y hinihiling niya rin sa mga kapatid. "APRUB!" Ang magkakasabay na sigaw ng mga ito at saka sila nagpasyang umuwi. "Sana ay 'wag masyadong matagalan ang PAGHIHINTAY naming gagawin, Itay," bulong niya sa sarili.. Pakalat na ang dilim nang makauwi silang magkakapatid, at hindi nila inaasahan ang tanawing nadatnan. Ang tatay nila nagkukumpuni at nagliligpit sa tindahan ng nanay nila? Nagkatinginan silang magkakapatid. Pare-parehong 'di makapaniwala. Nakanganga pa sina Boboy at Neneng habang nakangiti at patango-tango naman si Ana. Kinakalabit siya ni Boboy kahit nakatingin naman siya dito. "Ate, Ate Adela!" Nasa tonong gulat pero masaya ang boses nang tawagin ni Ana ang pangalan niya. Itinuturo ang tatay nila sa pamamagitan ng nguso. "Mamaya ate, magdadasal pa ulit ako na bumait si tatay para bukas mabait pa rin sya," nasasabik na sabi ni Neneng. Tumatalon-talon pa ito. Ngumiti siya at tinanguan ang sinabi nito, gano'n din sa pagsenyas ni Boboy. Naidalangin niyang sana, ang kasiyahan sa mukha, tinig at kilos ng mga kapatid niya sa nakikitang ginagawa ng kanilang ama ay hindi na mabura. Maingat silang tumawid. "Hay, naku! Pinaka matagal na ang isang linggo at balik na naman sa dati yan. Baka nga mas masahol pa. Baka sa susunod ang bahay na nila ang itaob niya. Kuu, para namang 'di n"yo pa kabisado 'yang si Leon," Narinig nyang pang-uuyam ni Aling Merly, ang binansagan ni Boboy na chika minute. Maaaring tama ito sa sinabi pero hindi bale na. Ang importante, kahit sa loob ng mga araw na 'yon ay magiging masaya ang nanay niya at silang magkakapatid. Dahil sa totoo lang, mahal din nila ang tatay nila. May mga pagkakamali man at pagkukulang, mahal pa rin nila lalo pa ngat't naimulat sila ng ina. Hindi puro kasamaan lang ang ginagawa nito sa kanila. May mga magaganda rin kaya lamang ay natatabunan ng 'di magandang gawi. Ipauunawa na lang niya sa mga kapatid na huwag maghahanap ng hindi pa kayang ibigay ng kanilang tatay. Gaya nang napagdesisyunan niya ring gawin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD