Kuya Jeffrey
RECOGNITION DAY. Buti na lang at hindi magkasabay ang petsa ng high school at elementary. May mga tatanggapin din kasing medalya ang mga kapatid nya. Minana nila sa ama ang talas ng isip. Matalino ito dangan lang at 'di nakapag -aral dahil sa mahirap lang. Grade six lang ang natapos ng tatay nila. Para kumita ay namasukan ito bilang boy sa pasugalan ng kanyang ninong. Maagang namatay ang lolo nila at labandera lang ang kanilang lola. May tatlong nakatatandang kapatid ang tatay nya. Hindi nga lang magkakasamang lumaki dahil ipinaampon isa-isa ang mga ito sa mga kamag anak nila. Ang itay nila ang naiwan sa lola nila dahil maliit pa. Matapang ang tatay nila kaya marami ang ilag na ito ay makalaban pero mabait ito at maalalahanin sa lola nila. Ni minsan daw ay 'di nito sinagot nang pabalang ang ina. Kuwento iyon ng lola ni Jeffrey. Kaibigan nito at kababata ang namatay nilang lola. Dahil sa nalaman, naintindihan niya ang ama.
Hindi nagtinda ang nanay nila at kahit byernes pa lang ay umuwi na ang tatay nila. Nakaporma ang tatay nila dahil ito ang magsasabit sa mga kapatid niya.
Ang sinabi ni Aling Merly na isang linggo ay naging isang taong mahigit. Sa darating na pasukan ay third year na sya. First year si Ana, grade six si Boboy at grade four naman si Neneng .Walang kapaguran ang tatay niya sa pagpanhik panaog sa stage twing tatanggap ng award ang mga kapatid niya. Kahit pawisan na ay nakangiti ito at nakataas ang dibdib. Panay naman ang pag click ng camera ng cell phone niya. Regalo 'yon ng tatay niya nang sabitan siya bilang first honor kahapon. Hindi ito nakauwi dahil may trabaho. Kanina na lang ito dumating. Iniabot nito ang kahong may ribbon pa bilang premyo sa karangalang binigay niya.
Tatlong linggo pagkaraan ng Recognition Day ay Graduation Day naman ni Ana. First honorable mention ang medalyang nakuha nito. Inulit ang pagtanggap ni Ana dahil 'yun din ang medalya niya no'ng recognition. Ang nanay naman nila ang gagawa no'n ngayong graduation. Isa lang ang dapat kasama ng mga ga-graduate sa loob kaya sa labas ng bakod na lang sila tumanaw. Kasama sina Neneng at Boboy, at ang tatay nila. Pagkatapos ay nag-celebrate silang mag anak sa isang simpleng restoran. Masarap na ay 'di pa masyadong mahal ang mga pagkain. Kahit paano'y umandar pa rin ang pagiging praktikal ng nanay nila.
Habang hinihintay ang inorder ay nagsalita si Ana. "Ang ganda ni Mika kanina ano?" Ang Valedictorian nitong kaklase ang tinutukoy. "Nagpaparlor pa 'yun para makamuka 'yung idol n'ya!" Humahanga pa rin nitong sabi.
"Sino ba ang idol niya, Ate Ana?"tanong ni Neneng.
Nangingiti lang siya sa pakikinig habang inaayos ang tali sa buhok ng bunsong nagtanong. Gano'n din ang mga magulang nila.
"Si Marian Rivera," sagot ni Ana.
"Medyo hawig nga niya ang idol niya,"
nakangiting sabad ng kanilang ina.
"Aysus, wala sa idol ko yan!" pagbibida ni Neneng."Maganda,mabait at matalino pa. The best talaga!" naka thumbs up pa nitong dugtong.
"Sino ba ang idol mo, bunso?" Interesadong tanong ng tatay nila.
Nag pause pa muna si Neneng bago sumagot. "Si Ate Adela!"
Natawa siya at bahagyang nailing.
Nagsalita si Ana."Ako rin!" sabay taas ng kamay.
Hindi pa tapos magsalita si Ana ay nagtaas din ng kamay si Boboy. "Ako rin!"
Kasunod nito ang pagtaas din ng kamay ng tatay at nanay nila.
"Kami rin!"
Nagkatawanan silang lahat. Hindi na pinansin ang mga taong nagtitinginan sa gawi nila. Ilang sandali pa ay dumating na ang mga pagkain para sa kanila. Nagbibiruan pa rin sila nang magsimulang kumain.
IKOT NANG IKOT si Adela sa harapan ng salamin. Susunduin siya ni Jeffrey. Birthday nito at napagkasunduan nilang magsimba at pagkatapos ay kumain sa labas. Binibiro pa siya ng tatay niya na baka raw 'di na sya makilala ni Jeffrey dahil napakaganda na niya. Nakikitukso rin ang mga kapatid niya. Sinaway lang ng nanay niya ang mga ito dahil pulang-pula na siya sa hiya.
Maganda daw talaga siya, ayon na rin sa mga kakilala. Kahit daw hindi siya mag-ayos at simpleng pambahay lang ang suot ay lumilitaw pa rin ang kagandahan niya. Mapupungay ang kanyang mga mata na binagayan ng makapal na kilay. Matangos ang ilong at mamula-mula ang mga labi. May biloy din siya sa magkabilang pisngi na lalong lumalabas kapag tumatawa. Kayumanggi ang kulay ng kanyang balat at matangkad. Maganda kasi ang nanay nila. Tisayin. Nabilad lang sa araw dahil sa pagtitinda. Dito niya minana ang magandang itsura. May angking karisma din ang tatay nila at matangkad. Dito niya naman minana ang taas. Hindi naman siya lang, magaganda rin sina Ana at Neneng dangan nga lang ay mga bata pa. Makisig din si Boboy na kamukha naman ng tatay nila.
Pahinga ng nanay nila sa pagtitinda. Nakiusap ang tatay nilang ipahinga na lamang ang araw ng linggo para nakapagba-bonding sila. Nanonood ng bala na nakasalang sa DVD ang mga kapatid niya habang inaayos ng ama ang saksakan ng speaker, umuugong kasi. Binili ng tatay nila ang DVD at speaker nung nakaraang linggo. Ang TV naman nila ay naging premyo nito sa trabaho bilang Best Employee of the Year. May washing machine na rin sila kaya madali nang maglaba. Nakaupo ang nanay niya sa mahabang upuang plastic, katabi si Neneng. Sina Ana at Boboy naman ay nakasalampak sa sahig na may linolleum. Napakalaki nang naiba sa kanilang pamumuhay mula nang magbago ang kanilang ama. May mga dumating mang pagsubok ay magkatuwang na ang nanay at tatay nila sa pagharap.
Naputol ang pagbabalik tanaw ni Adela nang magpa-tao-po si Jeffrey. Magalang itong bumati sa mga magulang niya at kapatid. Guwapong-guwapo ito sa suot. Hindi nagtagal at nagpaalam na silang aalis.
"OO, PUMAPAYAG ako. Mahal din kita."
Hindi nakapagsalita si Jeffrey sa isinagot ni Adela. Nakamaang lang.
Naalarma ang dalaga sa naging itsura nito. "Jeffrey, ayos ka--"
"Yes! Yes!" Hiyaw nito kasabay nang pagsuntok sa hangin.
Natatawa niyang sinaway at pinaupo ang binata. Ilan sa mga kostumer ay natatawang nakalingon sa kanila. Humingi ito ng pasensiya at saka sinabing sinagot na kasi niya, na mula pa lang daw no'ng elementary ay nililigawan na at sa wakas ay napa-OO na siya. Binati ito ng mga kostumer at ng mga waiter na nakarinig. Pulang-pula ang mukha niya sa magkahalong hiya at kilig.
Nangako sila sa isa't isa na mag-aaral silang mabuti at paghahandaan ang kinabukasan. Nagkasundo sila na kung may problemang darating sa relasyon nila ay pag-uusapan nila ito nang mahinahon. Magkahawak-kamay na silang sumakay ng dyip pauwi.
Nag-unahan sa pagsalubong ang tatlo niyang kapatid nang makitang papalapit na sila. Alam ng mga ito na may pasalubong ang KUYA Jeffrey nila.